CHAPTER 7 TRAP
"Mukhang mahilig ka talaga manghalik." asar ni Kino kay Andy. Mukhang hindi pa rin nakakamove on sa sinabi niya.
"Anong mahilig? First kiss ko kaya iyon." pagmamalaki ni Andy.
Natawa ng mahina si Kino bago umiling.
"Anong first kiss ka diyan? E, hinalikan mo nga ako nung unang nagkita tayo." nakangusong sabi nito. "Ninakawan mo ako ng halik tapos sasabihin mong si Denum ang first kiss mo? Sabog ka ba o sadyang type mo lang si Denum?"
Naiinis na tumingin si Andy bago siya malakas na sinuntok sa braso.
"Ano ka ba? Ilang beses ko ba sasabihin na hindi ako 'yon? Parang ikaw yung sabog at may type kay Denum dahil sa inaasal mo."
Napairap sa kawalan si Kino.
"Fine, whatever. Mapapaamin rin kita na ikaw ang humalik sa akin."
"Monggiii.." bulong ni Andy.
"Sa ngayon, wala pa kaming suspek na maihaharap sa inyo.." malungkot ang tono ni Andy habang kaharap ang mga kaluluwa. "Pero may nalaman kami na makakatulong sa imbestigasyon. Ito ay case report patungkol sa pagkamatay mo, Recca."
Lahat ay ibinaling ang atensyon kay Recca na naguguluhan.
"Anong nakita mo, Andy?" tanong ni Recca sa kanya.
Bumaling si Andy sa katabing si Kino na buhat ang katawan niya bago nagsalita.
"N-nakasulat doon na namatay ka dahil sa sakit sa puso at," nagdadalawang-isip na sabi ni Andy.
Malungkot na humawak sa kamay niya si Recca.
"At ano pa, Andy?"
Humawak rin si Andy sa kamay ni Recca.
"Namatay ka ten years ago."
Gulat na gulat ang mga kaluluwa sa narinig. Hindi sila makapaniwala na maraming taon na silang nakakulong sa kwartong kinalalagyan.
"At ang ibig sabihin non ay nagbago na rin ang itsura ng pumatay sa inyo. Posibleng may pamilya na siya at may trabaho kaya nahihirapan kami na mahanap siya." paliwanag ni Andy.
Naluha si Recca bago bumitaw kay Andy.
"Imposible, parang ilang buwan palang ang nakakaraan nung nakita ko na umiyak ang mga magulang ko habang narito sila at tinitingnan ang katawan ko na walang buhay." hindi makapaniwala na sabi ni Recca habang umiiling.
Umiling si Andy.
"Sorry, but that's the truth. Mukhang may koneksyon ang pumatay sa inyo dahil nakagawa siya ng report kahit hindi pa nahahanap ang katawan niyo. Posible rin na... pumayag ang magulang mo sa kung anuman ang inilagay." paliwanag ni Andy.
Hindi nakinig si Recca at patuloy sa pagluha.
"Hindi totoo 'yan. Kailangan ko'ng makita ang mga magulang ko."
Sa isang iglap ay nawala si Recca. Kinabahan si Andy kaya napatingin siya kay Kino na nagulat rin sa nangyari.
Iminuwestra niya sa kamay ang gustong sabihin na naintindihan naman ni Kino.
"Sige, hahanapin ko rin siya. Hindi siya makakalabas ng school na 'to." komento ni Kino bago naglakad palabas habang buhat ang katawan niya.
Lumabas si Andy at tumakbo para hanapin si Recca. Inikot niya ang buong Paaralan ngunit hindi niya ito nahanap.
Pabalik na siya ng Clubroom ng may makakuha ng kanyang atensyon. Dahan-dahan niya itong nilapitan.
"Recca, pasensya ka na. Hindi ko sinasadya na saktan ka, sinabi ko lang yung nalaman ko." panimula niya habang kaharap si Recca na nakahawak sa Gate ngunit hindi siya makalabas.
