Rhian
Hindi ko na maipaliwanag ang mga nangyayari ngayon sa bahay ni Kamatayan. Mas lalong gumugulo ang paligid na akala mo ay may digmaan na nangyayari. Ngayon ko lang din nakitang ganito kaagresibo si Kamatayan na pumatay. Halos iilan na lang din kaming nakatago at ipinipilit na makaligtas.
"Ano na bang nangyayari sa labas? B-Bakit parang mas marami akong naririnig na humihiyaw sa sakit? P-Pinapatay ba sila ni Kamatayan? Ganoon din ba ang gagawin niya sa atin mamaya? Ayoko pang mamatay! Gusto ko nang makaalis sa lugar na ito," nag-aalalang sabi sa akin ni Yoola.
Nakarinig ako ng mga kalabog sa ikalawang palapag at malakas ang kutob ko na may inaatake na naman si Kamatayan. Gustuhin ko mang tumulong ngunit wala rin akong magagawa lalo na't nanganganib din kami. Hindi ako p'wedeng makipagsapalaran ngayon. Wala na akong nakikitang awa kanina sa mga mata ni Kamatayan kaya siguradong papatayin niya ang kahit sino.
"Rhian, hanggang kailan tayo magtatago rito? Natatakot na talaga ako at tila maiihi na. Umalis na tayo. Gumawa tayo nang paraan para makatakas. Hindi ko na alam kung kakayanin ko pa ba ang lahat ng ito. Masyado na siyang marahas," nangangatog na sabi pa ni Yoola.
Namumutla na siya at kanina pa nanginginig ang mga tuhod. Hindi na ako magtataka kung mangangatal na rin ang panga niya mamaya. Ganito kadalasan ang nangyayari sa mga taong bago pa lang sa lugar na ito. Takot na takot sila ang gusto nang umalis sa impyernong lugar na ito.
"Kumalma ka muna riyan dahil walang magandang maidudulot ang kaba. Dito na muna tayo magtatago sa ngayon dahil walang gaanong panganib. Kailangan nating mag-ingat sa bawat kilos na gagawin natin. Hindi tayo p'wedeng basta na lang lumabas at muling tumakbo sa kawalan," kalmadong pagpapaliwanag ko sa kaniya.
Hindi ko na rin masasabi na magagawa ulit naming makaligtas sa muling paglabas sa silid na ito. Nakakaramdam na rin ako nang panghihina pero hindi ko pa ito gaanong iniinda. Kailangan kong maging alisto sa mga susunod na mangyayari.
"Magagawa niya pa rin ba tayong mahanap sa pinagtataguan natin ngayon? H-Hindi ko maiwasang mag-alala na baka makita niya tayo at patayin. Hindi ko magawang kumalma at isipin na walang panganib na darating. Paano na?" muling bulalas niya.
Inilibot ko ang paningin ko sa buong paligid ng kuwarto. Maliit lamang ang espasyo at tiyak kong wala kaming ibang matatakbuhan palabas maliban sa bintana. Ito ang napili kong pagtaguan namin dahil matatagalan si Kamatayan na mahanap kami. Magkakaroon kami nang sapat na oras para makapag-isip.
"Noong tumatakbo kayo, narinig ko si Kamatayan na nagbibilang ng mga numero. Para saan 'yon at bakit labis na kaba ang ibinibigay sa akin? Pakiramdam ko ay tatakasan ako ng lakas sa tuwing nagsasalita niya. Ano ba talang mayroon sa bahay na ito at parang ang daming misteryo?" naguguluhang sambit niya.
Nagpakawala muna ako ng malalim na buntong-hininga bago muling sumulyap sa kaniya. Siguro panahon na para ipaalam sa kaniya kung ano ba talaga ang mayroon dito. Hindi namin hawak ang kaligtasan ng sarili naming buhay kaya hindi na dapat ito itago. Wala na namang magbabago pa kung malalaman niya ang lahat.
"Talaga bang interesado sa mga bagay na naririto sa bahay ni Kamatayan? Magagawa mo bang tanggapin at paniwalaan ang lahat? Kahit si Thymine ay hindi pa ito alam. Ikaw ang pinakaunang pagsasabihan ko ng sikretong ito," mariing sabi ko sa kaniya.
