CHAPTER 60
1 year later...
Tagaktak ang pawis ni Rocky habang abala sa mga customer na hindi magkamayaw sa pagbili ng pares nila. Ang dami nilang customer ngayong araw.
"Bagsak na naman tayo nito mamayang gabi. Pagod na naman tayo dahil sa dami ng customer," ani Lax mula sa gilid niya. Nagpunas ito ng pawis sa noo. Halos isang taon na rin ang mabilis na lumipas at ipinagpatuloy niya ang nasimulang negosyo na mas lalong lumalago ngayon. Marami na silang branches sa iba't ibang lugar at ang mga ibang kasamahan nila dati sa Dark Empire ang siyang naging mga tauhan niya. Nakabili na rin siya ng bahay at sasakyan dahil sa negosyong ito. Ni minsan wala sa hinagap niya na magiging maayos ang buhay niya at makakamit niya ang lahat ng ito. Isang tao lang naman ang naging dahilan kung bakit mas patuloy siyang nagsikap sa buhay, walang iba kundi si Penny. Matagal na rin buhat nang huli silang magkita, wala siyang balita sa dalaga pero pinanghahawakan niya ang isang salita ng Mommy nito noong huli niya itong nakausap.
Napangiti siya nang maisip iyon. Kahit alam niyang walang kasiguraduhan ang lahat ay umaasa pa rin siya.
"Maaga tayong magsasara mamaya para makapagpahinga. May susunduin tayo bukas, remember?" nakangising sabi ni Kuzma.
Bigla siyang napabalik sa sariling ulirat.
"Oo nga pala, uuwi na ang mga balikbayan!" natatawang sabi ni Lax.
Napailing na lang siya habang nangingiti. Hindi sila magpapagabi ngayon upang makapagpahinga agad dahil susunduin nila sina Uno at Leandro bukas. Makakalaya na ang mga ito. Bumaba ang sintensya ng mga ito sa pagiging witness at pagsuko noon. Bukod pa doon, inako na rin lahat ni Jerson ang kasalanan nito at sinabing ito lang ang siyang nakapatay kay Rust Crisostomo. Gumawa ito ng liham sa selda bago nito kinitil ang sariling buhay. Nagpakamatay si Jerson matapos nitong takpan ang sarili ng unan sa mismong selda nito. Nakakalungkot man isipin ngunit iyon ang ginawa nito sa sarili dahil siguro sa matinding depresyon.
"Sayang lang wala na si Jerson," sabi ni Lax. Natahimik siya at tumingin sa ibang direksyon, marami silang pinagsamahan ni Jerson, marami rin itong nagawang kasalanan sa kaniya ngunit ni minsan ay hindi niya ginusto kung ano man ang ginawa nito sarili, nalulungkot din siya sa sinapit nito at nagluluksa.
"Siya naman ang gumawa ng kapalaran niya. R. I. P par kung nasaan ka man," mahinang usal ni Kuzma.
Binuwag na nila ang kapatirang Dark Empire, hindi na ito nag-eexist. Ang mga miyembro nilang kasama ay nagsimula ng bagong buhay sa tulong niya, isinama niya ang mga ito sa pagpapalago ng negosyo niya at natutuwa siya sa pagbabagong nakita niya. Kung dati ay lagi silang laman ng kalye at gulo, ngayon ay busy na sila sa kaniya-kaniyang buhay at gumagawa na ng mga bagay na may kabuluhan.
"Rocky, maraming salamat ha? Salamat dahil hindi mo kami iniwanan. Salamat dahil lagi mo kaming isinasama sa lahat ng blessings mo, kung ano man yung kaginhawahang tinatamasa mo ngayon, sobrang deserve mo yan!" sabi ni Kuzma sa kaniya. Tinapik niya naman ang balikat nito.
"Hindi na kayo iba sa akin. Kung anong kaya kong gawin at ihandog ay hindi ko ipagkakait sa inyo yon. Isa pa, dahil din naman sa tulong niyo kaya umunlad itong negosyo, masyado kasi kayong masisipag at gwapo, puro babae nga ang customer natin eh."
Nagtawanan ang mga kaibigan niya dahil sa sinabi niya.
"Alam naman namin yan," may pagyayabang na sabi ni Lax. Pabiro niya lang itong sinuntok sa dibdib.
"Confident talaga ha," saad niya habang natatawa.
———
"Welcome to the outside world!" sigaw ni Kuzma nang sumapit ang umaga at sinundo na nila sina Uno at Leandro.
Malapad ang ngisi nina Uno at Leandro nang yumakap sa kanila.
