Chapter 46 - Second Chance
Xena
Unti-unti ay napalis ang ngiti ko at kalaunan ay naibalik ko ang tingin kay Miranda.
Naikurap-kurap ko ang mata ko.
Teka. Pinaparinggan ba ako nito?
'Yong movie ba talaga ang tinutukoy nito o may iba pa?
"Ikaw, Ma'am? Alin ang pipiliin mo kung sakali? Mang-iwan o maiwan?" patuloy na tanong pa nito.
Lumunok ako at hindi makuhang kumibo.
"Hoy, Ma'am? Ano na ang pipiliin mo kung ikaw 'yong nasa gano'ng sitwasyon?" untag nito nang hindi pa rin ako kumikibo.
Napangiti ako nang mapait. "W-Wala," tugon ko.
Suminga muna ito dahil mukhang nagbabara na ang ilong bago sumagot. "Bakit naman wala? Kahit isa lang, Ma'am."
Kailangan ko ba talagang sumagot at pumili? Hays.
Huminga ako nang malalim. "Wala akong gustong piliin, because they're both painful. Maiwan o ang mang-iwan, kung mahal ninyo ang isa't isa, gano'n pa rin naman, may masasaktan. Walang ipinagkaiba dahil pareho lang naman na malalayo ka sa taong mahalaga sa iyo."
Napatango-tango ito.
"But the thing is, madalas na nahuhusgahan kaagad ng mga tao kapag nalaman na ikaw ang nang-iwan, lalo na kung walang paalam, walang pasabi at 'yong basta-basta," dugtong ko na hindi maiwasang tumakas ang lungkot sa tinig habang nagsasalita.
Tahimik at mataman na nakikinig naman sa akin si Miranda.
"Hindi naman din natin masisisi 'yong ibang tao na nakapaligid sa atin o 'yong tao na mismong iniwan natin dahil bukod sa nang-iwan ka na nga ay nag-iwan ka rin ng sakit at maraming tanong kung bakit mo ba nagawa 'yon. Masakit pero nahuhusgahan ka nang gano'n kabilis, na para bang iyon na ang kabuuan ng lahat. Ang hirap kasi sa ibang tao, kahit na hindi pa nila nalalaman ang buong kwento, kung ano ba ang istorya sa likod ng mga nangyari at kahit hindi pa nila naririnig ang panig mo ay nagagawa na nila kaagad na pag-isipan ka nang masama."
"Siguro dahil sa naipagkait po sa kanila 'yong pagkakataon na malaman nila ang dahilan no'ng taong iyon, Ma'am. Mabilis pong gumana ang utak at isip ng tao. Minsan iyon na mismo ang sasagot sa napakaraming tanong na umiikot dito na naidulot noong pang-iiwan nang walang pasabi kahit na hindi naman iyon ang buong katotohanan at buong istorya. Maghahabi na 'yon mismo ng kuwento at scenario, pagtatagni-tagniin ang mga pangyayari at mga bagay," malalim na sagot nito.
Tama ito.
Napangiti ako.
Pero akalin mo 'yon? May words of wisdom rin pala ang isang 'to? Akala ko ay puro kakulitan lang ang alam at hindi marunong magseryoso.
"I agree na kawawa ang mga naiwan. But, come to think of it, kawawa rin minsan 'yong mismong nang-iwan hano, Ma'am? Salamat dahil nabuksan 'yong pang-unawa ko sa kabilang bahagi kadalasan ng isang kuwento na madalas hindi napagtutuunan ng pansin ng lahat."
Napangiti akong lalo.
"Pero siyempre mas masaya siguro ang mundo kung pagkatapos noong mga pangyayari ay magkaayos at magkabalikan din 'yong bawat tao na katulad noong napanuod natin 'yong nararanasan, Ma'am, 'no? Na sa bandang huli ay magkakapatawaran din, hatid ng second chance," umaasang sambit nito.
Kung sa sitwasyon namin ang tatanungin? Parang napakalabo, kasing labo ng tubig imburnal.
