CHAPTER 58

Linggo ng umaga at walang pasok sa eskwela si Penny. Ang mga magulang niya naman ay may importanteng inasikaso kaugnay sa kaso ng kapatid niya kaya naiwan siyang mag-isa sa bahay. Gusto niya sanang lumabas at maglibang, o kaya ay magliwaliw. Ilang araw na rin kasi siyang nakalugmok lang. Masakit ang puso niya at ang totoo ay sobrang lungkot niya. Pagkatapos ng mga naganap ay labis niyang ininda ang lahat, nawawalan na naman siya ng gana sa sarili, napapabayaan niya ang sarili niya. Kahit hindi man niya aminin, ang totoo ay sobrang apektado siya sa pagkakakulong ni Rocky at sa pagkakasangkot nito sa pagkamatay ng kapatid niya. Kahit napalitan ng galit ang puso niya ay malinaw naman na hanggang ngayon ay malaki pa rin ang bahagi ni Rocky dito, mahal niya pa rin si Rocky, pero paano ang gagawin niya? Nagmamahal siya ng isang kriminal. Gulong-gulo na ang isipan niya, kung ano ang tama ay iyon lang ang nararapat niyang gawin at iyon ay ang hayaan sa kulungan si Rocky, dapat lamang itong magdusa. Palagi itong laman ng isipan niya araw araw pero wala siyang magawa. Bakit dumating siya sa ganitong sitwasyon? Paano nagawa ni Rocky iyon, sobrang nanghihinayang siya sa lahat ng pinagsamahan nilang dalawa. Dumadating talaga sa puntong naaalala niya ito at nami-miss niya ang lahat ng mga pinagsaluhan nila. Naiiyak na lamang siya kapag naiisip niya iyon.

Itinuon na lang niya ang atensyon sa mga bulaklak ng Mommy niya. Makukulay ang mga iyon at magaganda kaya kahit papaano ay nalibang siyang pagmasdan. Diniligan na rin niya ang mga ito tutal ay wala naman siyang gagawin ngayong araw. Nagawa na niya kagabi ang mga dapat niyang asikasuhin sa pagtuturo pagbalik niya sa eskwela.

Habang nagdidilig siya ng halaman ay napansin niyang parang may tao sa labas. Lumabas siya upang masiguro at ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang makita sina Uno at Leandro. Parehas na nakasuot ng hoodie jacket ang mga ito at balot na balot saka patingin tingin sa paligid at hindi mapakali. Nabigla siya at akmang sisigaw sana pero mabilis siyang nakita ni Uno kaya agad nitong tinakpan ang bibig niya at ipinasok siya sa loob ng gate nila.

"Shh! Wag kang maingay Penny wala kaming balak na masama sayo," bulong ni Uno sa kaniya. Takip takip pa rin nito ang bibig niya at pigil-pigil siya nito.

Hindi siya makapagsalita at tanging pagpupumiglas lamang ang nagawa niya.

"P-penny makinig ka samin. Wala kaming balak na masama, nandito kami para sumuko pero gusto ka muna naming makausap," sabi naman ni Leandro. Natigilan siya sa pagpupumiglas. Unti-unti rin siyang binitawan ni Uno.

Puno ng hinanakit na tiningnan niya ang mga ito.

"P-pinatay niyo ang kapatid ko!" Umagos ang luha na kanina pa niya pinipigil. "Pinatay niyo siya! Magbabayad kayo!"

Napailing ang dalawa sa kaniya. Halatang stress na stress ang mga ito. Hindi niya alam kung dapat ba siyang magtiwala pero isang bahagi ng isipan niya ang gustong makinig sa sasabihin ng mga ito.

"Hindi kami ang pumatay sa kapatid mo, aaminin namin na may kasalanan rin kami dahil nandoon kami nung naganap ang riot, at handa naman naming pagdusahan iyon pero ang totoong pumatay talaga sa kapatid mo ay walang iba kundi si Jerson!"

Napatigil siya sa sinabi nito. Gulat na gulat siya.

Si Jerson?

Paano nito nagawa iyon sa kapatid niya? Wala sa itsura nito na kaya nitong pumatay. Mali siya ng pagkakakilala sa mga taong ito.