"Sa wakas laya na kami!" ani Uno at tila ba hindi ito makapaniwala. Tumingin ito sa kaniya at malungkot ang mga matang ngumiti.
"Rocky boy—" Nakipagdikit ito ng kamao sa kaniya at wala naman niyang pag-aalinlangang na tinanggap iyon. Ganoon din si Leandro.
"Masayang-masaya kami ni Leandro, pero ang mas nagpasaya samin ay ang makita kang kasama sa mga sasalubong samin," naluluhang sabi ni Uno sa kaniya. Bahagya siyang tumingala dahil nadadala siya sa pagiging emosyonal nito. Ayaw niyang makita ng mga ito na may nagbabadyang luha sa mga mata niya.
"Masyado ka namang madrama. Hindi bagay sayo. Tara na nga!" sabi niya sa mga ito upang ibahin ang usapan.
"Naks naman, bigtime na talaga ang Rocky Boy, ang gara ng sasakyan ah poging-pogi!" sabi ni Leandro at hinimas pa ang sasakyan niyang raptor habang sinisipat iyon.
"Siyempre, tuloy tuloy lang ang pangarap at pagkayod para sa future!" sabi naman niya.
"Aba eh kamusta naman ang buhay pag-ibig mo? Puro yata pagpapayaman ang inatupag mo, nakalimutan mo ng umibig muli," panunudyo ni Uno sa kaniya. Lahat sila ay nakasakay na sa loob ng sasakyan at si Lax na ang siyang nagmaneho.
"Paanong magkaka-love life eh may hinihintay pa rin," si Kuzma ang sumagot.
"Hmm, mukhang iba talaga ang tama ng Rocky boy natin, iba talagang magmahal to eh!" wika ni Uno.
"Lover boy ika nga!" Nagtawanan ang mga kolokoy niyang kaibigan. Natawa na lang din siya habang napapailing. Dumaan muna sila sa puntod ni Jerson bago umuwi. Nag-usal sila ng isang taimtim na panalangin sa kaibigang pumanaw. Hindi man maganda ang nangyari sa pagitan nila at ni Jerson, hangad niya pa rin na sumalangit na ito dahil mas matimbang para sa kaniya ang pundasyon ng pagkakaibigang nabuo nila kaysa sa galit na minsang namuo sa puso niya.
Ngayong gabi ay sa bahay muna niya tutuloy sila Leandro. Wala naman kasing mauuwian ang mga ito.
Sina Lax naman ay may sarili ng mga pamilya kaya kailangang umuwi ng mga ito dahil may anak at asawa na naghihintay. 9 months palang ang anak ni Lax samantalang si Kuzma naman ay buntis pa lang ang asawa at sa susunod na buwan pa manganganak. Oo, may sarili ng pamilya ang mga ito at natutuwa siya dahil nakikita niyang maayos na ang mga kaibigan niya lalo pa ngayon na isa isa ng bumubuo ng pamilya ang mga ito.
Si Uno ay may gilfriend na naiwan sa labas bago ito makulong tiyak na babalikan nito iyon upang ayusin, si Leandro naman ay ganoon din. Akala niya ay single ang mga kumag na ito pero may mga girlfriend pala noon bago makulong. Kaya mas lalo siyang nag-alala sa mga ito dahil tiyak na nabad-shot ang mga ito sa nobya nang malaman na nasangkot sa krimen ang dalawa. Hindi niya alam kung ano ang plano ng mga ito ngayong nakalaya na. Isa lang ang napansin niya, halos siya na lang pala ang napag-iiwanan dahil sa paghihintay niya sa babaeng hindi niya kayang ipagpalit dahil tunay na mahal na mahal niya.
Kamusta na kaya si Penny?
*******
Halos isang taon na rin buhat nang umalis si Penny sa Pilipinas at ngayong araw ay nakabalik na siya. Masyadong naging mabigat ang pagluluksa nila nang mamatay ang kapatid niya. Kinailangan talaga nilang iwanan muna ang bahay at magpakalayo upang malibang. Halos isang buwan lang naman ang mga magulang niya sa Amerika dahil hindi pwedeng iwanan ng ama niya ang pamamahala sa eskwelahan nila noon. Siya lang ang nagtagal sa Amerika at desisyon niya na magtagal doon ng isang taon. Oo, mahirap dahil sa totoo lang ay parang mas kinain pa siya ng kalungkutan, ngunit sa paglipas ng mga araw ay unti-unti na rin namang napawi iyon. Wala pa rin siyang love-life hanggang ngayon at isang tao pa rin ang siyang laman ng puso niya at hindi niya kailanman nakalimutan.
Si Rocky. Kamusta na kaya ito?