Mas mabuti na rin na may iba pang makaalam ng bagay na ito maliban sa akin. Sa ganitong paraan ay mas malaki ang tiyansa na malaman ng mga awtoridad kung sino nga ba itong si Kamatayan. Ito na ang tamang panahon para tanggalan ko siya ng maskara.
"Makinig kang mabuti sa sasabihin ko dahil matutuklasan mo ang pinakatatagong sikreto ng bahay na ito. Nakahanda ka na ba? Wala na itong atrasan pa. Ihanda mo na ang sarili mo," muling giit ko sa kaniya.
Bahagya siyang napalunok ngunit hindi ko na ito alintana pa. Natuklasan ko lang ito kamakailan ngunit hindi ko kaagad sinabi kay Thymine. Hindi ko kaya. Pero ngayon ay pinagsisisihan ko na kung bakit hindi ko agad ito ipinaalam sa kaniya. Ngayong may pagkakataon na ako ay hindi ko na ito sasayangin pa.
"A-Anong sikreto? M-May mga takdang oras ba kung kailan tayo mamamatay? S-Sandali lang, hindi naman yan siguro ang magiging dahilan para mapahamak tayo, ano? Baka nang dahil sa impormasyon na iyan ay mas mapaaga pa ang pagkamatay ko," nangangatog na sambit ni Yoola.
Bahagya kong hinawakan ang magkabilang balikat niya at tinitigan ang kaniyang mata. Wala na akong pakialam pa kung mas maaga kaming mamamatay nang dahil sa impormasyon na ito. Pareho lang din naman ang sasapitin namin kaya bakit hindi ko na sabihin pa ngayon. Sisimulan ko ito sa pagsasabi ng buong pangalan ni Kamatayan.
"Jared Ventre, 'yan ang totoong pangalan niya. Respetado siyang tao noon ngunit simula nang mamatay ang kaniyang mga magulang ay nagsimulang gumulo ang lahat. Ang maayos at mapayapang pamumuhay niya ay naging magulo. Dito na rin nagsimula ang pagiging demonyo niya," mahinang pahayag ko.
Kinikilabutan ako sa tuwing may mga pinapakawalang salita sa bibig ko na tungkol kay Kamatayan. Hindi ko maiwasang sariwain lahat sa alaala ko. Kinikilabutan ako nang dahil sa kaniya. Ganito pala ang pakiramdam na magkuwento ng buhay ng isang tao.
"Nawalan siya ng trabaho at iniwan siya ng babaeng kinakasama niya dahil hindi nito natiis ang pananakit. Ang babaeng ito ay si Marlyn Poli na siyang tagapagmana ng rancho ng pamilya nila. Mas pinili nitong lumayo dahil ayon sa balita ay hindi na niya kilala pa ang lalaking dating minahal," dagdag ko pa.
Hindi ko na mawari kung matatawag ba talaga itong misteryo gayong ang bawat sulok ng bahay ay puno ng hinanakit. Bibihira lang ang magiging interesado. Pero para sa kapakanan ng lahat ay gagawin ko na. Para alam na rin ng mga pulis kung sino ang dapat na managot sa mga karumal-dumal nangyari rito.
"Nasiraan siya ng bait at dito nagsimula ang pagkuha niya ng mga tao sa labas at ikukulong dito. Tayo na siyang isa sa mga naging biktima niya. Ito ang dahilan kung bakit gusto niyang patayin ang mga tao at ibuntong sa mga ito ang galit na nararamdaman niya," nanlulumong sambit ko.
Bahagya kong inangat ang ulo ko para pigilan ang luha na namumuo sa aking mata. Hindi ko gusto na makita niyang nasasaktan. Kailangan kong maging malakas at matatag nang sa gayon ay hindi siya panghinaan ng loob.
"Si Kamatayan ay isang—"
Hindi ko na natuloy ang sasabihin ko nang biglang bumukas ang pintuan dahil sa malakas na puwersang pinakawalaan. Nabutas sa gitnang bahagi ang pintuan na siyang ikinaawang ng bibig ko. Hindi ko inaasahang mangyayari ito. Ang buong akala ko ay mahihirapan siyang mahanap kami pero nagkamali ako.
