Chapter 19

Iba naman siguro ang pageant sa quiz bee, 'di ba? Magkaiba sila kaya pwede akong sumali. Pero sasali ako kasi wala akong choice. Sabi nila na ako lang 'yong qualified na sumali when it comes to physical attributes. Nakakahiya nga. Pinatayo ako ni Teacher sa harap para i-criticized ang katawan ko. Sumipol pa 'yong pasaway kong kaklase. Binatukan nga ng katabi niya at sabay silang humalakhak.

"Sure ka riyan, Laura?" Umayos ng upo si Gernalie at bumaling sa akin. "Alam kong hindi ka komportable sa contest. Sinabi mo sa akin noon."

Nagkibit-balikat ako. "Ipapatawag sa office ang adviser namin kung walang magri-representa."

"Basta kung ayaw mo na, pwede kang mag-back out."

Ngumiti ako at tumango sa kaniya. Humugot ako nang malalim na hininga at prenteng sumandal sa puno. Tinanaw ko ang malawak na soccer field. Bigla, natawa na lang ako. Takang napatingin si Gernalie sa akin pero nagkibit-balikat lang ako. "Ba't ka nandito?" tanong ko. "May quiz kayo 'di ba? Saka malapit nang finals. Magri-review ka pa."

"Gusto lang kitang samahan. Narinig kong hindi na kayo nag-uusap ni Hanson." Sumulyap siya sa akin bago umayos ng sandal sa puno. "Sinabi ni Yui."

"Yui," bulong ko. "Taga-4E ang lalaking 'yon."

"Alam ko." Napatingin ako kay Gernalie. Nakangiti siya. "Pero crush ko na yata ang isang 'yon. Gwapo. Saka, mayaman," dagdag niya.

Umiling ako. "Baka i-bully ka niya gaya ng ginawa sa akin ng kaklase kong mayaman no'ng elem," bulong ko. "Iba sila sa atin, Gernalie."

Narinig ko ang buntong-hinga niya. "Bakit si Hanson? Nakakaya mong pakisamahan. Naging boyfriend mo pa gayong alam mong mayaman siya."

"Kasi... iba siya."

"Gano'n din si Yui. Iba rin siya."

Napatitig ako kay Gernalie. May munting ngiti sa mga labi niya kaya sumuko na ako. Bumuntong-hinga ako at bumaling ulit sa malawak na field. Natakpan na ng ulap ang araw kasabay ang pag-ihip ng malamig na hangin. Tangay niyon ang ilang tuyong dahon. Napangiti ako. Kung sana ganito na lang buhay... payapa at parang walang problema.

"Pwedeng makiupo, Laura?"

Napakislot ako sa boses. Mabilis akong nag-angat ng tingin. Naningkit ang mga mata ko nang makilala ko siya. "Gernalie, nandito ang crush mo."

"Laura!" tili ni Gernalie.

Natawa ako, saka tumayo. "Maiwan ko na kayo. Babalik na ako sa classroom."

Pumihit ako at naglakad palayo. Tinawag ako ni Yui pero tinaas ko lang ang kamay bago patakbong tinungo ang B. D building. Nahinto lang ako nang may makita akong babaeng pamilyar. Tinanaw ko lang siyang maglakad papunta sa entrada ng covered pathwalk. Papunta yata siya sa gym o 'di naman ay sa canteen. Nagpatuloy ako sa paghakbang papasok building ng sophomores.

NANG HAPON, pagkatapos ng klase, tinungo ko ang covered pathwalk papunta sa gymnasium.  Doon daw gaganapin ang practice para sa  Mr. and Ms. Intramurals. Ayoko sanang dumalo kaya lang pinilit ako ng mga kaklase ko. May isa pa ngang nakasunod sa akin para masigurong pupunta ako sa gym. Nayamot ako pero hindi nalang ako umimik.

"Laura."

Nahinto ako sa paghakbang maging 'yong kaklase kong sumabay sa gilid ko. Lumingon ako sa tumawag at nakita ko si Yui na gulong-gulo ang buhok. Pilit niya 'yong inayos habang nakapaskil sa mga labi niya ang isang malapad na ngiti. "Sa'n ka?" tanong niya.

Napapikit ako at napahinga nang malalim. "Sa gym." Minulat ko ang mga mata.

Pinasadahan niya ng daliri ang sariling buhok, saka bumaling sa kaklase ko. Ngumiti na naman siya. "Dude, uwi ka na."

"Kilala mo ba 'to, Alvaro?" tanong ng kaklase ko.

Ilang segundo akong tumitig kay Yui bago tumango. "Sige na. Pupunta talaga ako sa gym kaya pwede ka nang umuwi."

Tumango siya saka naglakad palayo. Naiwan ako sa gitna ng covered pathwalk kasama si Yui Sy. Sumulyap ako sa kaniya bago pumihit at muling humakbang papunta sa gym. Naramdaman ko ang pagtayo niya sa gilid ko at pagsabay sa bawat hakbang ko. Hinayaan ko siya. Wala naman sigurong masama kung sasamahan niya ako... pero papunta rin siya sa gym?

"Representative ka rin ba?" tanong ko.

Umiling siya. "Papunta ako sa school gate pero nakita kita. Sasamahan na kita papuntang gym."

"Nakita mo ba si Hanson?"

Nahinto siya bigla sa paghakbang. Napahinto rin ako at tumingala sa kaniya. Ngumiti siya nang marahan. "In love ka talaga kay Hanson?"

