Chapter 51
"Raya." Hindi naitago ni Damielle Astin ang pag-aalangan sa tinig nang tawagin niya ang kanyang misis. Bagama't nakatalikod ito mula sa kanya, alam niyang umiiyak ito dahil sa pagyugyog ng balikat nito.
"Nagdala ako ng pagkain." Sunod niyang wika sa mahinang tinig.
At tama nga siya ng hinala na umiiyak ang babae dahil kitang-kita niya ang pagpunas ni Raya sa pisngi nito.
"Hindi ako nagugutom." Matamlay nitong sagot. Ni hindi rin ito nag-abalang lingunin siya. Nanatili itong nakatanaw sa balkonahe ng silid.
"Kahit konti lang."
Noon na siya liningon ng kanyang misis. Kitang-kitang ang pamumula ng mga mata nito dahil sa pag-iyak at galit.
"Hindi ka ba nakakaintindi? Sinabi ko na ngang hindi ako nagugutom! At saka pwede ba, Damielle, pwede ba, huwag ka muna magpapakita sa 'kin."
Pakiramdam ni Damielle Astin ay nahiwa ang kanyang puso sa narinig at sa ipinakita ng kanyang misis. Ngunit ang pagguhit ng lungkot sa kanyang mga mata ay hindi na nakita ni Raya Fae dahil muli na itong tumingin sa labas ng silid.
Kasabay ng pagbaling ni Raya Fae sa labas ay ang pangingilid ng kanyang luha.
Dalawang araw na ang nakakalipas mula nang magising siya ngunit ang sakit na kanyang nadarama ay hindi man lamang nabawasan.
Napabuga na lamang ng hangin si Damielle Astin kasabay ng paglapag niya ng pagkaing dala niya sa mesa.
"Iiwan ko na 'tong pagkain dito. Kain ka na lang kapag nagutom ka."
Nanatili namang walang imik ang kanyang misis gayunpaman ay nagpatuloy pa rin siya sa pagsasalita.
"If you have any request, just call me or any of my men."
Nang hindi pa rin umimik si Raya Fae ay buntong-hininga na lamang siyang humakbang palabas ng silid.
Mabigat ang bawat hakbang niyang iniwan si Raya Fae. Nadudurog ang puso niya sa katotohanang dalawang araw na silang hindi maayos.
Kalalabas pa lamang niya nang silid nang mabungaran niya si Thano.
"Boss!" Agad na tawag sa kanya ng lalaki. "Boss, may bisita po kayo."
"Sinong dumating?" Nagpatuloy siya sa paghakbang. Sumabay naman sa kanya si Thano sa paglalakad.
"Daddy po ni Ma'am Raya, boss."
Agad na napabaling si Damielle Astin sa kanyang tauhan.
"Bakit daw?"
Nagkibit-balikat naman ang kanyang tauhan.
"Hindi ko alam, boss."
Nang tuluyan silang makarating sa sala ay nag-iba na rin ng direksiyon si Thano upang mabigyan sila ng privacy.
"Dad." Pinilit ni Damielle Astin ang ngumiti sa kanyang biyenan kasabay ng paglapit niya rito.
"Hijo." Agad na tumayo si Macario Escobar sa kanyang kinauupuang sofa.
"Kumain na ba kayo, dad? May gusto po ba kayo? Pwede ko pong ihanda--"
Mabilis na umiling ang Don. Agad rin itong nagsalita dahilan upang matigil si Damielle Astin sa pagsasalita.
"Salamat, Hijo pero hindi rin naman ako magtatagal."
Nabuga ito ng hangin bago nagpatuloy.
"Actually, Hijo, nandito ako para sunduin ang anak ko."
Tila naman tinakasan ng dugo si Damielle Astin sa narinig .
"Dad." Nangislap ang mga mata nito at tila anumang oras ay maluluha ito. Tinapik naman ni Macario ang kanyang balikat.
"Pasensya ka na, Hijo. Ayoko sanang makialam sa problema niyong mag-asawa pero hindi ko kayang tanggihan ang pagmamakaawa ng anak ko."