Humarap ito sa kanya habang patuloy sa pag-agos ang luha.
"Ang tanggal kong naghintay ng tutulong sa akin para makalaya at makauwi sa pamilya ko tapos malalaman ko na hindi naman pala nila ako hinahanap." malungkot na sabi ni Recca.
Umiling si Andy.
"Hindi pa naman tayo sigurado,"
Mapait na ngumiti si Recca.
"Ito ang malungkot na parte ng isang kaluluwa, 'yung umaasa ka na may nakakaalala sa iyo kahit ang totoo, mas pipiliin nilang kalimutan ka. Sampung taon na akong nakakulong rito, Andy. Pagod na ako."
Naluha si Andy sa narinig.
"Kahit naman hindi mamatay ang isang tao, nararamdaman pa rin nila ang pagkaulila sa mga bagay na tingin ng lahat ay meron sila. Pero tandaan mo, mawala ka man sa mundo, hindi mawawala ang alaalang iniwan mo sa kanila. Naging masama ka man o mabuting tao, siguradong walang dahilan para kalimutan ka lalo na ng magulang mo." lumapit siya kay Recca at ngumiti rito. "Kung totoo man yung nasabi ko, alam ko na may sapat na dahilan ang magulang mo kaya nila nagawa iyon pero hindi ibig sabihin non ay kinalimutan ka nila."
Pagkasabi ni Andy ng mga salitang iyon ay niyakap siya ni Recca na patuloy pa rin sa pagluha. Hinaplos niya ang buhok nito.
"Hayaan mo, gagawa kami ng paraan para makalaya ka na.. Kayo. Pangako." bulong niya rito.
Lingid sa kanyang kaalaman ay pinapanood sila ni Kino sa hindi kalayuan.
"Kailangan natin puntahan ang pamilya ni Recca.." sabi ni Andy habang nasa kwarto ni Kino.
"Papaano?" tanong ni Kino na nakaupo sa dulo ng kama.
"Sinabi niya sa akin ang address ng mga magulang niya. Kailangan natin malaman kung bakit nila hindi pinahanap ang katawan ni Recca." sagot ni Andy bago inayos ang sarili at nauna
Tumango si Kino bilang pagsang-ayon.
"Sige. Pumunta tayo bukas."
Ngumiti si Andy na ipinagtaka ni Kino.
"Bat ka nakangiti?"
"Kasi ngayon ko lang nalaman na may silbi pala ang buhay ko, akala ko habang buhay akong magtatanong kung sino ako at bakit may ganito akong kakayahan." umiwas siya ng tingin kay Kino. "Ngayon mukhang may direksyon na at dahil iyon sa iyo, Kuya." nahihiyang sabi ni Andy.
Ngumiti si Kino bago binato ng unan si Andy.
"Ano ka ba? Wala iyon, masaya ako na may direksyon na ang buhay mo. Sana walang mangyaring masama sa ating dalawa."
Tumango si Andy at ibinalik ang tingin kay Kino.
"Sana rin matapos na natin 'to.. Napapagod na rin kasi ang katawan ko." reklamo ni Andy.
"Sana nga." huling sinabi ni Kino bago nagpaalam si Andy at dumiretso sa kwarto niya.
Dahil walang pasok ay maagang umalis sina Kino at Andy sakay ng isang motor para puntahan ang bahay ni Recca.
"Humawak ka ng maigi ha?" paalala ni Kino habang tinitingnan si Andy na sumakay ng motor.
"Bakit naman?" tanong nito sa kanya.
"Mahirap na baka hindi mo mapigilan na mahulog sa akin." nakangiting sabi nito.
Sumama ang timpla ng mukha ni Andy.
"Yung usapan natin.." paalala nito bago yumakap kay Kino.
Natawa ang binata bago tumango.
"Oo na, sinusubukan lang kita."
"Monggi ka." usal ni Andy bago pinatakbo ni Kino ang motor.
