Chapter 2
"Hey! Pansinin mo naman ako…" Nakanguso at magkadaop ang mga palad ni Gabriel. Para siyang anghel kung makiusap. Mas mahinhin pa nga siya kaysa kay Maria Clara. Ayan oh. Parang may bilog na halo siya sa ulo na nag-glo-glow.
Pero ako pa ba ang lolokohin ng manyak na ito? Guwapo lang ang panlabas niyang anyo. Mamasel lang ang katawan niya. Matangkad lang ang height niya. Makalaglag-panty lang siya. Pero ang buto niya, mas maitim pa sa dinuguan!
Umikot na lang ang mga mata ko. Nilagpasan ko si Gabriel at hindi pinansin. Bahala siya riyan! Pansinin niya ang mukha niya. Huwag siyang haharang-harang sa daraanan ko at baka matadyakan ko siya! Ganitong puyat ako ay baka masapak ko talaga siya!
Kumuha ako ng kawali. Magpi-prito ako ng itlog para sa almusal ko ngayon.
"Bakit ba ang ganda mo pa rin kahit na bagong gising ka?” Humalukipkip si Gabriel habang nakasandal sa pasimano. “Kahit na, hindi ka pa magsuklay? At kahit na nakasimangot ka?" pang-uuto niya sa akin.
Pinanonood niya ang ginagawa ko. Alam kong kabaligtaran ang mga pinagsasabi niya. Dahil mukha akong bruha sa mga oras na ito. Mapuyat ka ba naman ng buong magdamag. Kaya pake ko kung ano ang hitsura ko! At pake ko kung magsalita siya riyan habang nakikipag-usap sa hangin.
Sumagitsit ang mantika pagbagsak ng itlog sa kawali. Binudburan ko iyon ng kaunting asin.
"Babe, gutom na 'ko," boses ng isang malanding babae. Ito tiyak ang babaeng kaulayaw ng manyak na kapatid ng best friend ko. Humanda talaga sa akin ang Gabriel na ito at isusumbong ko ulit siya kay Susana.
"O, babe. Bakit gising ka na? 'Di ka ba napagod?" malambing na tanong ni Gabriel sa babae niya. Inalalayan pa niya ang babaeng nakasuot ng manipis na pantulog.
Ano ba itong babaeng ito? Balak mag-camping dito? Mukhang may baon pa itong damit. Ilang araw ba nito na gustong magpahalay sa hayop na si Gabriel? Buwisit! Ayaw kong isipin. Ayaw ko ring tanungin.
Tinalikuran ko sila at itinuloy ang ginagawa.
"Napagod nga ako. Pero kasi gusto kitang katabi,” malambing na sabi ng babae.
Hay! Landi talaga! Nilingon ko sila. Ewan ko kung bakit bigla akong naging curious. At nanlaki agad ang mga mata ko dahil ngayon ay magkayakap na sila at nakahawak sa puwet ng babae ang mga kamay ni Gabriel. Walang damit pang-itaas si Gabriel. At ang babae niya, halatang walang bra kaya dumidikit iyong gamunggo nitong ut*ng sa mamasel na dibdib ni Gabriel.
Hayop talaga ang mga ito! Gawin ba namang motel ang bahay nila Susana. Hindi pa nakontento sa loob ng kuwarto at ngayon ay dito pa magkakalat!
Nag-iwas ako ng tingin at binalikan ang ginagawa. Sa loob na lang ako ng sarili kong kuwarto kakain kapag nakaluto na ‘ko. Ayaw kong makakita ng live show. Live na nga sa gabi, live pa rin sa umaga?
"Sakto babe,” sabi ni Gabriel. “Nagluluto na ang bago naming maid."
Sino naman kaya ang maid na tinutukoy ng hinayupak na—- WHAT?!
Maid? Ako? Fuchsia, naman talaga!
Umigting ang panga ko. Gusto kong ipukpok ang hawak kong kawali sa ulo ng damuhong na si Gabriel.
Pero hindi na lang ako kumibo. Kahit na nanggigigil ako sa inis ay ipinagpatuloy ko na lang ang pagluluto ko. Nagtusta rin ako ng tinapay na may mantikilya. Mabuti na lang at tanghali na ang pasok ko sa opisina dahil may construction na ginagawa. At least, hindi ko kailangang magmadali ngayon.
"Siyangapala, Gab. Sino iyong Kara na tinatawag mo kagabi?" tanong ng babae.
Bigla akong napatinging muli sa kanila. At ang manyak na si Gabriel, mukhang hinihintay talaga akong tingnan sila. Kumindat pa siya sa akin! Manyak talaga!
"Ah, iyon ba? 'La iyon, babe. Isa lamang siyang pinapangarap ng mga lalaki," nakangising sabi ni Gabriel.
Umikot ulit ang mga mata ko. Wala na namang masabi ang kumag na 'to! Kumuha na lang ako ng plato para ilagay ang tinustang tinapay at itlog doon.
"I'm jealous. You told me I'm the only one." Nagtampo naman ang babae.
"Hahahah!" pilit na tawa ko. Kaya sabay silang napatingin sa akin. Nakakatawa kasi ‘only one’ daw. Echos! Pwe! "Hahaha! Nakakatawa iyong drama kagabi. Comedy talaga!" sabi ko habang tumatawa ang nanlalaking butas ng ilong ko.
"Drama na comedy?" kunot-noong tanong ng babae. Mukhang gusto niyang umusyoso sa pinanood ko.
"Uh, oo! Naiyak nga ako sa kakatawa kaya drama-comedy nga! Dramedy!" paliwanag ko.
Kumunot ang noo nilang pareho. Parang isa akong katatawanan sa harapan nila.
Umismid ako. ‘Bahala kayo sa buhay n’yo kung 'di nyo ko maintindihan 'no!’
Nagmamadali akong binitbit ang plato ko ng pagkain. Doon na ako mag-aalmusal sa kuwarto ko. Baka mawalan pa ako ng gana dahil sa mga kaning-baboy na pakalat-kalat sa paligid ko.
"H-Hoy, teka! Saan ka pupunta?" natatarantang tanong ni Gabriel sa akin habang inaalis niya ang pagkakayapos ng babae sa kanya.
Mapakla ko siyang nginitian. "Ay suri sir! Kakaon ako sa kwartu ku ba! Bahala ikaw maglutu sa imu! Ciao!" At saka ako kumagat ng napakalaki sa aking buttered bread with egg.
"T-Teka sandali. Hindi ka man lang nagluto para sa amin?" nag-aalalang tanong ulit ni Gabriel.
Kailan pa niya ako naging tagaluto? In-open close ko ang palad ko habang nakatalikod para maintindihan niyang lakompake sa kanya! Talk to the hand!
Binukas ko ang pinto ng kuwarto ko at saka masayang pumasok doon.
“Hoy, sandali!” habol ni Gabriel sa akin pero pinagsaraduhan ko na sila.
Buwisit na Gabriel! Bakit hindi niya sabihin sa babae niya na ako si Kara at ‘hoy’ lang ang tawag niya sa akin? Pinalabas pa niyang maid niya ako rito.
Nilakihan ko ang kagat na tinapay ko. May mga naririnig akong ingay sa labas pero hindi ko na inintindi. ‘Mamatay sila sa gutom!’