Chapter 21: Can Stare All Day

“Ah, kinailangang i-admit sa ospital ang anak ko, Sir Lucian. Appendicitis,” ang tugon ng landscaper.

“Mang Isidro, ‘di ba sabi ko sa inyo na bantayan n’yo muna siya sa ospital? Mag-isa lang siya roon,” marahang sabat ni Rowan.

Batid niyang kailangan ito ng anak lalo na ngayon. Sa katunayan nga, kahit sa mga ordinaryong araw, naglalambing ang anak nito at may gusto itong ipapabili sa ama o kaya ay hihingi ng pera para sa isang bagay o project, ibinibigay ng ama iyon. Dahil nga rin nag-iisang anak lang ito ni Mang Isidro kaya kahit ano ay ibinibigay rito.

Naintindihan naman iyon ni Rowan dahil sila lang dalawa ang magkapamilya. Tuloy ay naiinggit pa nga siya paminsan-minsan kay Sam dahil mahal na mahal ito ng ama nito. At siya, hindi niya naramdaman iyong maglambing sa ama dahil palaging wala sa kanila ang ama niya noon.

“Ah, nagpresinta kasi ‘yong kaibigan ni Sam para daw makapagtrabaho ako, Ma’am Ro,” sagot ni Mang Isidro.

Nagkatinginan sina Rowan at Lucian. Kinuha ni Lucian ang pitaka nito at inabot kay Mang Isidro ang isang bundle ng pera.

“Pandagdag sa ospital n’yo, Mang Isidro. Alam kong kailangan n’yo ‘to ngayon. Mahirap maospital. If you need anything⸺anything at all⸺Mang Isidro,” bumaling ito kina Rick at Tonio, “you, too, just tell me. Baka makatutulong ako sa inyo.”

Atubili ang ginoo sa pagtanggap ngunit nginitian na lang ito ni Rowan at tinanguan. Nagpasalamat ang kaniyang tauhan sa kanilang kliyente pagkatanggap ng pera.

“You’re welcome. I’m glad to be of help even in a little way,” tugon ni Lucian.

“Malaki na po itong tulong kaya salamat po ulit, Sir Lucian. Tatandaan ko po ‘yang alok n’yo,” saka ngumisi pa ang napakamot sa batok na tauhan ng dalaga, napahiya. Bumaling naman ito sa kaniya. “Ah, Ma’am Ro. Sina Rick at Tonio ay may nakausap na para tutulong sa amin sa project sa lawn ni Sir Lucian. Sina Dantoy at Jepoy. Kilala mo na ang mga iyon kaya puwedeng dito ka na lang sa opisina imbes na tulungan kami. Kami na namin ‘yon.”

Tumango siya. “Sige po. Ako na po ang bahala sa kanila. Gamitin n’yo na lang ang mini-van, Mang Isidro, kung kailangan n’yo pa ng extra na sasakyan para mas mapadali at hindi kayo pabalik-balik para maghakot ng mga materyales. Alam kong nasa talyer pa ang isang van na ginagamit n’yo. ‘Di ko pa naman gagamitin sa ibang site ang sasakyan ko. ‘Tsaka susunod na lang po ako mamaya sa inyo para mag-check,” anang Rowan.

Tinanggap niya ang isang folder na ibinigay sa kaniya ni Tonio. Naglalaman iyon ng listahan ng mga materyales na nasa pick-up truck ng kaniyang kompanya. Either si Mang Isidro o si Tonio ang magdadala ng truck. Hinihiram paminsan-minsan ang kaniyang mini-van kapag kailangan sa ibang proyekto.

Nagpaalam na ang mga ito sa kanila at humarap sa kaniyang muli si Lucian.

“I’ll just have Rhenn check on them. You don’t have to go to my house. I decided not to go to the office today and spend it with you instead⸺if you’ll let me.”

“A-ano? May gagawin ako rito sa office kung hindi ako pupunta sa bahay mo. Baka mababato ka lang diyan,” tanggi niya.

Ngunit ngumiti ito at hinaplos nang banayad ang pisngi niya. Naramdaman niyang uminit ang kaniyang pisngi. Nakita pa niyang lalo itong napangiti kaya lumayo na lang siya para makabawi.

“I can just stare at you all day without doing anything, and you’ll brighten it even all through the night. That, I’m sure!” ngising saad ng lalaki.

Napangiti siya nang lihim dahil sa sinabi nito, itinago ang bibig. Kilig to the bones ang dalaga. Ay hindi, hanggang marrow nga pala.

“Um… Akala ko umalis na siya kaya bumalik na ako,” pahayag ni Marion nang bumalik sa opisina na may dalang isang take away na kape.

Batid ni Rowan na para sa kaniya iyon.

Inilagay ni Marion ang kape sa ibabaw ng kaniyang mesa.

“I’ve decided to stay, Marion. Don’t worry. Hindi ko gagambalain ang trabaho n’yo.” Nakangiti si Lucian sa kaibigan niya at umupo sa sofa, sa tabi ng stuffed toy.

“Really? Okay lang sa ‘yo na nandito siya?” pasimpleng bulong na usisa ng kaibigan niya.

Ngumisi naman siya rito.

“Hmm… kanina, nakabusangot ka at ang dilim ng awra ng opisina natin. Ngayon, aba! Ang liwa-liwanag kahit na makulimlim sa labas!” muling bulong ng kaibigan sa kaniya, tinudyo siya.

Napangisi lang siyang muli kay Marion.

Bumalik na sa puwesto ang kaibigan habang pasulyap-sulyap kay Lucian na nakatitig pa rin pala sa kaniya. Tuloy ay kinuha niya ang stuffed toy upang paupuin ulit sa silya saka hinila iyon para hadlangan ang paningin ng lalaki. Nakakalusaw na kasi ito kung makatingin sa kaniya. Ngunit gamit ang mahaba nitong kaliwang biyas ay marahan nitong itinulak ang silya para masilayan nitong muli ang mukha niya.

Napakagat-labi na lang siyang ngumiti sa binata at tinakpan ang mukha ng isang kamay. Kunwari ay may ginagawa na siya sa kaniyang laptop.

“Oh, my goodness! Hotness overload dito sa office! Rowan, palalakasin pa ba natin ang aircon? Parang kulang, eh!” pasaring ng kaniyang kaibigan na ikinatawa ni Lucian.

Tinapunan niya ito ng isang kinuyumos na papel at saktong natamaan ito sa bumbunan.

“Ouch!” maarteng anito. Imbes na mainis ay lalo lang siya nitong tinutudyo kahit sa tingin lang.

Ilang sandali pa ay nasubsob na siya sa kaniyang tinatrabaho samantalang nakatunghay lang sa kaniya ang binata. Paminsan-minsan ay tumutunog ang cell phone nito at sinasagot naman nito iyon. Sa tingin niya ay ang PA ang kausap nito.

Pagkatapos niyon ay narinig niyang nag-o-order na ng delivery ang binata para sa kanilang pananghalian. Nakita naman niya ang pag-thumbs up sign nang palihim ng kaniyang kaibigan.

“Love ko na ang Sugar Daddy mo!” bulong nito sa kaniya nang magbayad sa nag-deliver ng pagkain ang binata at binigyan pa ito ng tip.

Hinampas niya si Marion sa braso. “Sira!” Pero kinilig naman siya.

Ngumiti siya nang bumaling sa kanila si Lucian.

“I believe you’re ready to have lunch,” ang wika nitong nakangiti sa kanila.