Nang hindi umimik si Damielle Astin ay muling nagsalita ang matandang Escobar.
"Pagbigyan na muna siguro natin siya. We need to understand that she needs to heal. Hindi biro ang makunan. Idagdag pang hanggang ngayon ay wala pa ring balita sa kambal."
Napakurap-kurap naman si Damielle Astin upang mapigilan ang sariling maluha.
"Pwede ko ba siyang kausapin muna, dad?"
Mabilis namang tumango ang Don.
"Sure. Sure, Hijo."
Tila naman nanlalatang humakbang si Damielle Astin patungo sa silid nilang mag-asawa. Katulad nang iwanan niya si Raya ay nasa gano'ng ayos pa rin ang babae. Nakatanaw pa rin ito sa balkonahe ng silid--sa madilim na bakuran ng kanilang tahanan.
"R-Raya," Mahinang tawag niya rito. "Y-your dad is here."
Agad namang lumingon sa kanyang direksiyon ang kanyang misis. Agad rin humakbang ang mga paa nito palapit sa kanya.
"Where is he?" Agad napunta ang tingin nito sa pintuan ng master's bedroom kasabay ng paghakbang nito. Naka-pokus sa direksyong iyon ang kanyang tingin. Hindi na rin niya namamalayan ang paglampas niya sa kinatatayuan ng kanyang mister .
"Raya!" Mabilis na nahawakan ni Damielle Astin ang kanyang kamay. Awtomatiko ring napalingon sa kanya ang kanyang misis. Agad ring nagtama ang kanilang mga mata.
"Huwag mo akong iwan, please." Kitang-kita ang pagsusumamo sa mga mata nito.
Napalunok si Raya Fae. May bahagi ng puso niya ang tila naantig sa tila naluluhang mata ng kanyang mister.
"Huwag mo namang akong iwan."
Nabuga siya ng hangin kasabay ng pagtanggal niya sa kamay ni Damielle Astin na nakahawak sa kanyang kamay.
"Hayaan mo muna ako. Gusto na munang umuwi."
"You're already home, Raya."
Umiling naman ang babae. Unti-unti ring nangislap ang mga mata nito. At tila anumang oras ay tutulo ang kanyang luha.
"This is not home anymore, Damielle. Lahat ng bahagi ng mansion na 'to, ipinapaalala sa 'kin ang lahat. I'm sorry. I can't stay here." Nangilid ang kanyang luha. "Intindihin mo sana ako. Nakunan ako at ngayon nawawala ang dalawang bata. Sa tuwing igagala ko ang paningin ko dito, naalala ko ang mga bata. Kaya ano pang silbi na umuuwi ako dito kung para naman akong nadudurog dito?"
Muli namang hinawakan ni Damielle Astin ang kanyang mga kamay.
"Hindi ba ako pwedeng maging dahilan? Hindi ba tayo pwedeng magdamayan? Naluluksa rin ako at nag-aalala para sa kambal. Kung iiwan mo rin ako, paano na lang ako?"
Lalo namang nangilid ang luha si Raya Fae. Ngunit muli siyang bumitaw sa pagkakahawak ng kanyang mister.
"I believe, we both need this. Bigyan natin ng pagkakataon ang sarili nating huminga."
Humakbang si Raya Fae kasabay ng pagpunas niya sa kanyang luha. Nakapagdesisyon na siya. Iiwan na muna niya ang mansion upang huminga sa bigat na kanyang dala-dala.
"Please, let's just heal together." Humakbang si Damielle Astin upang sundan siya. "Please don't go."
Sandali naman siyang nilingon ng kanyang misis.
"I'm sorry." Kitang-kita ang sinseridad sa mga mata nito. Hindi rin niya naitago ang muling pangingilid ng kanyang luha bago ito muling humakbang ng mabilis patungo sa main door ng mansion. Hindi na rin nito nagawang pansinin si Macario na naghihintay sa kanya sa sala.
