Kabanata 15: Her Past (part 2)

"Ano ba talagang plano niyo!?" malakas na sigaw ni Teron sa mga kaibigang naghahanda na para sa isang misyon. "Bakit ba kasi ayaw niyo na lang sabihin sa akin kung sino o ano ba talaga ang plano na 'to? Kung sinasabi niyo na lang, kanina pa sana natapos ang usapan na ito," naiinis na talagang saad niya.

Ilang oras niya nang kinakausap ang mga kaibigan tungkol sa isang misyon na hanggang ngayon ay wala parin siyang nalalaman. Hindi niya naman talaga ugaling pakialaman ang kung ano man ang gusto nilang gawin pero iba ang pagkakataong ito.

Sa kilos at asta ni Riel at Ace ay parang wala na itong planong bumalik. Nakahanda ang lahat ng papeles nilang mag-asawa, ang mga documents tungkol sa kanilang dalawa at ang mga kakailanganing documents ng kanilang nag-iisang anak.

Hindi man niya gusto, pero kakaibang kaba ang nararamdaman niya habang pinapanood na nag-iimpake ang mga kaibigan.

"Hindi mo na kailangan pang malaman, Teron," seryosong sagot ni Ace sa kaibigan, "Higit na magiging ligtas ka kung hindi mo nalalaman ang alinman sa mga bagay na ito. Hindi kakayanin ng kosensya ko kung malalagay ka sa panganib nang dahil lang sinunod namin ang para sa amin ay tama."

"Ace, kaibigan niyo ako. Kasama niyo ako noong itinatayo palang natin ang Enigma." mahinahon na sagot ni Teron habang mahigpit na nakahawak sa balikat ng kaibigan na mukhang desidido na sa planong pag-alis. "Baka nakakalimutan niyong agent din ako at kaya kong protektahan ang sarili ko. Hindi naman ako bata at inutil na kailangang alagaan."

"Teron, huminahon ka," malumanay na sambit ni Ace, "ito na lang ang isipin mo. Ginagawa namin ito para sa'yo, para sa aming anak, sa Enigma at para sa isang kaibigan na hindi ko pa kayang sabihin sa iyo. Magtiwala ka Teron, ang lahat ng ito ay para sa ikabubuti ng lahat."

"Pero Ace, like what I've said, kaya kong protektahan ang sarili ko, ang Enigma at maging ang inyong anak. Hindi ba't mas magiging madali ito kung magtutulungan tayo?" halos nagmamakaawa nang sagot ni Teron kay Ace.

"Teron, alam ko. Alam namin na kaya mo ang lahat, pero kung sakaling.. sakaling may mangyari man sa amin, higit na kakailanganin ka ng Enigma. Higit na kakailanganin ka niya," sagot ni Riel habang nakasilay ang isang napaka lungkot na ngiti sa kanyang labi.

Alam ni Teron na kahit magmakaawa pa siya sa mga kaibigan, kahit na lumuhod at makiusap, ay wala na ring magiging epekto dahil sa itsura palang ng mga ito, ay desididong desidido na silang sarilinin ang misyon na wala siyang kaalam-alam kung ano. Kita sa mga mukha ni Riel at Ace na hindi na sila mapipigilan pa.

"Pero paano ang anak niyo?" nagaalalang sambit ni Teron habang sinisinop ang ilang piraso ng mga papel patungkol sa mga kaibigan at sa kanilang anak. "Ano na lang ang sasabihin ko sa kanya? Paano ko ipapaliwanag ang pagkawala niyo? Ayokong magalit siya sa inyo, sa Enigma dahil kinuha namin ang tanging pamilya na mayroon siya," malungkot na dagdag niya.

"Kaya nga nandyan ka," sagot ni Riel sa mahinahong tono, "kung sakali mang hindi na kami makabalik pagkatapos nito..." hindi na naituloy pa ni Riel ang nais sabihin dahil mabilis na tumulo na ang kanina pang pinipigilang luha sa kanyang mga mata.

Agad na inalo ni Ace ang asawang ngayon ay umiiyak na. Kilala nilang astigin at palaban si Riel. Hindi umaatras sa kahit na anong laban. Ni hindi nga yata uso sa babaeng ito ang salitang iyak at takot. Pero iba ang pagkakataong ito. Malaki ang posibilidad na hindi na sila makabalik at hindi na muling makita ang kanilang anak.

