Kabanata 14: Her Past (part 1)

"Ano na nga bang gagawin ko, Ace, X?" sambit ni Teron hawak ang isang litrato habang may isang napakalungkot na ngiti ang nakasilay sa kaniyang mukha. "Nalalagay sa panganib ang Enigma habang hindi naman ako naaalala ng inyong anak. Anong gagawin ko?"

Bakas sa kanyang mukha ang sobrang pag-aalala hindi lamang para sa Enigma, kung hindi para na rin sa anak-anakang hanggang ngayon ay wala pa ring maalala.

Halos labing limang taon niya nakasama ang dalagang pinaglaanan niya ng oras at pagmamahal, kaya nang ibalita sa kanya dalawang taon na ang nakakalipas na wala itong maalala, halos gumuho ang kanyang mundo, pero alam niya namang wala na rin naman siyang magagawa kung hindi maniwala na makakabalik ng ligtas si Dow.

Tinitigan niyang mabuti ang litrato. Masasayang ngiti ang mayroon sa mga labi nila, walang alam sa kung ano ang nagbabadyang trahedya.

Nagiisang litrato iyon kasama ang kanyang mga matatalik na kaibigan, ilang taon bago nila naging anak si Dow.

"What's that, Teron?" malumanay na sambit ng kakapasok pa lamang na si Willow. "Is that Ace and X?" manghang sambit niya sabay hablot sa litratong hawak ni Teron.

"Willow!" sita ni Teron sa dalagang halos mapunit na ang mukha sa sobrang pagngiti.

"Wow! She really has the faces of her parents.." manghang sambit ni Willow habang ang mga mata ay parang kumikislap na sa sobrang galak.

"Yeah. Talagang hating-hati ang mukha niya." natatawa man, ngunit may bahid ng lungkot na sagot ni Teron.

"Too bad, hindi niya sila naaalala." malungkot na sambit ng dalaga na ngayon ay nakaupo na sa gilid ng lamesa ni Teron. "I really want her to remember even just her parents, kahit huwag na kami. She's been longing for them for I don't know how long, tapos nung nalaman niya na, it's really too late. Tapos nakalimutan niya pa. Grabe naman talaga ang tadhana, ang lakas mantrip."

Natatawang napailing na lang si Teron sa sinabi ni Willow.

"Alam mo ba, hindi naman talaga niya gusto noon na mapabilang sa Enigma. Ni hindi ko nga naisip na magiging top agent pa siya eh." di makapaniwalang sambit ni Teron kay Willow. "Ni katiting na bagay sa pagkatao niya ngayon ay hindi ko nakita noong bata pa siya. It's like she was a different person."

"Talaga?" manghang sagot ni Willow habang ang isang kamay ay nasa ilalim ng kanyang baba at tila nagiisip.

Bigla itong napabaling kay Teron. Bakas sa mukha ang sobrang pagkamangha at galak.

"You know what, I've been meaning to ask you this, kaso ayaw lang talaga ni Dow na pinaguusapan." mayabang itong sumandal at saka ipinatong ang kanang paa sa kanyang kaliwang paa. "Pero, since wala siya, I want to know. How is she when she was younger, Teron? Makulit din ba siya? Was she like how we met her when she was younger? Was she always that easy-going and bubbly little girl?" excited na tanong pa nito kay Teron.

Agad na sumilay ang malungkot na ngiti sa mukha ni Teron. Ang kabataan ni Dow, isang bagay na ayaw niya rin sanang pinaguusapan. Hindi dahil sa ayaw niyang magkwento sa kung sino mang nagtatanong sa kanya, hindi rin dahil ikinahihiya niya kung paano at bakit napunta sa kanya ang dalaga, kung hindi dahil ayaw niya talagang naaalala ang masaklap na nangyari sa anak-anak niya noong wala pa ito sa puder niya.

"You know what? To tell you the truth, I've never seen her so happy before I brought her here," malungkot na saad ni Teron, "Lagi siyang nasa tabi noong mga unang araw niya sa bahay ko. Laging nakasiksik sa isang sulok, para bang takot na takot siyang makita siya ng tao. Simpleng galaw ko lang ay nanginginig na agad siya. Lumakas lang ng kaunti ang boses ko ay natatakot na agad siya at nanginginig. Sobrang nakakaawa siya. Para bang inalisan na siya ng karapatang mabuhay ng hindi nagaalala sa kung ano ang maaaring gawin sa kanya ng iba," nakayuko at sobrang lungkot na pagku-kwento ni Teron sa ngayon ay halos maiyak na rin na si Willow.