Labis ang tuwa na naramdaman ni Andy habang nakataas ang mga kamay at sinasabayan ang malakas na hangin at mabilis na andar ng motor.
"Mongggggiiiiiii!!!!" sigaw ni Andy na ikinasakit ng tenga ni Kino.
"Aist. Why do you always use that alien word? And where did you know that?" puno ng kuryosidad na tanong ni Kino.
"Mahilig kasi ako sa anime at yung isang favorite ko na ang pangalan ay Komasan, palagi niya iyon sinasabi kaya na-adapt ko." paliwanag ni Andy.
"Parang narinig o nakita ko na iyan kung saan pero nakalimutan ko kung kanino." napapaisip na sabi ni Kino.
Hindi na kumibo si Andy at pinagpatuloy ang ginagawang pagsigaw at pagtaas ng kamay hanggang sa makarating sila sa isang hindi kalakihan na bahay.
Mabilis na bumaba si Andy kasunod si Kino.
"Sigurado ka bang ito ang bahay?" tanong ni Kino.
Tumango si Andy.
"Ito yung sinabi ni Recca na address sa akin."
"Sige, puntahan na natin.."
Naunang naglakad si Kino habang sinusundan siya ni Andy. Sinalubong sila ng may edad na babae na nagwawalis ng mga tuyong halaman.
"Tao po, itatanong po namin kung dito nakatira ang pamilya ni Recca Mae Perez." panimula ni Kino.
Nahinto ang babae sa pagwawalis at kunot-noo silang tiningnan.
"Bakit niyo naitanong?"
"Hinahanap po kasi namin ang magulang niya, may gusto po kaming itanong." sagot ni Andy habang sumusulyap kay Kino.
Ibinaba ng babae ang hawak na walis bago lumapit sa kanila.
"Pasensya na kayo pero matagal ng patay ang magulang ng pinsan ko."
Nagkitingnan silang dalawa bago ibinalik ang tingin sa babae.
"Kailan pa po?" tanong ni Andy.
"Walang taon na ang nakakaraan. Pareho silang namatay dahil sa pagod at sakit kakahanap sa katawan ng pinsan kong si Recca." malungkot na kwento ng babae. "Sino nga pala kayo?"
Nagkatinginang muli silang dalawa bago ibinalik ang tingin sa babae at ngumiti.
"Ahm, kami po ay mga anak ng dating kaklase ni Recca. May mga naikuwento kasi ang mga magulang namin patungkol sa pagkamatay niya kaya may gusto kaming malaman." paliwanag ni Andy.
Umangat ang isang kilay ng babae.
"Patungkol saan?"
Naging seryoso ang mukha ng dalawa.
"Patungkol sa hindi niya nahanap na katawan. Gusto namin malaman kung bakit nakagawa ng report sa pagkamatay niya kung hindi naman nahanap ang katawan niya." sagot ni Kino.
Dalawang kilay na ang nakataas sa babae at hindi makapaniwala sa naririnig.
"Saan niyo nalaman ang mga iyan?" naguguluhang tanong ng babae.
Ngumiting muli si Andy.
"Sa mga magulang nga po namin."
Palinga-linga ang babae bago inaya papasok ang dalawa. Pinagtimpla muna sila ng inumin bago kinausap.
"Sino ba talaga kayo?" pag-uusisa nito sa kanilang dalawa.
"Kami nga po ay—" hindi natapos ni Kino ang sasabihin.
Umiling ang babae.
"Alam kong iba ang tunay na dahilan kung bakit narito kayo.. Sabihin niyo na."
Nagkatinginan ang dalawa bago sumagot si Andy.
"Kami ay mga estudyante mula sa Paaralan kung saan namatay si Recca at nag-iimbestiga kami sa pagkamatay niya." sagot ni Andy.
"At bakit niyo gagawin iyon?"
