CHAPTER 22
LARA
Humugot ako ng isang malalim na buntong hininga at tumayo na, kailangan kong kalimutan na ang sakit. Saka ko na 'yun aalalahanin kapag nagkita kaming muli. Hinanap ko ang banyo para maligo dahil may nakita akong paper bag sa babasagin na lamesa, may damit doon at kumpleto na 'yon.
Pagdating sa banyo ay hindi ko rin maiwasan na hindi mamangha dahil kung tama ako ito ang tinatawag na bathtub, ang laki at siguro maluwag pa sa akin ito kapag lumusong ako doon. Ngunit naisip ko na sa shower na lang maligo, hinubad ko ang lahat ng suot ko at tinapat ko ang katawan ko sa tubig.
Arkin, akala ko totoo ang pagmamahal mo sa akin. Bakit may ibang babae lang na dumating sa buhay mo, agad mo akong pinagpalit. Dahil ba sa maganda siya at seksi? Maganda ang suot at mabango?
Mapait na napangiti ako dahil sa naisip ko, hindi na ako iiyak lalo na kapag kaharap kita.
Hintayin mo ang paghaharap natin, lalo na ang babaeng kasama mo ngayon. Ipapakita ko sa'yo na nagkamali ka.
Tinapos ko na ang pagligo ko at sinuot ang damit na nasa paper bag, sleeveless na kulay itim at pantalon na maong, saktong-sakto sa balakang at hita ko para bang sukat na sukat. Ngayon lang ulit ako nakapag-suot ng ganito dahil karamihan sa damit ko 'ay bistida. May flat na sandals rin sa loob ng paper bag,
Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin, bumagay sa akin ang suot ko. Hindi man ako ganun kaputi ay bumagay pa rin sa akin ang sleeveless na damit. Sakto lang ang dibdib ko hindi ganun kalaki, ang bewang ko na twenty six. Flat ang tiyan ko kaya naman kitang-kita ang hubog ng katawan ko.
"Nakapagbihis ka na ba?"
Napaangat ako ng mukha sa nagsalita si Ms. Annie, napansin ko na nakatingin siya sa akin.
"Salamat po sa damit, sakto sa akin." Sabi ko.
"Oo nga, bagay na bagay sa'yo." Nakangiting sabi nito.
"Saan po ba tayo pupunta?" Tanong ko pero napalingon ako sa pumasok ulit at si Seth, mukhang naligo na rin ito at dahil iba na ang suot nito.
"Sir kayo pala." Tumabi sa gilid si Ms. Annie.
Nagsalubong ang mata namin ni Seth, nakatingin lang siya sa akin kaya naman nakaramdam ako ng pagkailang.
"Maiwan ka na lang dito, Annie." Sabi ni Seth at tumango lang ito. "Come on," aya sa akin ni, Seth.
Agad na sumunod naman ako sa kanya. Matangkad si Seth at magandang lalaki, ganitong-ganito ang itsura ng lalaki na nababasa ko sa mga pocket book.
"Seth, saan tayo pupunta?" Tanong ko sa kanya paglabas namin ng bahay at nagtungo sa kotse niya.
"Kumain ka na ba?" Tanong niya imbes na sagutin ang tanong ko.
"Oo kanina." Sagot ko ng papasukin na niya ako sa loob, hindi na siya sumagot at umikot na siya sa kabila.
Tahimik lang ako pagpasok niya, pero nagulat ako akala ko kung ano ang gagawin niya dahil lumapit siya sa akin. Nalanghap ko ang mabangong buhok niya pati na ang pabango na gamit niya pakiramdam ko napigil ang paghinga ko, tiningnan ko ang ginawa niya sa gilid at may hinatak siya doon at kinabit sa akin.
"Lagi mo itong gagamitin." Sabi niya at lumayo na siya sa akin. Doon lang ako nakahinga ng maayos pag-alis niya.
Natahimik na ako ulit hanggang sa umandar na ang kotse, nakaramdam ako ng lamig dahil sa suot ko. Hindi ko pinahalata na giniginaw ako, pinili ko na lang na libangin ang mata ko sa tanawin sa daanan.
