Chapter One

Mahigit tatlong oras na akong nakaupo sa ilalim ng malaking punong halos kasabay kong lumaki at patuloy na tumatakas sa gulo ng buhay. Nag-iisang nabubuhay na kasama ko sa lahat ng saya, lungkot at galit sa mundo. Kaisa-isahang nabubuhay din na nakasama ko sa pagsikat at paglubog ng araw.

Tumayo ako sa kinauupuan ko nang tuluyan nang lisanin ng liwanag ang kalangitan. Ilang araw na rin simula noong umuwi ako ng maaga sa bahay.

Pagkarating ko sa apartment na tinutuluyan ko, dumiretso ako sa kusina para ilapag ang groceries na dala ko na sapat para sa isang linggo. Nagtungo ako sa kwarto ko at nagbihis bago maghanda ng hapunan nang may kumatok sa pinto.

"Ash? Andyan ka na ba?" dinig kong sigaw mula sa labas. Nang makalapit naman ako sa pinto, binuksan ko ito.

"Oh nariyan ka na pala. May nag-iwan nitong envelope sa akin kanina para daw sa iyo." pagbibigay-alam sa akin ni Tita Rica habang inaabot ang envelope na sinasabi niya bago magpaalam.

Sinara ko ang pinto at saka pumunta na muli sa kusina. Si Tita Rica ang may-ari ng apartment na tinitirhan ko. Siya rin ang naging ina ko simula nang mapadpad ako dito.

Ipinatong ko ang envelope sa ibabaw ng center table at pinagpatuloy ang pagluluto.

Mag-isa akong namumuhay rito. Kung wala si Tita ay masasabi kong mag-isa lang ako sa buhay. I never met my parents. But I do know their names. Ang sabi lang sa akin ni Tita, maliit palang ako nang dalhin ako ng isang ale sa kanya. Mabait si Tita Rica ngunit hindi ito masyadong lumalabas ng kwarto niya kaya hindi ko rin siya lubusang kilala kahit na matagal ko na siyang kasama dito.

Matapos kong maluto ang hapunan ko pumunta ako sa sala at saka binuksan ang tv at kumain.

"Bored." singhap ko sa sarili ko. Sino bang hindi mabobored kung ganito?

Tumayo ako para hugasan ang kinainan ko. Nang pabalik na ako sa sala ay napansin ko ang envelope na dinala sa akin ni Tita kanina. May disenyo ito na para bang invitation sa isang kasal o debut.

Kinuha ko ito saka pabagsak na umupo sa sofa.

"Ano ba 'to?" tanong ko sa sarili ko bago tuluyang binuksan ang envelope.

Nang mabuksan ko ito, nagtaka ako sa laman niyon. Invitation? At hindi lang basta invitation.

"Grifhorst University." sambit ko ng mabasa kung saan nanggaling ang envelope na ito.

Grifhorst University. Kung hindi ako nagkakamali, ito ay isa sa mga universities na pinapangarap ng marami. Bukod sa eleganteng disenyo nito ay dahil na rin sa mga "royalties" na pumapasok rito. Mga sikat na estudyanteng pinapantasya ng halos buong mundo. Pero syempre char lang yon para may thrill.

Bumaba ako at kinatok ang front door nina Tita Rica. Nakailang katok ako bago niya ito binuksan.

"Tita sigurado po ba kayong para sakin 'to?" tanong ko sa kanya nang tanungin niya kung anong sadya ko.

"Oo, Ash. Kilala ka nga ng may dala niyan." sagot naman niya. Kilala ako?

Tumango na lang ako tsaka nagpaalam sa kanya. Hindi ko pa rin maisip kung bakit ako pa. Tsaka... bakit nila ko kilala?

Pag pasok ko sa apartment ko agad kong ni-lock ang pinto saka dumeretso sa kwarto ko nang biglang tumunog ang phone ko.

Unregistered Number calling...

Pinulot ko ito bago nag-isip ng ilang beses kung sasagutin ko ito. Nag-end ang tawag at ilalapag ko na sana ulit ang phone ko pero hindi pa ito nakakapatong sa side table nang may tumawag na ulit.