"Dahil nakausap namin si Recca at ang mga babaeng napatay 'gaya niya. Humihingi sila ng tulong para makalaya na ang mga kaluluwa nila." paliwanag ni Kino.
Natahimik ang babae. Maya-maya pa ay natawa ito habang tinuturo silang dalawa.
"Niloloko niyo ba ako?" galit na komento ng matanda.
Kumunot ang noo ng dalawa at sabay na umiling.
"Pero hindi po kami nagbibiro. Nakausap talaga namin si Recca." pamimilit ni Andy.
Umiling ang babae.
"Umalis na kayo at bumalik kung saan lupalop man kayo nanggaling." pagtataboy ng babae sa kanila.
Palabas na ang dalawa ng may mahagip ang mata ni Kino at mabilis na tinulak si Andy papasok. Nang makapasok ay mabilis na nagdilim ang paningin ni Andy.
"Hija," nagising si Andy sa harapan ng dalawang matanda na halos kaedad lang ng pinsan ni Recca.
"Sino po kayo?" tanong ni Andy bago tumayo.
Napagtanto niya na kaluluwa siya ng makita ang katawan sa matigas na kama.
"Kami ang may-ari ng bahay na ito." tugon ng matandang babae.
Napangiti si Andy ng mapagtanto na magulang ni Recca ang kaharap.
"Kayo po ang mga magulang ni Recca."
Nagkatinginan ang dalawang matanda bago ibinalik ang tingin sa kanya.
"Paano mo nakilala ang anak namin?" gulat na tanong ng matanda.
"Nakausap po namin ang kaluluwa niya at humingi siya ng tulong sa amin para makauwi sa inyo." masayang kwento ni Andy.
Nakangiting yumakap sa isa't-isa ang mag-asawa.
"Pero bago siya makauwi, kailangan malaman namin ang dahilan kung bakit natapos ang kaso na hindi nahanap ang katawan niya." putol ni Andy sa kasiyahan ng dalawa.
Umiling ang dalawa.
"Walang kaming kinalaman sa nangyari. Ang alam lang namin ay may pinapirma ang pamangkin namin at pagkatapos non ay nagulat na lang kami ng itigil na ang kaso." kwento ng matanda.
Umawang ang bibig ni Andy bago mabilis na bumaba at hinanap si Kino. Nahinto siya ng makita si Kino na kausap ang babaeng pinsan ni Recca.
"Kapag napatunayan po ba namin na narito ang kaluluwa ng mga magulang ni Recca at pati na rin ang kay Andy ay papayag na kayong ikwento ang mga nangyari?" tanong ni Kino.
"Kung mapapatunayan mo, papayag ako." paghahamon ng babae.
Ngumiti si Kino bago tumingin sa direksyon ni Andy.
"Andy, magdala ka nga ng pingaan rito." utos nito sa kanya.
Mabilis na sumunod si Andy at kumuha ng apat na pinggan sa kusina at dinala sa sala.
"Oh, Hindi?!" hindi makapaniwalang sabi ng babae habang tinitingnan ang lumulutang na pinggan.
Nanatili ang ngiti sa mukha ni Kino.
"Ngayon naman ay basagin mo sa harapan namin ang pinggan, isa-isa." utos nitong muli sa kanya.
Tumango si Andy bago hinagis kung saan-saan ang mga pinggan. Napatili ang babae at nabalutan na ng takot.
"Ano? Magsasabi na ba kayo ng nangyari kung bakit nahinto ang kaso ni Recca?" tanong ni Kino.
Tumango ang babae.
"O, siya. Sige, ano ba ang mga gusto niyong malaman para makaalis na kayo?!" puno ng takot na tanong nito.
"Gusto namin itanong kung bakit hinayaan lang ng mga magulang ni Recca na matapos ang kaso kahit hindi pa nahahanap ang katawan niya." sagot ni Kino.
Humigop ng juice ang babae bago sumagot.
