Chapter 12

FENRIS

MABILIS lang lumipas ang mga araw, at halos mag-iisang buwan na akong pabalik-balik sa kaharian ng Oudwech, nang matapos na ang aking isang linggong diplomatikong paglalakbay doon. Ngunit hindi nito nahahadlangan ang aking nais na makita ang aking Prinsesa. Sa isang linngo ay binibisita ko ito ng tatlong araw, at babalik na naman ako sa aming palasyo. Hindi pa kasi kami pwedeng magsama dahil hindi pa kami nag-iisang dibdib.

Ngayon nga’y pabalik na naman ako sa kaharian ng Oudwech para bisitahin ang aking mahal na Prinsesa. Sakay ako ng isang kalesa ngayon, dahil inabisohan akong mag doble ingat sa mga bandidong engkantado na maaaring umatake. Malapit naman na ako sa palasyo, makikita ko na naman ang aking mahal. Hindi na ako makapaghintay, sabik na akong makita siya.

At ilang sandali nga lang ay nasa harapan na kami ng tarangkahan papasok sa bayang nasasakupan ng Oudwech. Agad kaming pinagbuksan ng tarangkahan at pinapasok. At ilang minuto lang ay nasa harap na kami ng palasyo. Agad akong bumaba sa kalesa at pagkatapak ko pa lang ay hindi matigil ang mabilis na tibok ng aking dibdib. Makikita ko na naman ang aking mahal.

Ngunit bago pa ako makapasok sa loob ng kastilyo ay may humarang sa aking dalawang bantay. Pinapatawag raw ako ng Amang hari sa loob. Kaya agad naman akong sumunod, nagtataka kung anong meron. May nangyari bang masama sa aking Prinsesa? Sa kaisipang iyon ay mabilis akong pumasok sa loob ng walang pag-aalinlangan.

At pagkapasok ko sa bulwagan ay naroon ang tagabantay ng Prinsesa Tina na si Divina. Ginabayan ako nito patungo sa silid ng aking mahal kaya mas lalo akong kinabahan dahil baka ano ng nangyari dito. Tinatanong ko si Divina ngunit ayaw nitong sumagot sa akin, kaya naman inunahan ko na ito at tinakbo na ang silid ng aking Prinsesa Tina.

Nang nasa harapan na ako ng silid ay kumatok muna ako ng tatlong beses, agad ko namang narinig ang boses ng Amang hari na ako’y pinapapasok na. Kaya naman agad ko nang binuksan ang pinto at bumungad sa akin ang Amang hari na nakaupo sa upuang nasa gilid ng kama. Habang naroon din ang Prinsipe Ephraim at Inang reyna, ngunit ang ikinakunot ng aking noo ay ang kung bakit may manggagamot sa tabi ng Inang reyna?

“Tama lamang ang iyong dating, Prinsipe Fenris. Isang mahalagang balita ang aming natuklasan ngayong araw. Ang akala namin ay may nangyaring masama na sa aming Prinsesa Tina, dahil bigla na lamang ito nahimatay sa gitna ng pagsasanay sa pagpapana. Ngunit nang ipatingin namin ito sa aming manggagamot ay napag-alaman naming… siya’y nagdadalang tao o engkantado.” Nagulat ako sa aking narinig… gulat, saya, at kaba ang aking nararamdaman. Dahan-dahan akong lumapit sa kinahihigaan ng aking Prinsesa, lumuhod ako sa harap ng Amang hari at kay Prinsipe Ephraim.

“Akin pong pananagutan si Prinsesa Tina, Amang hari at Prinsipe Ephraim. Kung gustuhin niyong agad na akong ipakasal kay Prinsesa Tina ay aking gagawin. Lubos ko pong iniibig ang mahal na Prinsesa, kaya kong ibigay ang lahat para sa kaniya. Kaya sana’y dinggin niyo ang panaghoy ng aking damdamin,” nakayuko kong sambit sa kanila. Naramdaman ko ang kamay ng Amang hari sa aking ulo, siya kasi ang nasa aking harapan.

“Binabasbasan na kita bilang magiging katuwang sa buhay ng aming mahal na Prinsesa, Prinsipe Fenris. Narito rin ang kaniyang ama upang magbigay ng huling permiso para tuloyan nang maiplano ang araw ng inyong pag-iisang dibdib,” sambit nito habang nanatili akong nakayuko habang nakaluhod.

“Ako’y hindi masyadong masaya na naunang dalhin ng aking anak ang inyong magiging anak kaysa iyong huling pangalan, Prinsipe Fenris. Kaya gusto kong mangyari kaagad ang inyong pag-iisang dibdib hangga’t hindi pa lumulubo ang tiyan ng aking anak,” sambit naman ni Prinsipe Ephraim.

“Sa susunod na linggo… sa susunod na linggo gaganapin ang aming pag-iisang dibdib. Sapat na ba ang ilang araw, mahal na Prinsipeng Ephraim upang mapanatag ang iyong loob?” Pinilit kong hindi mapangiti habang sinasabi iyon dahil napakaseryoso ng atmospera sa silid. Nanatali pa rin naman akong nakayuko kaya hindi nila batid ang pagpipigil ko sa aking ngiti dahil sa nangyayari ngayon. Tuluyan na siyang magiging akin, magiging aking katuwang.

“Maaari nang tumaas!” sambit ng Amang hari, kaya naman itinaas ko na ang aking ulo at tumayo. “Kung ganoon, siguraduhin mong matutupad ang binitawan mong salita, Prinsipe Fenris,” sambit naman ni Prinsipe Ephraim habang ako’y nakatayo pa rin sa kanilang harapan. At akmang ako’y sasagot na, ng marinig namin ang boses ng aking Prinsesa.

“B-bakit nandito kayong lahat?” Napangiti ako sa kaniyang boses, para iyong musika sa aking pandinig. Napatingin ito sa akin at agad napakunot ang noo nito na mas lalong nakakahalina sa kaniya. Kahit ano pa ang reaksiyon ng mukha nito, ito pa rin ang pinakamaganda sa aking mga mata.

“Andito na ako aking mahal na Prinsesa,” nakangiti kong ani dito. Agad itong napaupo sa higaan nito, hindi pa rin nawawala ang kunot sa noo.

“Kailan ka pa dumating? At bakit nga narito kayong lahat sa aking silid?” nagtataka nitong ani. Tumikhim ang manggagamot na nasa gilid ng kaniyang kama.

“Ika’y nahimatay dahil masyado mong iniensayo ang iyong sarili. Huwag ka masyadong magbibilad sa init ng araw, dahil ika’y isang buwan ng buntis, Prinsesa Tina.” Kita ko ang gulat sa mukha nito, at muli itong napatingin sa akin.

“B-buntis ako?” Ulit pa nito. Tinanguan ko naman ito at nilapitan, hinawakan ko ang magkabilang kamay nito.

“At tayo’y nakatakda ng mag-iisang dibdib sa susunod na linggo, aking Prinsesa. Papalagi na rin ako dito para mabantayan ko kayong dalawa ng ating anak,” nakangiti kong ani dito tsaka hinalikan ang likod ng palad nito. Hindi ka na maaagaw pa ng iba, aking Prinsesa. Dahil sa akin ka talaga itinadhana.