Chapter 21
Pagkauwi ko sa bahay, sinturon ang sumalubong sa akin. Ilang masasakit na salita pa ang natanggap ko mula kay Mama, Tito Boy, at sa dalawa kong mga Tita. Nanatiling tahimik naman sina Tito Pol at Reide. Wala si Lola. Baka nagpapahinga na. Biglang may nilatag na asin si Tita Karol sa tiles.
"Luhod!" sigaw niya.
Nanlabo ang paningin ko at nanginig ang mga kamay ko sa kaba. Naiiyak akong tumingala sa kaniya. "T-Tita..."
"Sabing lumuhod ka! Diyan. Diyan sa asin!"
Dahan-dahan akong lumuhod. Ramdam ko ang hapdi nang lumapat ang mga tuhod ko sa sahig na binudburan ng asin. Napapikit ako at kinagat nang mariin ang ibabang labi.
"Karol," saway ni Tito Pol. "Sobra naman yata."
"Tingnan mo ang oras, Kuya. Alas-siyete na ng gabi! Alas-kuwatro ang labas nitong magaling mong pamangkin. Saan naman 'yan nagsusuot? Malamang lumalandi!"
"Karol," saway ni Mama. Nilagok niya ang isang baso ng tubig na inabot ni Tito Reide. "Pabayaan mo na 'yan, Kuya Pol. Lumagpas siya ng curfew kaya parusa niya 'yan. Halina kayo sa kusina. Isang oras pa siyang luluhod sa asin."
Sabay-sabay silang nagsialisan. Naiwan akong mag-isa sa sala. Mas lalo akong naluha. Sinapo ko ang bibig para hindi kumuwala ang isang hikbi. Nanginig ang tuhod ko habang patagal nang patagal ang pagkakaluhod ko sa asin. Halos hindi ko na ramdam ang dugong dumadaloy sa binti ko. Nanlalamig na ang talampakan ko.
Huminga ako nang malalim at humawak sa gilid ng sofa para alalayan ang bigat ng katawan ko. Kaunting oras na lang at tuluyang bibigay ang katawan ko sa hapdi. Pero hindi ako pwedeng umalis hangga't hindi natatapos ang isang oras. Mas lalo lang madagdagan ang sistensiya ko.
Napabuga ako ng hangin at paulit-ulit na lumunok. Sabi ng coordinator na sa susunod na mga araw, magiging puspusan pa ang practice. Kaya sa tingin ko, mas maganda kung magba-back out ako. Hindi ko pwedeng isugal ang curfew, baka hindi ko na kayanin sa susunod. Saka... gusto ko munang lumayo kay Hanson. Kung patuloy akong nagpa-practice, paulit-ulit ko lang siyang makikita. Pagod na akong humabol sa kaniya.
"Laura."
Napaangat ako ng tingin. Bumungad sa akin ang seryosong titig ni Tito Reide. Ngumiwi ako. "B-Bakit?" paos kong tanong. Umikhim ako para mawala ang bikig sa lalamunan ko. Pinahid ko pa ang luha sa pisngi ko.
Lumuhod siya para magpantay ang tingin naming dalawa. Inabot niya ang dulo ng hanggang dibdib kong buhok at inikot-ikot sa daliri niya. "Saan ka ba nagpunta? Alam mong may curfew ka."
"Nag-practice, T-Tiyo. Kasali ako sa pageant sa school."
Nangunot ang noo niya at nag-angat ng tingin sa akin. "Hindi mo sinabi sa Mama mo?"
"Kahit sabihin ko sa kaniya, hindi naman siya makikinig. Isa pa, bawal sa aking sumagot sa kanila habang pinapagalitan." Mapait akong ngumiti. "Ayos lang. Sanay na ako, T-Tiyo."
Tumaas ang sulok ng labi niya. Tumayo siya at dumukwang para buhatin ako.
"T-Tiyo -"
"Shhh. Ihahatid na kita sa kuwarto mo." Naglakad siya palapit sa hagdanan habang buhat-buhat ako. "May pinag-uusapan pa sila sa kusina."
"Pero baka pagalitan nila ako dahil -"
"Akong bahala."
Doon lang ako natahimik. Hinayaan ko siyang umakyat sa hagdan at maglakad papunta sa kuwarto ko habang binubuhat ako. Napatitig tuloy ako sa mukha niya. Seryoso siya at mariing magkalapat ang maninipis na mga labi. Bigla na lang siyang nagbaba ng tingin sa akin habang buhat ako. Nagtama ang tingin naming dalawa.
"Salamat, T-Tiyo."
"Tinulungan kita kaya sa susunod, 'wag mo nang lagyan ng bleach ang jersey ko."
