Chapter 14

Nag-message si Estelle sa isang kustomer niya na bumili ng cross-stitched na serena sa loob ng isang snow globe. Ang kustomer na niya ang bahalang magpapa-frame niyon. Napahigit siya ng hangin habang napatitig sa kaniyang gawa.

Parang nakikita niya ang sarili na katulad ng serena na nasa loob ng snow globe at hindi makagalaw. Parang ganito ang kaniyang sitwasyon pagdating kay Leandro. Hindi niya alam kung makakawala pa ba siya sa damdamin niya para sa binata o hindi. Wala siyang masyadong alam tungkol dito. Kaya naman ay kahit na inimbitahan siya nitong mag-dinner hindi siya agad pumayag.

Napakapa siya sa sarili. Gusto niya ba talaga ng label ang pag-imbita nito sa kaniya ng dinner? Ano ba ang nangyayari sa kaniya? Bakit iyon ang sinabi niya? Tunog sigurista talaga siya.

‘O… pabebe lang talaga ako?’ Gusto niyang sabunutan ang sarili.

Napansin niyang may mensahe siya sa messenger. Nanlaki na lang ang mga mata niya nang makitang galing ito kay Leilani. Binasa niya kung ano ang sinabi nito at napatiim-bagang siya.

‘Buwisit na babaeng ‘to!’

***

“O, parang wala ka sa mood, ah,” puna ni Mindy kay Estelle nang pumasok siya sa trabaho kinabukasan.

Bumuga muna siya ng hangin bago sumagot. “Dahil kay Leilani. Nag-chat kami kagabi. Nag-away, more like it.” Napabuntong-hininga siyang muli.

Napasimangot si Mindy. “Ha? Bakit na naman?”

“Nakita niyang nag-text na naman daw si Mark sa ‘kin. Number ko raw ‘yon, sigurado siya. Sinearch niya raw sa app sa FB at akin daw ang number. Wala naman na akong bagong natanggap dahil blinock ko na ang gago niyang asawa. In-explain ko sa kaniya. Ayaw niyang maniwala kahit sinabi ko sa kaniyang puwede niyang i-check ang cp ko kung gusto niya! Sabi niya, madali lang namang i-delete ang mga messages.”

“Chronic na talaga ang pagiging paranoid ng babaeng ‘yan, Es. Ano na ngayon ang gagawin mo?”

“Dedma!”

Napahagikhik tuloy ang kaibigan. Nagpaalam na itong magtungo sa opisina nito at siya naman ay nilinis ang kaniyang mesa bago nagsimulang magtrabaho.

Napatingin siya sa showroom. Bago na ang dekorasyon ayon sa proposals na ibinigay niya sa binata. In-apply na ng kanilang branch ang karamihan sa kaniyang proposal. So far, maganda ang naging resulta. Kaya natutuwa siya dahil dito. Natural lang iyon, proud siya sa kaniyang achievement.

“Hoy, kabit! Mag-usap nga tayo!”

Lahat silang nasa showroom ay napalingon sa babaeng medyo bilugan ang katawan. Malakas din kasi ang boses nito. Nakilala niya kaagad si Leilani at papalapit ito sa kaniya. Hindi maipinta ang mukha nito habang nakatingin nang diretso sa kaniya.

Tumayo siya para harapin ito. Biglang umahon sa dibdib niya ang galit at hiya. Bakit kasi ito nandito sa workplace niya at nag-eeskandalo? At ano raw? Kabit? Isinigaw pa ba naman iyon? Pero pinilit niyang huminahon. May mga kustomer pa namang naroroon. Ayaw niyang mas lalala ang sitwasyon.

“Puwede ba tayong mag-usap sa labas?” kalmanteng himok niya.

Napatawa ito nang may pang-aasar. “Bakit? Nahihiya ka bang tinawag kitang kabit? Totoo naman ‘yon, ‘di ba?” Malakas pa rin ang boses nito na sinigurado nitong maririnig ng lahat.

