Chapter 49 Ang Mga Dahilan kaya Pinakasalan ni Jillian si Mark Wayne
"BUNTIS ako," ani Jillian na hindi malaman kung matutuwa o kakabahan. Ang tanging alam niya'y magkakaanak sila ni Lance.
"Sasabihin mo ba kay Lance?" tanong ni Mark Wayne na buong kaseryosohang nakatingin sa ka.
Gustong-gusto niyang magsabi ng 'yes' dahil karapatan naman talaga ni Lance na malaman ang kanyang kalagayan ngunit natatakot siya. Baka kasi kapag nakausap niya ito'y makumpirma lang niya ang masakit na katotohanan. Na sinadya lang siya nitong paibigin para mapatunayan nito sa sarili na kaya nitong matalo si Mark Wayne.
Hindi niya tiyak kung makakaya ba niyang tanggapin ang katotohanan kapag lumabas na ito sa bibig ng kanyang pinakamamahal. Sa puso kasi niya ay naniniwala talaga siyang mahal na mahal siya ni Lance. Kaya, hindi niya alam kung kakayanin niyang malaman na isang kasinungalingan lang pala ang lahat.
"Kailangan niyang malaman," mariing sabi ni Mark Wayne.
"Ayoko..."
"Jillian..."
"Paano kung plano lang pala niya talaga ang lahat? Paano kung hindi naman niya ko talaga mahal? Mahal na mahal ko siya kaya hindi ko yata kakayaning marinig sa kanya na hindi niya ako talaga mahal," wika niya sabay hagulgol. Kahit alam niyang makakasama sa kanyang dinadala ang kanyang pag-iyak talagang hindi niya mapigilan. Para kasing ang hirap tanggapin na hindi ka mahal talaga ng taong mahal na mahal mo.
"Shhh... tama na ang iyak. Papangit ang anak mo niyan."
"Huwag mong isumpa ang magiging anak ko. Sige ka, hindi kita kukuning ninong," panakot pa niya rito.
Nang ilayo siya nito sa katawan nito pagkaraan ng ilang sandali ay pinakatitigan muna siya nito ng husto bago siya tinanong ng, "Handa ka bang maging single mother?"
"Yes," wika niya kahit hindi naman talaga iyon ang gusto niyang sabihin pero alam niyang wala na rin naman siyang choice kaya kailangan na niyang lakasan ang kanyang loob.
"Hindi ako papayag."
Kumunot ang noo niya sa winikang iyon ni Mark Wayne lalo pa't talagang may katigasan ang mga salita nito na para bang handa siyang panindigan. Sa kaisipang iyon tuloy ay natawa siya, alam niya kasing kapag sila ni Mark Wayne ang nagkatuluyan ay magsi-celebrate ng husto ang kanilang pamilya. Marahil kaya madali sa mga magulang niya na pumayag na magpunta siya sa America ng ura-urada ay dahil si Mark Wayne ang kasama niya.
"At anong gusto mo, ang sabihin ko kay Lance na 'hey ex, magkakaanak na tayo' kaya panagutan mo ako," inis niyang sabi rito.
"Pakakasalan kita," mariing sabi sa kanya ni Mark Wayne.
Minsan sa kanyang buhay ay pinangarap din niyang pakasalan si Mark Wayne pero hindi na niya magawang matuwa ngayon. Paano naman kasi mangyayari iyon kung hindi na ang matalik niyang kaibigan ang gusto niyang makasama sa habambuhay.
"Hindi mo kailangang gawin ito," wika niya. Kailangan kasi niyang maghagilap ng tamang salita para sa kanyang matalik na kaibigan dahil alam din naman niyang may sarili itong sakit na pinagdaraanan.
"Ako ang dahilan kaya naisipan ni Lance na lokohin ka," wika nitong pinakadiinan pa ang mga salita. Pakiramdam niya'y gustong ipasok ni Mark Wayne sa kanyang utak na pinaglaruan lang siya ni Lance.
Ngayon pa lang na si Mark Wayne ang nagsasabi ng mga salitang iyon, parang dinudurog na ang kanyang puso kaya sigurado niyang higit na masakit ang mararamdaman niya kapag kay Lance niya narinig ang mga salitang iyon. Kaya nga, para makaiwas na siya sa sobrang sakit ay mas minabuti na niyang tumakas.
Hindi na niya ginusto pang umakyat sa entablado para kunin ang kanyang diploma dahil ang makita pa lang si Lance na may kasamang ibang babae ang sobrang nadudurog na ang kanyang puso. Parang hindi na siya makahinga pa sa sobrang sakit. Kaya naman nagdesisyon na siyang mag-alsa balutan. At dahil mahal na mahal siya ng bestfriend niya ay hindi siya nito naatim na pabayaan.
