Chapter 13: Sa Pool

Ibinigay ni Estela kay Derin ang hindi nito nagamit na swimsuit. Iyon nga lang ay wala itong one-piece suit kundi sexy and skimpy two-piece lang ang meron ito. Dahil gusto naman niyang mag-swimming dahil sa medyo mainit-init ang tubig dahil sa sinag ng araw ay parang hinihikayat siya ng pool na lumangoy.

Dahil gusto naman ni Estela na mag-enjoy siya sa kanyang weekend bago magsimula sa trabaho niya sa Lunes ay siguro dapat ngang lulubus-lubusin na rin niya ito. Wala naman kasing swimming pool sa lumang maliit na bahay ng lola niya na minana niya. Doon pa rin siya nakatira at bumili na lang siya ng kotse para sa sarili bilang luho at practical purposes na rin. Makaka-afford naman na siya sa kahit na anong kailangan niya dahil sa malaking royalties na natatanggap niya sa limang librong naisulat niya at nasa market pa rin hanggang ngayon. Ang isa⸺iyong kay Gretchen⸺ay gagawan daw iyon ng movie. Natutuwa naman siya dahil may kikitain siya roon ayon sa napag-usapan nila ng Amerikana. Malaki talaga ang utang na loob niya sa kaibigan na sinasabing dapat huwag niyang isipin iyon.

Aahon na sana siya sa tubig nang mapahinto siya sa kalagitnaan ng hagdan habang nakahawak sa stainless na tubo. Nakita niya kasi si Cairon at kasama pa si F!

Biglang sumirko ang puso niya nang makita ang dalawa.

‘Sh*t! Baka susugurin na naman ako ng malibog na asong ‘to! Leche! Mana talaga sa amo!’ sa loob-loob niya habang nakatitig nang napakalagkit sa kanya ang lalaki. Parang gusto na niyang magbalot ng pinakamakapal na tela para hindi manunuot sa kalamnan niya ang paningin nito. Para na kasi siyang hinuhubaran sa lagay niyang ito lalo na’t dalawang maliliit na saplot lang ang nakatakip sa mga pribadong parte ng katawan niya.

‘Jusme! Baka iisipin pa niyang inaakit ko talaga siya kahit na hindi naman.’

Umatras siya at bumalik sa tubig na ikinatawa ni Cairon.

“Hey! Are you afraid of me or F?” panunudyo nito habang nakangising aso ang French bulldog nitong nakatingin sa kanya.

Napalunok si Derin.

“Cairon! Alisin mo na nga ang asong ‘yan dito,” sabat ng tiyahin nitong nakaroba ng light pink at nakasuot ng malapad na puting sunbrim hat laban sa araw. Nakasunod rito ang isang nakauniporme ng light blue at white stripes na katulong. May dala itong refreshments para sa kanila. Inilapag nito iyon sa isang bakal na mesa na may malaking payong na may iba’t ibang kulay⸺pula, bughaw, berde, at dilaw.

“Pakidala kay F kay Mang Matias, Manang.”

Narinig niyang sabi ng lalaki sa katulong pagkatapos ng trabaho nito.

“Opo, Sir,” tugon nitong kinuha ang leash mula sa lalaki.

Kahit paano ay napahinga si Derin nang maluwag nang makaalis na ito kasama ang aso. Dahan-dahan na siyang umahon gamit ang hagdan para magtungo sa lilim.

Nako-conscious na naman siya sa mga tingin ng lalaki na halatang bagong ligo at bihis. Naka-board shorts at T-shirt ito. Bagay pa rin nito ang “pambahay look” nito, ayaw man niyang aminin.

‘Leche. Kailan ba papangit ang kumag na pervert na ‘to?’

Iniabot nito sa kanya ang tuwalya kaya nagpasalamat na lang siya. Idinampi niya ang tuwalya sa kanyang mukha bago iyon ibinalot sa kanyang katawan at pilit na huwag pansinin ang nakalulusaw na titig nito kahit nasa harap pa ito ng tiyahin.

‘Walang hiya talaga ‘to! Walang modo,’ dagdag ng isip niya sa kabila ng pag-upo sa hinila nitong upuan para sa kanya.

“I don’t enjoy this pool as much as I do now,” sabi ni Estela na nakangiti sa kanya. “Wala kasi akong kasama.”

Napangiti siya rito habang dinampot ang isang baso ng mango juice. May pawis ang baso dahil sa lamig ng dilaw na likido.

“Buti na lang nandito si Derin, Tita Este. May kasama ka na sa paglalangoy kung gustuhin mo,” sabat ng lalaki.

“Oo nga naman,” sang-ayon ni Estela sa pamangkin. Inabot nito ang clubhouse sandwich. “Pero hindi ako makakatagal dahil sa napakainit na araw. Kahit ang sarap ng tubig, nakakasakit naman sa ulo ang matinding init ng araw.”

“Hmm. Gusto n’yong palagyan ko ng bubong ang swimming pool?” Prenteng umupo ang lalaki at inagaw pa nito ang juice niyang kalalapag lang niya sa ibabaw ng mesa.

“Cairon! Ang bastos mo talaga. Kay Derin iyang juice,” saway ng tiyahin nito dahil sa nasaksihan. Tinawag nito ang mayordomang si Ate Lucinda at naghabilin na padalhan ng isa pang baso para sa binatang ngumisi lang at kinindatan pa si Derin.

Feeling familiar talaga ito sa kanya kahit kailan. Ewan na lang niya kung paano ito maiiwasan gayong parang wala itong planong lumayo sa kanya.

“Ang bubong, Tita Este. What do you think?” paalala ng lalaki sa tiyahin. “You want it? Pasisimulan ko na mamaya.”

‘Wow! Mabilis talaga ang kumag kapag may gustong gawin.’ Ito ang napagtanto ni Derin.

Kumumpas ang tiyahin nito. “No, you don’t have to. Ayos na ito. Papangit ang pool kung may bubong. Lalamig rin ang tubig kapag ganoon. Gusto ko ‘yong maaligamgam ang tubig. Don’t you think so, too, Derin?”

Tumango naman siya bilang pagsang-ayon pero hindi nagsalita. Kumuha na rin lang siya ng clubhouse sandwich at tahimik na kumain.

Dumating ang isang katulong na may dalang extra na baso at isa pang pitcher ng mango juice. Ipinagsalin siya nito ng juice at pinasalamatan niya bago ito umalis.

“So, you’re not going somewhere today, Cairon?” baling ng tiyahin sa pamangkin na mukhang kontento sa kinasasandalang bakal na upuan.

Pinunit ni Cairon ang paningin mula kay Derin. Then, he distractedly answered, “Where would I go, Tita?”