Bawat hikbi at iyak ni Riel ay parang tinik na unti-unting tumutusok hindi lamang kay Ace kung hindi pati na rin sa kaibigang malungkot na nakatingin sa kanila.

"Riel, lalo mo lamang pinahihirapan ang ating pag-alis," sambit ni Ace sabay yakap ng mahigpit sa asawa. "Lalo ka tuloy pumapangit, mabuti na lang at hindi sa'yo nagmana ang ating anak."

Malakas na sinuntok ni Riel ang sikmura ni Ace. Napangiti na lang si Ace nang bahagya. Hindi man niya nagawang patawanin ng todo ang asawa, sapat na ang reaksyong ibinigay nito upang masigurado na magiging maayos din ang lahat.

"Anong sa'yo? Sa akin nagmana ang baby scorpion ko!" saad ni Riel at saka mabilis na pinunasan ang halos mugto nang mga mata.

"Tama na nga yan!" natatawang sita ni Teron sa mga kaibigan na bakas man ang lungkot sa mga mukha ay pilit na pinagagaan ang lahat. "Pareho. Sa inyong pareho siya nagmana, tapos ang usapan."

"Teron, kung sakali mang.." napatigil si Ace at tumingin kay Riel. Agad na tumango naman ang babae at ngumiti, "kung sakali mang hindi na kami makabalik pagkatapos nito, ikaw na sana ang bahala sa kanya. Ikaw na sana ang bahalang magalaga at mag-protekta sa kanya." sambit ni Ace sabay abot ng isang card.

"Ano 'to?"

"Address yan ng pinsan kong pinagiwanan sa kanya dalawang taon na ang nakakalipas. Sigurado naman akong nandoon parin siya."

"Dalawang taon!?"

"Magiging mapanganib kasi para sa kanya ang tumira sa bahay namin ni Riel. Lalo na at ganito ang trabaho naming dalawa, kaya mas minabuti kong ipaalaga siya sa iba." malungkot na saad ni Ace habang mapait na nakangiti, "sana nga lang ay hindi siya nagtanim ng galit para sa aming dalawa."

Mabilis na ibinulsa ni Teron ang card at tinapik ang balikat ni Ace. "Ako na ang bahala. Aalagaan ko siya pangako at ituturing na parang anak ko na rin. Huwag kayong mag-alala dahil ipaliliwanag ko sa kanya ng mabuti ang kabayanihang ginawa ng mga magulang niya." nakangiting sambit ni Teron.

"May isang pabor lang sana akong hihilingin sa'yo, Teron." biglang sambit ni Riel na nagbabadya na naman ang luha.

"Ano iyon? Gagawin ko sa abot ng makakaya ko."

"Iyakap mo naman sana ako sa kanya ng mahigpit na mahigpit." sambit ni Riel kasabay ang pagtulo ng luha mula sa kanyang mga mata, "i-ihalik sa kanyang noo at pakisabi rin na ma-mahal na mahal ko siya higit pa sa bu-buhay ko. Na siya... Siya ang pinaka importanteng bagay sa akin. Ang pinaka magandang bagay na nangyari sa akin. Mahal na mahal ko siya higit pa sa buhay ko.." saad ni Riel sa pagitan ng kanyang mga hikbi.

Agad na hinila ni Ace ang asawa sa isang napaka higpit na yakap. "Syempre ako din." natatawa man ngunit umiiyak na rin na sambit ni Ace. "Sabihin mo sa kanya na mahal ko din siya higit pa sa buhay ko at siya lang ang nag-iisang scorpion na mamahalin ko sa buong buhay ko. My little s-scorpion."

Hindi na rin napigilan pa ni Ace ang mabilis at sunod-sunod na pagtulo ng luha na kanina niya pa pinipigilan.

Limang taon lang nila nakasama ang kanilang anak at piniling iwanan sa piling ng kanilang mga kamag-anak. Sa trabahong buhay ang kanilang puhunan at anumang oras ay maaari silang mawala, hindi nila gugustuhin pa na ibuwis ang buhay ng nag-iisa nilang anak. Hindi na baleng hindi nila ito makasama ng mahabang panahon, basta nasisiguro nilang buhay at ligtas ang kanilang anak ay okay na sa kanila 'yon.

Mabilis na niyakap ni Teron ang mga kaibigan. Isang mahigpit at mainit na yakap ang ibinigay niya bago lumayo at ngumiti.

"Oo naman no! Ipaparamdam ko sa kaniya kung gaano niyo siya kamahal. At sisiguraduhin kong lagi siyang ligtas, buhay ko man ang maging kapalit." saad nito.