---------
Pumasok kami sa malaking building, pansin ko lahat ng mga tao doon ay binabati kami. May kausap rin siya habang naglalakad kami, may mga nakasunod rin sa likod namin na babae at lalaki.
"We have a new arrival sir, Honteros."
Honteros? Si Seth ba 'yon? Apelyido niya?
"Good." Sagot ni Seth.
Nakaramdam ako ng kuryente ng muli ay hawakan ako sa siko ni Seth para akayin papasok. Nakatingin ako sa kamay niya at hindi ko alam kung ano ang pinuntahan namin.
"Sumama ka na sa kanila."
Doon lang ako natauhan at nagpalinga-linga sa paligid, napansin ko na maraming magagandang damit ang mga maayos na naka-display at naka-hanger. Nilingon ko si Seth, dahil bakit kami nandito.
"Halika na po ma'am, isusukat ko sa inyo ang lahat ng mga bagong damit na narito ngayon." Nakangiting sabi ng babae.
Sumenyas naman si Seth sa aki na sumama na ako, habang naupo siya sa sopa. Sumunod ako sa babae, doon ay maraming damit na naghihintay sa akin.
"Sige na po." Muling sabi ng babae sa akin.
"Isusukat ko ba lahat 'yan?" Hindi makapaniwalang tanong ko dahil ang dami.
"Yes ma'am," sagot naman ng isa.
Wala na akong nagawa at sinukat ko ngayon kaso hindi ako makapag-desisyon kung ano pipiliin dahil lahat ay maganda. Isa pa ang mamahal ng mga damit, halos yung iba ay nasa kalahating milyon. Kinikilabutan ako.
"What happened?"
Napaangat ako ng mukha sa nagsalita si Seth pala nandito siya.
"Okey lang naman po sir Honteros, medyo nahihirapan lang po siya mamili sa mga damit na pinasukat namin sa kanya." Sagot ng babae.
Nakatingin lang ako kay Seth, hindi ko alam kung paano ko sasabihin.
"Wala kang mapili?" Baling niya sa akin.
"Hindi naman sa ganun, pero kasi magaganda lahat at ang mamahal--"
"Kukunin ko na lahat 'yan."
Nanlaki naman ang mata ko dahil sa sinabi ni Seth, napangiti naman ang dalawang babae. Pero ako ito hindi makapaniwala dahil ang mahal no'n dahil nasa kinse piraso ata ang mga damit na sinukat ko.
"Pero sandali, Seth. Hindi mo kailangan bilhin lahat 'yon, masiyadong mahal ang mga 'yun." Nag-aalalang habol ko sa kanya dahil naglakad na siya.
Huminto siya at humarap sa akin, kunot ang noong tiningnan niya ako at namulsa.
"Huwag na natin pareho pahirapan ang sarili natin, halika na may pupuntahan pa tayo." Aya niya sa akin at muling hinawakan ako sa kamay.
Tulala lang ako habang naglalakad kami at hawak niya ang kamay ko, hanggang sa may pinasukan kami ulit at pinaupo niya ako sa sopa.
"Good afternoon sir, Honteros."
Bati sa kanya ng mga nandoon habang ako nakaupo at si Seth nakatayo. Kinausap niya 'yung lalaki, hindi ko narinig ang pinag-usapan nila tumango-tango lang 'yung lalaki sa kanya.
Mayamaya'y may tulak-tulak ang dalawang lalaki at nakita ko ang laman no'n maraming naggagandahan na sandals. Lumapit doon si Seth at namili, may kinuha siya at lumapit sa akin. Hindi ko inaasahan ang sumunod na nangyari dahil hinawakan ni Seth ang paa ko at balak tanggalin ang sandals na suot ko.
"A-ako na lang." Nahihiyang sabi ko pero hindi niya ako pinansin dahil hinubad niya na ang suot kong sandals.
Sumunod ay sinuot niya ang kinuha niya, ang ganda kulay silver at kumikinang siya. Pakiramdam ko tuloy para akong si Cinderella dahil sa ginawa ni, Seth. Marami siyang sinukat sa akin pero hindi ko 'yon pinansin dahil kay Seth lang nakatuon ang atensyon ko.