Thymine
Masyado na akong maraming pinagdadaanan sa bahay na ito. Wala na akong ideya kung hanggang kailan ba ako dapat tumakbo para iligtas ang sarili ko. Nakakapagod na. Kung p'wede lang sanang huminto na lang ako at hayaang patayin ni Kamatayan ay ginawa ko na. Nakakasawa na ang ganitong sitwasyon.
Nagpatuloy kami ni Rhian sa pagtakbo at pilit na isinasalba ang buhay namin nang marinig ko ang boses ni Yoola sa hindi kalayuan. Ang akala ko ay nananaginip lang ako, pero hindi ako p'wedeng magkamali. Sigurado ako sa narinig ko. Si Yoola iyon, walang duda. Sa tagal naming magkaibigan, hindi ako p'wedeng magkamali.
"Yoola, ikaw ba 'yan?" hindi makapaniwalang sabi ko sa sarili.
Bahagya akong natigilan dahil sa posibilidad na naririto at kasama namin sa bahay ni Kamatayan si Yoola. Alam ko sa sarili ko kung gaano kadelikado sa loob kaya hindi maaaring nandito rin si Yoola. Hindi ito ang lugar para sa mga batang katulad namin. Isa itong impyerno na hindi mo nanaisin na mapuntahan.
"Thymine, mag-iingat ka. Nasa malapit lang si Kamatayan. Huwag kang gagawa ng ano mang bagay na ikapapahamak mo," pagpapaalala sa akin ni Rhian nang mapansin niyang pabalik ako sa dinaan namin kanina.
Hindi ko na siya pinansin pa at nagmamadaling pinuntahan ang kinaroroonan ni Yoola. Tama nga si Rhian, nakasabit ito sa itaas kaya hindi kaagad namin napansin kanina. Hindi ko maiwasang makaramdam nang matinding awa sa kaibigan ko. Hindi siya dapat nandito sa bahay ni Kamatayan at nararanasan ang mga kalunos-lunos na pangyayari.
"Y-Yoola! Huwag kang mag-alala dahil ililigtas kita. Sandali lang, gagawa ako ng paraan para makaligtas ka. Kumapit ka lang," natatarantang sabi ko.
Pakiramdam ko ay biglang tumigil ang oras nang makita si Yoola na nakasabit sa itaas. Dumagundong ang puso ko at ang tanging kagustuhan lang ay mailigtas ang kaibigan ko. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Ang babaeng nakasabit sa itaas, walang iba kung hindi si Yoola, ang matalik kong kaibigan.
T-Thymine, tulungan mo ako! Ayoko na rito. Natatatakot ako. Natatakot ako sa kanilang lahat. P-Papatayin niya raw ako. Tulungan niyo ko!" takot na takot na sigaw ni Yoola.
Gusto ko nang ibaba si Yoola at tulungang makatakas pero hindi ko alam kung papaano ba gagawin. Wala akong nakahandang plano. Masyado akong nag-aalala noong marinig ang boses niya kaya nagmamadali akong pumunta rito nang walang dalang kahit na anong gamit.
"Jusko naman, Thymine! Bakit ang tanga mo? Kailan ka ba magiging matalino at magagawang iligtas ang mga mahal mo sa buhay? Kailan ka hindi magiging pabuhat?" naiinis kong paninisi sa sarili.
Ilang distansiya rin ang pagitan namin ni Rhian ngayon kaya hindi kaagad ako makakahingi ng tulong sa kaniya. Sa pagkakataong ito, kailangan kong tumayo sa sarili kong paa. Walang mangyayari sa akin kung tatayo lang ako rito habang pinagmamasdan si Yoola. Hindi ko siya magagawang matulungan kung magkataon.
"S-Sandali lang, Yoola! Gagawa ako ng paraan para matulungan ka. Maayos lang ba ang pakiramdam mo riyan? Kanina ka pa ba nakasabit? Sinong gumawa sa iyo niyan? Anong ginagawa mo sa impyernong lugar na ito?" magkakasunod na tanong ko sa kaniya.
Kung wala lang kami sa delikadong sitwasyon na ito ngayong, siguradong nabatukan na ako ni Yoola. Sa halip na maghanap na ako ng mga gamit para matulungan siya ay tanong pa ako nang tanong. Nakakainis! Bakit ba wala akong maisip na paraan.
"Ito ang kutsilyo, gamitan mo yan para pakawalan siya. May bangko sa gilid, kunin mo iyon. Bilisan mo, Thymine. Siguradong maaabutan na tayo ni Kamatayan. Magmadali ka na. Hindi tayo p'wedeng magtagal dito," mabilis na sabi ni Rhian bago ipagulong ang kutsilyo papunta sa kinaroroonan ko.