Para sa kanila din naman kaya pinili niya munang lumayo. Masyadong mabigat ang mga nangyari noon at hindi sila maaayos kung hindi humuhupa ang lahat ng hinanakit sa puso niya. Nang aminin lahat ni Jerson ng kasalanan nito ay inatras na ng mga magulang niya ang kaso kina Uno at Leandro, siya ang nakiusap sa mga magulang niya dahil naniniwala na siyang wala talagang kasalanan ang mga ito at hindi sa kamay ng mga ito namatay ang kapatid niya kundi sa kamay lang ni Jerson. Tutol din ang mga ito na nagawang makapatay ni Jerson, hindi iyon kagustuhan ng mga kasamahan nito ngunit dinala ni Jerson sa sariling kamay ang batas. Nalaman rin niya na nagpakamatay si Jerson sa loob ng selda at hindi siya natutuwa na ginawa nito iyon sa sariling buhay ngunit nangyari na ang lahat at wala na siyang magagawa.
Alam niyang nabigyan na nila ng hustisya ang kapatid niya at sapat na iyon sa kaniya.
Bumaba ang sintensya kina Uno at balita nga niya ay nakalaya na ang mga ito kahapon. Sa maiksing panahon na nakasama niya ang mga ito noon ay hindi niya itatanggi sa sarili niya na mabuti ang pakikitungo ng mga ito sa kaniya, magaan ang loob niya sa mga ito at naramdaman niyang hindi naman talaga masasamang tao ang mga ito. Siguro nga ay masyado lang naging komplikado ang lahat dahil sa nangyari sa kapatid niya at sa kapatiran ng mga ito na magkalaban, pero ngayon ay wala nang Dark Empire, nabalitaan niya rin iyon sa mga magulang niya na binuwag na raw ang kapatirang iyon at si Rocky ang mismong nagbuwag. Sa totoo lang ay miss na miss na niya ito, walang araw na hindi niya ito naisip. Sobrang kalungkutan ang nangyari sa kaniya sa Amerika dahil nangungulila siya kay Rocky pero nilabanan niya ang lahat ng iyon, gusto niya kasi na sa muling pagkikita nila ay maayos na ang lahat at nalimutan na nila ang mabibigat na nangyari. Kailangan niyang umusad at mag-focus sa hinaharap, mali na ilugmok ang sarili sa nakaraan dahil naghihintay pa ang future para sa kaniya.
Nandito sila ngayon ng pamilya niya sa bahay bakasyunan nila. Na-miss niya kasi ang dagat kaya nag-request siya sa Mommy at Daddy niya na dumito muna sila. Natatandaan niya na noong huling punta niya dito ay kasama pa nila si Rocky.
"Anak mag gatas ka muna." Inabutan siya ng Mommy niya ng isang tasa na gatas mula sa gilid niya.
"Salamat po Mommy," tipid niyang saad at tumanaw sa dagat. Napakahangin kaya tinatangay ang buhok niya, tirik ang araw kaya nakasuot siya ng shades sa mata.
"Alam mo anak, nababahala kami ng Daddy mo sayo. Ang payat payat mo na, hindi ka man lang yata nagkakain noong nasa Amerika ka, imbes yata na makalimot ka doon ay lalo ka pang na-stress. Nakita mo na ba ang itsura mo sa salamin? You look pale," anang Mommy niya habang nakatingin sa kaniya. Bakas sa mga mata nitong nag-aalala ito. Pinilit niyang ngumiti.
"Mommy okay lang po ako," sabi naman niya.
"Hmm, anak panahon na yata para umibig kang muli, para naman magkasigla ang buhay mo. Ayaw naming nakikita na ganyan ka. Nag-aalala kami para sayo. Ayaw mo bang magka-lovelife ulit?" sabi nito at hinawakan ang kamay niya saka pinisil iyon.
Bumuntonghininga siya.
"Mommy naman. Alam niyo naman pong hindi ako tumatanggap ng manliligaw buhat noong umalis ako dito kaya paano naman po ako magkaka-lovelife? Okay lang ako Mommy, bata pa naman ako," natatawa niyang saad.
"Wala ka bang ibang nagugustuhan sa mga manliligaw na sumusubok sayo?" tanong pa ulit nito.
"Mommy, wala po. Ayoko munang isipin iyan," sabi niya.
"Kung ayaw mo sa mga bagong manliligaw mo, baka may hinihintay ka pa rin."
Natahimik siya sa sinabi ng Mommy niya. Bakit parang nababasa siya nito? Siguro ay matagal na siyang pinakikiramdaman nito saka ng Daddy niya. Pero kung may hinihintay man siya, malabo naman na dumating iyon. Hahayaan na lang muna niya ang sarili na enjoyin ang pag-iisa.
