Chapter 3
Sa opisina.
"Kara!" tawag sa akin ni Letty na kaopisina ko. Katulad ko, isa rin siyang accountant sa kumpanyang ito. Nilingon ko siya kahit pa may tinitipa ako sa harap ng computer. "May nagpapabigay sa ‘yo." Napatingin ako sa kulay puting sobre na hawak niya at iniaabot sa akin.
"Kanino galing?" kunot-noong tanong ko.
Ngumiti lang si Letty. "Basta! Buksan mo na lang at basahin ang sulat na iyan." Saka siya nagbalik sa desk niya.
Ako naman, inamoy ang mabangong sobre na hawak ko. Napangiti rin ako dahil alam ko na kung kanino talaga ito galing.
Nasa loob ako ng banyo nang mapagdesisyunan kong buksan ang sobre. Gusto kong nasa pribadong lugar ako at walang makakakita sa akin kapag binasa ko ang sulat. Break time na at abala ang lahat sa pagmimiryenda kaya alam kong walang mang-iistorbo sa akin dito. Excited ako na dahan-dahang pinunit ang gilid ng envelope.
‘My dear Kara,’ simula ng sulat. Kumabog agad ang dibdib ko. Tama ang hinala ko. Sino pa nga ba ang magmamay-ari ng penmanship na ito kundi si Nicolo. Ganito naman talaga siya. Nakasanayan na niyang daanin sa sulat ang komunikasyon namin sa halip na text message o chat. Mas gusto ko naman ito. Iyong effort lang niya na gawin ito ay nagpapalundag na ng puso ko. Ako pa ba ang magrereklamo?
‘Magkita tayo mamaya sa Dennys. My treat. Let's talk while having a special dinner. I hope to see you there. Love, Nic’
Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko saka ko dinala sa dibdib ang sulat ni Nicolo.
‘Oh my, oh my! Ano ba ito? Bakit kinikilig ako?’ Napatingin ako sa aking hitsura sa salamin. Namumula ang pisngi ko kahit hindi ko pa naman kaharap si Nic.
Si Nicolo ay classmate ko since high school hanggang college. Ngayon ay kumukuha na siya ng kursong Law. Simpleng guwapo, simpleng manamit, at simple sa lahat ng bagay. Niligawan niya ako noong nasa kolehiyo na kami. At dahil simple lang din naman ako, saka talaga namang matagal ko na siyang gusto, hindi na ako nagpakipot pa. Kaya noong mismong oath-taking namin...
"Kara, may sagot na ba sa tanong ko?" May dalang bulaklak si Nicolo noon. Isang puting rosas na may nakataling puting laso sa dulo ng tangkay nito.
Nahihiya akong ngumiti sa kanya.
"Nicolo, a-ano kasi..." Grabe ang kaba ko noon. Hindi pa kasi ako nagkaka-boyfriend. At kung sakali, siya na ang magiging first ko.
"Kung natatakot ka dahil ito ang magiging una mong relasyon, kahit mutual understanding lang, masaya na ako. Kara, ikaw ang inspirasyon ko at gustong-gusto kita. Sana..."
Hindi pa natatapos si Nic sa sasabihin niya nang mabilis ko siyang hinawakan sa kanyang kaliwang kamay.
"Payag ako, Nic. Payag na ako," kinakabahan na sagot ko.
Kitang-kita ko kung gaano siya kasaya noong mga oras na iyon. Muntik na nga niya akong yakapin kung wala lang doon ang mga magulang namin. Magkakilala na kasi noon pa ang aming mga magulang at madalas ay nagkakaroon kami ng salo-salo kasama ang iba pang mga kaibigan ng mga magulang namin.
"I promise, Kara. I will make you happy. Our mutual understanding will become a long-time love and friendship…" naaalala kong sabi pa noon ni Nicolo.
Dali-dali kong ibinalik ang sulat sa loob ng sobre. Tiningnan kong muli ang ayos ko sa salamin. Naging busy si Nic these past few days. Minsan nga lang siya nakapag-text sa akin, eh. Alam ko naman kung gaano siya kaabala sa pag-aaral niya. Nagtatrabaho na siya, nagsusunog pa ng kilay para maging mahusay na abogado. Kaya ayos lang sa akin kung nahahati na ang oras niya.
Dinala ko sa ilong ang sobreng hawak. Mabango ito dahil scented ink ang ginamit ni Nic na pansulat. Ganoon siya ka-sweet na magbubuhos pa ng oras kahit sa simpleng sulat lang.
Saan pa ako makakakita ng lalaking katulad niya na may pangarap sa buhay? Hindi kagaya ng ibang lalaki riyan na puro pagpapasarap ang alam. Mga lalaking dugyot at nagdadala ng babae sa bahay pagkatapos ay wala pang trabaho! Nakakainis lang dahil sila pa iyong mga guwapo sana at nakakapanghinayang!
Teka! Sino ba ang tinutukoy ko?
Ipinilig ko ang ulo at saka inayos ang aking suot na bestida. Saktong nakabestida ako ngayon na kulay dilaw. Tamang-tama sa pagkikita namin ni Nicolo mamaya. Ang kulay dilaw na bestidang suot ko ay medyo hapit sa katawan. Ayaw ko nga sanang isuot ito kanina kaso, ayaw ko namang patalo kay Ingrid, noh! Ingrid nga ba o Mildred? Ewan. Parang ganoon ang tunog ng pangalan na narinig ko. Halos lumuwa na ang kaluluwa ng babaeng iyon sa suot na damit kanina nang iwan ko sila ni Gabriel. Ayaw ko kasing paniwalaan ng kung sino man na babae na iyon ang sinabi ng manyak niyang kalaguyo na maid nila ako. Huh! Over my dead and super sexy body! Mamatay siya sa inggit dahil kahit hindi ko ipakita ang cleavage ko, sadyang may ipagmamalaki ako kaysa sa kanya. Kung bakit walang ka-taste-taste ang Gabriel na iyon! Ewan ko kung ano na ang mga pinaggagagawa nila ngayon. Bahala sila sa buhay nila! Bakit ko ba kasi sila iniisip?