"Tang ina! Imposible!" hindi makapaniwalang bulalas ko at mabilis na hinatak si Yoola.
Hindi ko na sinayang ang pagkakataon at mabilis na sinuntok ang dalawang bintana nang sa gayon ay magbukas ito. Wala na akong nararamdamang takot dahil batid ko na kung anong mayroon sa labas. Mas mapapahamak kami kung mananatili sa loob ng silid na ito.
"Anong gagawin natin? Huwag mong sabihin na tatalon tayo riyan? Rhian, ayokong buksan ang mga mata ko dahil delikado raw diyan. Tiyak na mamamatay ako kapag nagkataon. Ayokong mangyari iyon," natatakot na sambit niya.
Tuluyan nang nakapasok si Kamatayan sa loob ng silid at sumilay na naman ang nakakalokong ngisi niya. May galos siya sa kanang tainga at mata ngunit hindi niya ito alintana. Wala akong ideya kung sino ang gumawa sa kaniya noon pero ang sigurado ko ay may nagtatangka nang patayin siya. Halata sa mukha ni Kamatayan ang pagkabalisa na nararamdaman niya.
"Saan naman kayo pupunta? Sa tingin niyo ba matatakasan niyo ako?" nakangising sambit niya.
Pinilit kong buhatin si Yoola sa abot ng aking makakaya upang malaglag siya sa bintana. Narinig ko pa ang kanyang sigaw ngunit ito ang mas makabubuti. Hindi hamak na mas ligtas siya sa labas kaysa rito. Sisiguraduhin ko na hindi ako mamamatay ngayon. Katapusan ni Kamatayan ngayong araw at hindi ng buhay ko.
"Gago ka! Kung inaakala mong matalino ka, mas may utak ako kaysa sa iyo. Tang ina! Wala ka nang mapapatay ngayon. Umasa ka sa wala. Nababaliw ka na talaga!" malakas na bulalas ko.
Mabilis akong sumampa sa bintana at akmang tatalon na ngunit napatigil sa huling katagang binitawan niya. Dahil ito ay hindi ako nakatalon nang maayos. Imposible! Hindi ito p'wedeng mangyari. Nangako ako na gagawin ang lahat para mailigtas siya kaya hindi siya p'wedeng masaktan hangga't nabubuhay ako.
"Alam mo ang lahat? Bakit hindi mo yata pinupuntahan ang kaibigan mo? Siguradong kailangan at hinahanap ka na niya ngayon. Narito siya sa loob at sugatan dahil sa akin. Ang saya, hindi ba? Magpasalamat ka dahil mamaya ko pa siya papatayin," nakalolokong sabi niya sa akin.
Bumulusok pababa ang katawan ko at tumama sa lupa. Bahagya akong napangiwi habang ininda ang sakit subalit mabilis akong lumapit sa kinaroroonan ni Yoola. Kailangan kong masigurado kung maayos ba ang kalagayan niya. Ako ang dahilan kung bakit siya bumagsak dito sa lupa.
"Y-Yoola. M-Maayos lang ba ang pakiramdam mo ngayon?" mahinang sambit ko.
Napapikit na naman ako at pilit na hinahawakan ang kanang tuhod na mas napuruhan sa naging pagbagsak ko. Mabuti na lang at nasa unang palapag kami kaya hindi gaanong mataas. Kung nagkataon na nasa mas mataas kaming palapag ay siguradong mas matindi pa rito ang aabutin ko.
"R-Rhian, nasaan na siya? H-Hindi na ba niya tayo masusundan ngayon?" natatakot niyang sambit at hanggang ngayon ay nakapikit pa rin.
Buong lakas akong gumapang dahil magkalapit lang ang aming distansya habang pilit na iniinda ang sakit. Hindi kami p'wedeng manatili nang ganito. Kailangan naming makalayo nang sa gayon ay hindi kami makita kaagad ni Kamatayan.
"Huwag kang mag-alala, ipikit mo lang ang mga mata mo. Yoola, hihingi ako ng tulong. Hindi kita hahayaan na mapahamak dahil sa kaniya. Makakaligtas ka kaya kumapit ka lang nang mahigpit," paniniguradong sambit ko.