"Raya!" Muling Humakbang si Damille Astin upang sundan siya ngunit nagawa siyang pigilan ng kanyang biyenan.
"Hayaan mo na muna, Hijo. Konting panahon lang, alam kong 'yan lang ang kailangan ng anak ko. Bigyan mo siya ng konting space. Nakakasiguro akong babalik din ang anak ko sa'yo."
"Dad." Mahinang wika ni Damielle Astin. Hindi na rin niya napigil ang mapaluha.
"Maliliwanagan din ang anak ko, Hijo. Intindihin mo na lang muna siya ngayon."
"Natatakot ako, dad. Baka kasi--" tumigil ito na tila nag-aalangan sa kanyang sasabihin, "baka hindi na niya ako mapatawad. At baka hindi na rin niya ako balikan."
Tinapik naman ni Macario ang kanyang balikat.
"Kilala ko ang anak ko, Hijo. Alam kong mahal ka niyan. Magagalit siya, oo, pero siguradong papatawarin ka rin no'n. Bigyan mo lang siya ng konting panahon."
Ang mga salitang iniwan ni Macario Escobar ay tila nagpagaan sa alalahanin ni Damielle Astin ngunit hindi naging sapat upang tuluyang mapanatag ang kanyang loob. Kinabukasan ay hindi siya nagsayang ng oras at agad pumunta sa tahanan ng mga Escobar. Hindi rin niya nalimutang magdala ng isang pumpon ng pulang rosas at isang kahon ng tsokolate.
"Ayaw ka niyang harapin, Hijo. Pasensya na."
Pinilit na lamang ngumiti ni Damielle Astin kahit na tila pinipiga ang kanyang puso.
"Babalik na lang po ako, dad. Maghihintay ako hanggang sa maging ready siya."
At nangyari nga ang sinabi ni Damielle Astin. Sa sumunod na isang linggo ay nagpatuloy siya sa pagpunta sa tahanan ng mga Escobar. Katulad nang unang araw ay para niyang nanliligaw na may dalang bulalak at tsokolate. Ngunit hindi niya nagawang mapapayag si Raya Fae na harapin siya.
"Pasensya ka na, Hijo. Susubukan ko siyang kausapin."
"Pakisabi na lang po, baka po hindi ako makadalaw bukas. Magiging busy po ako this week, dad."
Tumango naman ang Don.
"Makakarating sa kanya, Hijo."
At gaya nga ng sinabi nito. Naging sobrang abala si Damielle Astin. Halos isang linggo rin itong hindi bumisita sa tahahan ng mga Escobar dahil sobra siyang naging abala sa pagsuyod sa maaaring kinaroroonan ng nawawalang kambal. Ngunit naging mailap naman sa kanya ang tagumpay na mahanap ang mga bata.
"Si Raya ba ang pinunta mo, Hijo?" Agad na bungad sa kanya ni Macario Escobar nang muli siyang bumisita. Bago pa siya makasagot sa muling nagsalita ang matanda. "Kakaalis lang niya, Hijo."
"Saan po siya pumunta, Dad?"
"Well, hindi ako sigurado. Pero noong mga nakaraang araw, nakikipag-coordinate siya sa mga pulis para mahanap ang kambal."
Napatango na lamang siya. Pareho silang naging abala sa kanilang mga anak. Kahit papaano ay nabuhayan siya ng pag-asa. Aniya, kapag naging maayos na ang pakiramdam ng kanyang misis, baka maging maayos na rin ang kanilang relasyon.
"Sige po, alis na po ako. Babalik na lang po ako. Pakibigay na lang po 'to sa kanya." Iniabot nito ang hawak niyang isang boquet ng bulaklak at tsokolate.
Napabuga ng hangin si Damielle Astin nang humakbang siya palabas bakuran ng mga Escobar. Kasabay ng pagtitig niya sa kulay asul na kalangitan ay ang pag-usbong ng tanong sa kanyang isip. May pag-asa pa nga bang magkaayos silang dalawa ng kanyang misis?