Bigla na lang nalusaw ang pagkakangiti niya habang pinapanood ang dalawa nang dumaan si Vicente sa harapan niya at umupo sa dulo ng tela, para magkaharap sila.
“Her smiles looks like mine,” purong pahayag nito at hindi isang tanong na kailangan pa ng kumpirmasyon. Tumahimik na lang siya at hindi pinansin ang lalaki. “Hanggang kailan mo ako iignorahin, Katalina?”
Napahinto siya sa kaniyang ginagawa at tumingin ng diretso sa lalaki. “Sino ka ba para pukulan ng atensyon?”
“Hindi ako kung sino lang,” entrada naman nito.
“Ah, oo, ikaw ang lalaking mapapangasawa ng kapatid ko,” pagtatapos niya at hinayaan na lang ang kahibangan ng kasama.
Nagsisimula na rin kasing kumulo ang kaniyang dugo at baka kung ano pa ang magawa niya rito kapag hindi siya nakapagtimpi. Kung hindi lang dahil sa kapatid niya, una pa lang ay kinompronta na niya ito sa sobrang kapal ng pagmumukha. Matapos siya nitong lokohin, ngayon ay balak na naman nitong gawin sa kapatid niya. Doon ay hindi na siya makapapayag pa.
“Hindi iyon ang tinutukoy ko, Katalina.”
“Katalina, ano ba!” sigaw na nito sa kaniya na ikinagulat niya.
Nagawa pa niyang magpalinga-linga at baka may nakarinig o nakakita sa ginawa nito sa kaniya. Kung titingnan ay para bang magkasintahan sila na hindi nagkakaintindihan. Napapikit siya sa sobrang inis. Buti na lang ay ilang pulgadang layo ang grupo ng kabataan mula sa kanila at malayo naman sa kinaroroonan nila sina Angie at Katarina.
“Ano ba ang problema mo, Vicente, ha? Tapos na ang sa atin at ang dapat mong pag-aksayahan ng oras ay ang sa inyong dalawa ng kapatid ko. Pakiusap, umuwi ako rito para sa kapatid ko at hindi para sa ’yo. Hindi ako bumalik sa Casa Serrie para guluhin ang pagsasama ninyo,” pagdidiin niya rito. “Hindi ba mahal mo ang kapatid ko? Ikakasal na nga kayo, oh. Kaya huwag kang parang batang maglulupasay d’yan dahil hindi maibigay ang bagay na hindi p’wede at bawal.”
“Ate, may problema ba?”
Natuod na lang siya sa kinauupuan niya nang marinig ang boses ng kaniyang kapatid sa kaniyang likuran. Napatingin siya kay Vicente na ngayon ay mulagat ang mga matang napatingala sa kaniyang likuran.
Umupo si Katarina sa pagitan nila. Nakangiti man ay napapangunahan pa rin ng kalituhan at palipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa ni Vicente.
“Love?” Paghinto nito sa kasintahan.
Pinanlisikan niya ng nga mata si Vicente.
“Si Katalina... binibigyan niya lang ako ng mga babala at dapat gawin sa buhay may asawa. Gusto niyang alagaan kita,” paggagawa nito ng kuwento na ikinataas ng kaniyang kilay.
“Talaga?”
Tumingin sa kaniya si Katarina kaya wala siyang nagawa kundi ang ngumiti sa kapatid. Nagniningning ang mga mata nitong tila bawal haluan ng kalungkutan.
“Aww! Itong kambal ko talaga mas’yado akong mahal.” Lumapit si Katarina sa kaniya at niyakap siya.
Hinagod naman niya ang hindi kahabaang buhok ng kapatid. Tumingin siya kay Vicente. Itinirik niya ang kaniyang mga mata nang nakatingin pa rin ito sa kaniya. Ano pa ba ang maaasahan niya sa isang manloloko? Buti naman at nagagamit din ito sa hindi inaasahang pagkakataon at magandang bagay katulad ngayon.
“Kaya ipinagdarasal ko na matagpuan mo na sana iyong lalaking hindi ka lolokohin. Hindi katulad ng ama ni Angie.”
Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa nang ihayag iyon ni Katarina. Hindi niya makuhang tumingin kay Vicente. Baka magkaroon ng implikasyon na ito ang tinutukoy ng kapatid niya.
Nagsiunahang lumabas ang mga nakasakay nang pumarada ang sasakyang minanyobra ni Vicente sa tapat ng malaking bahay.
“Nasiyahan ka ba sa pamamasyal natin, Angie?”
Magkahawak-kamay ngayon sina Katarina at Angielyn papasok ng malaking bahay. Samantalang siya’y nakabuntot lamang sa dalawa. Sinasadya niyang bilisan ang paglalakad para hindi siya maabutan ni Vicente, na pagbaba niya kanina sa sasakyan ay s’yang pagkilos rin nito na tila ba nagmamadali ring bumaba. Ayaw niyang mapagsolo silang dalawa simula nang nangyari kanina sa plaza.
“Opo. Sa susunod po ay maligo naman tayo sa ilog kasi sabi ni mama marami raw pong ilog dito.”
“Oo naman.”
“Yehey! Kasama po sina mama-lola at papa-lolo?”
“Sige, isasama natin sila.”
“Tapos si tita-ninang pa po para marami tayo.”
“Walang problema.”