Napailing-iling ako. "Sadly, sa movie at mga istorya lang sa libro nangyayari iyon. Hindi lahat ng kuwento ay gano'n sa napanuod natin ang nagiging ending. We're living in the real world, Miranda. Ibang-iba ang mga pangyayari kapag totoong buhay na. Sa totoong buhay, madaming tao na hindi na nabibigyan ng second chance para itama ang lahat ng pagkakamaling nagawa nila. Minsan, habang-buhay na lang na pagsisisi at sakit ang kapalit niyon. Maybe law of karma? Kailangan mong pagbayaran ang lahat ng nagawa mo. Kung ano ang itinanim mo ay siya mo ring aanihin. Kapag nakapanakit ka o gumawa ka nang masama sa iba. In the end, o kahit hindi pa sa dulo. Babalik sa iyo ang lahat nang naipadama mo sa kapwa mo, minsan hindi nga doble, kung hindi triple pa."
Parang ako lang. And I know, I do really deserve all of this. Tanggap ko naman na. Though, talagang may times na hindi ko mapigilang kuwestyunin ang mga bagay at masaktan nang paulit-ulit.
Dumaan ang katahimikan sa pagitan namin.
At mukhang dina-digest pa ni Miranda ang mga sinabi ko.
"Hindi naman natin puwedeng sisihin 'yong mga taong ayaw nang magbigay ng second chance, lalo na kung sobra silang nasaktan. Panigurado kasing nag-create na 'yon ng takot sa kanila. Sabi ng iba, deserve raw ng lahat ang second chance, pero sa pananaw ko, hindi. Hindi naman talaga lahat ng tao na nakakatanggap niyon ay deserve 'yon. May mga tao lang talaga na sobrang laki at bukas ang puso at isipan, 'yong kahit na hindi madali pero nagagawa pa rin nilang magpatawad at bukas kamay ka nilang tatanggapin sa buhay nila, siguro dahil puno ng pagmamahal ang puso nila. Nakakatuwa ang mga gano'ng klaseng tao."
Tahimik lang itong nakatingin sa akin kaya nginitian ko ito.
"Kaya ikaw, bago ka gumawa ng mga bagay at magdesisyon, you better think twice. Or mas better kung pag-isipan mo nang isang daan o kahit isang libong beses pa, dahil wala kang ibang masisisi kapag nalaman mo ang naging resulta ng mga ginawa mo sa huli. Tandaan mo, hindi lahat ng tao ay may pusong may kakayahang magpatawad."
Tumango ito bago napalabi. "Ang lalim masyado, Ma'am. Nalunod ako. Pero seryoso, tatandaan ko po 'yan."
Natawa ako.
Hindi ko alam pero gumaan kahit na papaano ang pakiramdam ko.
"Anyway, alam mo ba, Ma'am. K—"
"Xena na lang. Wala naman tayo sa opisina, saka hindi naman na tayo magkatrabaho," putol ko sa sinasabi nito.
Napakamot ito sa ulo. "Baka po puwedeng lagyan ko ng Ate? Para may paggalang pa rin po, feeling ko ang bastos ko kasi."
Napanguso ako. "Paggalang? Mukha na ba akong matanda sa paningin mo?" tanong ko na biglang na-conscious.
Ikinumpas-kumpas nito ang mga kamay. "Hala, hindi po gano'n. Hindi po sa hitsura, kundi dahil may respeto po ako sa inyo."
'Yon naman pala kasi.
Pero tiningnan ko pa rin ito nang hindi naniniwala. "Talaga ba?"
"Oo naman po."
"Okay, continue mo na 'yong kinukuwento mo kanina."
Napangiti ito. "So, 'yon nga po, as I was saying, kaya ako pinayagan ni Sir Mikey na mag-leave today ay dahil po iyon sa iyo."
Mabilis na napaturo ako sa sarili ko. "A-Ako?" gulat na tanong ko.