"N-nasaan si Jerson? Nasaan siya?!" napasigaw na siya dahil sa matinding emosyon.

Nagkatinginan sina Uno at Leandro, tila ba iniisip pa ng mga ito kung sasabihin ng mga ito ang kinaroroonan ni Jerson.

"Nandito kayo upang sabihin ang lahat hindi ba? O baka naman kasabwat talaga kayo?"

"Makinig ka sa amin Penny. Nasa Nueva Vizcaya si Jerson at kasama niya kaming nagtago doon noong una. Pero hindi na namin makaya ang tawag ng kunsensya nang makita namin si Rocky na nasa selda at nagdudusa. Penny, walang kasalanan si Rocky sa nangyari—"

Napakunot ang noo niya. Bakit pinagtatanggol ng mga ito si Rocky? Dahil ba ayaw ng mga ito na masira kung ano man ang namamagitan sa kanila?

"Hindi totoo yan. Please, huwag na ninyong pagtakpan pa si Rocky  kasamahan niyo siya at naglihim siya sakin. Hindi niya inamin ang lahat dahil makasarili siya!"

"Dahil mahal ka niya, Penny. Iyon ang totoong dahilan ni Rocky. Mahal ka niya at alam naming natatakot siyang malaman mo na member siya ng Dark Empire dahil kamumuhian mo siya kung malaman mo ang totoo, at iyon nga ang nangyari hindi ba? Pero alam mo ba na wala talaga siyang kasalanan sa nangyari? Ni wala nga si Rocky noong naganap ang riot na iyon," wika ni Uno.

"A-ano?" Mas lumalim ang pagkunot ng noo niya. Hindi siya makapaniwala.

"Totoo ang sinasabi ni Uno, Penny. Wala si Rocky noong naganap ang riot, nasa trabaho siya noon sa factory. Ni hindi nga niya alam na may naganap na riot at may napatay si Jerson, dahil kung tutuusin si Rocky ang siyang palaging nangangaral samin na wag na wag kaming kikitil ng buhay. Gusto niya kaming mapabuti pati ang kapatiran. Penny, mabuting tao si Rocky, oo hindi siya perpekto pero wala talaga siyang kasalanan! Kailan lang din niya nalaman ang lahat at naipit na siya sa sitwasyon, nahirapan na niyang aminin sayo ang lahat dahil mahal na mahal ka niya."

Umagos ang luha sa mga mata niya matapos marinig ang mga sinabi ni Leandro at Uno. Hindi niya alam kung paniniwalaan niya ang mga ito, ngunit magsisinungaling ba ang mga ito gayong handang isuko ng mga ito ang sarili para sa kasalanang nagawa? Naguguluhan siya at nahihirapan. Sunod-sunod ang pag-iling niya.

"Kung totoong gusto ninyong pagbayaran ang mga kasalanan niyo, ituro niyo kung nasaan si Jerson," sambit niya at kinagat ang ibabang labi upang pigilan ang muling pagbagsak ng luha niya.

"Oo, gagawin talaga namin yan kaya kami nandito," ani Uno. Pumatak na ang luha niya, kahit masakit ang loob niya at namumuhi siya sa mga ito ay naroon ang pag gaan ng kalooban niya dahil sa narinig. Nagpapasalamat pa rin siya sa mga ito.

"Patawarin mo kami Penny. Patawad... Dalhin mo na kami sa presinto at handa na kaming sumuko," nakayukong sabi ni Leandro. Tumango siya sa mga ito at mabilis na tumalima sa kagustuhang mangyari. Sinama nga niya ang mga ito sa presinto upang isuko sa mga pulis.

———

Gulat na gulat si Rocky nang makita niya si Penny kasama ang mga pulis. Nasa loob siya ng selda at ilang gabi na siyang walang tulog. Kaya niyang tiisin ang pagdudusa sa loob pero ang hindi niya talaga makayanan ay ang kinahantungan nila ni Penny. Mahal na mahal niya ito. Hindi niya akalaing sa isang iglap ay magtatapos ang lahat ng masasayang pinagsamahan nila at ang pag-iibigan nila. Napatingin sa gawi niya si Penny. Ilang saglit na nagtama ang mga mata nila bago ito nagbaba ng tingin. Ang lungkot ng mga mata nito.