"I-I didn't know she suffer that much. Sobrang saya niya kasi kapag nakikita ko siya, parang hindi siya dumaan sa mga bagay na nasabi mo." sagot naman ni Willow na nakangiti man, ngunit may bahid na ng luha sa gilid ng mga mata.

"It was.. fourteen years ago. No, fifteen years ago..."

Fifteen years ago...

Shadow's POV

"Hoy bata ka!" sigaw sa akin ni Tiya Pacing habang ang mga kilay niya ay halos magdikit na sa sobrang pagkakakunot ng kanyang noo.

Panigurado ay lalatay na naman sa akin ang yantok niyang patpat. Ilang araw ko ring ininda ang sakit na ginawa sa akin ng patpat na 'yon, matapos niya akong hatawin ng halos sampung beses sa likod at binti. Ano na naman kaya ang ginawa ko at parang sasabog na sa galit ang tiya ko?

Mabilis na lumapit ako sa kanya. Ayaw ko na mag-init pang lalo ang ulo niya at baka higit pa sa yantok na patpat ang abutin ko.

"Ba-bakit po Tiya Pa-Pacing?" kinakabahang tanong ko sa kanya habang ang mga mata ko ay nakapako sa aking paanan at ang mga kamay ko ay mahigpit na nakakapit sa laylayan ng suot kong t-shirt.

Walang ano-ano ay hinataw niya ang patpat sa aking likuran. Agad na napaluhod ako at matinding hapdi ang naramdaman ko na halos tumagos na yata sa buto ko. Higit pa yata ito sa sakit noong pinalo niya ako ilang araw lang ang nakakalipas. Manipis pa naman ang suot kong t-shirt kaya damang-dama ko ang paghagupit ng patpat at ang paglisan nito mula sa aking likuran.

"Hindi ba sabi ko sa'yo plantsahin mo ang uniporme ko!?" nanggagalaiting tanong niya sa akin.

Agad na tumango ako. "O-Oo nga po, ginawa ko naman po ang utos niyo ha, ano pong problema?" dikit ngipin aa sagot ko sa kanya.

Sobrang hapdi ng likuran ko. Napunit na rin yata ang parte ng t-shirt ko na tinamaan ng palo ni Tiya Pacing.

Natawa si Tiya Pacing at mabilis na hinablot ako sa aking patilya at saka hinila ako paitaas. Agad akong napapikit sa sobrang sakit. Halos mapunit na nga yata ang aking anit sa sobrang pagtaas ni Tiya Pacing sa aking patilya.

"A-Aray po!! Tama na po, tiya pacing! Nasasaktan na po ako!" mangiyak-ngiyak na talagang pagmamakaawa ko sa kanya pero parang hindi niya naman ako naririnig at tuloy siya sa paghila ng todo sa patilya ko.

"Talagang masasaktan ka, lintik na bata ka!"

Laking pasasalamat ko ng bitawan na ni Tiya Pacing ang aking patilya. Agad akong napaluhod ulit sa sahig habang mahigpit na nakahawak sa patilyang hinila niya at likod na tumitindi na ang sakit. Pero hindi pa yata siya nakuntento doon, malakas na itinulak niya pa ako, dahilan ng pagbagsak ko nang tuluyan sa sahig at tinapon sa aking mukha ang isang sunog na blouse.

"Hindi mo lang pinaplantsa ang damit ko, sinunog mo pa hayop na bata ka!!" sigaw niya na naman at siyang hagupit niya sa akin.

"Pe-Pero ginawa ko po nang maayos ang utos niyo," sagot ko sa kanya habang pilit na iniiwasan ang bawat hagupit niya ng patpat, "tinupi ko pa nga po ang damit at inilagay sa kwarto niyo. Nakita pa nga po ako ni Ali-"

Bigla akong napatigil at napatitig sa pinsang kong nakangiti sa likuran ni Tiya Pacing. Si Alisa, ang nag-iisang anak ni Tiya Pacing at Tiyo Loreto. Ano pa nga bang ipagtataka ko? Simula ng dumating ako sa bahay nila ay wala na silang ginawa kung hindi alipinin at alilain ako. Konting pagkakamali ko lang ay halos patayin na nila ako. Hindi kamag-anak, kung hindi katulong ang trato nila sa akin.

