Thymine
Ilang minuto na rin simula nang magsalita si Marlyn subalit hanggang ngayon ay wala pa ring ginagawang hakbang si Kamatayan. Kung kanina ay buo ang loob niyang takutin kami, ngayon ay tila natigilan siya. Apektado siya sa presensya nang babaeng kaharap ngayon at tila panandalian siyang nawala sa sarili.
"Totoo ba talaga itong nakikita ko ngayon? Kahit na minsan ay hindi ko nakitang tumiklop si Kamatayan sa kahit sinong tao. Ano bang mayroon kay Marlyn at tila hindi makapag-isip nang maayos si Kamatayan ngayon? May koneksyon ba silang dalawa sa nakaraan?" nagtatakang bulong ko sa sarili.
Ang hirap paniwalaan nang mga nangyayari ngayon. Una na rito ang biglaang pagkamatay ni Jerome na walang kalaban-laban. Tapos sina Marlyn at Kamatayan ay mukhang may naging pagsasama noon. Pakiramdam ko ay may mga rebelasyon akong matutuklasan ngayon habang nakatayo sa pagitan nila.
"Bakit natigilan ka riyan? Hindi mo ba inaasahan na mangyayari ang araw na ito? Hindi ba sumagi sa isipan mo na muli mo akong makakaharap? Naduduwag ka na ba? Natatandaan ko pa ang lahat nang mga ginawa mo sa akin noon kaya huwag kang magulat kung basta na lang kitang patayin," mariing at medyo nagbabantang sabi ni Marlyn.
Mas lalo akong nagiging interesado ngayon at hindi mapigilang mapaawang ng labi ko sa tuwing may mga rebelasyon na sinasabi si Marlyn. Tama lang ang desisyon ko na sumamang bumalik sa bahay na ito. Malaki ang maitutulong niya sa plano naming pabagsakin si Kamatayan. Malakas ang kutob ko na marami siyang alam.
"Nakakapanghinayang naman kasi na ganiyan ang naging pagtrato mo sa akin. Kung sabagay, ano pa nga bang aasahan ko sa katulad mo? Hindi ka na kailan man magiging matino. Tang ina! Dito pa nga lang sa mundo ay may ginagawa ka nang sarili mong kaharian na maihahalintulad namin sa impyerno," naiinis na singhal ni Marlyn.
Hindi ko na maintindihan kung ano na bang nangyayari. Masyadong malalim kung magsalita si Marlyn kaya hindi ko malaman kung ano ba ang mga nais niyang iparating. Basta ang sigurado ko lang ay apektado nito si Kamatayan. Si Marlyn lang ang kayang magpatigil kay Kamatayan nang ganito kaya hindi ko maiwasang isipin kung ano ba ang totoong nangyari.
"Tapos ka na ba sa palabas mo? Sabihin mo na ang mga dapat mong sabihin habang may oras pa. Ilabas mo lahat nang hinanakit na nararamdaman mo ngayon. Wala na rin akong pakialam sa mga iyan dahil sisiguraduhin kong mamamatay ka na ngayong gabi. Ligtas ka na sana pero pumunta ka pa sa teritoryo ko," mariing giit ni Kamatayan at muling ngumisi.
Kahit na muli siyang bumalik sa pagiging seryoso ay hindi pa rin niya maitatago ang pagkabalisa dahil nasa harapan niya ngayon si Marlyn. Ibinalik niya ang nakakatakot na ngiti pero wala itong epekto sa babaeng nasa harapan niya ngayon.
"Hindi na ako magdadalawang-isip pa. Masyado ka na raw maraming nabibiktima kaya tapusin na natin ang lahat ngayon. Si Kamatayan, ipapataw ko sa kaniya ang sariling kamatayan. Nakahanda ka na bang tanggapin ang katapusan mo? Tama na ang pagpapahirap sa mga inosenteng tao. Marami ka nang nagawang kasalanan," nakangising sambit ni Marlyn.
Inaabangan ko kung anong magiging reaksyon ni Kamatayan at hindi nga ako nagkamali dahil apektado pa rin siya sa presensya ni Marlyn. Para bang nahihirapan siyang patayin kami ngayon. Kung nandito lang sana si Rhian at Yoola, p'wede na sana kaming tumakas ngayon at iligtas ang mga sarili namin.
