Chapter 34 Part 2
Tiningnan niya ako sandali at saka niya tiningnan ang babaeng nagsalita. Ngumisi siya.
“Talaga? Bakit naman kailangan niyo pang pumunta rito? Pwede namang sunduin ng mama niya nang maayos si Jane.”
“Dahil kinukulang mo siya!” sigaw bigla ni Mama. “Inaabuso mo ang anak ko! Narito kami para ipakulong ka ring hayop ka!”
Lalong bumilis ang pagtibok ng puso ko. Humigpit ang hawak ko sa braso ni Mama. “M-Ma…” Tiningnan ako ni Mama.
“H’wag kang mag-alala, anak. Hindi ako aalis dito hanggat hindi kita kasama.”
“Paano mo naman ho nasabi iyon? Eh hindi ko naman pinilit si Jane na tumira dito. Tsaka… Dapat lang naman na kasama ko sa bahay ang asawa ko hindi ba?”
“Ano?” gulat na sabi ni Mama. Pumihit paharap sa akin si Mama. “Ano’ng ibig niyang sabihin?”
Muli akong napaluha. Hindi ako makasagot kay Mama. Noong mapatingin ako kay Rodrigo ay malapad ang kaniyang ngiti at hindi manlang mabahiran ng kasamaan. Ang kapal ng mukha niya!
“Ano hong ibig mong sabihin mo, Gov?”
“Bakit hindi niyo tanungin si Jane? Mahal?”
Agad na nagtayuan ang mga balahibo ko noong marinig ko ang tawag sa akin ni Rodrigo. Nakagat ko ang aking labi at nag-aalinglangang tiningnan si Mama. Puno ng katanungan ang mga mata niya. Gusto kong sabihin na hindi totoo ang sinasabi ni Rodrigo. Gusto kong sumama kay Mama. Ayaw ko na sa lugar na ito! Gusto ko nang umalis dito! Pero habang iniisip ko iyon ay muli kong na aalala ang mga nangyari sa akin. Ang video ni James at bangkay nito. Ang pananakit niya kay Lawrence at pagpapagahasa kay Lana. Ang pag-torture niya sa isang babae at pagpatay nito sa harapan ko. At… At si Bruno… Si Bruno.
Napahagulhol ako at umiling-iling. Hindi ko gustong mangyari ang mga iyon kay Mama! Hinawakan ko ang kamay ni Mama at mahigpit iyong hinawakan. “M-Ma. U-Umalis ka na. O-Okay lang ako. Please–”
“Ano ‘yong sinasabi niya na kasal ka–” Napatigil si Mama sa pagsasalita at napatitig sa kamay ko. “A-Ano 'to?”
Napatingin din ako sa singsing sa daliri ko. Napaka ganda niyon. Kumikintad ang ginto at mga dyamante na nakapalibot sa singsing. Nakamamangha ngunit hindi niyon maitatago ang dugong dumanak kahapon. Mabilis kong inagaw ang kamay ko at itinago sa likod ko.
“P-Please, ma. Umalis ka na. Ayos lang ako.” Huminga ako nang malalim. “O-Opo. K-Kasal kami ni Rodrigo, Ma. N-Nagmamahalan kami.”
“Anak! Ano ba ang sinasabi mo? Hindi ka ganyan noong huli tayong nag-usap!” Hinawakan ni Mama ang balikat ko pero umiling lang ako. Tiningnan nang masama ni Mama si Rodrigo. “Ano’ng ginawa mo sa anak ko?!”
“Ma!” sigaw ko. “A-Ayos lang ako sabi. P-Please. Umalis ka na, ma. Tatawagan kita palagi. P-Parang-awa mo na, ma. Umalis ka na po,” pakiusap ko. Muli akong huminga nang malalim. Sa bawat paghinga ko ay parang may tinik sa dibdib ko at lalo iyong bumabaon. Napaka hirap. Gusto kong sumama kay Mama pero hindi ako pwedeng umalis dito. Napakislot ako noong may humawak na iba sa balikat ko. Si Rodrigo na iyon.