Mabilis ko naman itong kinuha at tumakbo papunta sa gilid para kunin ang bangko na sinasabi ni Rhian. Mabuti na lang at nariyan siya para tulungan ako. Hindi ko na talaga maisip kung anong mangyayari sa buhay ko rito kung wala si Rhian. Masyado akong mahina para tumayo sa sariling paa.
"Bilisan niyo na riyan! Nakikita ko na si Kamatayan. Malapit na siya rito. Bilis pa, Thymine!" nababahalang sigaw ni Rhian.
Dahil sa sinabi niya ay mabilis kong inilapag ang upuan at pumatong rito. Mabuti na lang ay hindi isinabit si Yoola patiwarik. Kung nagkataon, mahihirapan akong matulungan siya. Unti-unti kong sinimulan ang pagkiskis ng kutsilyo sa lupid na nakagapos sa kamay ni Yoola. Masyado itong makapal kaya sigurado akong hindi magiging madali.
"Kamusta ka, Yoola? Hindi ka naman siguro pinagsamantalahan ng nagdala sa iyo rito, hindi ba? Marami akong gustong itanong sa iyo mamaya kapag nakatakas na tayo," sabi ko sa kaniya habang tinatanggal ang lubid.
Nakahinga naman ako nang maluwag dahil umiling siya. Pakiramdam ko nawala ang tinik na nakabara sa dibdib ko. Mabuti naman at hindi pa siya napapahamak. Hindi ko kakayanin kung napagsamantalahan na siya ng mga baliw na lalaki rito. Masyado pa kaming bata ni Yoola para sa bagay na 'yon.
"T-Thymine, bilisan mo na. Natatakot na ako sa mga posibleng mangyari. M-May nakita akong pinatay kanina. N-Natatakot ako na baka iyon din ang mangyari sa akin. Magmadali ka," kinakabahan na sabi ni Yoola.
Mas binilisan ko pa ang pagkiskis ng kutsilyo pero hindi sinasadyang nabitawan ko ito. Nanginginig ang mga kamay ko dahil sa matinding kaba na nararamdaman kaya hindi ko kaagad ito nakuha. Nanlalambot din ang mga tuhod ko kaya bago pa ako matumba ay bumaba na ako sa uouan.
"T-Thymine! Ano bang nangyayari sa iyo? Kunin mo na ang kutsilyo. Malapit na itong maputol. Bakit nakatayo ka lang diyan? T-Tulong!" nag-aalalang sigaw sa akin ni Yoola.
Gusto ko siyang tulungan pero hindi magalaw ang kamay ko. Isa lang ang naiisip kong dahilan kung bakit ako nagkakaganito ngayon. Sigurado akong nakikita na ako ni Kamatayan ngayon. Siya lang ang may kayang gumawa sa akin nito. Malakas ang kutob kong naabutan na niya kami.
"Ano nang gagawin ko? Thymine, mag-isip ka!" naiinis kong bulong sa sarili.
Para na akong bata na naestatwa sa kinatatayuan ko ngayon. Bumabagal na rin ang paghinga ko na parang may nakadagan sa dibdib. Tang ina! Bakit ba hindi ko magawang kontrolin ito? Palagi na lang akong walang magawa sa tuwing nasa malapit siya. Gusto kong lumaban, tumakbo at iligtas ang sarili ko.
"Thymine, yumuko ka!" rinig kong sigaw ni Rhian.
Nagtataka man ako kung bakit ko kailangang gawin subalit kusang gumalaw ang katawan ko at napayuko. Bahagya akong sumulyap kung anong nangyari at bigla na naman akong sinalakay ng kaba dahil sa nakita. Sinasabi ko na nga ba. Siya lang ang makakagawa sa akin nito. Hindi ko na alam kung anong dapat kong gawin ngayon.
"K-Kamatayan?" kinakabahang sambit ko at mahigpit na humawak sa paa ni Yoola.
Bahagya akong napaatras at tila tinakasan ng lakas, Pinagpapawisan ako nang matindi. Hindi kayong iproseso ng utak ko na nasa harapan ko na ngayon si Kamatayan. Ang hirap paniwalaan. Makakaligtas pa rin ba ako sa pagkakataong ito o katapusan ko na?
"R-Rhian, tulungan mo ako..." mahinang sabi ko at nagbabakasakaling puntahan niya ako.