"Nagpapatawa ka ba? Seryoso ka na ba riyan sa mga sinasabi mo? Ako, papatayin mo? Saang lupalop ng mundo ka humuhugot ng lakas? Sigurado ka bang magagawa mong gawin iyan?" magkakasunod na tanong ni Kamatayan.
Sa totoo lang ay nagtataka rin ako kung bakit ang lakas nang loob ni Marlyn na pagkasalitaan nang ganoon si Kamatayan. Kung ako iyon ay maraming lakas ang kailangan kong ipunin bago makatayo nang tuwid sa harapan ni Kamatayan.
"Kailangan mo pa balak tumigil? Ang dami nang inosente ang nadamay dahil diyan sa pagiging makasarili mo! Mga wala silang nagawang kasalanan sa iyo pero walang awa mo silang pinatay! Ano ba talagang gusto mong mangyari? Hindi ako magdadalawang-isip na patayin ka kung iyan lang ang tanging paraan para matapos na ang lahat nang ito," malakas na loob na sabi ni Marlyn.
Ang buong akala ko ay masisindak si Kamatayan subalit gumanti siya nang ngisi at bahagyang bumuwelo. Mariin niysng tinitigan nang mabuti si Marlyn at sa paraan pa lang nang tingin niya ay masasabi kong may hindi siya magandang gagawin. Hinigpitan niya rin ang pagkakahawak sa itak at matalim kaming tiningnan.
"Mukhang hindi mo talaga ako lubusang kilala. Sa tingin mo ba ay magagawa mo akong sindakin? Kalokohan! Masyado kang bilib sa sarili mo. Matagal na tayong tapos. Kung inaakala mong hindi kita magagawang saktan ngayon ay nagkakamali ka? Sino ka ba? Pinapainit mo lang naman ang kama ko," nang-iinsultong sambit ni Kamatayan.
Mabilis akong natigilan dahil sa sinabi ni Kamatayan. Kaagad din akong bumaling kay Marlyn at kitang-kita ko ang pagkuyom ng kamao niya dahil sa inis. Malakas ang kutob kong nagpipigil lang siya nang galit ngayon. Mukhang naghihintay siya ng perpektong pagkakataon para makabawi.
"Bawiin mo ang sinabi mo. Alam natin pareho kung sino ba sa atin ang siyang nadehado. Hindi ka man lang ba talaga kinikilabutan sa mga sinasabi mo? Tang ina! Bakit ba hindi ka na lang mamatay at tuluyan nang maglaho rito sa mundo? Gago ka!" nagpipigil ng galit na sabi ni Marlyn.
Nakatingin ako sa galaw ng itak niya at pilit na kinakabisa ang kaniyang paraan nang pagwasiwas. Umaasa ako na madadaya ko si Kamatayan sa pamamagitan nang pag-iingat ko. Umaasa ako na magagawa siyang lituhin at hindi na ako maging biktima pa pero nagkamali na naman ako.
"Mga hunghang! Hinahanap niyo ang sariling Kamatayan! Ibibigay ko sa inyo kung anong gusto niyo. Marami pang daranak na dugo!" bulalas ni Kamatayan at akmang tatagain ako nang sumigaw si Marlyn.
Maging ako ay bahagyang natigilan dahil sa sinambit niya. Pakiramdam ko ay halo-halong emosyon na ang aking narararamdaman at hindi ko alam kung anong gagawin. Totoo ba talagang nangyayari ito? Sinabi ba ni Marlyn kung sino si Kamatayan at tao siya tulad namin? Imposible!
"Jared, tama na! Masyado nang maraming nasaktan dahil sa kagagawan mo! Hayaan mo na silang makalabas lahat at ayusin mo ang sarili mo! Tigilan mo na ang kahibangan na ito dahil kahit kailangan ay wala itong maidudulot na maganda sa iyo," bulalas ni Marlyn.
Nanginginig pa ang kanyang kamay at nagbabagsakan ang mga luha sa kanyang pisngi. Tila matagal na silang magkakilala ni Kamatayan at mukhang alam niya pa ang pangalan nito. Sinusubukan niyang pakalmahin si Kamatayan nang sa gayon ay hindi muna ito manakit.
