Chapter 19: Official Courtship
Nakabusangot si Rowan nang pumasok sa opisina, Lunes ng umaga. Pansin niya sa labas na nakaparada na roon ang kaniyang van, isinauli na ni Mang Isidro at ang susi ay nasa ibabaw ng kaniyang mesa.
Nalaman niyang inoperahan sa appendix ang anak ng tauhan niya. Kaya pinaasikaso niya kay Marion ang lahat upang mabayaran ang hospital bills.
Napuna naman kaagad ni Marion ang timpla niya nang sulyapan siya. “Huhulaan ko. Ang linis-linis ng bahay mo ngayon, ‘no?”
Lalo siyang napakislot ng mukha. Bumalik sa isip niya na naglinis nga siya kahit gabi na, pagkatapos siyang ihatid ni Lucian.
“Paano mo nahulaan?” inis niyang baling kay Marion at umupo sa kaniyang swivel chair nang pabagsak. Pagod na pagod siya. Wala siyang matinong tulog dahil mag-uumaga na nang humiga siya.
“You look depressed kasi, eh. At kapag ganyan ka, alam ko na ang outlet mo. Naglilinis ka ng bahay mo,” sabay tawa nito. “Matingnan ko nga ‘yon mamaya.”
“Tse!” singhal pa niya sa kaibigan.
Itinaas nito ang isang kilay. “Bakit ka ba nagkaganyan? Mukhang okay na okay ka naman kahapon nang makita kitang kasama ang papabol mong si Lucian. Teka, sounds familiar. Lucian Ganadan. Teka, ‘di ba ‘yon ‘yong kliyente natin ngayon?” Tumaas ang kilay nito saka namilog ang mga mata.
Umismid siya rito at ikinuros ang mga braso. Hindi niya sinagot ang kaibigan. Sobrang daldal nito. Naiirita siya.
“Oy, hindi mo man lang sinabi sa akin. Richness pala ang papabol mo! Talagang Sugar Daddy mo na ba ‘yon?” Lumapit pa ito sa kaniyang mesa. Nanunudyo ang mga mata nito.
Nag-angat siya ng matalim na tingin kay Marion. “Tigilan mo na nga ako sa Sugar-Sugar Daddy mo na ‘yan!” angil pa niya. “Hindi ko ‘yon Sugar Daddy. Bakit, Sugar Baby ba ako sa paningin mo?” dagdag na sikmat niya. Matalim ang tingin nito sa kaniya.
Napalis ang ngiti ni Marion. “Hindi nga. Biro ko lang naman ‘yon.”
“Ayoko ng biro mo, Marionette, ha?”
“Sorry na. Pero… bakit ka ba depressed? Dahil ba sa kaniya?”
Hindi naman siya makasagot at ayaw niyang sumagot. Wala naman kasi siyang karapatan na ma-depress nang dahil kay Lucian. Isa pa, hindi pa niya sinagot si Lucian kaya wala rin siyang karapatang magselos sa Mrs. Mariano na iyon na kahit misis na ay halatang gustong-gusto si Lucian base sa mga ikinikilos at sa mga mata nito.
‘The nerve of that woman. Kung misis na siya, bakit kaya gusto pa niya si Lucian? May affair kaya sila ni Lucian dati bago siya nag-asawa o ano?’
Ilang sandali pa ay dumating ang suking delivery boy. May dala na naman itong isang basket ng mga carnations at ngayon ay hindi chocolates ang kasama ng mga bulaklak kundi isang stuffed toy na halos life size! Alien ang stuffed toy na iyon at pinaalalahanan siya niyon sa kanilang pinanood ni Lucian kahapon kahit techno-organic kind na ET ang nasa pelikula.
Napalunok siya habang nakatitig sa malaking stuffed toy. Ipinatong ito ng delivery boy sa isang silya at inilapag sa sahig ang basket ng mga bulaklak. Pinirmahan na niya ang isang papel.
Nang makaalis na ang delivery boy ay inayos ni Marion ang stuffed toy sa isang mahabang upuan. Tinitigan iyon katulad ng ginagawa niya at saka napabaling ito sa kaniya.
“I don’t see anything wrong with your being depressed dahil sa papabol mo. Heto na nga, o. Patuloy ang sweetness overload niya! Ni hindi ako nakatanggap ng ganito kalaking stuffed toy galing kay Tommy, eh!”
“Kasi nagtitipid kayo para sa kasal n’yo,” taray pa niya.
Napatawa naman ang kaibigan pero agad rin iyong nawala. “Teka, bakit hindi mo kasi aminin sa akin ang totoong nangyari, ha?”
“Marionette, quiet. Please!” inis na utos niyang tinakpan ang dalawang tainga.
Kahit na kinilig siya dahil sa ipina-deliver ni Lucian ay pinilit niyang mag-isip ng praktikal.
‘Bakit hindi ang puso mo ang gamitin mo, Rowan?’ May bumubulong na naman sa kaniya.
Napansin na lang niyang may kinuha si Marion na nakadikit sa stuffed toy.
“May mensahe ka pala, o,” sabi nitong iniabot sa kaniya at hindi na nito binasa iyon, katulad ng dati.
Ngunit nang hindi niya iyon tinanggap ay inilagay nito iyon sa harap niya sa ibabaw ng mesa. Napadako roon ang kaniyang paningin. Isang heart ang naka-drawing sa card. Walang ibang salita. Subalit parang tinunaw ang lahat na pait at agam-agam sa kaibuturan ng kaniyang puso sa simpleng hugis na iyon. Dagdagan pang nakita niyang biglang pumasok si Lucian na may dalang pumpon ng bulaklak. Sa pagkakataong ito ay ang paborito niyang bulaklak ang hawak nito. Ang mimosa. Medyo napanganga siyang napatayo.
“Sa tingin ko, kailangan kong lumabas at mangangape muna ako,” pagpaalam ni Marion at tumalilis na agad ito pagkatapos bigyan ng isang matipid na ngiti ni Lucian.
Hindi na nakasagot si Rowan kay Marion na agad nang nakalabas paglingon niya.
Pinilit niyang lumunok at bumaling ng tingin kay Lucian. “P-paano mo nalaman?” tukoy niya sa bulaklak.
Nakuha iyon ni Lucian. “I asked Tommy what your favorites are, which he knows about, since you’ve known each other for some period of time now.”
Naalala nga niyang nag-usap ang dalawa kahapon bago sila pumasok ng sinehan. No wonder dahil sa madaldal ding si Marion. Kung hindi ang sarili ng magkasintahan ang paksa ay siya ang laman niyon. Medyo pang-celebrity gossip kasi ang buhay niya nang dahil din kay Riff noon. Kaya ang rumor mill na si Marion ay ina-update din ang kasintahang si Tommy.
“I… H-hindi ka na sana nag-abala pa,” umpisa niya nang napaangat ng tingin sa matangkad na lalaki. “I-I know that you’ll be busy at work… a-at pupunta naman talaga ako sa bahay mo dahil kailangan kong tingnan ang mga tauhan ko roon.”
“It’s not about that, Rowan. I’m here because I’m still officially… courting you.”