KABANATA 36

“Hindi ako h-in-ostage ni Jamile,” matapang na pag-amin ni Kendall. “Sa katunayan ay tinulungan niya ako noong muntik na akong pagsamantalahan sa daan. Hindi ako kinuha, tumakas mismo ako sa amin.”

Humigpit ang pagkahahawak-kamay namin ni Nanay nang marinig na rin sa wakas ang katotohanan. Nagkatinginan kami at kita ang kaginhawaan sa kapwa namin mga mukha. Ibig sabihin lang nito ay makalalaya na si Kuya Jamile! Wala siyang kasalanan!

Halos isang linggo magmula nang ipakulong ng mga Esperanza si Kuya at paalisin nila kami sa Esperanza rin mismo, napagtagumpayan ni Kuya Eli na makaharap at makausap si Kendall. Hindi namin alam kung paano niya nagawa, ngunit nang pinaalam niya sa amin ay labis kaming natuwa. Nagulat nga kami na hindi pala alam ni Kendall na pinakulong ng pamilya niya si Kuya. Nagresulta raw iyon sa mainit na argumento sa pagitan ni Kendall at ng mga magulang niya hanggang sa narito nga kami ngayon sa pribadong silid ng istasiyon ng mga pulis para pag-usapan ang nangyari at marinig kay Kendall mismo ang katotohanan. Kapwa may mga abogado ang magkabilang kampo at sa panig namin ay kasama namin sina Tito Elton at Kuya Eli. Nang tumango ang abogado ng mga Esperanza sa mga magulang ni Kendall ay tiyak nang wala na silang laban. Bumuntonghininga ang senyor ngunit halata pa rin ang inis nila sa amin.

“Iuurong na namin ang kaso ngayong narinig na natin ang katotohanan,” ani ng senyor. “Ngunit hindi na kami papayag na bumalik kayo ng Esperanza at dapat ay sumunod si Eleazar sa kasunduang napag-usapan.”

Napatingin ako kay Kuya Eli nang marinig ko ang huling sinabi ng senyor. Kunot ang aking noo at nagtataka. Kasunduan? Anong kasunduan naman kaya iyon?

“Wala na rin naman kaming balak na bumalik doon,” garalgal ang boses na ani Nanay dahilan para mapabalik sa harap ang aking paningin. “Sana lang ay pabayaan niyo na kami.”

Nakita kong nakayuko si Kendall at tila buong puso na iniiwas ang paningin sa kung saan. Tumingin naman ako sa kaharap niya noon na si Kuya Jamile na mariin ang pagkatitig sa kaniya. Napalunok ako. Marahan akong napayuko dahil may natanto.

“Good. We don’t want anyone from your Geronimo family near from ours, too.” Naging maingay ang pagtayo ng mga Esperanza. “Good for you, Jamile Elliot.”

Naghanda na sa pag-alis ang mga Esperanza at nakita ko pa ang pagngisi ng senyor sa kuya ko na noo’y matalim din ang paningin na binalik sa kaniya. Nahuhuli sa paglalakad si Kendall palabas at nakita ko pa ang pagnakaw niya ng tingin kay Kuya Jamile bago tuluyang sumunod sa pamilya niya. Nang wala na sila ay kami na lamang nina Tito Elton ang naiwan.

“Finally, it ended,” Tito Elton said.

“Magiging ayos lang ba kayo sa mga Esperanza, Elton? Nangangamba ako sa dinala naming ito sa mga Aldivar,” kabadong sambit ni Nanay.

“No need to worry about that, Janice. Everything’s under control.”

Masuyo siyang hinagkan ni Tito Elton at kaagad na inalo. Akay si Nanay ay nauna na silang lumabas ng silid. Naiwan naman ako at ang dalawa kong Kuya sa loob.

“Kuya Eli, salamat at natagumpayan mong makausap si Kendall para rito,” masaya kong ani kay Kuya Eli dahilan ng pagngiti niya sabay gulo sa buhok ko.

“No need to thank me, sis. It’s already given dahil pamilya tayo.”

Masaya ako sa narinig kong iyon, ngunit may kaisipan lang talagang gumugulo sa akin mula pa kanina.

“Pero anong kasunduan ang sinabi ng senyor kanina, Kuya? May binigay ba silang kundisyon sa iyo?”

Napawi ang ngiti ni Kuya Eli at kaagad na tumama ang paningin kay Kuya Jamile na noo’y nakatingin na rin sa kaniya. Nakaramdam ako ng kakaibang tensiyon sa pagitan nila kaya kinabahan ako. Lalo pa at mukhang pasama nang pasama na ang timpla ng mukha ni Kuya Jamile habang nakatingin pa rin kay Kuya Eli. Bumuntonghininga si Kuya Eli bago ulit nakangiting tumingin sa akin.

“Maari bang mauna ka na ring lumabas, sis? May pag-uusapan lang kaming importante,” aniya.

Nababahala na nagpabalik-balik ang tingin ko sa kanilang dalawa. Nais ko pa sanang umangal, ngunit seryoso akong tinignan ni Kuya Jamile at tinanguan.

“Sige na,” si Kuya Jamile. “Susunod rin kami sa labas.”