"Sandali, ano bang sinasabi mo? Sino si Jared? Huwag mong sabihin na si Kamatayan at ang taong tinutukoy mo ay iisa? Tama ba ang iniisip ko o dala na lang ito nang matinding pangamba na nararamdaman ko ngayon? Totoo ba ito, Marlyn?" naguguluhang sambit ko.
Hindi ko alam kung anong pakulo ni Marlyn sa buhay at kung ano-ano na ang mga sinasambit niya. Inaamin ko na nanganganib ang mga buhay namin ngunit hindi solusyon ang kaniyang ginagawa. Hindi ito ang tamang panahon para magbiro ng mga seryosong bagay. Ang bawat detalye ngayon ay sobrang mahalaga at pinaniniwalaan.
"Manahimik ka muna riyan, Thymine. Hayaan mong ako ang umayos nang lahat. Ako ang tatapos at magbabalik sa dati. Huwag kang mag-alala dahil hindi ko hahayaan na patuloy itong mangyari. Ipinapangako ko sa iyo na wala na muling inosenteng tao ang madadamay dito. Ako ang magiging paraan para matapos na ang kaguluhan," naluluhang sambit niya sa akin.
Muli kong sinulyapan si Kamatayan dahil sa pag-aakalang tumatangis ito subalit laking gulat ko nang bigla siyang kumuha ng matalim na kutsilyo sa bulsa. Ngumiti siya nang nakakaloko at bumaling kay Marlyn. Tang ina! Talaga bang nakahanda siyang gawin ang lahat para lang walang ibang makapigil sa mga plano niya?
"Walang sinuman ang kayang palambutin ang puso ko. Humanda kayong dalawa dahil ngayong araw, matatapos na ang buhay niyo! Hindi ko na ulit kayo bibigyan nang pagkakataong mabuhay. Dito sa impyernong lugar na siyang gaya nang sinasabi niyo kayo mamamatay! Ito na ang magiging huling hantungan niyo," singhal niya at mabilis akong sinunggaban.
Hindi ko inaasahan na ako ang una niyang aatakihin kaya hindi ko naigalaw ang katawan ko dahil sa pagkabigla. Nadaplisan ako sa balikat ngunit bago pa man magpatuloy si Kamatayan ay mabilis akong hinatak ni Marlyn papalayo. Nag-aalala niya akong tiningnan bago muling bumaling kay Kamatayan.
"Wala ka na talagang puso at konsensya! Jared, hindi na kita kilala! Sumpain ka sana sa lahat ng mga kademonyohan mo! Kahit kailan ay hindi na sana lumigaya ang buhay mo. Mamamatay ka sanang dala ang lahat ng mga sakit na nararanasan ng mga taong pinahihirapan mo," puno nang hinanakit na sambit ni Marlyn.
Hinawakan ko ang galos ko at ipinipilit na pabagalin ang paglabas ng dugo. Sa tuwing tumatagas ang dugo ay hindi ko maiwasang mapangiwi. Mahapdi ito at para bang mababaliw ako sa sobrang sakit. Malayo man ito sa bituka pero naaapektuhan ang buong katawan ko. Tang ina!
"Thymine, ayos ka lang ba? Huwag kang mag-alala dahil hindi kita pababayaan. Magtiwala ka lang sa akin dahil parating na ang tulong. Kumapit ka lang at walang mamamatay sa atin dalawa. Ililigtas pa natin ang mga kaibigan mo," mahinang bulong sa akin ni Marlyn.
Bahagya akong sumulyap kay Kamatayan at bakas pa rin sa kaniyang mukha ang ngisi. Akmang bubuwelo na naman siya subalit isang makapal na kahoy ang tumama sa kanyang likuran. Hindi niya ito inaasahang mangyari kaya hindi niya nagawang makailag mula rito.
"Tang ina! Sino ang gumawa no'n?" hindi makapaniwalang sambit niya.
Hindi ko man lamang namalayan ang paglangitngit ng pintuan at pagpasok ng aming tagapagligtas. May dala siyang sumpak ngunit sa halip na gawa sa lobo ang hatakan, niyari ito gamit ang makapal na goma. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Imposible!
"I-Imposible! Totoo ba itong nakikita ko? Kayo, kayo ba ang nagligtas sa amin? Kayo ba ang gumawa noon kay Kamatayan?" hindi makapaniwalang bulalas ko.
