Chapter 4

FENRIS

NAPATINGIN na lamang ako sa likuran ng babaeng bumihag sa aking puso. Bumalik lamang ang aking tingin sa isang binibini sa aking tabi, ang Prinsesa Haramara. Tinatawag nito ang aking pangalan, kinukuha ang aking atensiyon.

“Prinsipe Fenris, batid ko’y nabastos kayo ni Prinsesa Tina. Masanay na kayo at ganoon na talaga ang asta ng babaeng iyon. May iba pang hindi magandang asta ang babaeng iyon. Isa na doon ay ang masyado nitong pakikipag-kaibigan sa sa mga katulong at mga engkantadong bantay, naamoy ko ang malansa nitong pagkatao,” kumunot ang aking noo sa mga sinabi nito. Hindi sa huli nitong sinabi, kun’di doon sa sinabi nitong palakaibigan ito sa ibang engkantadong bantay. Hindi pwedeng masyado siyang malapit sa ibang engkantado. Akin lang siya.

Nagitla ako ng biglang inilingkis ni Prinsesa Haramara ang kaniyang mga braso sa aking braso, agad akong lumayo dito. Ayokong malapit ang pangalan sa prinsesang ito at baka umabot ito kay Prinsesa Tina. Siya lang ang pwedeng umakap sa katawan ko.

“Prinsesa Haramara, ako’y papasok na sa kastilyo para makapagpahinga. Ikaw ba’y pipirme pa dito?” Pag-iiba ko sa usapan, kita ko naman ang pagsimangot nito sa akin.

“Dito na muna ako, hindi mo ba ako masasamahan? Marami tayong pweding gawin dito.” Akmang aakap ito sa akin ngunit agad na akong umiwas. “Mauuna na ako, Prinsesa Haramara, magandang gabi,” paalam ko dito at agad na tinalikuran. Kailangan ko pang gumawa ng paraan para manatili ako dito ng ilan pang araw. Kailangan kong suyoin si Prinsesa Tina dahil batid ko’y nagugulohan pa ito. At mas lalong hindi ko ito maiiwan sa nalaman ko na malapit ito sa ibang engkantadong bantay. Akin lang siya.

INIHATID ko ang aking inang reyna, amang hari at aking mga kapatid sa labas ng kaharian. Kailangan na nilang bumalik sa aming kaharian, sumisikat na ang araw at sakay sakay ako ng aking kabayo pabalik na sa kastilyo ng Oudwech. Mabagal lamang ang takbo nito dahil maraming engkantado at engkantada sa daan, sa may malawak na pamilihan kasi ako dumaan.

Gusto kong maglibot libot sa kaharian at kabisaduhin ang mga pasikot sikot dito dahil binabalak kong ipasyal si Prinsesa Tina dito sa sarili nilang kaharian dahil nalaman kong hindi pa ito nakapamasyal dito dahil natatakot ito. Kagabi lang pala nalaman ng mga mamamayan dito ang katauhan ni Prinsesa Tina.

Matapos kong malibot ang pamilihan ay napagpasyahan kong bumalik na sa kastilyo at baka gising na ang aking mahal na Prinsesa. Napapayag ko ang aking inang reyna na manatili dito at bibilangin ito bilang isang diplomatikong paglalakbay para palawigin ang relasiyon ng aming kaharian dito sa kaharian ng Oudwech bilang paghahanda na rin sa aming kasal.

Pagkarating ko sa kastilyo ay agad akong pumasok na ang unang bubungad ay ang engrandeng pasilyo na sa bawat gilid ay may mga bantay. At bahagya pa akong napahinto nang maalala ang sinabi ni Prinsesa Haramara kagabi at isa-isang tinitigan ang mga bantay na diretso lang na nakatingin. Subukan lang ng mga itong hawakan ni isang hibla ng buhok ng aking mahal na Prinsesa. Hinding hindi ako mangingiming kalabanin ang mga ito sa isang espadahan.

Imbes na magtagal ako doon ay nagsimula na muli akong maglakad hanggang sa bumungad na sa akin ang engrandeng bulwagan kung saan naroon din ang pahabang mesa na siyang kaninan o piging. At naabutan ko ang mahal na hari at ang buong maharlikang pamilya ng Oudwech at Valjyre. Agad akong yumuko at humingi ng paumanhin sa biglang pagsulpot sa gitna ng kanilang umagahan.

“Maaari nang tumaas,” sambit ng mahal na hari na agad kong sinunod. Nakaupo ito sa pinakagitna at nasa kanan niya ang mahal na reyna.

“Maagang umalis ang iyong Amang hari at Inang reyna, batid ko’y hindi ka pa nag-uumagahan. Halika’t sabayan mo na kami,” pormal na ani ng hari. Hindi ko naman ito matanggihan kaya’t humanap na ako ng mauupuan, ngunit tinawag na ako ni Prinsesa Haramara para maupo sa tabi niya.

“Dito kana maupo, Prinsipe Fenris,” sambit nito. Hindi ko naman ito matanggihan sa harap ng hari at reyna, kaya naman ay naupo na ako at masyado na akong nakakaabala sa umagahan nila. Pagkaupo ko’y nagpatuloy na sila sa pag kain.

“Mahal kong Prinsesa Haramara, kay ganda niyong tingnan ni Prinsipe Fenris. Wala pang naitakdang engkantado para sayo hindi ba?” Biglang sabi ng isa sa mga Prinsipe ng Valjyre na siyang kapatid ng ama ni Prinsesa Haramara.

“Napakaganda naman sa aking pandinig iyan, Prinsipe Elydyr,” tugon naman ni Prinsesa Haramar. Nanatili akong tahimik, ang aking pamilya at ang hari at reyna lamang ang may alam na ako ang itinakdang ipapakasal kay Prinsesa Tina kaya hindi ko sila pangungunahan. Ngunit…

“Maganda nga sa pandinig hindi ba? Kaya nga ng marinig ko kagabi na itinakda akong ipapakasal kay Prinsipe Fenris ay labis ng tuwa ko.” Umuwang ang aking labi ng sabihin iyon ng aking mahal na Prinsesa. May ngiti sa labi nito na para bang natutuwa talaga ito sa sinasabi, ngunit ang reaksiyon nito kagabi ay nagpapakita ng hindi pagsang-ayon sa sinabi ko. Kaya bakit nito sinasabi ang mga ito at sa harap pa talaga ng nakakarami?

“Tama ang inyong narinig. Si Prinsipe Fenris ang itinakdang ipapakasal sa ating Prinsesa Tina. At lubos kong ikinagagalak na mukhang sumasang-ayon ang ating Prinsesa dito. Hindi ko alam kung saan nito nalaman ang balitang ito, ngunit mabuti na ring alam mo, Prinsesa Tina. Para mag-umpisa na kayong magkakakilanlan nitong si Prinsipe Fenris,” nasisiyahang sambit ng mahal na hari. Pati din naman ako’y nasisiyahan, kahit hindi ko alam kung anong naging dahilan at naging ganito ang reaksiyon ng aking mahal na Prinsesa, ikinagagalak ko pa ring sumang-ayon siya.

At hinding-hindi na ako papayag na makalayo siya sa akin. Dahil akin lang siya, ang aking pinakamamahal na Prinsesa.