Chapter 21
“Sa wakas, bumalik na rin!” ang bungad ni Nicole nang pumasok si Louise pagka-Miyerkules ng sumunod na linggo.
Inihatid siya ng asawa sa opisina at bumalik naman ito sa hotel dahil tatawagan pa nito si Scott ukol sa trabaho kahit gabi na iyon sa California.
“Oyy… Nagbu-blush pa ang misis,” ang tudyo ni Marcia.
“Tigilan n’yo nga ako. Kayo ha? Baka gusto n’yong mawalan ng trabaho,” banta pa niya sa mga ito habang inaayos ang mga gamit sa kanyang mesa. Sinulyapan niya ang mga itong sandaling natigilan.
“Buti nga,” ang sabi ni Stella sa dalawa at napahagikhik ito.
Pinandilatan ng dalawa ang babaeng nagsalita. Tahimik na sinabi ng mga itong “traydor” si Stella.
“Siyanga pala, sinong nag-update sa ledger natin? ‘Di ko man lang naihabilin sa sinuman sa inyo.”
Sabay na ininguso ni Nicole at itinuro naman ni Marcia si Stella.
“Buti naman. Salamat, Stella. Napapakinabangan pa kita. Sus, itong dalawang ito hindi talaga maaasahan! Hay, naku!” pasaring niya sa mga ito.
“Ay, ang biglang strekta naman netong lady boseng namen. Baka may inaasahan na kaming bibinyagan nito?” anang Nicole na nakapamaywang.
Napamaang naman siya rito at saka napatawa sa kabila ng pamumula ng mukha.
“Ikaw talaga, Nicholas! Kahit kailan, ‘no?”
“Aminin!” ang dagdag pa nito. “Kung kasingkisig ba naman ni Fafa Calvin, bakit hindi? Kahit ako ay mababaliw, ‘day!”
Napatawa naman siya rito at naiiling na muli. Nakita niyang nagtaasan ng kilay sina Nicole at Marcia nang may pigil na pagtawa habang nakatingin sa isa’t isa. She knew what they were thinking. She never laughed that hard in the entire three years they were together.
“Hoy, hoy, hoy! Bumalik na nga kayo sa trabaho n’yo,” utos niya sa mga ito. “Mamaya, darating na ang mga customer natin.”
***
Sinundo si Louise ng kanyang asawa para magkaroon sila ng lunch date sa araw na iyon. Pagkatapos ay pinadalhan na naman siya ng baskets of flowers na may hamper. Nakikinabang na naman ang tatlong tauhan niya sa mga chocolates, katulad ng dati. Hindi niya kasi kayang ubusin iyon. Kahit alam ni Calvin ito ay patuloy pa rin siya nitong pina-pamper.
“Sana araw-araw ito, ano?” ang sabi pa ni Marcia na kumakain ng tsokolate at sinupsop pa ang mga daliri nito.
“Ano? ‘Di ka ba natatakot na magka-diabetes?” ang tila napahumindig sa takot na si Stella na pinili ang isang cupcake sa basket. Iyong tipong hindi masyadong matamis.
Napangiti lang si Louise sa tatlo niyang tauhang nagtatalo tungkol doon at nag-e-enjoy sa pagkain. Pagkatapos ay ibinalik naman niya sa kanyang inbox ang paningin. But then, all she could think about was her husband and their wild and passionate lovemaking for almost a week now.
Hanggang ngayon ay tila hindi pa siya nasanay at nakukulangan pa rin. Oh, how she loved her husband. Hindi siya magsasawang makipagniig dito.
Napabuntong-hininga siya habang nagdi-daydream. Paano kung mabuntis na siya? Wala pa naman silang ginawang pagkontrol kaya hindi malayong mangyari iyon. Kapag nagkataong mabuntis nga siya, siguro ay magiging mas masaya sila ni Calvin. Hindi lang dahil pinagbigyan nila ang ina kundi ay magmamarka iyon ng panibagong kabanata sa kanilang buhay bilang mag-asawa. Tuloy ay napahawak siya sa kanyang tiyan nang wala sa sarili.
Napangiti naman siya at hindi niya namalayang lumapit sa kanya ang tatlo at napatitig sa kanyang mukha.
“Talagang in love ang loka sa asawa niya,” ang mahinang komento ni Marcia kina Nicole at Stella.
“Hindi, Marcia! Talagang naloloka siya sa pag-ibig niya sa asawa niya,” ang pagtatama pa ni Nicole kay Marcia.
Naghagikhikan ang tatlo.
Napakurap-kurap siya. “Hoy, hoy! Bumalik na kayo sa mesa n’yo. May customer na papasok, o,” pagtatabuyan niya sa mga ito.
***
“Bakit hindi na lang dumito si Calvin sa bahay at nang hindi na siya magbabayad ng malaki sa hotel?” ang suhestiyon ng mama ni Louise habang sabay silang kumakain ng hapunan.
Napatingin siya sa asawa. Nakamasid naman ito sa kanya nang nakangiti.
“Okay lang po ba, Ma?” ang tanong nito sa ina niya.
“Aba, tinatanong ko nga ang asawa mo, eh. Okay na okay lang sa ‘kin, Calvin. Dahil mag-asawa kayo, dapat hindi kayo magkahiwalay. Isa pa, malalaman ko kung ayos lang kayong dalawa kung magkasama kayo rito sa bahay. Ayoko nang mangyari pa ulit ‘yong hiwalayan n’yo na walang katuturan! Dapat na anuman ang problema n’yo, dapat na harapin n’yong dalawa,” ang tugon nitong pabaling-baling ng tingin sa kanilang dalawa. “Ito na nga ang sinasabi ko kay Louise, eh. Sinabi ko na sa kanya noon na hindi ito ang sagot sa problema n’yo pero ayaw talagang makinig.”
“Ma, pangaral na naman?” aniya ritong lumabi.
Napatawa nang mahina ang kanyang asawa.
“O, siya. Ano na?” pakli ng ina na umismid sa kanya.
Kumibit naman siya sa asawa saka tumango ito sa kanyang ina.
“Okay po, Ma. Bukas, magche-check out na ako sa hotel,” anito sa ina niya.
Her mom gave him a satisfied smile. Pinaayos naman kaagad ng ina ang kuwarto niya para ma-accommodate ang kanyang asawa roon. Sapat naman ang queen size na kama niya kahit matangkad ang asawa kaya walang problema. Kung magrereklamo man ito, bibili na lang sila ng king size para mas komportable at may mas malaking espasyo silang gugulungan.
Pinapaayos din niya ang walk-in closet niya upang bigyan ng lugar ang mga gamit ng asawa niya. Wala pa rin kasi itong planong bumalik ng California sa lalong madaling panahon. Kahit paano ay naayos na ang problema nito sa kumpanya nitong nakalipas na mga araw.
Dahil isang American citizen at American passport ang gamit ni Calvin kahit na may dugo itong Pinoy, dapat na magbayad sila ng visa extension nito sa immigration dahil halos isang buwan na itong nasa Pilipinas.
She knew she was delayed already for a few days. Pero hindi pa rin niya inisip na buntis siya. Masyado pang maaga para mag-conclude at magpatingin o kaya naman ay bumili man lang ng pregnancy test kit sa botika. Naisip niyang saka na lang iyon gagawin kapag hindi pa rin darating ang monthly cycle niya.