Chapter 30
Pinigilan ni Leandro ang pagngiti. Napamaywang siyang nakatingin sa dalaga na parang disoriented, confused, and so damn cute kahit sa estado nito ngayon. Nakasuot ito ng skinny jeans at sleeveless blouse na bagay rito at litaw na litaw ang magandang hubog ng katawan.
Inabot niya ang panyo sa dalaga ngunit hindi nito tinanggap iyon. Sa halip ay ginamit nito ang likod-kamay sa pagpahid ng luha sa basang mga pisngi.
“Fine! Magta-taxi na lang ako,” sabi nito sa sarili nang malakas. Humakbang na ito at nagmamadaling naglakad pero sumuray itong muli.
Sinalo na niya ito at pinangko.
“Bakit ako nahihilo?” patuloy nito. Napatingin ito sa kaniyang mukha. “Oo nga pala… Uminom ako nang marami kaya… hindi ka totoo. Ilusyon ka lang, Leandro! Umalis ka nga sa paningin ko, hudas ka! Ang kapal talaga ng mukha mo kahit hallucination lang kita. Buwisit ka!”
Kahit na alam niyang gusto itong isigaw ng babae ay mahina lang ang pagkasabi nito dahil sa pagkahilo. Ang sampal nito sa mukha niya ay naging haplos.
Nakatunghay siya rito at mabilis na niya itong ipinasok sa kaniyang kotse. Ikinabit niya kaagad ang seat belt upang hindi ito makaalis nang basta-basta. Isinara niya ang pinto at tumakbong inikot ang kotse upang pumuwesto sa driver’s seat.
Idinayal niya ang numero ng pinsan.
“Jed, I think I need privacy at my place ASAP! We’ll just celebrate some other time. Don’t ask, okay?” Iyon lang ang sabi niya bago niya pinaandar ang sasakyan.
Hinawakan ng babae ang kaniyang kamay na nasa gear. Hindi niya iyon inasahan.
“Bakit tayo nandito?” tanong nito. Nakasandal ang ulo sa headrest ng kinauupuang passenger seat.
Pumihit siya. “We’ll just talk later. Okay?” malumanay niyang wika sa babae.
Hindi ito kumibo. Habang ipinikit ang mga mata ay may ibinubulong ito pero hindi niya masyadong nakuha iyon, basta minura siya ulit.
Pinaandar na niya ang kotse at nagmaneho pabalik sa condo niya. Hindi niya pinansin ang guwardiyang nagtatakang may buhat-buhat siyang babae at dumiretso na sa elevator.
Wala na nga ang mga bisita niya nang dumating siya sa condo unit niya kaya laking pasasalamat niya sa kaniyang pinsan. Malinis din ang paligid na walang senyales na nagpa-party siya roon. Mabango rin ito.
Inilapag niya nang marahan ang dalaga sa kama niya. Pagkatapos ay kumuha na siya ng maaligamgam na tubig at face towel para punasan ang mga braso at noo nito.
Nakaupo siya malapit sa kama habang pinagmamasdan ang dalagang natutulog. Naisip niyang hayaan na muna ito. There was no use talking to her when she was not sober. Sigurado siyang paggising ni Estelle mamaya ay mas okay na ito.
“I think we’re both stupid for not talking it out,” mahinang aniya. Marahan niyang hinaplos ang pisngi ng dalaga gamit ang kaniyang fingertips. “But I promise, we’ll talk when you’re awake. I won’t let you go that easily, Estelle. Not this time.”
Nakatulog na siya sa paghihintay na magising ang dalaga. Nagising siya nang bandang madaling-araw. Nagtungo siya banyo para maghilamos. Nagtimpla na lang siya ng kape at uminom. Nagdala rin siya ng isang tasa nang marinig niyang may kaluskos sa itaas, sa silid niya. Siguro ay nagising na ang dalaga. Mabuti na nga sigurong dalhan niya ito ng kape.
Palabas na ng kaniyang silid ang dalaga nang sinalubong niya ito sa may pintuan.
“Where do you think you’re going? Planning to sneak out again?”
Napatungo ito. Mukhang napahiya. Humakbang siya papalapit dito. Umatras ito. Sinikaran niya ang pinto upang isara iyon.
“Drink this.” Ibinigay niya ang tasa sa babae.
Tinanggap na lang iyon ng dalaga at humigop nang kaunti.
“That’s it. Uminom ka at nang mahimasmasan ka. And for that, we can talk with your head clear. Gusto kong marinig mo ang mga sasabihin ko, Estelle.”
Akma itong magsasalita nang tinakpan niya ang bibig nito. Pinaupo niya ang babae sa kama.
“Ubusin mo muna ‘yan,” marahang utos niya.
Tumalima naman ito at inilagay ang wala nang lamang tasa sa ibabaw ng bedside table. Nakita niyang hindi ito mapakali habang nakatayo siyang nakamasid dito. Pakiramdam niya ay parang gusto nitong tumalilis ng takbo palabas ng kaniyang condo.
“I was a jerk.”
Agad na lumipad sa mukha niya ang paningin nito pagkasabi niya ng mga salitang iyon. Nagtatanong ang mga mata ng babae na may kasamang akusasyon.
“Okay. You said so, and I feel so. I didn’t call or text you. Nakibalita lang ako kay Eric tungkol sa ‘yo. Naisip ko lang na baka mauna kang mag-text o tumawag sa ‘kin pagkatapos ng lahat ng nangyari,” pagpatuloy niya.
“Sinasabi mo bang kasalanan ko ang nangyari? T-teka lang. Bakit nga pala ako nandito?” belated na usisa nito.
“You were drunk, Estelle. Mindy called me, and I brought you here. To talk,” simpleng sagot niya.
Napalunok ang babae. “Wala tayong dapat na pag-usapan. ‘Di ba nga⸺”
“How dare you say that?” nagtitimping aniya.
“How dare you walked out that day!” inis na pakli nito.
He snorted. “At bakit naman hindi? May iba kang lalaking kausap. Ano ang gusto mong gawin ko? Clearly, you chose him over me, and it turned out that⸺”
“Oo, si Francis. Ang ex ko. And FYI, he’s gay!” ang agaw nito sabay tayo. Itinabig siya nito upang umalis sana pero hinawakan niya nito sa braso.
“I missed you.” Pagkasabi niya ay kinabig niya ito at niyakap. Ang sarap sa pakiramdam niya nang maramdaman ang mainit at malambot nitong katawan. Nasamyo niya rin ang pabango nito kahit na lasing ito kanina.
Nagpumiglas ang babae. “Bitiwan mo ‘ko, Leandro!”