Chapter 50 Sigaw ng Puso ni Jillian: Si Lance Lang!

KUMUNOT ang noo ni Jillian dahil parang may alaalang gustong pumasok sa kanyang isipan pero parang may kung anong humahadlang. Basta ang alam niya ay parang naapektuhan siya sa kanyang sinabi kay Lance.

"Magagawa mo ba sa akin iyon?" marahang tanong sa kanya ni Lance. Pagkaraan ay hinarap pa siya nito at pinakatitigan.

Ewan niya pero parang may guilt siyang nararamdaman sa uri ng pagtitig nito sa kanya. Ilang ulit nga siyang lumunok dahil hindi niya magawang salubungin ang tingin nito. Ewan niya kung bakit parang nakukonsensiya siya kahit marami naman siyang hindi maalala. At ang talagang nag-stay lang sa kanyang isipan ay lagat ng may kinalaman kay Lance.

Noong nakaraang araw ay mayroon namang doktor na tumingin sa kanya at sinabing mayroon siyang Selective Amnesia. Naisip tuloy niyang talagang mahal na mahal niya si Lance kaya kahit lahat ay nakalimutan niya ang lahat ng tao sa kanyang nakaraan, tanging ito lang ang kanyang naalala.

"Ha?"

"Na itago sa akin ang anak ko?" anitong buong tiim na nakatingin sa kanya.

Kinabahan tuloy siya. "May anak ba ako?"

I love you, Mommy.

Gusto niyang itanong kay Lance ang tungkol sa batang iyon pero parang may umaawat sa kanya. Pakiramdam kasi niya ay mayroon itong kung anong iniisip kaya minabuti na lang niyang solusyunan kung ano bang nangyayari sa kanya.

"Jillian..." wika ni Lance.

Napatingin lang siya rito. Bumuka ang labi niya para sana magtanong pero ni isang salita ay walang lumabas sa kanyang bibig.

Bigla tuloy sumakit ang ulo niya. Para kasing may image ng isang batang babae ang pumapasok sa kanyang utak.

"Jillian..." nag-aalalang tawag sa kanya ni Lance. Pagkatapos ay narinig na lang niyang nagmura ito nang nagmura. Kaya naman kahit na sumasakit ang kanyang ulo ng mga sandaling iyon, tumingin siya kay Lance saka ngumiti. Ayaw niya kasi na makitang natataranta ito.

"Okay lang ako."

"Gusto mo bang magpahinga?"

Kahit tuloy biglang sumakit ang ulo niya, hindi niya napigilan ang mapangiti dahil sa pag-aalalang naaaninag niya sa boses ng kanyang 'asawa' Ramdam niya kasi ang pagmamahal nito sa kanya. Kaya naman parang gusto niyang sitahin ang kanyang sarili dahil sa pagiging childish niya. Hindi niya kasi talaga maiwasan ang maghinanakit dahil lamang sa ayaw nitong makipag-sex sa kanya.

Hindi kasi niya maiwasang isipin na kaya dinidistansiya nito ang sarili sa kanya ay dahil sa nawawala na ang pagmamahal nito sa kanya, na pinandidirian na siya nito ngunit parang imposible naman iyon dahil kapag tumitingin ito sa kanya ay nakikita niya kung gaano kalaki ang pag-ibig nito sa kanya.

Hindi nga ba eyes are the window of the soul. Sa kaisipang may amnesia siya pero nagawa niyang maisip ang quote na iyon, parang gusto niyang matawa ng husto. Natigilan lang siya nang makita niyang titig na titig ito sa kanya na parang may gustong itanong. Well, parang gusto nga rin niyang itanong dito iyong tungkol sa boses ng batang babae na narinig niyang tumawag sa kanya ng Mommy.

Sabi nito'y para makapagpahinga siya ng husto ay maiging i-off na nito ang tv at dvd. Hindi naman siya tumutol dahil talaga namang nais din niyang magpahinga ngunit nang makita niyang inililigpit na ni Lance ang pinagkainan nila, parang gusto na rin niyang mataranta. Wari'y may nagsasabi sa kanyang iiwanan na siya ni Lance.

"Pwede mo ba akong samahan magpahinga?" marahan niyang tanong dito dahil may pagkakataon talaga na kahit na magkasama naman silang natutulog sa kuwarto na iyon ay mayroon pa rin itong distansiya.

Ilang sandali muna siya nitong tinitigan saka sumagot. "Katabi mo naman talaga akong matulog."

"Pero, parang ayaw mong madikit man lang sa akin."

"I have my reasons."

"Dahil ayaw mo na sa akin?" lakas loob niyang tanong pero alam niyang sobrang nagdurugo ang kanyang puso ng mga sandaling iyon. Natatakot din naman kasi siyang sabihin nito na tama ang kanyang hinala.

"Wala akong ibang gusto kundi ikaw."

Oh, parang gusto niyang kiligin sa mga salita nito. "At wala rin akong ibang gusto kundi ikaw."

Marahang tawa ang pinawalan nito na para bang hindi mapaniwalaan ang kanyang sinabi. Napakunot noo siya at gusto niyang magtanong pero alam niyang hindi naman siya makakakuha rito ng sagot kaya pinili na lang niyang magpatawa.

"Huwag kang mag-alala, hindi naman kita gagapangin. Gusto lang talaga kitang makatabi."

Napahalakhak ito sa kanyang tinuran.

Napangiti na rin siya. Ang sarap naman kasi talagang pakinggan ang pagtawa nito. Gayunpaman, hindi pa rin nito maitago sa pagtawa nito ang lungkot kaya hindi rin niya maiwasan ang kabahan. Alam kasi niyang may mali sa kanilang sitwasyon at hindi niya maiwasan ang makaramdam ng takot. Pakiwari nga niya'y may imbisibol na relong tumi-tik tak na parang sinasabing may expiration date ang kanilang samahan.

Ayaw sana niyang isipin ang mga salitang iyon pero talagang hindi niya maiwasan ang kabahan.

"Okay lang ba na yakapin mo ako?" tanong niya kay Lance. Ewan niya kung bakit bigla siyang nakaramdam ng sobrang lungkot. Pakiramdam niya kapag natapos na ang kanilang 'bakasyon' ay mawawala na rin sa kanya ang pinakamamahal niya.

Kahit naman kasi hindi magsabi sa kanya si Lance at wala siyang maalala sa kanyang nakaraan, matding takot pa rin ang kanyang nararamdaman. Siguro ay dahil sa hindi naman siya manhid kaya nararamdaman din niya ang takot ni Lance.

"I love you, Lance," wika niya. Kahit naman walang maalala ang kanyang utak, damang-dama naman niya ang pagmamahal niya rito.

Nang salubungin niya ang mga mata ni Lance ay kita niya sa mga mata nito ang lungkot bago ibinulalas ang, "I love you, too."

Kaya naman hindi na niya napigilan ang kanyang sarili na hawakan ang mukha ni Lance para bigyan ito ng maalab na halik na tinugon na rin nito. Gayunpaman, naramdaman pa rin niya na parang nakikipaglaban ito sa sarili. Kaya naman, mula sa pagkakahawak niya sa mukha nito ay naglambitin na siya sa leeg nito.

Tulad nga ng sinasabi niya kanina, maaari ngang walang maalala ang utak niya pero ang labi niya, ang katawan niya at ang puso niya, walang ibang gusto kundi si Lance, ang yakap at ang halik nito.