Sinagot ko na ito. Pero walang nagsasalita sa kabilang linya. Tahimik lang. Mukhang pinagtitripan ako nito ah?

"Hel--"

"Harley Ash Monteliola." ang putol ng nasa kabilang linya nang magsalita ako.

Tumaas ang balahibo ko nang marinig ang malalim niyang boses.

"Sino 'to?" tanging naisagot ko.

"Not important. What is essential is that YOU are the descendant of Mr. Jan Monteliola."

Natigilan ako nang marinig ang pangalan ni Papa. Paano? Paanong kilala niya si Papa? At ang pagdiin niya sa salitang 'you'. Lalo akong kinabahan.

"And that you are expected to be at the mansion tomorrow. The personal driver will be there early to pick you up, so be ready." patuloy na pagpapaliwanag pa nito sa akin ng dapat kong gawin.

"W-wait. Chill ka lang kuya. Ano ba 'to? Prank call? Ha-ha-ha! Pwes di ako natutuwa." ang sagot ko sa kanya bago tumawa ng mapait kahit kabado. Akmang papatayin ko na ang tawag nang umimik pa ito.

"This is not a joke, Miss. I am your very own personal guardian slash assistant from now on and that's my duty. To inform you, Miss, that you must be here tomorrow according to the will of your beloved father." ang sagot naman nito. Wow. May instant P. A. na ko.

"Ah--"

"And to finally see your personal guardian slash assistant's handsome face." dugtong pa nito na pumutol sa sasabihin ko.

Muntik na kong masuka sa narinig. Anudaw? Handsome face? Tsaka wow kyah, pinanindigan mo talaga yung slash mo ha? Kaloka.

Sasagot pa sana ako pero...

Eng... Eng... Eng...

Pucha! Binabaan ako! Kyah patats.

Napabagsak na lang ako sa kama. Muntik pa kong mauntog sa headboard nito. What just happened? Ano ba yun? Masyado naman akong binibigla ng mga pangyayari ngayon.

Pinikit ko ang mga mata ko para pakalmahin ang sariling utak. Hindi yata kakayanin ng isip ko kung patuloy ko pa ring poproblemahin ang mga nangyayari sa buhay ko.

Simula noong bata pa ako, wala na akong nakagisnang pamilya o kamag-anak. Ni isang mukha nila never ko pang nasilayan, and now this assistant guy's telling me about my father's will.

Unti-unting bumibigat ang talukap ng mga mata ko habang patuloy na iniisip kung anong nangyayari.

~•~

Nagising na lamang siya nang may kumatok sa kanyang pintuan na siyang nagpaigtad sa katawang lupa niya. Hindi niya gustong naaabala ang pagtulog niya kaya busangot na tumayo ito para buksan ang pinto at makita ang mukha ng siyang pumutol sa mahimbing na pagkakatulog.

Nang mabuksan ang pinto, nawala ang tila nagliliyab niyang galit nang makita si Tita Rica sa tapat ng pintuan niya na nakangiti pa sa kanya.

"Naabala ko ba ang tulog mo?" ang tanong sa kanya ng babae. Tanging sagot lang niya ay ang pagngiti na nagsasabing hindi nito pansin ang pagkabagot.

Lumakad ang babae papasok sa kanyang kwarto habang hindi nawawala ang ngiti nito sa kanyang labi.

"Ikaw na ang nagsilbing kasama ko sa buhay." ang saad ng babae sa kanya habang naglalakad palapit sa kanya. Bakas sa mga mata nito ang lungkot na tinatabunan nito ng matamis na ngiti. Hindi niya maintindihan ang sinasabi ng babae.

"Mamimiss kita."

Doon lalo siyang naguluhan. Nakangiti pa rin ito sa kanya ngunit halata ang nangingilid na luha nito kaya lumapit siya para hawakan ang kamay ng babae kahit hindi niya naiintindihan ang inaasal nito.

"Tita? Ano po bang sinasabi ninyo?" ang tanong niya nang magkaroon ng lakas ng loob.