Hilaw akong natawa at namumulang nag-iwas ng tingin sa kaniya. Inis ako sa kaniya no'ng oras na 'yon kaya pinaliguan ko ng bleach ang pinakamamahal niyang jersey. Pero nag-sorry naman ako sa kaniya kaso sinamaan lang niya ako ng tingin.
Pinihit niya ang seradura at pumasok sa loob. Binaba niya ako sa kama at sinipat ang tuhod ko. Umiling siya. "May kit ka ba riyan?"
"Sa loob ng drawer."
Binuksan niya ang drawer sa gilid ng uluhan ng kama saka nilabas ang kit. Hinahalughog niya 'yon saglit bago bumaling ulit sa akin. "Hugasan natin ang sugat mo."
Tumango ako. Binuhat niya ulit ako at lumabas ng kuwarto. Binaybay niya ang hallway papunta sa banyo. Sinara niya ang kubeta at pinaupo ako ro'n. Lumuhod siya sa harap ko. Dahan-dahan niyang hinugasan ang sugat ko at napapangiwi pa ako sa hapdi.
"Nakita kita no'ng isang linggo."
Napatingin ako kay Tito Reide. "Sa'n, Tiyo?"
"Sa parke. Naglalaro ako ng bola nang makita kitang kasama ang isang lalaki. Sino 'yon?"
Bigla na lang kumabog ang dibdib ko. Baka si Hanson ang nakita niyang kasama ko! Napalunok ako. "Sinabi mo ba kay Mama, T-Tiyo?"
Tumigil siya sa ginagawa at nag-angat ng tingin sa akin. "Hindi. Kakalbuhin ka no'n 'pag sinabi ko."
"S-Salamat, T-Tiyo."
"Sino ang lalaking 'yon, Laura?"
"Uhm." Nagbaba ako ng tingin. "S-Si Hanson."
"Boyfriend?"
Natulala ako sa laylayan ng skirt ko. Boyfriend? Napabuga ako ng hangin. Hindi ko alam kung anong status namin ni Hanson. Hindi ko na siya nakausap pagkatapos no'ng niyakap ko siya sa harap ng mga representatives. Gusto ko sanang lumapit ulit sa kaniya para kausapin siya pero kakaiba na ang tingin ng ibang estudyante sa akin. Kaya nahiya na akong lumapit kay Hanson pagkatapos kong mag-eskandalo sa harap nila. Kung wala pa si Yui para i-cheer up ako, baka tumakbo na ako sa kahihiyan.
"H-Hindo ko alam, T-Tiyo."
Natawa siya. "Pamilyar ang mukha niya. Nakita ko na kung saan pero hindi ko maalala."
"B-Baka sa TV, T-Tiyo. Anak-mayaman ang isang 'yon."
"Wag ka nang makipagkita sa kaniya, Laura. Hindi maganda sa 'yong makipagkaibigan sa taong mas mataas sa 'yo." Bumuntong-hinga siya. "Ang lalaking 'yon, hindi ko siya gusto para sa 'yo. Sa postura at galaw, matinik sa babae."
Napatitig ako kay Tito Reide. "Basang-basa mo 'yong kalahi mo Tiyo, no?"
"Noon lang ako babaero, Laura. Hindi na ngayon."
Natawa ako sa sinabi niya. "Sus, nakita rin kita no'ng last week. Ka-date mo si Margie." Nanlaki ang mga mata niya kaya mas lalo akong natawa. Umiling ako. "Kaya hindi ko na pinapatulan. Baka isang araw ipapakilala mong Tiyahin ko na ang frienemy ko."
"Laura," saway niya. Natawa siya pagkuwan ay binuhat na naman ako pabalik sa kuwarto. "Una siyang lumapit. Nagmamagandang-loob lang ako."
Napanguso ako. "Pero sinisisi pa rin niya ako dahil sa pagkamatay ng aso niya. Sabihin mo naman na 'wag na niya akong inisin, Tito. Hindi ko matyansa kung gaano kapangit ang mukha niya sa tuwing lumalaki ang butas ng ilong niya sa galit."
Humalakhak si Tito. Natawa rin ako at pabirong sinuntok ang dibdib niya. Binaba niya ako sa sarili kong kama at inabot ang kit. "Wag ka nang bumaba mamaya. Ako na ang maghahatid ng pagkain mo. Siya nga pala, magsuot ka ng knee-high socks bukas."
"Alam ko, Tiyo."
Mabilis niyang nilagyan ng betadine ang sugat ko saka nilapatan ng bandage. Tumayo siya saka nagpaalam sa akin. Ngumiti ako at kumaway sa kaniya. Pero nang sumara na ang pinto, agad napalis ang pekeng ngiti sa mga labi ko.