Tumango ito. "Sabi ko po kasi ay dadalawin kita. Para kang magic word, ang bilis nga pong pumayag, e. If I know, hintay na hintay na si Sir na mai-chika ko sa kanya kung ano ang balita sa iyo, mukhang nag-aalala po sa iyo, e."
Natawa ako sa mga pinagsasasabi nito.
Imposible iyon. Tandang-tanda ko pa ang ekspresyon nito at ang mga salitang binitawan nito noong huli kaming nagkita, kaya paanong mag-aalala ito sa akin?
"Hindi rin po pala niya alam na lumipat na po kayo kaya nasabi ko kay Sir kung nasaan ako ngayon. Tinatanong niya kasi kanina," patuloy na pagkukuwento nito.
Napalunok ako dahil sa narinig.
Sht.
Hindi naman siguro ako susugurin ni Mikey para pestehin.
"Pero wala po ba talagang something sa inyo?" biglang tanong pa ni Miranda.
Napatawa ako.
No dull moments talaga kapag ang isang 'to ang kasama, kakaaliw.
Tinaasan ko ito ng kilay habang nakatawa pa rin. "Something... weird?"
"Opo. Ang weird ninyo po. Hindi naman kayo close pero bakit parang nag-aalala siya sa iyo? Nitong mga nakaraan ang dalas ding magtanong kung nagkakausap ba tayo."
Iniiwas ko ang mata ko. "Malisyosa ka lang. May something ka pa riyan na nalalaman. Walang something siyempre. Kung anu-ano ang napapansin mo, binibigyan mo pa ng kulay, hindi naman kami drawing," biro ko para pagtakpan ang nararamdaman ko.
Tila nag-isip naman ito saglit bago tumugon. "Pero maalala ko lang po. Bakit po ba siya nagalit dati sa apelyido mo? Itinama ko lang naman 'yong maling akala niya. Sabi niya kasi Alfonso, e 'di ba Dela Rama? Hindi ko alam kung saan niya nakuha iyon, ang layo naman kasi ng Alfonso sa Dela Rama."
Sa tagal na niyon ay ngayon pa talaga nito iyon naisipang itanong.
Palayasin ko na kaya ito?
Huminga ako nang malalim. "Sabi ko naman kasi sa iyo, hindi kami close. Tingnan mo nga, mali-mali ang alam, middle name ko ang Alfonso at Dela Rama naman ang surname ko," palusot ko.
Napalabi ito. "Kay Sir Hero naman tayo. Kumusta naman po kayo ng kafafahan ni Sir?" pag-iiba nito sa usapan.
Natawa ako dahil sa kafafahan na term nito. "Kafafahan talaga? Grabe. Bakit, anong mayro'n sa kafafahan ni Hero at natanong mo?"
Umikot ang mata nito. "Ma'am naman... este Ate Xena pala! Bagay na bagay kaya kayo. 'Di ba sinabi ko na sa inyo na lilipat na ako ng kampo na susuportahan para sa ka-loveteam mo?"
Natawa akong lalo. "Gaga. Wala 'yon, magkaibigan lang kami no'n. Huwag ka ngang gumawa ng issue. Maalaga at maasikaso lang talaga sa akin 'yon, wala kasi silang kapatid na babae," paliwanag ko.
Tiningnan ako nito nang hindi naniniwala, ngunit kalaunan ay parang nadismaya. "Sayang naman..."
Napailing na lang ako.
Nagtagal pa ito sa unit at magkasama kaming namalengke para sa lulutuin daw nitong putahe.
Pagkatapos naming kumain ng tanghalian ay nagpaalam na rin ito. Pagkaalis nito ay pinilit kong umidlip. Nang magising na ako ay naligo ako kaagad dahil nanlalagkit na ang pakiramdam ko.
Dahil bagot na ako ay napagpasyahan kong magpunta na lang sa mall nang mag-isa, ayoko na munang abalahin si Cloud o si Hero, nakakahiya na rin dahil palagi na lamang akong inaalala ng mga ito. May trabaho ang mga ito at hindi naman habang-buhay na laging andiyan ang mga ito para sa akin. Kailangan kong sanayin ang sarili ko na wala ang mga ito. Na ako lang mag-isa.