"Mag-ayos ka na. May naghihintay sayo sa baba." ang sagot naman nito saka inagaw ang kamay sa kanya. Naguguluhan man, ngumiti siya at tumango.

Lumabas si Rica ng kwarto niya nang hindi man lang siya nililingon. At hindi rin niya magugustuhan ang makikita sa mga mukha nitong may bahid kalungkutan.

Dumungaw siya sa bintana para makita kung totoo ang sinasabi ng babae. Nang sumilip, nakita niya ang isang magarang kotseng nakaparada sa harap ng apartment niya. Sa gilid nito nakatayo ang isang matipunong lalaking naka-pormal.

Totoo nga.

Tanging nasabi niya sa sarili. Hindi nga siya nananaginip. Totoo lahat ang nangyari kagabi. Ang usapan nila ng isang lalaking nagpakilalang assistant ng kanyang ama. Totoo lahat.

Inayos niya ang sarili at saka ang kanyang gamit. Hindi naman siya lalayas kaya ang tanging dala niya lang ay ilang piraso ng damit kung sakaling kailanganin niyang magpalit.

Bumaba siya para tagpuin ang kanina pang naghihintay na lalaki. Makikita ritong kagalang-galang ang nakatayo sa harapan niya. Umawang ang kanyang bibig nang makita ng malapitan ang kotseng nakaparada sa gilid nito.

"Miss Monteliola, ako ang nataasang sumundo sa iyo at ihatid ka sa mansyon." ang sabi ng lalaki sa kanya bago kunin ang gamit niyang hindi naman kalakihan para buhatin pa ng iba para sa kanya bago siya pagbuksan nito ng pinto ng kotse.

Wala siyang nagawa kundi sumakay sa sasakyan. Nang makasakay sa likurang bahagi ng sasakyan ay sumakay na rin ang lalaking siya namang magmamaneho ng kotse.

Sa byahe ay wala siyang magawa. Bagot na bagot. Puno ng katahimikan ang sasakyan ng basagin ito ng isang tunog.

Meow Meow Meow..

Ang tunog na paulit-ulit umaangkin sa katahimikan.

"Ay! Sorry kuya di ko nai-silent eh." paghingi niya ng paumanhin sa lalaki na parang hindi naman naaapektuhan ng ingay na nagmumula sa kanyang cellphone. Tsaka niya ito kinuha para tignan kung anong mayroon doon.

Nakatanggap siya ng isang text message galing sa personal assistant kuno niya.

Enjoy the ride, Miss Monteliola. Better be ready.

-Your Handsome Guardian/Assistant

Napabuntong hininga na lang siya sa nabasa. Kung may load lang siya baka nareplyan niya ito ng hindi maganda.

Dumungaw siya sa bintana ng kotse para pagmasdan ang kanilang nadaraanan. Hindi pamilyar ang ruta na tinatahak nila. Dapat ba siyang kabahan?

Matapos ang mahigit isang oras na byahe ay nakarating sila sa harapan ng isang malaking gate. Ang elegante nito, kung titignan ay para itong gate ng isang palasyo.

Hinintay nilang bumukas ito at di naglaan bumukas nga ito. Kapag kuwan ay nakita niya ang malawak na harapan ng isang malaking bahay. O mansyon ika nga?

Nalaglag ang panga niya sa laki non. Hindi niya alam kung dapat ba siyang makarating doon o ano.

Nang maiparada ang sasakyan sa mismong harapan ng mansyon ay bumukas ang pintuan sa likuran ng sasakyan. Binati siya ng isang katulong at tinulungan siyang makababa.

"Magandang umaga, ma'am." ang bati ng iba pang katulong. Kung bibilangin, may limang katulong ang nakaharap sa kanya ngayon. At may dalawa pang lalaki na hindi niya alam kung ano ang trabaho nito.

Nang makababa ng sasakyan ay tinulungan naman siya ng driver na ibaba ang gamit niyang hindi naman dapat ipabitbit pa.

Namamangha siya sa lugar na iyon at kasunod non ang pagkalito dahil sa trato sa kanya ng mga tao roon.