Chapter 8

FENRIS

HINDI magawang malisan ng aking mga mata ang kabuoan ng aking sinta. Hindi ko makahanap ng kahit isang katiting na maipipintas sa kaniya. Sabi nila’y walang nilalang na perpekto, kung dati’y ako’y sumasang-ayon sa kaisipang iyan. Ngayon ay nabigyan na ng kasagutan ang kaisipang iyon, Prinsesa Tina, ang perpekto sa paningin ko.

“Kung titigan mo ang aking anak ay parang mawawala ito sa isang kurap mo lang, Prinsipe Fenris,” narinig kong sambit ng mahal na Prinsipeng Ephraim. Napatingin ako dito at napa-iling iling.

“Kahit ako’y lubos na naninibago sa aking sarili, mahal na Prinsipe. Ang ‘yong anak lang ang nagpapaganito sa akin,” nakangiti kong ani dito. Naramdaman ko ang tapik nito sa aking balikat.

“Ingatan mo ang aking anak, Prinsipe Fenris. Ikaw ay lubos kong pinagkakatiwalaan,” sambit nito bago naunang maupo sa tabi ni Prinsesa Tina. Nakaupo sila sa mesang nakaharap sa mga mesang ookupahan ng ilang hukbo. Naupo naman ako sa tapat ng aking mahal.

Saktong pag-upo ko’y siyang pagdating nila Prinsesa Haramara at Prinsipe Elydyr, kasama ang Amang hari at Inang reyna. Lahat kami’y tumayo at yumuko bilang pagbigay galang.

“Maaari nang tumaas at maupo,” sambit ng Amang hari. Lahat naman kami’y nagsiupuan. Naupo ang Amang hari sa pinakagitna habang nasa kanan nito ang kaniyang mahal na reyna. Naupo sa tabi ko si Prinsesa Haramara at sa kabila ay si Prinsipe Elydyr. Tamang tama lang sa amin ang laki ng mesa na bahagyang malaki sa ibang lamesa sa harap namin na tig apat lang sa isang mesa. Napuno ng usapan ang paligid ganoon na rin dito sa aming mesa.

“Tahimik,” sambit ng heneral ng hukbo ng itaas ng Amang hari ang kanang kamay nito. “Bago magsimula ang ating maliit na salo-salo, nais kong pasalamatan ang katapangang ipinamalas ni Prinsipe Fenris sa ginawang pagsagip nito sa ating Prinsesa Tina. Hindi man maalis ang kaisipang may nagbabanta sa buhay ng ating Prinsesa o baka ng kaharian, isa pa ring kaginhawaan ang nagawang kabayanihan ni Prinsipe Fenris. Tayo’y magpugay!” Itinaas ng Amang hari ang kaniyang kopetang may lamang alak na siyang sinunod ng lahat kasama ako, at sama samang sumigaw ng pagpupugay.

Tumayo ako pagkatapos at nagpasalamat. At nagsimula na ang salo salo na napuno ng tawanan at sayahan. Habang kami’y kumakain ay biglang lumapit kay Prinsesa Tina ang tapat na bantay ni Prinsesa Haramara. May dala dala itong kopeta, mukhang isang alak.

“Mahal na Prinsesa, batid ko’y hindi mo pa nasusubukan itong aming inumin na hindi matatagpuan sa mundo ng mga tao. Ito’y handog ni Prinsesa Haramara para sayo,” sambit nito habang inilahad ang kamay na may kopeta. Tumingin sa gawi namin si Prinsesa Tina, nakakunot ang noo nito sa nakangiting Prinsesa Haramara. Ngunit inabot din naman niya ito ng magsalita ang kaniyang ama na tanggapin na ito.

“Salamat sa iyong handog, Prinsesa Haramara. Lubos ko itong ikinagagalak, ngunit ako’y hindi umiinom ng alak kaya gusto ko nalang itong ibigay kay Prinsipe Elydyr,” ngayo’y aking noo naman ang kumunot sa sinabi nito. Bakit dito pa niya ibibigay? Andito ako sa kaniyang harapan.

“Hindi maaari!” Nagulat kaming lahat na andito sa mesa sa pagsigaw ni Prinsesa Haramara na agad napasinghap at natauhan sa ginawa at humingi ng paumanhin. “Hindi naman masyadong nakakalasing ang alak na iyan, Prinsesa Tina, kaya nama’y ayos lang kung uminom ng kahit kaunti man lang,” nakangiting sabi ni Prinsesa Haramara. Ngunit kita ko pa rin ang pagtutol sa mukha ni Prinsesa Tina kaya inunahan ko na ito.

“Akin nalang iyan, Prinsesa Tina. Sabi mo’y hindi ka umiinom ng mga ganitong inumin kaya Prinsesa Haramara, dapat mong intindihin si Prinsesa Tina,” sambit ko. “Tama si Prinsipe Fenris, mahal naming Prinsesa,” sang-ayon naman ni Inang reyna kaya wala nang nagawa pa si Prinsesa Haramara.

Habang ang kopeta nama’y agad ko nang kinuha sa nilapagan ng aking Prinsesa at agad iyong ininom upang hindi na niya ito maibigay kay Prinsipe Elydyr. Pagkatapos ko’y napatingin ako sa aking Prinsesa at kita ko ang gulat sa mukha nito at rinig ko naman ang singhap ni Prinsesa Haramara sa aking tabi. Kita ko na akmang magsasalita na ang aking Prinsesa nang magsalita ang Amang hari.

Muli nitong itinaas ang kaniyang kopeta. “Pagpupugay!” sigaw nito na siyang sinabayan namin. At nadala na kami sa usapan at tawanan. Habang pansin ko ang ginagawa pagsulyap ng aking Prinsesa sa akin. Sa ginagawa niyang iyan ay may naramdaman akong kakaiba… tila umiinit ang aking katawan. Para akong nag-aapoy na sinisilaban bawat segundo.

Kaya naman agad akong nagpaalam sa kanila at nagbigay galang. Naramdaman ko ang butil ng pawis sa aking noo at leeg. Ano bang nangyayari sa akin? Pumasok ako sa kastilyo at nagdire-diretso sa kusina kung saan malapit sa garden. Gusto kong magpahangin at baka mawala ang init na nararamdaman ko.

Nang papalabas na ako sa garden nang maramdaman ko ang isang kamay sa aking balikat na siyang mas nagpaliyab sa akin ng makita ko kung kaninong kamay iyon.

“Aking Prinsesa…” paanas kong sambit at hindi ko na napigilan ang aking sarili nang dambain ko na ito ng halik. Sa ginawa kong ‘yon ay mas lalo lang nagliyab ang aking katawan sa kung anong kamundohan. At alam kong… mahihirapan na akong matakasan ang makamundong ito.