Chapter 2

Napakurap-kurap si Estelle. Bakit ba siya nakapag-isip ng ganito nang bigla na lang? Sa isang estranghero pa.

Nanuyo ang kaniyang lalamunan at parang tinambol nang napakalakas ang kaniyang dibdib, bagay na noon lang nangyari sa kaniya.

Pinilit niyang tumayo nang mag-isa kaya naman ay marahan siya nitong tinulungang makatayo nang maayos bago siya nito binitiwan. Pinasalamatan niya ito sa isang maliit na boses. Nahihiya kasi siya sa nangyari. Siguro nagbu-blush na siya ngayon dahil sa init ng magkabilang pisngi niya.

“No problem,” tugon nito sa isang baritonong boses. May matipid pa itong ngiting ibinigay sa kaniya.

Lumayo na siya rito. Napansin niyang matangkad pala ito. Siguro mas matangkad nang ilang pulgada kumpara sa kaniyang nobyo at siguro nasa early thirties. Mas makisig din itong tingnan sa maskulado nitong katawan na litaw na litaw sa suot nitong faded blue jeans at plain na black T-shirt. Nakayakap ang pantalon nito sa maskuladong mga hita. Ang dibdib at ang biceps naman nito ay halata ring malaman. She could just imagine his six-pack abs under his shirt. Sigurado siya roon.

Namalayan na lang niyang sumusunod ito sa kaniya nang napalingon siya. Medyo kabado tuloy siya.

“Where to?” kaswal na tanong nito.

Tumikhim siya at itinuro ang sarili. Tumango ito sa kaniya.

“Sa may… Guadalupe.”

“I see. Sa Ortigas naman ako.”

Napilitan na lang siyang ngumiti sabay tango sa binata. Tinatanong niya ang sarili kung bakit sinabi kung saan ito pupunta. Paki ba niya? Sa kabilang banda naman, tila may kilig siyang nadarama nang hindi niya maipaliwanag.

‘Maghunus-dili ka, Estelle,’ piping saway niya sa sarili. ‘Huwag kang lumandi! May nobyo ka na, ‘no?’

Sabay na silang sumakay sa tren. Bago pa may makaupong isang lalaking mataba sa tabi niya ay inagawan nito iyon upang magkatabi sila. Hindi naman kasi iyon magkasya roon. Napaiwas na lang siya ng mukha upang hindi nito makita ang ngiti niya. Tumayo naman ang lalaki nang may pumasok na buntis sa may Buendia at kahit papaano ay napahanga siya sa estranghero.

‘Aba, gentleman,’ sa loob-loob niya habang nagpapasalamat ang buntis sa lalaki.

“Taga-Guadalupe ka?” kaswal na namang tanong ng lalaki sa kaniya habang nakahawak sa tubo ng tren malapit sa pintuan. Hindi nito alintana ang ibang mga taong patingin-tingin sa kanila habang halatang nakikinig sa kanila ang buntis.

Bago pa niya maisip ang maisagot ay awtomatiko siyang tumango.

‘Teka nga lang. Ba’t ba siya nagtatanong? At ba’t ba ako nakikipag-usap sa isang estranghero?’ Hindi naman sana niya ito gawain, maliban na lang siyempre sa trabaho niya.

Tumigil na ang tren sa Guadalupe Station. “Bye,” pagpaalam na lang niya sa lalaki at nginitian niya rin ang buntis bago lumabas ng tren.

“Bye,” sagot ng lalaking may matipid na ngiti at itinaas din ang isang kamay.

May sasabihin pa sana ito pero nagsara na ang pinto at nag-iwas na siya ng mukha. Nagpatuloy siya sa paglabas ng estasyon kahit umuulan pa rin para makasakay na ng jeep pauwi. Medyo nabasa ang kaniyang suot dahil dito. ‘Di bale, pauwi naman na siya.

Laman ng isip niya ang lalaking iyon. Hindi man lang niya alam ang pangalan nito. Dapat kaya niyang tinanong ito? Kahit papaano ay iniligtas siya nito kanina. She owed him one.