Nag-ikot-ikot lang ako at nagpunta sa bookstore. Tumitingin ako ng mga libro nang maramdaman kong parang may nakatingin sa akin, parang may nakasunod. Actually, kanina pa. Pero hindi ko lang pinagtutuunan ng pansin.
Lumingon ako sa paligid pero wala naman dahil abala naman ang ilang tao na naroon na pumipili ng mga libro.
Nagkibit-balikat ako.
Guni-guni ko lang siguro. May pagka-paranoid lang.
Lumipat ako ng puwesto papunta sa section ng fiction. Pumili na ako ng ilan na nagustuhan ko ang cover pati na ang pinaka-teaser na catchy para sa akin bago nagtungo na sa counter para magbayad.
Lumabas na rin ako ng bookstore at nagpalinga-linga, bigla na akong tinamad mag-ikot ulit.
Naglakad na ako para lumabas.
Habang nag-aabang ay bigla kong naisip na puntahan na lang sina Tatay at ang pangit kong kapatid.
Madilim na nang makarating ako.
Nag-doorbell ako at pinagbuksan naman ako kaagad ng kawaksi dahil kilala naman na ako ng mga ito. Pagpasok ko ay walang tao sa sala kaya naupo na lang ako ro'n.
"Ma'am, gusto ninyo po ng juice? Maiinom?" tanong noong isang kawaksi.
Ngumiti lang ako at umiling.
Umalis din kaagad ito at nagpaalam bago nagtuloy sa kusina.
Patamad akong umayos ng upo at pinagmasdan ang hitsura ng bahay.
Sosyal, e.
Ang gaganda ng mga nakasabit na paintings pati na ng iba pang kagamitan na alam kong hindi biro ang presyo.
"My sweetheart."
Lumingon ako at tumayo kaagad upang magmano.
"Manang-mana po sa inyo 'yong pangit, 'Tay. Gaya-gaya. 'Yan na rin ang tawag sa akin."
"Ayaw mo ba? My little princess na lang?" tanong nito.
Nilukot ko ang ilong ko. "Kadiri po, 'Tay. Hindi naman na ako little at lalong hindi ako prinsesa."
Tumawa ito nang malakas. "Prinsesa ka. Prinsesa ka kaya namin," pilit nito.
Kulit. Mana talaga 'yong pangit. Hays.
Ngumuso ako "Sa fairy tales lang mayro'n no'n, 'Tay. Hindi totoo ang fairy tales, kaya huwag ninyo na po akong tawagin ng gano'n," maktol ko.
Nakarinig ako ng yabag.
"Bitter mo, sweetheart," pang-aasar noong bagong dating.
Tss. Asar.
Automatic na umikot ang mata ko. "Okay lang na bitter, hindi naman pangit na katulad mo," balik ko.
Tumawa nang malakas si Tatay.
Naiinis na binato ako noong pangit ng throw pillow. "Dad, narinig ninyo 'yon? Papayag ka ba? Magkamukha kaya tayo, pero pinagsasabihan akong pangit? E, 'di pangit ka rin, Dad?" tanong nito na halatang naghahanap ng kakampi.
Sumbungero talaga.
"Hindi kaya. Hindi naman kayo magkamukha, kami kaya ni Tatay ang magkahawig. Ikaw lang naman ang pangit sa pamilyang 'to. Hindi ka rin kamukha ni Tita. Kaganda ni Tita para magkaanak ng pangit na tulad mo," pang-aasar ko pa rin.
"Aba't, napakabastos ng bibig! Dad, papayag ka ba? Unico hijo mo pangit daw?" maktol nito.
Napakaisip-bata.
Tumawa lang si Tatay sa inaasta nito.
Binelatan ko ito. "Tanggapin mo na lang, kasi kami tanggap naman namin kahit na pangit ka."
Inis na binalibag ulit ako ito ng throw pillow na malapit dito. "Bastos kang bata ka!"