"Ako naman ang nagpaloko," mariin niyang sabi kahit hindi naman niya talaga kayang tanggapin na pinaglaruan siya ni Lance. Nais talaga niyang umasa na tunay ang naramdaman nito at ipinakita sa kanya.
"Kapag hindi mo ako pinakasalan, sasabihin ko kay Lance ang sitwasyon mo."
"I-save mo naman ang pride ko," wika niya. Sa klase ng tingin sa kanya ni Mark Wayne ay alam niyang kayang-kaya nitong gawin iyon pero tiyak niyang hindi lang iyon dahil sa nais nitong ipahamak siya kundi nais din niting makuha ang gusto.
"Hindi mo naman ako kailangang pakasalan."
"Pero, gusto ko."
"Bakit?"
"Una, dahil mahal kita."
Kung noon niya narinig ang mga salita na iyon ni Mark Wayne, tiyak niyang sibra siyang kikiligin. Siyempre naman gustung-gusto niya ito noon. Kaya lang, nagbago ang kanyang damdamin at alam niyang wala na siyang mamahalin pa kundi si Lance.
Sa tuwing ipinipikit nga niya ang kanyang mga mata ay wala siyang ibang nakikita kundi Lance kahit silang dalawa ni Mark Wayne ang magkasama. Kaya alam niyang sibra rin niyang nasasaktan si Mark Wayne dahil kahit palagi nitong sinasabi na mahal siya'y hanggang pagtingin kaibigan na lang ang maibibigay niya rito.
"Pangalawa, dahil gusto kong malaman ng lahat na normal akong lalaki," wika nito.
Nang tingnan niya ang matalik na kaibigan ay nakita niya sa mga mata nito ang sakit kaya naman parang gusto niya itong yakapin para lang maipadama rito na dinadamayan niya ito pero hindi niya magawa. Ayaw niya kasing isipin ni Mark Wayne na kinaaawaan lang niya ito kaya gagawin niya iyon.
Ang kailangan nito ng mga oras na iyon ay karamay at iyon din naman ang kailangan niya. Kahit sa puso niya, alam niyang si Lance ang gusto niyang karamay.
"Hindi nila iisipin na may diprensiya sa akin kung magpapakasal tayo at magkakaanak. O, hindi ba, wala ka na naman talagang planong ipaalam kay Lance na siya ang tunay na ama ng ipinagbubuntis mo?" nag-aalangang sabi ni Mark Wayne. Siguro ay natatakot din ito na magbago ang isip niya at tawagan si Lance.
Kahit naman ganoon ang gusto niyang gawin, hindi niya magawa. Natatakot siya. Baka ipagsampalan lang sa kanya ni Lance na wala itong pakialam sa kanya. "Wala."
"Kung hindi mo ako pakakasalan, mas malalaman ng lahat na si Lance ang ama niyang ipinagbubuntis mo."
Doon siya talagang natigilan. May punto naman kasi si Mark Wayne.
"Kapag pinakasalan mo ako, magkakaroon na ng ama ang ipinagbubuntis mo, mapaninindigan pa natin kay Lance ang drama nating tayo na."
"Paano ka?"
"Anong paano ako?"
"Paano kung dumating ang oras na makatagpo ka ng babaeng gustong-gusto mo?"
"Matagal ko na siyang natagpuan kaya inaalok na kita ng kasal. Ayoko na kasing dumating ulit ako sa puntong mawawala ka na naman sa akin tapos may iba kang kasama. Baka ikamatay ko na," anitong titig na titig sa kanya.
Alam niyang kapag ganoon ang salita ni Mark Wayne ay seryoso ito sa sinasabi. Dapat nga sana ay kiligin siya sa mga salitang binitiwan nito pero parang manhid na ang kanyang puso dahil hindi ganoon ang kanyang nararamdaman.
Malalim na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Bakit ba masyado na naging loyal ang puso niya sa taong hindi naman talaga siya minamahal?
"Pakakasalan mo ba ako o mag-u-overseas ako kay Lance?" naiinip na tanong nito sa kanya.
Sa loob ng mahabang taon na pagiging mag-bestfriend nila ni Mark Wayne. Noon lang siya ginamitan ni Mark Wayne ng ganoong tono. Kaya naman tiyak na tiyak niyang seroso ito sa sinasabi.
"What?"
"Oo na pakakasalan na kita," hindi niya napigilang sabihin pagkaraan. Kung normal lamang ang sitwasyon nila, nakakasigurado siyang maiiyak siya sa sobrang kaligayahan pero hindi ganoon ang nararamdaman niya ng mga oras na iyon, parang gusto niyang umiyak dahil miserableng-miserable ang pakiramdam niya.