Malakas na binatukan ni Ace ang kaibigan na siya namang dahilan ng pagyuko nito.

"Aray naman! Para saan 'yon!?" naiinis na sambit ni Teron habang nakahawak sa parte kung saan siya binatukan ni Ace.

"Siraulo ka eh! Pano mo poprotektahan yung anak ko kung mamamatay kang hayop ka?" pagbibiro ni Ace sa kanya.

"Oo nga no." sambit ni Teron sabay hagalpak niya ng tawa.

Napapailing na tumatawang tinapik ni Ace ang balikat ng kaibigan.

"Take care of yourself, Teron." sambit nito, "The more you take care of yourself, the more our daughter would be safe. Ayaw ko namang maulila na naman siya sa pangalawang pagkakataon. Ikaw na lang ang pamilyang mayroon siya sa oras na mawala kaming dalawa." malungkot na sambit nito.

"Will do, Ace, no." ngumiti si Teron ng malapad sa kaibigan, tumango at saka hinila ito sa isang yakap. "Will do, Alas. I will take care of myself and your daughter." bulong nito at saka marahang tinapik pa ang likod ni Alas.

"Teron, nandito na sa bag na ito ang lahat ng kakailangan pa ni Shadow. Ikaw na ang bahala sa kanya." saad ni Riel sabay abot ng isang bag kay bag.

"Mag-ingat kayo Xariel. Hangga't maaari, pilitin niyong makabalik," malungkot na sambit no Teron, "dahil sigurado ako, mas magugustuhan niya kung makakasama niya kayong dalawa."

Bigla ay napayakap si Xariel kay Teron, "gustuhin ko man yan Teron, pero sa labang 'to, talo kami ni Alas. Hindi namin kayang pumatay ng isang kaibigan." bulong nito at saka tinapik si Teron sa kanyang likuran.

"Anong-"

"Sige na, aalis na kami. Masyado mo nang naaantala ang misyon na 'to Teron." biglang sambit ni Alas at saka hinawakan ang kamay ni Xariel at hinila ito ng marahan papunta sa pintuan.

Ilang hakbang pa lang ang nagagawa ni Alas ay huminto ito at lumingon nang diretso kay Teron. Ngumiti siya ng mapait.

"Alagaan mo ang Enigma at si Shadow. Paniguradong kakailanganin ka nila," saad nito sa huling pagkakataon at saka nilisan na ng tuluyan ang silid.

Agad na nawalan ng lakas ang mga binti ni Teron at mabilis na napabagsak siya sa sahig nang hindi niya na masilayan ang mga kaibigan. Mahigpit ang hawak niya sa ilang dokumentong nasa kamay at ang bag na binigay ni Xariel. Sa sobrang higpit ay halos mapunit na ang papel. Ang kanina pang pinipigilan na luha niya ay mabilis din na bumagsak mula sa kanyang mga mata. Unti-unti, may kung anong tinik ang patuloy na tumutusok sa kanyang dibdib, parang dinudurog ng husto ang kanyang puso.

Matagal niya nang kasama si Xariel at Alas. Mga bata palang sila ay malapit na silang magkakaibigan. Kahit pa noong nasa training grounds, ay sama-sama parin sila. Sabay-sabay silang nangarap at itinayo ang Enigma. Kapatid at pamilya na nga ang turing nila sa isa't-isa.

Kaya ang ganitong klase ng pamamaalam ay hindi niya inaasahan. Alam niya, sa kaloob-looban ng puso niya na hindi na sila babalik. Na wala nang Xariel at Alas ang magbabalik pa sa Enigma.

Walang tunog na palahaw ang pinakawalan ni Teron habang nakaluhod at patuloy ang pagluha. Ni hindi niya man lang magawang sumigaw at ilabas ang sakit na nararamdaman niya.

"Alas... Xariel..." humihikbing sambit ni Teron sa pangalan ng mga kaibigan.

Matapos ang ilang minuto ay mabilis na pinahid niya ang kanyang luha. Ipinasok sa loob ng hawak na bag ang ngayon ay lukot nang papel. Bumuntong hininga at ikinalma ang sarili.

"Hintayin mo lang ako Shadow, kukuhanin na kita. At sisiguraduhin kong magiging ligtas ka sa lahat ng oras." sambit niya at saka tinawagan ang numerong nakalagay sa ibinigay na card ni Alas.

"Hello po? Pwede ko po bang makausap si Aling Pacing?"