Napaiwas ako ng tingin. "Tinatanong pa ba 'yan?"

"Ano bang meron sa kaibigan ko at nahuhumaling ka sa kaniya?"

"Uh... basta."

Natawa siya. "Basta? Hindi ako tumatanggap ng basta, Laura."

"Anong pakialam mo?" Nangunot ang noo ko at muling tumingala sa kaniya. "Ano bang masama kung hahanap-hanapin ko si Hanson? Boyfriend ko siya. Kaya malamang, hahanapin ko ang isang 'yon."

"Talaga bang... mahal mo siya?"

Kunot-noo kong tinitigan si Yui. Malamlam ang mga mata niya at namumula. Na parang gustong umiyak na ewan. Namumula rin ang tainga at panay ang tagis ng bagang. Mabilis ang paghinga at kuyom ang dalawang kamao.

Napaatras ako. "A-Anong punto mo, Yui? May gusto ko bang sabihin sa akin?"

"Gusto kita."

Mabilis akong pumihit at malalaki ang hakbang na tinungo ang hangganan ng covered pathwalk. Pero hindi pa ako nakakaabot do'n nang may humuli sa kamay ko sabay yakap sa akin mula sa likuran. Narinig ko ang marahas na paghinga ni Yui.

"Nagtapat ang kaibigan mo sa akin," bulong niya. "Hindi ako nagsinungaling. Sinabi ko sa kaniyang gusto kita."

"S-Si Gernalie?"

"Hmm." Huminga siya nang malalim at dahan-dahang pinakawalan ang hininga. "Natakot ba kita?"

Marahas kong kinalas ang braso niyang nakapulupot sa bandang tiyan ko. "Wag mo nang g-gawin 'yon." Humakbang ulit ako.

"Pero hindi ka mahal ni Hanson. May gusto siyang ibang babae, Laura. Kaya ako na lang."

Dahan-dahan ko siyang nilingon. Kumunot ang noo ko. "Ano bang pinagsasabi mo riyan?"

"Totoo ang sinabi ko." Mariin siyang tumitig sa mga mata ko. "Kaya hindi nagpapakita si Hanson ay dahil abala siya sa iba. May sinusuyo siyang babaeng mas lamang sa 'yo."

"A-Ano?"

"4D. Isang babae sa 4D ang sinusuyo niya. Kaya 'wag mo na siyang mahalin, Laura. Ako na lang."

Umiling ako. Nagsalubong ang dalawa kong kilay. Saka akmang lalampasan siya pero may sinabi siyang nakapagpahinto sa akin.

"Nasa gym siya ngayon. Kasali siya."

Mabilis akong pumihit at patakbong tinungo ang gym. Dinig ko ang mga yabag ni Yui habang sinusundan ako. Napahinga ako nang malalim. Bigla na lang nanlabo ang paningin ko kaya kinagat ko nang mariin ang mga labi. Marahas kong pinahid ang luhang bigla na lang tumulo mula sa mga mata ko.

Nilibot ko ang tingin sa loob ng gym. Maraming estudyante pero napukaw ang atensyon ko sa isang bulto ng lalaking nakatalikod sa gawi ko. May kausap siya. Pero nakilala ko agad siya dahil sa postura niya. Lumunok ako at tumakbo papunta sa gawi niya.

"Hans!" tawag ko.

Napalingon siya sa akin, pati na 'yong mga estudyante sa gym. Pero para bang nawala lahat ng hiya sa katawan ko nang magtama ang paningin namin ni Hanson. Ilang araw ko na siyang hindi nakita. Miss na miss ko na siya.

Nanlabo ang paningin ko nang manlaki ang mga mata niya. Bakit? Hindi ba niya inasahang makikita niya ako rito? Ayaw niya ba talaga akong makita?

"Hans, please. 'Wag mo akong iwasan." Huminto ako sa harap niya at mabilis siyang niyakap. Naiyak ako. Hinigpitan ko ang yakap sa kaniya pero pilit niyang kinalas ang braso kong nakapulupot sa katawan niya.

"Ashlee, pakiusap. 'Wag kang ma-eskandalo rito. Magpa-practice pa kami. If you want, wait for me at the parking lot. Just not in this place, Ashlee, okay?"

Tuluyan niyang nakalas ang mga braso ko. Napatingala ako sa kaniya at nakagat ko ang ibabang labi. "But I can't wait for you at the parking lot. I am a participant, t-too."

Akmang magsasalita siya pero naunahan siya ni Yui. "Laura," rinig kong tawag niya sa likuran ko. "Laura, halika rito."

Naramdaman ko ang paghigit sa akin ni Yui palayo kay Hanson. Nakatingin lang si Hanson sa akin habang hinihigit ako ni Yui palayo. Wala ba siyang gagawin? Hindi ba niya ako babawiin? Hahayaan lang niya si Yui na higitin ako palayo? Gano'n lang? Wala siyang pakialam? Napahikbi ako.

"Laura," bulong ni Yui. Huminto siya at nilingon ako. Mabilis niyang pinahid ang luha ko sa pisngi ko. "Stop crying."

"P-Pero si Hans -"

"Hindi ka niya mahal. Kaya please, 'wag ka nang umiyak. Ako naman ang sinasaktan mo niyan."

Yumuko ako. Narinig ko ang marahas niyang buntong-hinga sabay kabig sa akin at yumakap. Hinagod niya nang marahan ang likod ko. Napakapit ako sa laylayan ng coat ng uniporme niya.