Ito na naman ang hindi ko maintindihan na pakiramdam tuwing nasa paligid si Kamatayan. Nawawala ako sa wisyo at tila sinisipsip ang lakas ko. Blangko ang isipan ko at hindi makapag-isip nang maayos. Kailangan ko ng tulong. Siguradong mamamatay ako.
"Huwag kang mag-alala, Thymine! Iligtas mo si Yoola at tumakbo na kayo papaalis sa lugar na 'to. Sige na, takbo!" bulalas ni Rhian at mabilis na hinampas ang balikat ni Kamatayan gamit ang matigas na kahoy.
Bumaling ako sa ulo ni Yoola at bahagyang binuhat ang katawan niya nang sa gayon ay lumuwag ang pagkakatali sa leeg niya. Matapos ito ay mabilis kong tinulangan siyang makababa. Kailangan kong pigilan ang takot na nararamdaman ko ngayon.
"Ano pang hinihintay niyo? Thymine, sayang ang oras. Tumakbo na kayo! Kaya ko na ang sarili ko. Hindi na dapat kayo mag-alala pa. Kayong dalawa ng kaibigan mo ang dapat na makaligtas. Tumakbo kayo papalayo sa lugar na ito," determinadong sambit ni Rhian habang patuloy sa kaniyang ginagawang paghampas.
Dahan-dahan kong inakbayan si Yoola para makaalis kami at makaligtas. Nag-aalala akong tumingin kay Rhian dahil maaari siyang mapahamak sa ginagawa niya. Hindi niya kakayaning labanan si Kamatayan nang nag-iisa. Gusto ko siyang tulungan pero gaya ng sabi niya, ang kaligtasan naming dalawa ni Yoola ang mahalaga.
"Talaga bang kaya mo na ang lahat? Rhian, baka mapahamak ka. Hindi mo kailangang gawin sa amin ang pabor na ito. Mapapahamak ka!" kinakabahan na sabi ko sa kaniya.
Hindi na nakayanan ni Kamatayan ang mga ginagawa ni Rhian kaya mabilis niyang sinalag ang atake nito at malakas na hinagis sa paligid ang kahoy. Sinamaan niya nang tingin si Rhian kaya bahagya akong kinilabutan. Hindi ito maganda. Mapapahamak na si Rhian dahil sa pagliligtas niya sa amin.
"Anong pang hinihintay niyo? Takbo! Tumakbo na kayo papalayo at huwag nang tumgin dito. Takbo na!" singhal ni Rhian.
Dito na kami tuluyang natauhan ni Yoola at magkahawak-kamay na tumakbo na siyang salungat sa direksyon ni Rhian. Walang nagtangkang lumingon sa likuran dahil sa takot na mahuli ni Kamatayan. Kinakabahan ako pero kailangan naming makalayo. Itinaya ni Rhian ang buhay niya kaya hindi dapat ito masayang.
"Huwag kang mag-alala, mukha naman siyang matapang. Natitiyak ko na hindi niya hahayaang masaktan ang kaniyang sarili. Tumakbo lang tayo. Hindi tayo ligtas sa lugar na ito. Thymine, kailangan nating maging ligtas. Hindi dapat tayo mamatay," mariing giit ni Yoola.
Bahagya kong nakagat ang pang-ibabang labi ko dahil kahit pagbaliktarin namin ang mundo, mali na basta na lang iwan si Rhian. Masyadong mapanganib si Kamatayan at wala kaming kasiguraduhan na makakaligtas siya. Babae siya at siguradong mas malakas ang kalaban niya. Mahihirapan siyang makaligtas.
"Nakikita mo naman ang kalagayan ko ngayon, hindi ba? Mahina pa ako Thymine. Ikaw din. Kahit hindi mo sabihin, alam kong takot na takot ka kay Kamatayan. Gusto natin siyang tulungan pero wala tayong sapat na lakas," pagpapaliwanag sa akin ni Yoola.
Naiintindihan ko ang ipinupunto niya pero hindi kaya ng konsensya ko na iwanan na lang si Rhian sa dami nang naitulong niya sa akin. Siya ang lagi kong sinasandalan sa tuwing wala akong lakas. Ilang beses niya akong niligtas tapos hahayaan ko lang siyang mapahamak?
"Mali ito, kailangan natin siyang balikan. Yoola, makinig ka sa akin. Kung gusto mo, magpatuloy ka sa pagtakbo para iligtas ang buhay mo. Babalik ako. Hindi ko siya hahayaan na mag-isang lumaban. Bahala na kung mamatay pa ako," desididong sambit ko na halos magpalaglag sa panga niya.
