“I’m no longer young and too busy person. Wala akong panahon para sa mga walang kabuluhang bagay,” wika nito bago muling sumubo ng pagkain.
Napatingin siya sa anak na biglang yumuko bago itinaas ang tingin sa kaniyang kapatid at ina. Tila humihingi ng pasensya ang mga ito para sa kaniyang anak dahil sa hindi kanais-nais na ugaling ipinakita ng lolo sa apo. Nang muling bumaba ang tingin niya sa bata ay bahagya na itong nakatingala sa kaniya at binigyan siya ng tipid na ngiti. Ngunit nabahiran na ng lungkot ang mga mata nitong kumikislap kanina. Nagtama rin ang tingin nila ni Vicente nang tumingin siya sa gawi nito at bumaba rin ang tingin sa bata.
“PAPA,” TAWAG niya sa ama nang pagkalabas ng silid ay akma itong bababa pa lamang sa hagdan.
Tumingin muna ito sa kaniya bago lumagpas ang tingin sa nakabukas pa ring pinto ng kuwarto kung saan siya lumabas. Nakita nito ang anak niya na natutulog na. Hapon na at oras na para sa siesta na nakasanayan din ng kaniyang anak. Sa Maynila pa lang.
“’Pa, p’wede ba kitang makausap?” aniya nang muling kumilos ang ama para bumaba ng hagdan. Hindi man lang ito nakaramdam na esensya na gusto niya itong makausap kaya niya tinawag.
“’Papa, masaya akong nakasama ko na naman kayong muli, sina mama at si Katarina. Alam n’yo bang nasasabik na rin kayong makasama ng anak ko? Sabi niya—”
“Diretsahin mo na ako at huwag ka nang magsalita pa ng mabubulaklak na mga salita. Nagmamadali ako,” pagputol nito sa kaniya.
Kahit na napahiya siya roon ay pilit siyang ngumiti. Napalunok siya bago muling nagsalita. “Tapos na ho ako ng apat na taon sa kursong gusto ninyo para sa akin at nakapasa ako sa board exam. Nag-earn unit din po ako sa business administration. Nakagawa na rin po ako ng proposal para sa ikauunlad ng ating farm.”
“Ano ang gusto mong iparating?”
Kahit nanginginig na ang kaniyang mga kamay ay pilit niyang pinapalakas ang loob. Mukhang mas kinabahan siyang harapin ang ama ngayon kumpara sa mga panel na nagsaliksik at umobserba ng ginawa nilang thesis noon, na sila mismo ang kauna-unahang gumawa sa unibersidad na pinasukan sa antas na agrikultura.
“’Pa, baka may pag-asa pa. Handa akong pamahalaan ang farm nati—” Natigilan siya nang humalakhak ito na para bang isang malaking biro iyon para sa ama niya. Wala siyang nagawa kundi ang ngumiti na lang din kahit alam niya sa kaniyang sarili na isa iyong insulto para sa kaniya. Hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isipan ng kaniyang ama ngayon.
“Sino ang may sabi na ibibigay ko pa rin sa ’yo ang farm pagkatapos ng lahat, Katalina?” puno ng pang-uuyam ang tono na tanong ng kaniyang ama.
“’Papa?” hindi siya makapaniwala sa narinig mula sa bibig ng kaniyang ama.
“Katalina, naalala mo pa ba ang sinabi ko sa iyo noon? Na bilang magsasaka kailangan mong mamili ng lupang pagtatamnan mo, dahil hindi lahat ng lupa ay bibigyan ka ng masaganang ani.”
Napayuko siya’t tumango sa ama.
“Kung ang lupang tinamnan mo ay hindi nakapagpataba ng mga pananim kahit lagyan mo pa ng abono ay dapat ng abandunahin,” pagsasalita niya.
“Tama. At ang lupang iyon ay parang ikaw, Katalina.”
Napatingala siya sa ama. Pinilit niya ang sarili na maging normal sa harapan nito kahit na ang puso, ang buong pagkatao, at higit sa lahat ang pride niya’y masyado nang inaapakan nito.
“Sinira mo ang tiwala ko sa ’yo at kahit kailan ay hinding-hindi na kita pagkakatiwalaan pang muli. Masyado akong nadismaya sa ’yo at nagsisi. Kahit ipakita mo pa sa akin iyang mga napagtagumpayan mo sa buhay, wala na rin iyang silbi. Hindi ka kawalan bilang isang anak, Katalina.”