Pakiramdam ko ay panandaliang naghilom ang sugat ko at mabilis na tumakbo papunta sa kinaroroonan nila. Hindi ko kailanman naisip na tutulungan nila ako. Ang buong akala ko ay tuluyan na akong mapapahamak. Pero gaya nang laging sinasabi nila, hindi ako basta na lang mamamatay.
"Ano bang klaseng mukha 'yan, Thymine? Mamaya ka na umarte riyan dahil nanganganib pa ang buhay natin. Hindi ito ang tamang oras para maging emosyunal ka. Nanganganib pa ang mga buhay natin ngayon," bulong sa akin ng isang babae.
Kapapasok niya lang sa silid para sumaklolo at harapin si Kamatayan. Samantala, bago pa man makalapit sa amin si Kamatayan ay mabilis na niyakap siya ni Marlyn. Kahit nahihirapan ay sinusubukan niya pa rin itong pakalmahin. Mukhang umaasa pa rin siya na lalambot ang puso ni Kamatayan dahil sa ginagawa niya.
"Jared, tigilan mo na ito! Hayaan mo na silang makalabas sa bahay na ito upang makapagsimula ng panibagong buhay. Husto na Jared, husto na!" puno ng hinanakit na singhal ni Marlyn.
Bumaling ako sa mga kasama ko ngayon at halata sa kanilang lahat ang labis na pagtataka. Marahil hindi rin nila alam kung bakit ganito umasta si Marlyn. Gaya ko ay bago sa mga paningin namin ang senaryong ganiyo.
"Sandali, sino ba siya? Sa buong pamamalagi ko rito, hindi ko siya nakasalamuha. Paano siya nakarating dito at parang magkakilala pa sila ni Kamatayan?" naguguluhang sambit ni Wince.
Sila nina Trench at Klian ang tumulong sa amin para mailigtas sa kamay ni Kamatayan. Nagtataka man subalit nagpapasalamat ako na naririto sila. Hindi ko inaasahan na matapos ang mga nangyari ay nandito sila ngayon para iligtas kami.
"Siya nga pala, napansin niyo ba sina Yoola at Rhian? Hindi ko pa sila nakikita simula kanina. Bumalik pa naman ako para sa kanila," mahinang sambit ko.
Abala si Marlyn sa pagkulong kay Kamatayan sa kanyang bisig kahit na alam niyang hindi niya kaya. Kataka-taka naman na hindi pumapalag si Kamatayan at hinahayaan lang ito.
"Anong ibig sabihin mo na bumalik ka para sa kanila? Thymine, huwag mong sabihin na nakalabas ka rito?" nagtatakang sambit ni Klian.
Bahagya na lamang akong tumango dahil hindi ko na gustong pahabain pa ang usapan. Nanghihina na ako dahil sa dugong tumatagas sa braso ko. Nanlalabo na rin ang paningin ni. Kailangan na naming makalayo sa lugar na ito para maging ligtas.
"Alam kong mahirap itong paniwalaan subalit malakas ang kutob ko na si Marlyn ang gumawa ng liham. Siya ang taong tinutukoy do'n. Ito lang ang nakikita kong dahilan kung bakit sobrang naaapektuhan si Kamatayan nang dahil sa presensya niya," sambit ko sa kanila.
Hindi ko na kayang indahin pa ang sakit na nararamdam kaya pumikit na lamang ako. Namalayan ko na may kamay na sumalo sa akin. Hindi pa ako sumusuko pero sa ngayon ay kailangan kong magpahinga,
"Thymine, ano bang nangyayari sa iyo? Tang ia! May sugat siya! Wince, kailangan na muna nating umalis. Tiyak ko na hindi naman masasaktan si Marlyn dahil may koneksyon silang dalawa. Si Thymine ang prayoridad natin ngayon. Kailangan niyang makaligtas," nag-aalalang sambit ni Trench.
Ipinatong nila sa kanilang magkabilang balikat ang braso ko at magkakasama kaming lumabas ng silid. Hindi ko na talaga kayang labanan pa ito at tuluyan na akong nagpaubaya sa kadiliman. Umaasa ako na sa muling pagmulat ng mga mata ko ay magiging maayos na ang lahat. Sana magkatotoo lahat ng ito.