Chapter 9
Isang linggo. Isang linggo na ang nagdaan at bihira kaming magkatagpo ni Gabriel. Sinabi ko kay Susana na huwag na huwag siyang maniniwala sa kapatid niya kaya sino ba ang mas paniniwalaan niya between me and Gabriel? Siyempre ako.
Kaya lumipas ang isang linggo na tila iniiwasan ako ng manyak. At hindi na rin siya nagdadala ng babae rito sa bahay. Mabuti naman dahil mas masarap ang tulog ko sa gabi.
Hindi rin kami nagpapansinan ni Letty sa trabaho. Ilang beses niyang tinangka pero tinatalikuran ko rin siya agad. Magdusa siya, noh! Sino ba ang nagkasala? Alam niyang boyfriend ko si Nicolo ‘tapos pinatulan niya.
Si Nicolo naman ay ilang beses ko nang tinawagan. Gusto ko sanang makapag-usap pa rin kami. Sinabi kong hindi pa kami tapos. Nag-message rin ako sa kanya na hindi ako makikipagkalas sa kanya nang hindi kami nagkakalinawan. Pero kahit man lang sana ‘hi or hello’ sa text. Hindi man lang siya nagre-reply. Minsan tuloy naiisip ko na baka nga, wala na. Wala na sigurong kami na pilit ko pa ring binubuo.
Saka paano ko paninindigan ang sinabi ko kay Susana na walang nangyari sa amin ng kapatid niya? Ano pa bang mukhang ihaharap ko kay Nicolo ngayong hindi na ako ang dating Kara na kilala niya? May mga pagkakataon naman na naiisip ko na parehas na lang kami. Pinatulan niya si Letty, at ako naman ay pumatol kay Gabriel. Sa tuwing maaalala ko iyon, parang hina-hangover pa rin ako.
Nagulat ako isang gabi nang mag-over time ang lahat ng accountant sa opisina. Palabas na kami ng gusali nang may isang magarang kotse ang huminto sa tapat ko mismo. At nang magbaba ng bintanang salamin ang driver ay parang nagulantang ako.
Nagbulungan agad ang mga kasamahan ko. "My gully, ang guwapo naman niya. Artista ba iyan?"
"Nakakagutom naman lalo sarap papakin ng ulam na iyan!" sabi ng isa.
Napalingon din ako kay Letty na halos lumuwa na ang mga mata.
Tumikhim muna ang lalaking sakay ng kotse bago nagsalita, "Hi, Kara. Pauwi ka na?" tanong ng driver.
Napalunok ako. Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit biglang kumabog ang dibdib ko. Sasagot na sana ako nang bigla na lang nagtilian ang mga kasamahan kong babae. "Sheeet! Boyfriend mo Kara? Siya ba iyong nag-aaral ng Law? Ang guwapo naman pala niya!" puri ni Lolita sa driver. May boyfriend na si Lolita at siya ang pinakamatanda sa amin sa opisina, pero kung kiligin siya ngayon ay parang teen-ager pa rin.
Napabaling akong muli kay Letty. Nakabuka pa rin ang bibig niya na tila manghang-mangha na makakita ng mukhang artista.
Ito naman kasing manyak na driver, kung makangiti ay parang hindi ako galit sa kanya. Halatang bagong ligo dahil bukod sa basa pa ang kanyang buhok ay ang bango-bango pa niya.
"Anong ginagawa mo rito, Gabriel?" seryoso kong tanong. Ilang araw na niya akong parang tinataguan ‘tapos bigla siyang susulpot ngayon sa harapan ko? Kuntodo nakadamit pa siya ngayon. Nakataas ang kulay asul na polo niya hanggang siko. Sanay akong naka-boxers lang siya. Sanay akong nakikita ang mga muscle niya. Pati na ang malapad niyang dibdib. Bakit ba siya nagdamit— este —Bakit siya nandito?
"I'm here to get you,” Gabriel said. Itinukod pa niya ang kamay sa hamba ng bintana. “May bagong bukas na kainan malapit dito. And I also closed a deal kaya baka puwede tayong mag-celebrate dalawa?" parang biglang nahihiya na tanong niya.
Kumunot ang noo ko. “Ano itong palabas mo?” masungit kong tanong.
Tuluyan na niyang pinatay ang makina at bumaba ng kotse. Tinangka niyang kunin ang bag na dala ko. “Huwag ka nang magtampo. Kakain lang naman tayo,” ani Gabriel na lalong lumabas ang mapuputing ngipin.
"Uyy! Sama naman kami riyan," biro ng isang kasama ko.
May isa pa na siniko ako para manudyo.
Aayaw sana ako pero may naisip akong ideya.
"Okay, sige," sagot ko.
"T-Talaga?" Lumaki ang mga mata ni Gabriel saka napakagat-labi.
Nagsalubong naman ang mga kilay ko dahil nakaka-ano ang pagkagat-labi niya. Hindi ko alam kung ano, basta, nakakaano! Nakikita pa naman ng mga kaopisina ko!
"Oo, pero kasama sila!" sabi ko at itinuro ang mga kasama ko. Nagsigawan naman agad ang mga nasa tabi ko. Mga patay-gutom lang! Ganyan talaga. Game ang mga ito basta libre. Lagot sa akin ang Gabriel na 'to. Mapapasubo siya ngayon sa gastos. Ang lalakas pa naman lumamon ng mga kaopisina ko lalo na kapag libre.
Lima kaming babae. Isama pa si Letty na hindi maalis ang tingin kay Gabriel. Hindi ko nga alam kung bakit pati siya ay hinayaan ko na sumama rito. Tahimik lang siya at pangiti-ngiti kapag nagjo-joke ang manyak.
Naiinis na nga ako kanina pa sa kanilang lahat. Kasi, simpleng biro lang ni Gabriel ay tawang-tawa na sila habang kami ay kumakain. At hindi man lang nagreklamo ang mokong na um-order ako ng pinakamamahal sa menu. Hindi ko alam kung ano ang karismang gamit niya at lahat na lang ng kaopisina ko ay tila napaamo niya. Maging si Letty nga na hindi ko pinapansin ay kulang na lang na kurutin ang pisngi ni Gabriel. Hindi kaya pinaglilihian na niya ang manyak? At maging kamukha ng anak nila ni Nicolo ang guwapong mukha ng ka-room mate ko? Hindi ito puwede!
Lumaki ang butas ng ilong ko saka masungit na hinarap si Gabriel. "Babe, let's go!"