Chapter 29-Weird
"Kavez, sunduin ko lang sa baba si Paizel, naroon na raw siya," sigaw ko dahil nasa banyo pa si Kavez.
"Take care, Lar."
Lumabas agad ako ng condo ni Kavez. Excited ako dahil magkakasama kami ng matagal ngayon ni Paizel. May gagawin si Kavez sa kanilang kompanya at maiiwan kami sa condo niya. Mabilis akong nakababa para sunduin si Paizel. Natagpuan ko agad siya, papasok pa lang siya ng building ng condo.
"Paizel!" pagtawag ko sa kaniya.
Lumapit siya agad sa akin at nakipagbeso.
"Buti na lang malapit lang 'to."
"Oo nga eh, tara sa taas," masiglang ani ko.
"Anong gusto mong gawin natin? Aalis muna si Kavez, may aasikasuhin sa kompanya nila," tanong at pagpapaliwanag ko sa kaniya habang nasa elavator kami.
"Ikaw ano bang plano mo?" ibinalik niya ang tanong.
"Manood na lang tayo ng movie. Maraming pagkain doon, pwede tayong bumawas."
Tumango-tango si Paizel, "By the way, hindi ka pa ba papasok ng trabaho?" tanong niya sa akin.
"Sa isang buwan pa, binigyan ako ng oras," sagot ko sa kaniya at tinanong din siya kapareha ng tanong niya sa akin.
"Hindi pa ako nagaapply, siguro sa isang linggo na lang," mahinahong ani Paizel.
Tumunog ang bell hudyat na nasa tamang floor na kami. Naglakad agad ako palabas nito, sumunod naman si Paizel.
"Alis na ako, Yexie, Paize," humalik muna sa'kin si Kavez bago siya umalis.
Nagpatuloy kami sa pagpasok sa condo.
"Hindi ka ba nalulungkot? Nawalay ka sa magulang mo," hindi ko inaasahang tanong ni Paizel.
"Medyo malungkot pero bibisitahin ko naman sila madalas kaya okay lang naman," paliwanag ko sa kaniya.
Iginala naman niya ang paningin sa kabuuan ng condo. Napukol ang mata nito sa painting. Agad akong napangiti.
"Ang ganda 'no?"
Tango lang ang naisagot niya sa akin.
Hinanda ko na ang mga pagkain at ang panonoorin namin. Tumagal ang panonood namin ng dalawang oras, tutok kaming dalawa sa palabas kaya hindi kami nag-usap ng gano'n katagal.
"Gagawa ako ng nachos, gusto mo ba?" tanong ko kay Paizel.
Nalingunan ko ang orasan at nakitang alas-tres na pala ng hapon.
"Sige."
Pumunta ako ng kusina at naggayat ng repolyo, pipino, kamatis, at iyong karne. Mabilis ko itong natapos at inilagay sa mesa namin sa sala. Nagplay ulit ako ng isang movie. Tahimik na naman kami. Tumagal naman ito ng isang oras.
Tumayo si Paizel pagkatapos,
"Pa-cr muna, saan ba rito?" tanong niya sa akin.
"Doon lang sa kusina, pasok ka ro'n, makikita mo agad ang banyo," sagot niya sa akin.
Kumain na lang muna ako ng nachos habang hinihintay si Paizel na makabalik. Napalingon ako sa aking likuran nang makita ang reflection ni Paizel sa T. V. na may hawak na kutsilyo, tinitingnan niya iyon ng mabuti.
"Ang weird mo, Paizel. Bakit may hawak ka niyan?" pabirong tanong ko sa kaniya. Hindi ipinapakita ang panlalaki ng mata dahil may hawak siyang kutsilyo.
Napatayo ako sa aking kinauupuan nang nakangisi itong nag-angat ng tingin sa akin.
"Ang talas ng kutsilyo niyo rito, tamang-tama," at nagtatawa ito.
Hindi ko alam kung anong nangyayari kay Paizel. Parang hindi na siya ang kaibigan ko.
"P-Paizel? Ano-ong gag-gawi-in mo-o di-yan?" utal-utal kong nasabi dahil sa takot at kaba.
"Wala naman," nakangisi pa ring ani nito.
"May tanong lang ako," dagdag pa niya.
Hindi ko malaman ang gagawin ko. Alam ko sa sarili ko na may kakaiba, hindi naman ganito si Paizel. Ano kaya ang nangyayari sa kaniya? Gusto kong maiyak sapagkat hindi ko alam ang maaaring gawin niya ngunit hangga't kaya ko ay ipapakita kong hindi ako natatakot.
"Ano?" kahit na ipilit ko ay hindi nakatakas ang panginginig ng aking labi.
"Tanda mo pa kaya? 'Yong oras na nambubully ka?"
Napaawang ang bibig ko, hindi ko inaasahan 'yon. Naguguluhan ako tumingin sa kaniya, pinapakiramdaman ang nangyayari.
"Paizel, kung prank man 'to. Itigil mo na," pilit ngiting ani ko sa kaniya.
Ngunit tinuloy niya ang kaniyang sinasabi, "Parang ngayon ang saya-saya na ng buhay mo ah? Parang wala kang ginawang masama noon? Binaon mo na lang ba talaga sa limot ang lahat? Hindi ka man lang nagtanong sa mga magulang mo kung ano na ang nangyari? Bakit hindi ka man lang humingi na tawad? Bakit napakasama mo!?" napatalon ako nang banggitin niya ng buong lakas at may galit ang huling linya.