Si Alisa naman ay wala nang ginawa kung hindi i-sabotahe ang lahat ng gagawin kong tama. Kapag maaga akong natapos sa labada ay dudumihan niya ito at magsusumbong sa nanay niya na hindi ko parin tapos ang utos. Kapag maaga akong nakapagluto ng pagkain, ay itatapon niya naman ang kalahati at sasabihing ako ang umubos ng lahat. Hindi lang kontrabida sa buhay ko si Alisa, siya ang trahedya at delubyo na siyang lalong nagpapahirap sa mahirap ko nang buhay.

Bakit nga ba ako napunta sa ganitong sitwasyon?

Hindi na ako nangatwiran pa at tinanggap na lang ang lahat ng hataw, sigaw, sabunot at sampal ni Tiya Pacing. Wala din naman akong magagawa. Hindi rin naman sila makikinig sa kahit na anong sasabihin ko. Ako laban sa nag-iisa nilang anak? Kalokohan ng malaki yon.

Hatinggabi na ng matapos ako sa lahat ng gawain ko sa loob ng bahay. Masakit man ang likod, ulo at binti ko ay hindi ko na ininda at ginawa na lang ang dapat na tapusin nang sa gayon ay maaga akong makapagpahinga.

Mapait akong napangiti habang nakatingin sa labas ng maliit na bintana dito sa kwarto ko.

"Kung hindi sana nila ako iniwan dito, siguro ay hindi ko dinaranas ang ganito kasaklap na buhay." sambit ko habang hawak ang nag-iisang litrato na iniwan nila sa akin ilang taon bago nila ako iwan sa lugar na ito. "Ilang taon pa lang ako, pero grabeng hirap na agad ang dinaranas ko." natatawang sambit ko habang napapailing.

Mabilis na nanlabo ang aking mga mata. Bumilis din ang aking paghinga. Humigpit ang kapit sa litrato at nagpakawala ng isang walang tunog na sigaw. Napaka tahimik sa loob ng kwarto ko pero halos mabingi ako sa sakit na nararamdaman ko.

Kasunod nito ang pagtulo ng sunod-sunod na luha na matagal ko ding pinigilan. Sunod-sunod, parang walang katapusan.

Hindi naman ako iyakin. Hindi nga ako umiyak noong iwanan nila ako dito eh. Kahit ilang beses akong binugbog ni Tiya Pacing ay wala ni isang patak na luha ang tumulo, lagi lang silang naiipon sa aking mga mata pero hindi ko hinahayaang malaglag ito at tumulo sa lupa.

Pero iba ang araw na ito. Ito ang araw na ipinangako nilang babalik sila. Ang araw na ipinangako nilang babalikan nila ako. Ang araw kung saan magiging malaya na ako sa paghihirap at impiyernong kalagayan ko.

Pero bigo ako. Wala ni anino nila ang dumating para iligtas ako. Wala sila para kuhanin ako sa lugar na ito. Sinungaling sila. Hindi sila tumupad sa pangako nilang babalikan nila ako. Hindi sila tumupad sa pangakong magbabalik sa araw ng ika-walong kaarawan ko.

"Ma.. Pa.. Nasaan na po kayo?" umiiyak na sambit ko habang nakatingin ng diretso sa litratong hawak ko, "kala ko ba babalikan niyo ko? Kala ko- Kala ko ba kukuhanin niyo na ako dito?" humihikbing turan ko.

Pero alam ko naman na kahit anong tanong ko ay walang sasagot sa akin. Walang dadating para iligtas ako. Walang mama at papa na siyang mag-aalo sa akin, magpupunas ng luha at hahagod sa aking likuran. Wala sila.

"Ma, pa.. Hindi ako galit ha, siguro tampo meron. Pero kahit na anong mangyari sa akin ay hinding hindi ako magagalit sa inyo. Mahal na mahal ko kaya kayo, pano naman ako magagalit niyan." nakangiti ngunit tuloy parin sa iyak na sambit ko.

Hanggang kailan kaya ako maghihintay dito? Dadating pa kaya sila? Dadating pa kaya ang mga magulang mo... Shadow?