"Totoo naman kasi, ni wala ka ngang ipinapakilala na girlfriend sa amin. Siguro, napapangitan sa iyo," pagpapatuloy ko na pang-iinis.
Napangisi itong bigla. "Pihikan. Pihikan ang tawag do'n at gano'n kasi ako. Pero ikaw? Hmm, ikaw kasi, binabalikan ka nga pala noong dati mong boyfriend 'no? Yie!" balik pang-aasar na rin nito.
Nanlaki ang mata ko.
Argh. Kainis.
Tumikhim bigla si Tatay. "Ano 'yon? Bakit hindi ko yata alam 'yon?"
Ngumuso ako.
Napakadaldal talaga ng pangit na 'to.
"Pinuntahan kasi siya sa dati niyang unit. Nakaluhod pa nga noong naabutan ko, e. Ewan lang kung anong mangyayari kung hindi ako dumating no'n, Dad. Sinapak ko nga. Ang angas, e," pagsusumbong nito.
Proud pa talaga ito sa ginawa nito pero halata pa rin sa mukha nito ang inis kay Mikey.
"Maangas? Mas maangas ka kaya!" angal ko.
"'Yon, e. Naks naman. Ipinagtatanggol..." panunukso pa nito.
Tss.
Nakita kong lumapit si Tatay rito at binatukan itong bigla.
Napatawa naman ako.
'Buti nga.
"Bakit mo sinapak? Dapat hinayaan mo at nang magkaapo na ako talaga," sita ni Tatay sa kapatid kong pangit.
Napamulagat naman ako.
Akala ko naman ay kakampi ko ito.
"Tatay!" naiinis kong sabi.
Tumawa lamang ang dalawa.
Tsk. Nagkasundo pa.
Kalaunan ay lumapit sa akin ang kapatid ko at niyakap ako. "May basbas na pala kayo, e. Yie! Kinikilig si sweetheart," pang-aasar na naman nito.
Tss. Nakakabwiset talaga 'to.
Nagkulitan pa kami ngunit iniwan din kami ni Tatay at nagtungo sa kusina dahil ipinatawag ito ng asawa nito.
Hinila ako paupo ng kapatid ko at niyakap ulit.
"Ginugulo ka pa ba?" seryosong tanong nito kapagkwan.
Umiling ako kaagad.
Hindi man literal, pero ginugulo naman ni Mikey ang puso at isip ko kahit na hindi pa kami magkaharap.
Tiningnan ako nito nang mataman bago ngumiti. "Good."
Sumalo ako sa hapunan ng mga ito at pagkatapos ay nagprisinta pa ang kapatid kong pangit na ihahatid daw ako pauwi kahit na ilang beses ko itong sinabihan na h'wag na at kaya ko naman.
Nakatayo pa rin ako at tinatanaw ang papalayong sasakyan nito nang may mapansin akong isang sasakyan, pamilyar sa akin ang hitsura. Nakahimpil ito malapit sa tinutuluyan ko. Hindi ako matandain sa plate number pero pamilyar talaga.
Halos kasabayan lang namin itong dumating, kasunod lang pero hindi ko napansin na bumaba ang sakay nito.
Nagdududa ko tuloy itong pinagmasdan pero hindi ko talaga makita kung may tao ba sa loob at kung sino ba ang naroon.
Napailing ako kapagkwan at tumalikod na pero pakiramdam ko ay may nakatingin na naman sa akin.
Kaasar.
Hindi ko mapagilan ang kilabot na nararamdaman ko.
Feelingera ako, e. Feeling horror nga lang.
Hindi ko na ulit nilingon ang sasakyan. Nagkibit-balikat na lang ako.
Katulad kanina sa mall, guni-guni ko lamang siguro. Kakaiba lang talaga ang level ng imagination ko kakanuod ko ng kung anu-ano.
Hays.
Nagpatuloy na ulit ako at sumakay sa elevator para makapanhik sa taas upang makapagpahinga.