Chapter 34: Part 1

“Masaya ka na, ha?! Masaya ka na?!” galit na sabi ko. Hinampas ko ang dibdib ni Rodrigo. Ang bigat-bigat ng pakiramdam ko. Para akong unti-unting dinudurog dahil sa mga nangyari. Naikasal ako kay Rodrigo kahit ayaw ko. At ngayon ay patay na si Bruno. Namatay si Bruno dahil sa akin! Hinawakan ni Rodrigo ang palapulsuhan ko at pinatigil ako.

“Tumigil ka na!” sigaw ni Rodrigo. Nanginig agad ang buong katawan ko pero pilit ko pa ring pinatapang ang sarili ko.

“Hindi! Sawang-sawa na ako, Rodrigo! Nakuha mo na ang gusto mo! Ano pa ang kailangan mo sa akin?!” hagulhol ko. Hindi ko na kayang magtagal pa sa feeling niya. Sobrang sakit. Iyong kaisa-isang taong tumutulong sa akin sa bahay nito ay wala na. Kasalanan ko! “Patayin mo na lang ako!”

Bigla akong tinulak ni Rodrigo sa kama. Napasubsob agad ako roon at sinubukang maupo. Ngunit hindi pa man ako nakakagalaw ay pinatungan ako ni Rodrigo. Hinawakan niya ang baba ko at bahagyang pinisil ang mga pisngi gamit ang isang kamay. Napanganga ako nang kaunti dahil sa higpit niyon at kirot dahil bahagyang bumabaon ang mga kuko niya sa balat ko.

“Ikaw ang kailangan ko, Jane! Ikaw lang! At hindi ka mawawala hanggat kailangan kita. Akin ka lang!”

Binitawan niya ako kaya muli akong napahiga sa kama. Hindi ako nakaangal noong bigla niyang sinira ang suot kong bestida. Hindi iyon manipis at mamahalin ang tela. Pero walang kahirap-hirap iyong sinira ni Rodrigo gamit lamang ang mga kamay. Noong mapatingin ako sa mga mata ni Rodrigo ay lalo akong nangilabot. Namumula na naman ang mga mata niya na para bang hayok na hayok siya sa akin.

“G-Gov…”

Nanlaki na lang ang mga mata ko noong marahas niya akong hinalikan sa labi. Napadaing pa akp noong makaramdam ako ng kirot at hapdi sa gilid ng labi ko. Ilang sandali pa ay may nalasahan na lang akong metal. Hinawakan ni Rodrigo ang mga kamay ko at inilagay sa may ulunan ko. Patuloy na bumaba ang kaniyang mga halik sa leeg ko papunta sa dibdib. Muling bumalik ang mga halik niya sa leeg at mukha ko.

“Akin ka, Jane. Sa akin ka lang. Walang pwedeng kumuha sa akin sa 'yo kahit na sino. Sa akin ka lang,” bulong niya sa akin.

Lalo akong napahagulhol. Hindi na ako nagpumiglas pa at hinayaan na lang siya sa gusto niyang gawin sa akin. Hinayaan ko siyang muli akong pagsamantalahan. Pagod na ako. Siguro nga wala na talaga akong magagawa kundi ang tanggapin ang buhay ko ngayon.

Matapos akong galawin ni Rodrigo ay nakatulog na ako. Nagising ako na may tumatapik sa paa ko. Agad akong napaupo at tinakpan ang katawan ko gamit ang kumot.

“Hija. Pasensya na at ginising kita,” bungad sa akin ni Yaya Lyn. Ang nag-iisang katulong nila Rodrigo.

Lalo kong niyakap ang sarili ko. Huminga ako nang malalim at nag-iwas ng tingin aa kaniya.

“May naghahanap sa 'yo sa ibaba. Wala pa kasi si Gov. Nagkakagulo na sila.”

Nangunot ang noo ko. Doon ko lang narinig ang malakas na sigaw na nagmumula sa ibaba. Binalot ko ang katawan ko ng kumot at naglakad papunta sa may terrace. Hindi ko tuluyang lumabas doon pero narinig ko na ang malaka na sigaw ng isang babae.

“Ilabas niyo ang anak ko! Kailangan kong makita ang anak ko!”

Para akong binuhusan ng malamig na tubig noong marinig ko ang sinabi ng babae. Hindi ako pwedeng magkamali! Si Mama 'yon! Lumapit ako kay Yaya Lyn.

“P-Pwede niyo po ba akong ikuha ng damit?”

“Sige. Sandali lang.”

Tumango ako. Sinapo ko ang aking dibdib at pilit na kinalma ang sarili. Ano ang ginagawa ni Mama rito? Akala ko umalis na siya. Hindi siya pwedeng makita ni Rodrigo!

Hindi nagtagal ay bumalik sa kwarto si Yaya Lyn. Kinuha ko agad ang bestida na ibinigay niya sa akin at isinuot iyon. May dala na rin siyang tsinelas para sa akin. Hindi ko na inabala pa ang sarili ko na ayusin ang hitsura ko. Lumabas ako agad ng kwarto at nagmamadaling bumaba. Napaatras pa ako noong makita ko ang ilang mga tauhan ni Rodrigo na nakahilera sa tapat ng mansyon. Sa harapan nila ay may ilang tao silang pinipigilan na makapasok.

“Papasukin niyo ako! Ilabas niyo ang anak ko! Jane!”

Huminga muna ako nang malalim bago lumapit sa kanila.

“H-Hayaan niyo siya,” aniko. May isang tauhan ni Rodrigo na tumingin sa akin.

“Sorry, ma'am. Parating na po si Gov. Mariin niyang sinabi na h'wag daw sila papasukin.”

“Jane! Jane, anak!” Agad na sumulpot si Mama. Hinarangan siya agad ng mga tauhan ni Rodrigo. “Bitawan niyo ako! Siya ang anak ko, ma'am! Tulungan niyo kami!”

“Hindi niyo pwedeng gawin ito! Hayaan niyo kaming makita si Jane Acosta!”

“Mama ko siya! Hayaan niyo akong makausap siya!” pagpupumilit ko. Nagpumilit akong lumapit kay Mama hanggang sa maabot ko siya. Hindi ko pinansin ang mga pagpigil nila sa akin. Niyakap ko si Mama nang mahigpit at humagulhol.

“Sshh… Andito na ako, anak. Okay na. Okay na,” alo sa akin ni Mama habang hinahagod ang likod ko.

Mahigpit ko lang siyang niyakap habang humahagulhol. Pakiramdam ko lahat ng mga paghihirap ko ay nawala noong maramdaman ko ang mainit na yakap ni Mama. Lahat-lahat ng takot ko ay sandaling nawala. Ngunit ang sandaling iyon ay biglang nawala noong marinig ko ang boses ni Rodrigo.

“Ano’ng nangyayari dito?”

Halos lumundag na ako sa gulat at biglang napalayo kay Mama. Ngunit hinatak ulit ako ni Mama at itinago sa likuran niya. Pinunasan ko ang mga mata ko at tiningnan si Rodrigo. Kabababa pa lang niya mula sa kotse at naglalakad na papalapit sa amin. Doon ko lang din napansin na may pitong tao ang kasama ni Mama. Tatlong lalake at dalawang babae na may pare-parehas na suot. Ang dalawa pang lalake ay sila Tito na kapatid ni Mama.

“Governor Navarro,” ani ng isang babae. “Representative kami ng DSWD galing Manila. Narito kami para sunduin si Miss Jane Acosta na anak ni Mrs. Acosta.”

Tumigil si Rodrigo sa paglalakad noong medyo malapit na siya sa amin.