"Hindi talaga sila ang nagpabaya, ako." pag-amin ng matanda. "Nung panahon kasi na nawawala si Recca ay nagkaroon ng sakit ang mga magulang niya at wala akong mahihingian ng tulong kaya tinanggap ko yung alok ng isang pulis na para matapos na ang kaso ay ipatigil na namin ang paghahanap sa katawan ni Recca. Wala akong nagawa kundi pumayag dahil malaki ang halaga na inaalok niya." dagdag nito.
"Nakilala niyo po ba yung pulis?" tanong ni Kino.
Umiling ang babae.
"Ang alam ko lang ay may anak siya na estudyante at ang estudyante na iyon ang itinuturing na suspek sa pagkamatay ng pinsan ko."
Nagkatinginan sina Andy at Kino.
"Paano po kami makakasigurado na tama ang sinasabi niyo?" tanong muli ni Kino.
"Kasi natatakot na rin ako dahil nararamdaman ko rin ang kaluluwa ng mga tiyahin at tiyuhin ko. Mas napatunayan ko na totoong narito pa sila dahil sa inyo. Sigurado ako na hindi sila aalis hanggat hindi nahahanap si Recca."
Tumango si Andy bago nilingon ang mga magulang ni Recca na sumunod sa kanya.
"Sigurado iyon.." nakangiting sabi ni Andy.
Nang magising si Andy ay kaagad silang nagpaalam sa matanda at sa mga magulang ni Recca.
"Siguraduhin niyo lang na tutulong kayo sa kaso kapag nabuksan iyon muli." habilin ni Andy na malawak ang ngiti sa pinsan ni Recca bago pinaandar ni Kino ang motor.
Tahimik silang bumiyahe pauwi hanggang sa makarating sa bahay nila Kino. Masayang bumaba si Andy ng motor.
"Ngayong may testigo na tayo at may mga ideya na tayo. Malalapit na tayo sa may sala." nananabik na sabi ni Andy.
"Pero kahit may mga nalaman tayo, iisa pa rin ang kalalabasan." opinyon ni Kino.
Nawala ang ngiti sa mukha ni Andy.
"We need the help of Detective Club." si Andy na ang nagsabi ng sasabihin ni Kino.
Ngumiti si Kino bago hinawakan sa balikat si Andy.
"Ikaw ang bahala.." iyon lang ang nasabi ni Kino bago naunang pumasok.
Napanguso si Andy at buong gabi na nag-isip.
Nang sumunod na araw ay kaagad na dumiretso si Andy sa Detective Club. Dire-diretso siyang pumasok sa kwarto kung nasaan si Denum.
"Sumama ka sa akin sa Clubroom namin." iyon lang ang sinabi niya sa binatang tahimik na nakatingin sa kanya.
Kaagad siyang lumabas at nauna na pumunta sa Paranormal Clubroom. Hindi niya alam kung sumunod si Denum.
Ilang minuto pa ay nakarinig siya ng pagbukas ng pinto. Nakita niya ang anino ni Denum na papunta sa kanya. Nakasigurado siyang si Denum iyon dahil kakaiba ang kaba na nararamdaman niya.
"So, what now?" tanong ng lalake sa gilid niya.
Hinarap niya ito.
"Kapag sinabi ko ang kakayahan ko, papayag ka na ba na tanggapin yung kaso?"
Hindi sumagot si Denum kaya tumango si Andy bago umatras.
"Sana pumayag ka pagkatapos nito.."
Pagkaatras ni Andy ay napapikit siya at nakaramdam ng hilo. Dumilat siya na nakatayo habang hawak ni Denum ang katawan niya.
Inikot niya ang paningin at nakita sina Recca at ang iba pang kaluluwa na mabilis na nagsiwalaan.
Binuhat ni Denum ang katawan niya at paalis na ng hawakan niya ang braso nito. Napahinto si Denum at hindi kumilos ng magsulat si Andy ng letra sa braso nito.
"Andy.." basa ni Denum na ikinatango ni Andy.
————END OF CHAPTER 07————