Chapter 107
"Dito lang banda" wika ni Allen.
Hindi ako masyadong pamilyar sa lugar, malayo rin ito sa pinuntahang park kanina.
"Hindi ba may kalayuan yung sa inyo? Pano si Mich?"
Tanong ni Warren habang unti unti ng bumagal ang takbo ng kotse at napahinto na lamang sa gilid.
"Magkapitbahay lang kami, ihahatid ko siya"
Halos sabay na binuksan ni Mich at Allen ang magkabilang pinto dito sa likod.
"Sandali Mich, chat kita bukas"
Kakalabas lamang nito nung tumango sakin kaya nabuhayan ako.
Nakaramdam ako ng paghinga sa upuan kaya dumikit ako sa gilid.
Meron pa itong pinagsasabi sa dalawang kasama sa harap pero di ko na masyadong binigyan ng pansin.
Maging ang naiwang lalaki sa tabi ay dumistansiya rin sa kabila, tila pinapahalata na umiiwas ito sakin.
Doon ko pa nagawang kunin ang nakaipit na phone na hindi ko makuha kuha kanina.
Ilang missed calls mula sa ama ang unang tumambad sa screen.
Dali dali ko itong tinawagan na sinagot rin naman matapos ang ilang segundo.
"Asan ka na?"
"Nasa biyahe pa po"
"Anong oras na Erin, baka mapano kayo"
"Safe naman po kami ni Andi, tatawagan kita mamaya pa"
"Sige, mag ingat kayo"
Nung binaba nito ang tawag ay napaayos ako ng upo, masyado akong halata na umiwas kay Drake binigyan ko ng espasyo ang kaliwang bahagi at pilit maging normal.
"May sakayan pa ba sa inyo sa gantong oras?"
Bigla kong wika sa dalawang tao sa harap.
Wala ni isang sumagot hanggang sa lumingon si Andi sakin.
"Sino? Kina Warren?" Tanong ng babae pabalik.
"Oo, mas una silang makakauwi diba?"
Kahit di ko naaninag ang hitsura ni Andi ay pansin kong natigilan rin ito, tila napaisip.
"Oo nga no, pano nga pala kami?"
"Iuuwi kita sa bahay"
"Aray, ano ba nagmamaneho ako!!"
"Seryoso nga kasi!!!"
Napailing nalang ako dahil hindi ko makausap ng matino tong dalawa.
Wala akong choice kundi sumandal na lamang sa kinauupuan.
"Hatid mo nalang sila, anong oras narin"
Napalunok ako nung marinig ulit ang boses ni Drake. Pakiramdam ko may kaonting pag aalala ito, pero hindi lang pinapahalata.
Gusto ko siyang tanungin kung galit ba ito sakin, kung ano bang nagawa ko. Ang hirap kasi na parang meron akong nagawang mali, umiiwas sa tao ng walang sapat na dahilan.
Kung after nito hindi na kami magkikita ulit, possibleng mawala na rin yung pagiging magkaibigan namin.
"Anong ako? Samahan mo ko Drake! Baka mapano pa ako sa daan pag uwian na"
"Sabihin mo takot ka lang"
"Sige, san banda kaya kita pwedeng iwan dito?"
"Aray!!!"
Kita ko kung paano hinampas ni Andi ang lalaki, pang ilang beses na yata nangyari ang asaran ng dalawang to.
"Anong klaseng Dragona ka? Kitang nagmamaneho"
"Ewan ko sayo!"
Matapos mag ingay ng dalawa ay wala na kaming marinig na mga boses dito.
Sumandal nalang ako sa gilid at nag aksaya ng oras na tumitig sa kawalan.
Halos mag tatlong oras pa naman ang layo namin mula sa bahay nina Manong Andres.
Hindi ko namalayan ang takbo ng byahe at agad na lamang nagising sa masikip na pwesto.
Naalimpungatan nung mapansing magkatabi na naman kami ni Drake.
Nilingon ko ang lalaki na nakaidlip rin, ano klaseng pangyayari ito?
Pilit kong dumistanya at tiningnan ang kaninang pwesto nito na sobrang laki ang espasyo.
"Kanina ka pa patumtumba diyan, wag ka na munang magtanong" boses iyon ni Warren na napansin yata ang pag galaw ko.
Hindi na ako nagulat kung nakatulog rin ang isang maingay sa harap.
"Okay ka lang ba dyan?"
"Okay lang ako Erin, itulog ko lang to mamaya"
Bumalik ako sa masikip na pwesto, kailan ba magigising tong katabi ko?