Pumasok si Penny kasama ang dalawang pulis, pero nagtaka siya nang makitang may dalawang lalaki pa na nakasunod dito at nakaposas. Nakayuko ang dalawang lalaki at natatakpan ng hoodie jacket ang mukha ng mga ito kaya hindi niya makita. Bumaba ang tingin niya sa binti ng isang lalaki, nakita niya ang tattoo nito doon.

"Uno?" hindi makapaniwalang sambit niya sa sarili.

Malinaw na si Uno ang lalaking kasama ng mga pulis dahil kilalang kilala niya ang tattoo nito sa binti. Sumunod na nakilala niya ay si Leandro. Nagtanggal na ng hoodie sa ulo ang mga ito. Napalunok siya at nakatitig sa mga ito. Nahuli na ito ng mga pulis? Ilang araw din na nagtago ang mga ito. Galit siya sa mga ito dahil hinayaan siyang magdusa sa kulungan sa kasalanang hindi niya ginawa. Agad na hinanap ng mga mata niya si Jerson pero hindi niya ito nakita, tanging si Uno at Leandro lang ang ipinasok ng mga pulis sa selda.

"Rocky—" Si Uno ang agad na nagsalita pagkakita sa kaniya.

"Rocky patawarin mo kami. Hindi ka dapat nandito," sabi naman ni Leandro.

"Napagtanto niyo ba na hindi habambuhay ay makakapagtago kayo?" mapaklang sabi niya sa mga ito.

"Sumuko kami Rocky," mabilis na sabi ni Uno kaya napatitig siya dito.

"Kusa kaming sumuko. Hindi kaya ng kunsensiya namin ang nangyayari sayo. Wala ka dapat dito. Wala kang kasalanan!" ani Leandro. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya sa narinig. Hindi yata kayang matuwa ng puso niya.

"Nasaan yung magaling niyong kaibigan?" tanong niya. Alam niyang alam ng mga ito kung sino ang tinutukoy niya.

Napatingin sa ibang direksyon si Uno.

"Nasa Nueva Vizcaya siya, doon niya kami niyayang magtago sa poder ng tito niya. Pero tumakas kami ni Leandro nang makita namin sa TV na nakakulong ka. Hindi namin kayang makita ka sa ganyang kalagayan, ayaw na naming dagdagan pa ang mga kasalanang nagawa namin kaya pinasya naming sumuko. Handa rin naming ituro sa mga pulis ang kinalalagyan ni Jerson. Rocky, bahala na kung ano man ang kahinatnan ng lahat pagkatapos nito, alam naming magagalit sa amin si Jerson, pero importante pa ba iyon? Ito lang ang nakikita naming tamang gawin, gusto naming malinis ang pangalan mo. Narealize namin lahat ang kabutihan mo sa amin. Kung may dapat mang magdusa kami nila Jerson iyon," mahabang litanya ni Uno. Wala siyang naging sagot sa lahat ng sinabi nito. Magulo pa ang isipan niya. Kinakain siya ng sama ng loob.

Umalis na rin si Penny matapos makausap ang mga pulis.

"Nakausap namin si Penny, sinabi namin sa kaniya ang lahat, na wala ka talagang kasalanan," ani Uno.

"Hindi na niya ako kayang patawarin. Kitang-kita ko ang galit sa mga mata niya," nanlulumong sabi niya. Pinanghihinaan na siya ng loob na magkakaayos pa sila ni Penny.

"Rocky, wala kang kasalanan. Kung mahal ka talaga ni Penny kaya ka niyang patawarin. Member ka ng Dark Empire, oo. Pero hindi sapat na dahilan yon kung tunay ang pag-ibig niya para sayo," sabi ni Leandro. Hindi siya kumibo.

"Nakikita namin kay Penny na nahihirapan din siya dahil mahal ka rin niya," ani Uno. Napabuntonghininga lamang siya at tumingala.

Sana nga ay mapatawad siya ni Penny. Umaasa siya dahil mahal na mahal niya ito. Tila wala ng silbi ang buhay niya kung mawawala si Penny sa kaniya. Hindi niya kakayanin...