Maraming beses na akong niligtas ni Rhian kaya hindi ko na palalagpasin ang pagkakataong ito para makabawi sa kabutihang pinakita niya. Gagawin ko ang lahat para maging ligtas siya. Sa pagkakataong ito, ako naman ang gagawa ng paraan para makaligtas siya. Ibabalik ko ang pabor at pangako niyang iligtas ako ano man ang mangyari.
"Thymine, nababaliw ka na ba? Hindi ba siya na mismo ang nagsabi na tumakbo tayo at iligtas ang mga sarili natin? Bakit pa natin kailangang bumalik? Gusto niyang maging ligtas tayo kaya huwag mo na ulit ilagay sa alangin ang buhay natin," muling giit niya sa akin.
Nang dahil sa pagtatalo namin ay panandalian kaming huminto sa pagtakbo para makapag-isip nang maayos. Gusto ni Yoola na magpatuloy kami sa pagtakbo at iligtas ang sarili pero hindi 'yon ang gusto ng puso ko. Sinasabi nito na kailangan kong balikan si Rhian at tiyakin na ligtas siya at malayo sa ano mang kapahamakan.
"Huwag kang mag-alala, Rhian. Sumusumpa ako na lahat ay nakahandang gawin maging ligtas ka lang. Babawi ako sa mga pagkalinga mo sa akin. Wala tayong iwanan hanggang sa dulo. Iwan mo na ako Yoola kung hindi ka sasama. Kaya ko na itong mag-isa," determinadong bulalas ko.
Hindi nagsalita si Yoola kaya mabilis akong tumalikod para magsimulang tumakbo pabalik sa kinaroroonan ni Rhian. Hindi pa man ako tuluyang nakakalayo subalit naramdaman ko ang presensya ni Yoola sa likuran ko. Mukhang naisip niyang sumama sa akin dahil wala naman siyang ibang kakilala rito.
"Wala na rin naman akong ibang pamimilian kung hindi samahan ang kaibigan kong mahilig akong iwan. Nakakainis ka talaga, Thymine! Ikaw talaga ang sisisihin ko kapag may masamang nangyari sa ating dalawa. Ang tigas ng ulo mo!" bulalas ni Yoola.
Natawa na lamang ako sa naging reaksyon niya. Alam niyang hindi na ako mapipigilan kaya sumama na siya. Isa pa, ngayon lang ulit kami nagkita kaya siguradong hindi siya hihiwalay sa akin. Naalala ko tuloy na kaya ako napunta sa lugar na ito dahil tinakasan ko si Yoola.
Magkasama naming binabagtas ang daan pabalik sa kinaroroonan nina Rhian at Kamatayan. Dumadagundong man dibdib ko dahil sa labis na kaba, kailangan ko itong kayanin para mailigtas si Rhian. Hindi dapat ako maging duwag ngayon. Kailangan kong maging lalaki na malakas at handang ipagtanggol ang babaeng importante sa buhay niya.
"Thymine naman, nakakakaba 'to! Sundin na lang natin ang sinabi ng kaibigan mo at tumakbo na lang palayo. Pinapahamak lang natin ang ating sarili. Talaga bang seryoso ka na riyan sa binabalak mo? Nakakainis ka talaga!" muling bulalas ni Yoola habang yakap ang sarili.
Hindi ko na lang pinansin ang mga sinabi niya dahil isang pasilyo na lang ang kailangan naming daanan at siguradong makikita na namin si Rhian. Mapapasabak na kami kay Kamatayan. Kailangan naming maging handa sa mga posibleng mangyari. Tiyak na pag-iinitan ako ni Kamatayan sakaling makita niya ulit.
"Kaya mo 'yan, Thymine! Ililigtas mo si Rhian!" determinadong sambit ko bago pumulot ng kahoy sa sahig at mabilis na lumiko sa pasilyo.
Buong tapang akong humarap sa kanila subalit biglang lumambot ang mga tuhod ko. Hindi ko alam kung paano ipapasok sa sistema ko ang mga natuklasan. Nakakapanlumo. Talaga bang nangyari ito? P-Paano ko magagawang paniwalaan?
"Imposible!" hindi makapaniwalang sambit ko.
Parang pinipiga ang puso ko dahil sa nakikikita at hindi ko rin mapigilan ang mga luha na magbagsakan sa pisngi ko. Hindi ko ito kaya, nasasaktan ako nang sobra. Ang buong akala ko pa naman ay magagawa ko nang maging isang lalaking tagapagtanggol ngayon. Mukhang nagkamali ako.
"Yoola, nananaginip ba ako? P'wede mo ba akong sampalin? Hindi ko kayang tingnan. Dinudurog ang puso ko. Hindi ito ang inaasahan kong aabutan natin. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang mangyari ng bagay na ito." hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya.