***

Napasunod na lang ng tingin si Leandro Paras sa babaeng lumabas na ng tren. Medyo fashionista ito. Usually, hindi siya naa-attract sa mga ganoong tipong babae. Pero iba ang nakikita niya sa babaeng iyon. Petite ito. Maputi. Makinis. Maalon ang lampas-balikat na buhok, nakasuot ng fashion earrings na medyo malalaki at nakasuot ng bracelet na silver. Medyo bilugan ang mga matang mapupungay; maliit ang hindi masyado katangusang ilong; may palangiting porma ng labi na agad na umagaw sa kaniyang pansin kanina. Pinintahan yaon ng pulang lipstick at ibinagay ang manipis na makeup.

Langhap niya ang halimuyak nitong nakakaengganyo at naalala niya ang malambot na katawan nito nang mayakap niya. Hindi niya iyon sinadya pero instinct niyang iligtas ito bago pa man matumba sa basang kalsada. Naka-sleeveless blouse at mini-skirt pa naman ito na pinaresan ng clogs na may mahabang takong.

Napakamot na lang siya sa kaniyang batok. Ni hindi man lang niya naitanong ang pangalan ng babae. Tuloy ay nagsisisi siya.

Tumunog ang kaniyang cell phone kaya nauntag siya sa kaniyang pag-iisip.

“O, parating na ako. Naayos mo na ba ang kotse ko?”

Nasa talyer sa Mandaluyong ang kaniyang sasakyan dahil pina-maintain niya ang brake at transmission nito.

“Okay na. Nag-test drive na kami kanina, sir,” sagot ng taga-talyer.

“Salamat, Paeng. Ililibre kita mamaya,” nakangiting pangako niya bago nagpaalam.

Napabuga siya ng hangin nang nasa Shaw Boulevard Station na sila. Ayaw niyang isipin kung bakit siya pumunta kanina sa may Ayala. It was a waste of time. Pero naalala niya ang babaeng fashionista na iniligtas niya kanina.

‘Or maybe not entirely a waste of time,’ napangiti siyang napaisip.

Kausap niya kanina si Atty. Mendez, ang abogado ng kaniyang ama. Katulad ng dati ay may in-offer itong trabaho para sa kaniya at iyon ay sa kumpanya mismo ng ama.

“Why do I even bother to come here and meet you? May ideya na ako kung bakit, eh.” Nakatitig siya sa mukha ng may-edad na abogado habang magkaharap sila sa loob ng isang coffee shop.

“Leandro, this is for your best interest.”

Umiling siya. “No, it’s not. I’m certain of it. Gusto lang ni Daddy na magkalapit kami, ever since I got back in the country. Maybe he’s just guilty or something. Wala siya sa tabi ko habang lumalaki ako⸺habang pinalaki ako nang mag-isa ng mommy ko sa America.”

Bumalik siya sa Pilipinas dahil gusto ng ina niyang dito ito ilibing. Iyon ang habilin nito bago ito namatay sa breast cancer isang taon na ang nakalipas. Dahil wala namang naghihintay sa kaniya sa America, naisip niyang mag-settle na lang sa Pilipinas pagkatapos ng libing. Kaya heto siya ngayon. Pagkatapos lang ng ilang buwang pagtatrabaho sa isang kumpanya pagkagaling niya ng States, kinausap siya ng kanilang HR head na ita-transfer siya upang mag-improve ang isang branch nito.

Napabuntong-hininga ang abogado. Walang masabi.

“And… look, hindi nga siya nagpapakita sa ‘kin. Instead, ikaw ang ipinadala niya para kausapin ako, ‘di ba? Clearly, his intentions are superficial, which makes me wonder why he wants my services sa kumpanya niya… and what’s his real deal?”

Umiling ang abogado. “Napaka-busy na tao ng ama mo, Leandro.”

Napatawa siya nang mapakla. “I don’t give a damn! He’s my father for Pete’s sake! Kung seryoso pa siya para makipaglapit sa ‘kin, bakit hindi siya nagpapakita sa ‘kin kahit minsan? Ipinaalam ko sa kaniya ang pagkamatay ni Mommy. He didn’t even bother to show up, even his shadow! Hanggang sa paglibing kay Mommy…” He let out a shaky sigh. “Just tell him, I’m not interested.”

Tumayo na siya. Tinawag siya ng abogado pero hindi niya ito pinakinggan. He balled his fists, trying to shake off his father from his thoughts.

“Ortigas Station.”

Narinig niya ang boses ng AI. Napakurap-kurap siya ng mga mata at saka lumabas na ng tren nang magbukas ang pinto.