Binalingan siya ng kapatid at nagkibit-balikat na lamang siya dahil sa walang kapagurang suhestiyon ng anak. At sabay silang natawa na para bang mga batang nagkaunawaan kaagad sa isang bagay kahit na sa pamamagitan lamang ng tingin. Ngunit pagkapasok sa malaking bahay ay kaagad na nabura ang kaniyang pagkakangiti nang sumalubong sa kanila ang taong kahapon pa hinahanap ng kaniyang mga mata, ngunit wala ang presensiya nito. Pakiramdam niya’y biglang nanubig ang kaniyang mga mata. Gusto niyang tumakbo sa taong iyon at yakapin ito ng mahigpit. Napansin iyon ng kaniyang kakambal kaya’t napabaling ito sa kung saan siya nakatingin. Nakita nito ang kanilang ama. Nakatayo ito sa dulo ng ibabang hagdan na mukhang kabababa lang galing sa taas at napahinto nang makita sila.
“KUMUSTA ANG wedding preparation ninyo, Vicente? Katarina?” pagbukas ng usapan ng kanilang ama habang magkasalo at kumpleto sila sa hapagkainan.
Nagkatinginan ang dalawa. “Tumungo po kami ni Vicente sa isang boutique noong isang araw, ’Pa. Nagpasukat na po ako ng aking traje de boda. Sa susunod ay babalik kami roon para masukatan na rin sina ate at Angie.”
Tumingin sa kaniya ang kapatid at binigyan ng isang munting ngiti.
“Hindi ba ngayon ang unang seminar ninyo kay Padre Gerry?”
Kanina pa niya sinusulyapan ang ama, pero abala ito sa pagkain at pagtatanong kina Vicente at Katarina. Nang banggitin nga ng kapatid niya ang kaniyang pangalan, buong akala niya’y tatapunan siya ng tingin ng ama pero nagkamali siya.
“Mamayang hapon, Sir.” si Vicente ang sumagot.
Tumango-tango ang kanilang ama.
“Hangga’t maaari, Vicente, I want everything will be okay and settled pagdating ng kasal ninyo. Ayaw na ayaw kong makita na kung saan malapit na ay saka kayo magmamadaling kumilos.”
Sa tutuusin ay sa susunod pa na buwan ang kasal ng dalawa pero ganoon talaga ang kanilang ama. Kahit matagal pa ito ay kailangan asikasohon na. Kaya nga dapat ay sasabay ang tiya nilang si Jessica sa pag-uwi nina Katalina at ng anak niya, pero nagpaiwan ito. Susunod na lang daw ito nang tatlo o dalawang araw bago ang kasal. Alam iyon ng pamilya niya kaya hindi na nagtaka ang mga ito kung bakit hindi kasama ang tiya niya sa pag-uwi nila. Samantala kaya siya maagang umuwi ay gusto niyang trabaohin ang puso ng ama. Gusto niyang ibalik ang dati nilang pagsasama. Pinagdarasal niyang sana ay maging matagumpay siya.
“Yes, Sir. Maaasahan n’yo.”
“Kumusta na pala ang pangangapanya ng ama mo?”
“Ayos naman, Sir. Sa ngayon ay nakapunta na sila sa sampung baranggay sa dalawampu’t tatlong baranggay rito sa Casa.”
“How about the rating?”
“Hindi pa pinal, pero sa ngayon ay nasa walumpung pors’yento na at tumataas pa.”
“Iyan ang sabi ko sa ama mo, dapat wala pang eleksyon at nasa puwesto pa siya ay magpabango na siya kaagad para naman ma-enjoy niya ang huling laban. Sabihin mo sa kaniya na sa susunod na rally niya ay sasama ako. Huwag muna ngayon dahil nagkaroon ng problema ang farm.”
“Sasabihin ko, Sir.”
Tahimik lamang silang nakikinig sa pagpapalitan ng usapan ng dalawa. At doon lang din sumiksik sa kaniyang utak na kailan pa nagkaroon ng interest ang ama sa politika? Kung pakikinggan mo ang mga sinabi nito ay tila ba bihasang-bihasa na ito sa larangang iyon at mukhang mas marunong pa sa ama ni Vicente. At heto namang si Vicente ay sobrang nirerespeto ang ama nila. Kailan pa ba ito naging tuta ng ama niya at sunod-sunuran dito? Mukhang marami na nga siyang hindi nalalaman sa loob ng tahanang kinalakihan niya pagkalipas ng mga taong wala siya.
“’Pa, wala naman po siguro kayong appointment sa sabado?” tanong ni Katarina sa kanilang ama. Lahat ay tumingin sa kapatid.
“Bakit?” salubong ang kilay nitong tanong.
“Si Angie po kasi gusto niyang paligo sa ilog na kasama kayo at si mama,” ngiti ni Katarina.
Naibaba ng kanilang ama ang tingin sa anak niya na ngayon ay kumikislap ang mga matang nakatingin rito. Nang makita ni Angielyn ang papa-lolo nito kanina ay labis ang tuwa ng bata. Kahit hindi pa nito nakikita ang kanilang ama simula nang magmulat ng mga mata sa mundo ay para bang ang ama niya ang nag-alaga sa anak noon. Tunay ngang sabik na sabik na makita ng kaniyang anak ang lolo nito. Kaya nga kanina pagkakita ay walang alinlangang tumakbo na ito palapit kay Carlito—kilala bilang Carlo sa palayaw nito—sabay sabing ‘papa-lolo’ at nagmano. Samantala, kung sa iba ay titingin muna sa kaniya ang anak at maghihintay ng kaniyang iuutos, kung magmamano ba o babatiin ang mga ito. Ikinagulat man ng matanda ang ginawa ay wala itong nagawa kundi hayaan ang batang yumakap sa kaniya pagkatapos magmano. Nakilala na kasi ni Angielyn ang lolo nang minsang pinakita niya sa anak ang larawan nito kaya nakilala kaagad ni Angielyn ang matanda.
Bahagya siyang napatda nang tapunan din siya ng tingin ng kanilang ama bago muling naglagay ng pagkain sa kutsara nito.