DISAPPOINTMENT ang nabasa ko sa mga mukha nila matapos kong sabihing magba-back out ako sa pageant. Tinanong pa ako ng mga kaklase ko at isa lang ang lagi kong sagot; may curfew ako at hindi ako makakasali sa practice. Kaya ang resulta, si Revamonte ang naging representative namin. Kahit na ayaw niya pero pinilit siya ng adviser at classmated namin. Tuloy, masamang tingin ang pinukol niya sa akin na hindi ko na pinansin. Alam na niya ang pakiramdam nang pinipilit.
"Grabe naman, Laura. Dahil sa curfew na 'yan kaya hindi ka makakasali." Bumuntong-hinga si Gernalie sabay saksak ng straw sa sachet ng orange juice.
Kinuha ko ang order at naglakad paalis ng canteen. Sumunod si Gernalie. "Ayoko rin namang sumali. Pinilit lang ako kaya hindi ako naghinayang."
"Pero alam mong magandang break 'yon para makilala ka sa buong Tyrant."
"At ba't ko naman papangaraping makilala sa buong Tyrant? Saka, gusto ko lang ng tahimik na school life. Ayoko ng hassle."
"Bahala ka."
Lumabas kami ng canteen at lumiko papunta sa entrada ng covered pathwalk. Tahimik lang na naglalakad sa tabi ko si Gernalie pero maya-maya'y nagtanong. "Wala na talaga kayong communication ni Hanson?"
"Wala," bulong ko at lumunok. Sumipsip ako sa straw ng juice.
"Wala na ring communication kay Yui?"
Nahinto ako bigla sa paghakbang. Napahinto rin siya at takang tumingin sa akin. Mabilis akong umiling at lumunok. "Wala. Saka hindi ko siya crush kaya sa 'yo lang siya, Gernalie."
Bigla na lang siyang tumawa sa gitna ng pathwalk. Pinagtinginan tuloy kami ng mga estudyanteng nasa malapit kaya agad ko siyang inaya para magpatuloy sa paglalakad. Tumalima siya. "Naku, Laura. Alam kong may crush sa 'yo si Yui. Sinabi niya sa akin. Wala naman akong magagawa kung magka-crush siya sa 'yo."
"Pero baka ma-offend ka."
Tumawa na naman siya. "Naku, study first pa ako. Kaya ayos lang sa akin kung ayaw ako ni Yui. At least, guarded pa rin ang kalandian ko. Hindi ako mati-tempt na magpa-cute sa kaniya." At humalakhak na naman siya.
Napailing na lang ako at napangiti. Nagtuloy-tuloy kami papunta sa B. D building, pero napahinto ako sa paghakbang nang matanaw ko sa unahan si Hanson. Nakayuko siya at naglalakad pasalubong sa amin ni Gernalie. Nahinto na rin ang huli at mahinang napasinghap. Bumaling pa sa akin na nanlalaki ang mga mata.
Tumango ako sa kaniya at iningusong magpatuloy kami sa paghakbang. Tumungo siya. Mahina akong humugot ng hininga bago humakbang paabante. Ilang hakbang na lang at makakasalubong na namin si Hanson pero ni hindi ito tumingin sa harap. Nanatili itong nakatungo, parang malalim ang iniisip.
Hanggang sa makasalubong ko siya. Ilang dangkal lang ang layo ng katawan ko sa katawan niya. Naamoy ko pa ang gamit niyang pabango. Napabuga ako ng hangin at napahinto sa paghakbang. Hindi ko kaya. Lumingon ako kay Hanson pero nagpatuloy lang siya sa paghakbang.
Napalunok ako. Mukhang wala na talaga siyang balak na balikan ako. Walang balak magpaliwanag. Lumunok ulit ako nang manubig ang mga mata ko. Akmang pipihit ako nang huminto siya sa paghakbang. Umawang ang labi ko.
Pumihit siya at agad nagtama ang tingin naming dalawa. Umihip ang hangin sa pagitan namin at tinangay niyon ang preskong amoy ng kakahuyan sa gilid ng Tyrant. Sinayaw ng hangin ang nakalugay kong buhok.
"I recognized your scent," bulong niya. "And I know that it's you, Ash."
"Hans..."
Ngumiti siya. "I'm sorry," sabi niya at agad pumihit. Nagpatuloy siya sa paghakbang palayo.
Akmang tatakbo ako pasunod sa kaniya nang pinigilan ako ni Gernalie. "Mali-late ka na. May quiz kayo sa next subject, Laura." Humigpit ang hawak niya sa braso ko.
Lumunok ako at dahan-dahang yumuko. Tumango ako. "T-Tama ka. Tara n-na."
Bagsak ang balikat, tinungo ko ang B. D building na tanging nasa isip ay ang malungkot na ngiti ni Hanson.