"Hmm, actually parating na siguro iyon," sabi pa ng Mommy niya.
Napakunot ang noo niya bigla. Hindi niya kasi maintindihan kung ano ang ibig nitong sabihin. Nakita niyang tumanaw ang Mommy niya sa malayo at nakita niyang may sasakyan na parating.
"Nandiyan na pala siya," sabi nito at ngumiti nang makita ang sasakyan.
"Ha? Sinong siya Mommy? Ano pong sinasabi ninyo? May bisita ba tayo?" naguguluhan niyang tanong.
"Hindi namin bisita. Bisita mo." Ngumiti ang Mommy niya. Mas lalong kumunot ang noo niya.
Nanatili lang silang nakatingin sa sasakyan hanggang sa huminto iyon, ang gara ng sasakyan at raptor iyon. Hinintay niya kung sino ang bababa sa sasakyan at ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang makita ang isang pamilyar na tindig ng lalaki pagkababa nito. Nakasuot ito ng light blue polo at khaki shorts, ang maraming marka nito sa katawan at binti ang agad na makikita sa lalaki. Nakasuot din ito ng shades sa mata. Iba na ang hairstyle nito at clean cut iyon pero mas lalo lang bumagay dito ang gupit na iyon. Kahit kailan ay hindi niya makakalimutan ang tindig nito.
"R-rocky..." mahinang usal niya habang nakatingin dito. Nang tumingin ito sa gawi nila ng Mommy niya ay kumaway ito. Nagulat pa siya nang salubungin ito ng ama niya na kalalabas lang at inakbayan si Rocky saka sabay na lumapit sa kinatatayuan nila. Nag-bless si Rocky dito. Biglang bumilis ang pintig ng puso niya. Hindi niya itatangging mas lalong gumwapo si Rocky ngayon, ibang-iba na ito.
Nang makalapit ito sa kanila ay nag-bless rin ito sa Mommy niya, kapagkuwan ay tumingin ito sa kanya at nagtanggal ng shades sa mata. Tumambad sa kanya ang gwapong mukha nito. Ang bilis pa rin ng pintig ng puso niya.
"M-mommy... D-dad? Ano pong ibig sabihin nito?" kinakabahan niyang tanong sa mga magulang niya. Nagpapalit-palit siya ng tingin sa mga ito.
"Ahm, anak alam naman namin na hanggang ngayon ay si Rocky pa rin ang laman ng puso mo, ramdam namin iyon kaya hanggang ngayon ay hindi ka tumatanggap ng mga manliligaw. Anak, ayaw na naming makita na nalulungkot ka kaya kami na ang nag-imbita kay Rocky para magkausap kayong dalawa," sabi ng Mommy niya.
"Salamat po Tita," ani Rocky sa Mommy niya.
"P-pero mommy—"
Biglang nagtanggal ng bara sa lalamunan ang mga magulang niya.
"Ahm— I think madami pa kaming gagawin ng Daddy mo sa loob anak, maiwan muna namin kayong dalawa ni Rocky," biglang sabi ng Mommy niya at hinila ang kamay ng Daddy niya.
"Oo nga anak, gagawa pa kami ng kapatid mo, maiwan muna namin kayo," biro ng ama niya kaya napatakip si Rocky sa bibig at nagpigil ng tawa. Siya naman ay nahiya at sinuway ang mga magulang niya. Ano ba naman ang mga ito? Sa harap pa talaga nila ni Rocky nagharutan na parang mga teenager.
"Dad!" nanlalaki ang mga mata niyang sambit dito.
"Hahahaha! Bye! Enjoy!" wika lang ng Mommy niya at iniwanan silang dalawa ni Rocky.
Parang nangangatal ang mga binti niya habang sinasalubong ang malalalim na titig ni Rocky nang maiwan silang dalawa.
"Penny..." sambit nito at hinawakan ang kamay niya saka hinalikan ang likod ng palad niya.
"Ang tagal kitang hinintay..." sabi nito. Nakagat niya ang ibabang labi. Bakit ang gwapo gwapo nito lalo? At tila ba successful na ito ngayon. Masaya siya para dito.