Umalis ang kaniyang ama na hindi na niya nakuhang tingalain pa. Halos magulantang siya sa kaniyang kinatatayuan. Napakurap-kurap siya, napahugot ng malalim na hininga at marahas itong ibinuga. Naitaas niya ang kaniyang paningin upang pigilan ang luhang gusto ng tumulo sa kaniyang mga mata. Wala siyang ibang naramdaman kundi ang pamamanhid ng kaniyang puso. Nang humakbang siya papasok sa loob ng bahay galing sa azotea kung saan sila nag-usap ng kaniyang ama ay nagulat siya nang makita ang inang nakatayo sa pintuan niyon. Dahil sa ekspresyong nababasa niya sa hitsura ng ina marahil ay narinig nito ang mga sinabi sa kaniya ng ama. Pero kahit ganoon ay sinikap niyang pagaanin ang pakikisimpatya nito sa kaniya—ngumiti siya.
“Maliligo muna ako habang tulog pa si Angie, ’ma,” wika niya nang dumaan sa harapan ng kaniyang ina.
“Katalina.”
Napahinto siya pagkarating sa hagdan. Pero imbes na balingan ang ina ay dumiretso siya ng akyat patungo sa itaas.
Marahang umaagos ang mainit na luhang hindi maputol kasabay ng malamig na tubig na bumubuhos sa kaniyang katawan. Tinapat ni Katalina ang mukha sa mumunting butas ng shower kung saan bumabagsak ang tubig para tuluyang hugasan ang kaniyang mga mata. Na para bang lumuluha siya ng dugo dahil sa hindi mabilang na matatalim na salitang tumarak sa kaniyang puso mula sa ama. Gusto niyang pahintuin ang pag-agos ng mga luha mula sa kaniyang mga mata, pero ayaw ng mga itong magpapigil. Hanggang sa manlambot ang kaniyang mga tuhod at mapaupo sa malamig na sahig. Dampi na kung dampi, dikit na kung dikit ang walang saplot niyang katawan sa baldosang sahig. Isinandal niya ang kaniyang likod sa matigas na dingding at doon ay humagulhol. Para siyang batang walang kakampi. Unti-unti ay naalala niya ang mga panahong ginugol niya nang sa gayo’n na sa kaniyang pagbabalik ay muli niyang makuha ang tiwala ng ama...
“KATALINA, GISING ka pa?”
Napabaling siya sa pinto. Nakita niya ang Tiya Jessica niya na sumisilip.
“Tinatapos ko lang po itong output namin, Tiya.”
Tumango ito, pero kahit ganoon ay hindi nawala ang pagkabahala sa kabuuan nito para sa kaniya. Bukod kasi sa nag-aaral siya ay may limang buwan pa lang siyang anak na inaalagaan. Nag-enroll na kasi siya ’agad pagkatapos magtatlong buwan ang anak na si Angielyn sa unibersidad na pinapasukan. Ipinagpatuloy niya ang kursong gusto ng kaniyang ama para sa kaniya na hindi niya naipagpatuloy sa Casa Serrie dahil sa nangyari sa kaniya.
“Sige, isasara ko na ito at pagkatapos niyan ay matulog ka na, ha,” bilin nito.
“Opo, Tiya.”
Nang matapos ang ginagawa ay napainat-inat siya at humiga. Handa na sana siyang magpadala sa malambot at malamig na kama nang biglang umiyak ang kaniyang anak. Muli ay tumayo siya at kinuha ang anak sa kuna at pina-d*d* ito. Nang makatulog na ay dahan-dahan niya itong muling ibinaba sa sariling higaan pero maya-maya lang ay muli na naman itong umiyak. Kagaya ng una ay iyon pa rin ang ginawa niya pero nang ibaba na niya itong muli ay iiyak ulit ang sanggol.
“Bakit naman, anak? May exam pa si mama bukas, oh,” pagkausap niya rito.
At nagpasalamat siya nang inihiga niya ito sa kaniyang tabi ay hindi na ito umiyak pa. Gusto lang naman pala nitong makatabi siya. Nakatulog nga siya habang nakalabas ang isang malusog niyang dibdib at dened*d* ng anak. Pero hindi pa tuluyang nilamon ng antok ay tumunog na ang alarm clock na nakatuntong sa mesang katabi ng higaan niya. Kahit na antok na antok pa at sobrang bigat ng katawan na ibangon ay pinilit niya ang kaniyang sarili. Tinitigan niya ang anak na mahimbing na ang tulog at hindi man lang nagising sa tunog ng orasan. Napailing siya na para bang sinasadya ng kaniyang anak ang ginawa nito. Pero hindi niya iyon masisisi dahil bata ito.