Napatiim-bagang siyang napakuyom ng mga palad. Kulang na lang ay masapak niya ang mukha ng babaeng ito ngunit ayaw niyang unahan ito.

“Nilalandi mo pa rin ang asawa ko, Estelle. Bakit hindi mo siya tigilan, ha? May anak na kami!”

“Huwag mo nga akong paratangan ng ganyan at nandito ka pa sa pinagtatrabahuhan ko, Leilani. Edukada ka ba talaga, ha?” matigas ang pagkasabi niya pero sa mahinang boses.

“Walang-hiyang kabit ka!” sigaw na naman nito.

Akma siya nitong sasampalin pero may kamay na sumalo rito. Kapwa sila napalingon sa sinuman iyon. Namangha na lang siya nang makitang si Leandro pala iyon. Nakita niya ang pagtitimping nakabakas sa mukha nito pero ang mga mata ay nanlilisik na nakatingin sa babaeng kaharap niya.

“What did you just say? Iniinsulto mo ba ang girlfriend ko? Alam mo bang puwede kitang kasuhan ng slander at sa panggugulo mo sa kumpanya namin?” His voice was dangerously low. Bawat kataga ay may bahid na lason.

Napasulyap ang dalaga kay Leilani. Nakita niya ang takot sa mga mata nito. Siguro ay hindi nito naisip ang magiging consequences sa ginagawa nito ngayon. Muli siyang napatingin kay Leandro na binitiwan ang kamay ng babae nang pasimpleng patulak kaya napaatras ito.

“A-akala ko… gawa-gawa lang niyang may nobyo siya pero sabi ni Erin na isang seaman kaya… hindi ako naniniwala,” nagulumihanang anito. Humina na ang boses. Napatingin ito sa kanilang dalawa nang pasalit-salit habang napalunok.

Napahigit ng hangin si Leandro. Paano ba ito? Technically, wala na talaga siyang boyfriend pero inangkin siya nitong nobya.

“That was her ex-boyfriend. Ako na ngayon ang boyfriend niya. Huli ka na sa balita,” malamig na tugon ng lalaki.

Napalunok si Leilani at napahiya itong napatingin sa paligid. Hindi ito mapakali sa kinatatayuan habang patuloy na napatingin dito ang mga kasamahan sa trabaho at kustomer nila.

“Hindi ka talaga nakinig, ano? Ipapa-blotter kita, Leilani,” babala niya sa babae na may matalim na tingin at nakatiim-bagang.

Lalo itong natakot sa narinig. “E-Estelle, please…”

“Sabihin mo sa magaling mong asawa na tigilan na niya ang pagte-text o pagpi-PM sa ‘kin… Blinock ko na siya at gumagawa na naman siya ng panibagong accounts. Baliw na talaga ‘yang si Mark, ‘no? Ano’ng ginawa mo sa kaniya at naging ganyan siya, ha?”

Hindi nakapagsalita ang babaeng napatungo ng ulo.

“Or else, makakaharap niya ako. And I promise, it won’t be a pleasant meeting for us,” dagdag na banta ni Leandro.

Kapwa sila napatingin sa binata. Seryoso ito. Napagtanto nilang dalawa ni Leilani na hindi ito nagbibiro at hindi iyon empty threat.

Napansin niyang napalunok si Leilani at lalo itong natakot. Tumango ito at walang paalam na umalis nang nakayuko.

Marahang pinakawalan ni Estelle ang isang hininga. Para siyang nabunutan ng tinik nang hindi na niya nakita si Leilani. Napapihit siya upang harapin ang lalaki.

“Salamat.”

Napangiti ito sa kaniya. “Iyan lang ba ang mapapala ko pagkatapos ng ginawa kong acting? Nagpanggap akong nobyo mo.”

Inirapan niya ito. “Bakit, hiningi ko ba ‘yon sa ‘yo?” Tinalikuran niya ito at itinago ang isang ngiti.