Hindi ako makahinga nang maayos dahil sa nakikita ngayon. Tinatakasan ako ng lakas at parang gusto ko na lang maglaho na parang bula. Hindi ko na kayang tumagal pa. Sana pala nakinig na lang ako kay Yoola at tumakas na kami. Hindi ko na sana nakita ito.
"Thymine, halika na. Wala na tayong ibang magagawa kaya mas mabuti pang umalis na tayo. Malilimutan mo rin siya. Halika na," kaswal na sambit sa akin ni Yoola.
Akmang tatayo na ako subalit bahagyang sumulyap sa aming direksyon si Rhian at bakas ang labis na pagkagulat sa mukha niya. Agad siyang kumalas sa yakap ni Milo at naantala ang paghahalikan nilang dalawa. Nakakainis! Bakit kailangan niya pang malaman na nandito kami?
"Thymine! Bakit ka bumalik? Hindi pa sigurado ang kaligtasan mo dahil nakatakas si Kamatayan? Bakit mo 'ko sinuway?" naiinis niyang tanong sa akin.
Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa dahil ligtas siya o maiinis sa inasta niya ngayon. Kumapit ako sa nakalahad na kamay ni Yoola bago tumayo at sulyapan si Rhian. Hindi ko na kaya ito. Nasayang lang ang lakas ko na bumalik dito para iligtas siya gayong may iba na pa lang gumawa nito. Hindi na niya ako kailangan.
"Paumanhin kung naistorbo namin kayo sa inyong ginagawa. Hindi ko nais makagulo sa inyo kaya aalis na kami. Sapat nang malaman na ligtas ang babaeng ipagtatanggol ko sana. Sige na, mauuna na kami," mahinang sambit ko.
Nagpakawala ako nang malalim na buntong-hininga bago tumalikod at sumama kay Yoola. Kailangan na naming umalis dito dahil balewala ang misyong iligtas si Rhian. May isang Milo na nagliligtas sa kaniya. Hindi na niya kailangan ang mahinang Thymine na laging pabigat sa buhay niya.
"Sandali, tama ba ang narinig ko? Thymine, kaya ba kayo bumalik para iligtas ako? Hindi ako makapaniwala!" namamanghang sambit niya sa akin.
Nagdadalawang-isip ako kung dapat bang lumingon sa gawi niya subalit bago pa man ako makapagdesisyon ay mabilis akong hinatak ni Yoola. Lumiko siya sa pasilyo habang hatak ako. Mukhang ayaw na rin niyang manatili pa kami roon.
"Mukha naman siyang masama sa lalaking kasama niya kaya huwag mong saktan ang sarili mo. Thymine, hindi ka niya gusto. Huwag kang managinip diyan," diretsong sambit ni Yoola.
Nagpapadala lang ako sa mga hatak niya sa kadahilanang hindi ko alam kung anong dapat sabihin. Masyadong maraming sinasabi si Yoola at alam kong wala itong katotohanan. Nalilito na ako. Hindi ko na alam kung anong dapat paniwalaan sa mga ito.
"Thymine, sandali! Totoo ba ang mga tinuran mo kanina? Maaari mo ba itong ulifin? Hindi talaga ako makapaniwala sa narinig. Pakiusap, ulitin mo," nagsusumamong sambit niya.
Tumakbo pa ito para lang marating ang kinaroroonan namin. Akmang pipigilan siya ni Yoola ngunit humarap na agad ako para makausap si Rhian.
"Hindi ka ba makapaniwala? Rhian, hindi naman sigurong masama na iligtas ko ang nagmamagandang-loob sa akin. Ngunit nakalimutan ko, mababa ang tingin niyo sa akin," diretsong sambit ko sa kanya bago tumalikod at tuluyang maglakad palayo.
Tama na ang nakita ko na masaya silang dalawa ni Milo. Alam ko na nahihirapan silang ipakita ang relasyon nila dahil sa akin. Masaya ako dahil sa wakas ay alam na ni Rhian kung saan siya sasaya. At hindi ako ang lalaking magagawa siyang ipagtanggol sa mga ganitong pagkakataon.
"Ito na ang huling beses na babalik ako para iligtas ka. Nahirapan akong ipunin lahat ng lakas ko para bumalik dito at tulungan ko pero nawala rin lahat ng iyon. Pasensya ka na kung sinuway ko ang kagustuhan mong iligtas ako. Tatatkbo na ulit kami palayo sa inyo," mariing giit ko sa kaniya sa huling pagkakataon bago kami tumakbo ni Yoola.