“Tiya, ikaw na po ang bahala kay Angie, ha? May hinahabol kasi akong reporting ngayon.” Minsang pagmamadali niya dahil sa late na siyang nagising matapos bantayan ang anak buong magdamag dahil sa walang humpay nitong pag-iyak.
“Mag-almusal ka muna,” ayon sa kaniyang tiya.
“Sa daan ko na lang po ito kakainin.” Pagkuha niya sa isang sandwich at kinagat iyon bago nagmadaling umalis.
Panatag naman siya sa umaga sa tuwing iniiwan niya sa tiya ang kaniyang anak. Kahit may negosyo kasi ang tiya na dapat asikasuhin ay mas gusto nitong alagaan ang anak niya sa buong maghapon. Hindi siya nahihiya roon dahil ang anak niya lang naman ang nagiging stress reliever ng kaniyang tiya at nakatutulong para maging malusog ang metal health nito. Kaya nga nagpapasalamat ito nang dumating sila sa buhay nito lalo na nang iluwal na niya si Angie.
Bilang pasasalamat sa pagkupkop sa kanila ng kaniyang tiya, minsan ay tinutulungan niya ito sa coffee shop nito lalo na kung walang pasok at wala siyang ginagawa. Pinipigilan nga siya ng kaniyang tiya pero matigas ang kaniyang ulo. Iyon lang naman kasi ang naitutulong niya rito. Kung hindi dahil sa kaniyang tiyahin ay baka kung saan na sila pupulutin ng anak niya at baka hindi pa siya nakapag-aral ngayon. Wala namang nagawa ang kaniyang tiya sa huli kundi hayaan na lang siya sa gusto niya kahit na nakikita nitong halos bumagsak na ang kaniyang katawan.
Sa bawat araw na lumilipas ay ang pagdagdag ng timbang at tangkad ng kaniyang anak. Mas umeedad, mas nagiging malikot at pasaway ang bata. Minsan ngang pinagtitinginan siya sa unibersidad nang dalhin niya ang anak doon. Ang araw kasing iyon ay araw na ipepresenta nila ang ginawang research book o thesis, pero imbes maging sagabal ang anak ay nakatulong pa ito dahil pinasaya nito ang mga estudyante na halos himatayin na sa sobrang kabang nararamdaman dulot ng ‘final defense’ na sinasabi.
Hanggang sa maka-graduate ay nakuha nila ang ‘Best in Thesis’ at naging cum laude pa siya. Ang kaniyang anak lang ang naging inspirasyon niya pero mas higit na gusto niyang matuwa ang ama niya sa napagtagumpayan niya sa kabila ng lahat. Nag-review siya at nakapasa sa Licensure Examination for Agriculturist. Pinahanga niya ang kaniyang tiya roon at nagkaiyakan pa sila.
“Hindi mo alam kung gaano mo ako pinahanga, pamangkin ko. Ikaw na. Ikaw na talaga,” mangiyak-ngiyak nitong wika na ikinagalak naman ng kaniyang puso. Niyakap siya nito kahit karga pa niya ang tatlong taong gulang na anak.
“Kagaya mo rin kaya kasaya si papa, tiya, kung sakaling malaman niya ito?” tanong niya nang magkahiwalay sila.
“Oo naman. Hindi basehan ang isang pagkakamali para sukuan ang anak na magsumikap pa rin para makuha muli ang tiwala ng magulang. Kung ako siya magiging proud ako kasi may anak akong palaban at hindi basta sumuko sa buhay pagkatapos ko itong palayasin sa aking poder. Katalina, isang kang inspirasyon. Payakap nga ulit.”
Nagtawanan na lang sila nang iminuwestra ni Angielyn ang mga kamay nito at ang anak ang yumakap sa kaniyang tiya.
Pero nagkamali ang kaniyang tiya dahil wala na itong kuwenta para sa kaniyang ama. Halos mapayakap siya sa kaniyang mga tuhod dahil sa sari-saring nararamdaman na halos hindi niya makaya.