Nababahala man, wala na rin akong nagawa kung hindi tumango at sumunod na lamang. Usapang lalaki siguro iyon na hindi ko dapat nang malaman. Kaagad akong tumalima at iniwan sila roon sa loob ng silid para kaagad silang makapag-usap. Nakita ko kaagad na nasa loob na ng sasakyan sina Nanay at Tito Elton tila nag-uusap kaya naupo muna ako sa bakal na upuan doon sa labas para hintayin ang dalawa kong Kuya. Kinuha ko ang aking cellphone at mabilis na tinawagan si Bonita para ipaalam ang magandang balita.

“Hello?” kaagad niyang sagot at kaagad na nangunot ang noo ko dahil tila galing siya sa pag-iyak.

“Ayos ka lang ba? Umiyak ka?” sunod-sunod kong tanong sa kaniya.

“H-Ha? Hindi, ah! May napanuod lang kasi ako sa telebisyon na nakaiiyak,” depensa niya. “Oh, ano? Kumusta ang pag-uusap niyo? Umamin ba si Kendall?”

Pakiramdam ko ay may tinatago na naman si Bonita sa akin, ngunit dahil tila ayaw niyang magtanong pa ako, hindi na ako nagpumilit pa.

“Oo!” masaya kong balita. “Sabi niya ay hindi siya h-in-ostage ni Kuya! Malaya na siya, Bon!”

“Talaga?”

Pinaabot sa akin ni Bonita ang kagalakan niya kaya mas lalong gumaan ang loob ko. Panaka-naka akong sumusulyap sa pinto kung saan naroon pa sina Kuya Eli at nais kong sabihin kay Bonita ang mga narinig ko kanina tungkol sa isang kundisyon at magtanong kung may nalalaman ba siya, ngunit ayaw ko nang dumagdag pa sa kung ano mang dinaramdam niya. Bonita was supporting me all this time and I am super thankful for her. I am very lucky to have a friend like her.

“Sabi ni Tito Elton ay patuloy niya akong pag-aaralin. Magpapatuloy ako next semester at ihahabol na lamang ang mga unit na hindi ko natapos,” balita ko pa sa kaniya.

“Mabuti iyan, Jam! Huwag kang mag-alala, sa semestral break ay dadalawin kita!”

I chirped hearing that from her. Miss na miss ko na siya!

Ngunit kung may higit man akong nami-miss sa lahat, iisang tao lang iyon. Bonita was avoiding talking anything about him dahil sinabi ko na rin sa kaniya na ayaw ko nang makarinig pa ng kahit anong balita tungkol sa kaniya kahit pa noong una ay maraming sinabi si Bonita sa akin tungkol kay Bellisimo. Like how he came to school looking like a mess after we left Esperanza. Marami raw ulit na mga babae na nagtangkang kuhain ang loob niya nang malaman sa buong Esperanza ang balita tungkol sa akin, ngunit naging sobrang ilag daw si Bellisimo sa lahat. Tila lagi raw galit at walang ibang pinapansin bukod sa kaibigan nitong si Red. Nakahinga ako nang maluwag sa totoo lang, knowing that the playboy didn’t go back to who he was before. Na hipokrita akong sabihin na mas gusto ko iyong nagsusuplado siya kaysa bumalik siya sa kung sino-sino lang ang babae niya. Alam kong malinaw kong pinarating kay Bellisimo na binitiwan ko na siya, but knowing he didn’t replace me instantly touched my heart. It made my anxiousness fade.

Nakagat ko ang ibaba kong labi dahil nais ko ulit magtanong kay Bonita tungkol kay Bellisimo.

“Si…” Nagdalawang-isip ako ngunit tinuloy rin. “Si Bellisimo pala, Bon? Kumusta na siya ngayon?”

Narinig kong natahimik si Bonita sa kabilang linya. Kinabahan ako at babawiin na sana ang tanong kung hindi ko lang narinig ang sagot niya sa kabilang linya na tila sumaksak sa puso ko.

“Hindi ko alam, Jam. Pero…” Bumuntonghininga siya. “May usapang kumalat at nakita ko rin mismo na may babaeng nililigawan si Bellisimo ngayon. Iyong mahinhin na unica ija ng mga Chua? Balita ko ay pinakilala sila ng pamilya nila sa isa’t isa at madalas ko na silang nakikita na magkasama. Kahapon lang nakita ko sila sa isang restaurant malapit sa rental shop ng tita ko. Mukhang nag-de-date sila at masayang –”

“Bon,” kaagad kong putol sa pagbabalita niya. “Salamat sa balita.”

I know wala akong karapatan na magalit ngayon o sumbatan si Bellisimo dahil ako naman ang nanakit at nag-iwan sa kaniya, but hearing him being happy with someone right now shattered my already shattering heart. Nilabanan ko ang aking sarili na huwag maiyak. Kaya pala nitong nakaraan ay tumigil na siya sa mga text at tawag niya para lang makausap pa ako na hindi ko naman pinauunlakan kahit ni isa. Dahil pala may bago na siya.

Masyadong tumaas ang tingin mo sa sarili mo, Jamila. Inaasahan mo yatang magkandarapa pa si Bellisimo at magmukmok ng kay tagal dahil sa’yo. Para lang maramdaman mong mahal na mahal ka talaga niya at hindi ka niya kayang kalimutan. Natural, mapapagod rin siya at hindi na ipipilit ang sarili sa taong pinakawalan na siya. Ginusto mo iyan, hindi ba? Kaya hindi mo siya masisisi.

Pero masakit. Masama na yata ako para isipin na mas gusto ko na lang na magkandarapa at magmukmok pa siya dahil sa akin kaysa ang marinig at isipin na masaya na siya ngayon kasama ang iba.