"R-rocky—"
Hinawakan nito ang baba niya at inangat iyon. Pinagmasdan muna nito ang kabuuan ng mukha niya saka unti-unti nitong sinakop ang labi niya nang walang sabi-sabi. Napapikit na lang siya at tinugon ang halik nito. Ramdam niya ang pagkasabik nila pareho. Sa bawat halik pa lang nilang dalawa ay hindi na nila kailangan pang magsalita. Sapat na iyon upang magkaintindihan ang mga puso nila at hindi niya itatanggi na hanggang ngayon ay walang ibang isinisigaw ang puso niya kundi si Rocky lang, maging sa mga magulang niya ay hindi pala nakaligtas iyon kaya gumawa ang mga ito ng paraan upang imbitahan si Rocky.
Nang maghiwalay ang mga labi nila ay hinawakan ni Rocky ang magkabilang pisngi niya.
"Totoo ba na hindi ka tumanggap ng mga manliligaw?" nakangiting tanong nito sa kaniya. Ngumiti naman siya dito saka nahihiyang tumango.
"Buti naman love, baka nakakalimutan mong hindi naman tayo naghiwalay noong umalis ka, wala tayong official break up. Magkasintahan pa rin tayo, Penny at ngayon ay hindi na ako makapapayag na hindi tayo humigit doon."
May kinuha si Rocky sa bulsa nito. Isang maliit na box, binuksan nito iyon saka walang sabi-sabing lumuhod sa harapan niya. Tumambad sa kaniya ang isang magarang singsing at kumikinang iyon sa ganda. Gulat na gulat siya at hindi makapaniwala.
"Love, kaytagal kong hinintay ang araw na ito, na muli kitang masilayan at mahagkan, kaya naman ngayong nandito ka na ulit ay hindi na ako makapapayag na mawala ka pa ulit sa akin. Mahal na mahal kita, Penny..." saad nito. Siya naman ay nanatili lang na nakatitig dito. Humugot muna ito ng isang malalim na buntonghininga bago nagpatuloy.
"Love, I want to spend the rest of my life with you so I'm asking you, will you marry me?" sambit nito sa kaniya habang nakaluhod. Pumatak ang luha sa mga mata niya habang nakatingin dito. Masayang tumango siya sa tanong ni Rocky.
"Y-yes Rocky, mahal na mahal din kita at magpapakasal ako sayo," sagot niya ng walang pag-aalinlangan. Napangiti si Rocky at mabilis na isinuot ang singsing sa daliri niya.
"Yes!" sigaw nito at napasuntok pa sa hangin. Masayang-masaya ito at muli siyang hinagkan sa labi. Mahigpit din siya nitong niyakap. Parehas silang masaya habang magkayakap.
"Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko, Penny. Handa akong putulin lahat ng sungay ko maging karapat-dapat lang sa pagmamahal mo..." Nabasag ang tinig ni Rocky at may luha sa gilid ng mga mata nito pero alam niyang luha iyon ng kaligayahan.
"Rocky, wala kang dapat putulin dahil hindi ka masamang tao. Patawarin mo ako sa lahat kung nasaktan kita sa mga nasabi ko noon. Patawarin mo rin ako kung kinailangan kong lumayo upang makalimot, pero mas mabuti na din iyon dahil doon ko napagtanto na ikaw pa rin ang mahal ko at hinahanap ko. Rocky, mabuti kang tao, mabuti ang puso mo at mahal kita kahit sino ka pa. Kalimutan natin ang lahat ng nangyari at magsimula tayo ng bagong buhay."
Siya naman ang humalik muli sa labi nito.
"Oo love, magsisimula tayo muli. Lahat ng napagtagumpayan ko, lahat ng pinagsikapan ko, lahat ng pagsubok sa buhay ko, ikaw ang naging inspirasyon ko para makamit lahat ng kung ano mang meron ako ngayon. Kahit wala ka sa tabi ko, ni minsan hindi ako natuksong tumingin sa iba dahil alam kong isang araw babalik ka. Babalikan mo ako dahil naniniwala ako na kung totoo ang pag-ibig ay kusa itong babalik sa iyo," wika ni Rocky.
Napatango siya dito. Bumagsak ang luha sa mga mata niya dahil sa labis na kasiyahan.
Sunod-sunod lamang ang naging paghikbi niya habang magkadikit pa rin ang mga mukha nila. Umiiyak siya sa tuwa. Tila ayaw na nilang maghiwalay pa at maputol ang sandaling ito na magkalapat ang mga labi nila.
Mahal na mahal niya ito at kung may isang bagay man siyang ipagpapasalamat sa Diyos iyon ay ang pinatatag siya nito sa lahat ng hamon na pinagdaanan niya sa buhay, kaya sa muling pagharap niya sa hinaharap ay mas magiging matapang na siya na harapin lahat ng hamon kapiling ang taong minamahal niya at patuloy niyang mamahalin habambuhay.
“True love will always find a way to come back.”
Wakas...