“Ma. Mas maigi siguro kung aalis ka na. Hindi rin maganda ang pakiram–”
“Hayop ka!” Biglang sinampal ni Mama si Rodrigo. “Wala akong pakealam kung ikaw pa ang gobernador dito! Kukuhain ko ang anak ko!”
Natatarantang hinawakan ko si Mama at ilalayo sana kay Rodrigo ngunit humigpit ang pagkakahawak niya sa balikat ko.
“Mas maigi hong umalis na kayo.” Tiningnan ni Rodrigo ang mga kasama ni Mama. “Tama naman ‘di bang magkasama ang mag-asawa, hindi ho ba?”
Hinawakan si Mama nila Tito. “Halika na, Camia. Saka na lang natin kausapin ang anak mo.”
“Hindi! Hindi ako aalis dito hanggat hindi kasama si Jane!” giit ni Mama.
Hinarap ko si Rodrigo. “P-Please. Hayaan mong kausapin ko muna si Mama. Parang-awa mo na,” mahinang sabi ko sa kaniya.
Tinitigan ako ni Rodrigo at marahang hinaplos ang pisngi. “Sure.” Inilapit niya ang kaniyang bibig sa tainga ko. “Ipaintindi mo sa nanay mo na sa akin ka na, Jane. Alam mo na ang mangyayari kapag hindi siya tumigil.”
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Wala sa sarili na tumango na lamang ako bilang pagsang-ayon. Ngumiting muli si Rodrigo sa akin. Napalunok ako at hinarap na si Mama. Muli siyang nilapitan at pilit na nginitian.
“M-Ma… Please. A-Ayos lang ako.” Huminga ako nang malalim at pilit na pinigilang mapaluha ulit. “S-Sorry kung hindi ko nasabi sa inyo. Promise… Promise ipapaliwanag ko sa inyo, ha? M-Masama lang talaga ang pakiramdam ko ngayon.”
Umiling-iling si Mama at sinapo ang pisngi ko. Lalong nadurog ang puso ko noong makita ko siyang humahagulhol na rin.
“Hindi anak. Hindi ako naniniwala sa ‘yo. Sasama ka sa a–”
“Ma! Please! Umalis ka na.” Tiningnan ko sila Tito. “‘To. Paki dala na po si Mama. B-Bibisita po ako sa inyo.” Tiningnan ko rin ang mga kasama nila mama. “A-Ayos lang ho ako.”
“Miss.” Naglakad papalapit sa akin ang babaeng taga-DSWD. “Kung may hindi magandang nangyayari sa ‘yo, pwede mong sabihin sa amin. Tutulungan ka namin. Gusto mo bang mag-usap tayo ng tayong dalawa lang?”
Sandali akong natigilan. Kaunti na lang ay sasabihin ko ng oo pero pinigilan ko ang sarili ko. Umiling ako. “A-Ayos lang ho talaga ako. Kilalang tao si Gov dito kaya w-wala ho kayong dapat ipag-alala.”
“Iyon na nga, anak. Kilalang tao. Sabihin mo sa kanila ang totoo! Ang ginawa niya sa mga kaibigan mo!”
Huminga ako nang malalim. “M-Ma. Please.” Tinitigan ko sa mga mata si Mama. “K-Kung talagang nag-aalala ka sa akin. Makikinig ka. T-Tatawagan ko na po kayo palagi para hindi ka na mag-alala, ha? Please.”
Matagal bago nakasagot si Mama. Humahagulhol na siya at hindi na halos makapagsalita. Sa huli ay tumango na lamang siya at niyakap ako nang mahigpit. Doon ay muli akong napaiyak. Ayaw ko siyang umalis. Gusto kong sumama sa kaniya. Hindi ko na gustong magtiis pa sa lugar na ‘to! Pero hindi. Hindi ako pwedeng maging padalos-dalos. Ayaw ko nang may mamatay pa nang dahil sa akin.
“Mahal na mahal kita, Ma. B-Babalik din ako. Makakaalis din ako rito.”