Inilibot ko ang mata ko sa paligid at wala namang kakaiba rito liban sa kumunoy. Nilason lang ang mga isipan namin na nakakamatay dito sa labas. Pakulo lang ni Kamatayan ang lahat nang sa gayon ay magawa niya kaming pasunurin at linlangin. Kung hindi pa ako aksindente lumabas noong nakaraan ay hindi ko ito malalaman.
"Kailangan kong mag-isip nang sa gayon ay makahanap at makahingi ako ng tulong. Delikado kung magtatagal kami rito," pagkukumbinsi ko sa aking sarili.
Bahagya muna akong pumikit at nilalasap ang sakit. Gusto kong mag-isip ng plano subalit hindi na kaya ng utak ko. Masyado na akong pagod at gusto na rin ng katawan ko na magpahinga pero hindi pa p'wede. Hindi pa ito ang tamang oras para rito.
"Rhian! Ayos lang ba kayo riyan? Huwag kayong mag-alala dahil narito na kami. Wince, bilisan mo! Nanghihina na sila!" natatarantang sambit ng isa naming kasamahan.
Nagmamadali namang tumakbo si Wince at magkasama silang lumapit sa amin. Alam kong may hindi kami pagkakaunawaan subalit ngayon, sila ang makakapitan ko.
"Unahin niyo na si Yoola dahil siya ang mas kailangang pagtuunan ng pansin. Hindi siya sanay sa kalakaran dito. Saka niyo na ako intindihin. Ang buhay niya ang mas dapat niyong iligtas," mariing giit ko sa kanila.
Mabilis naman nilang binuhat si Yoola at akmang aalis na subalit lumingon si Wince sa akin sa kinaroroonan ko. Nangungusap ang kaniyang mga mata ngunit ngumiti lang ako. Hindi na niya kailangan mag-alala pa dahil naiintindihan ko ang lahat. Kahit na ilang beses niya pa akong iwanang mag-isa ay kaibigan ko pa rin siya.
"Ayos lang, mauna na kayo. Kaya ko na ang sarili ko kaya hindi niyo kailangang mag-alala. Sige na, huwag niyo na akong alalahanin pa," nakangiting sambit ko.
Ipinakita kong ayos lang ako sa pamamagitan nang pagpapakita ng matamis na ngiti subalit lingid sa kanilang kaalaman ang sakit na nararamdaman ko ngayon. Mas mabuti nang ganito na wala silang alam sa nararamdaman ko. Ayoko nang masyadong emosyunal.
"Sige mauuna na kami. Dadalhin lang muna namin si Yoola sa ligtas na lugar bago kami bumalik dito. Kumapit ka lang at hintayin mo kami," nakangiting sabi sa akin ni WInce.
Tumango na lamang ako bilang pagtugon kahit na wala na ako rito kapag bumalik sila. Mag-isa na ulit ako at walang kasama. Ganito naman talaga ang buhay at kailangan mo lang na masanay. Walang lugar sa mundo ang mga mahihinang tao kaya hindi ko ipapakita sa kanila ang kahinaan ko.
"Ano ka ba naman, Rhian! Pigilan mo nga ang lintik na luha. Nagmumukha kang mahina. Hindi ka dapat na umiyak ngayon. Hindi p'wede!" naiinis kong sambit sa aking sarili.
Agad akong napalingon sa gawing kanan nang may maramdaman na presensya. Malakas ang kutob ko na pinagmamasdan ako nito kaya agad ko siyang sinigawan. Hindi ko na alam kung makakaya ko pa bang lumaban ngayon kaya mabuti nang malaman ko kung kakampi ba siya o kalaban.
"Tang ina! Sino ka at bakit mo ako pinagmamasdan? Magpakilala ka!" singhal ko sa kaniya.
Akmang tatayo na ako subalit may mga bisig na yumapos sa akin at unti-unti akong pinaunlakan ng mainit na yakap. Bahagya akong kumalma ngunit ilang saglit lang ay bigla niya akong sinakal. Tang ina! Sino na naman ba ito? Kailan ba ako makakaramdam nang kapayapaan?