Kabanata 14

INILAPAG ni Melandro ang kubyertos sa plato at napatingin kay Jules. “Do you… have someone in California, Jules?” ang tanong nito.

Tila biglang nag-segue ang ama kaya napatawa siya. “Dad, that’s out of the question! May ex-gf ako roon, oo, pero hindi siya ang dahilan na gusto ko pang manatili roon. It’s purely for my career reasons.”

“Kuya…” umpisa ni Joanna na sumabat.

“Jules, your dad’s not getting any younger, Jules. Pati na rin si Mrs. Laurel. Dapat na may isa sa inyo ni Joanna na magha-handle sa businesses natin doon sa Maynila nang hands-on,” malumanay namang rason ng ina niya.

Alam niyang tama ito.

Napatitig siya sa ina. He loved her dearly, and he could not say “No” to her. Wala rin siyang masasabi sa mga magulang dahil sinuportahan siya nito nang magdesisyon siyang mag-aral sa California.

“I understand, Mom,” ang nasabi na lang niya at napababa ng tingin nang makita ang matipid na ngiti ng kanyang ina.

“In a few days, we’ll be going to Manila, your mother and I, for her routine checkup. Kayo lang ni Joanna ang maiiwan dito sa bahay,” ang pagpaalam sa kanya ng kanyang ama pagkatapos ng ilang saglit.

Tumango lang siya at nagpatuloy na sila sa pagkain. His mind was in a riot, actually. He only had a couple of months to give his decision sa naturang kompanyang nag-offer sa kanya ng trabaho. Two months was long enough while having his vacation in the Philippines. Pagkatapos niyon ay hindi niya alam kung puwede pa siyang mag-apply roon o kaya ay may mas magandang offer niyon.

It was one knock on his door, and he could not just turn a deaf ear and get on with his life. Baka naman kasi pagsisisihan niya iyon sa huli kung hindi niya susubukan. He was one person who did not want to regret anything in his life… that is, if he could help it.

Pagkatapos ng kanilang dinner ay nagtungo na siya sa kanyang silid. Napatingin ang binata sa paligid. Bago na ang kulay nitong asul ngayon kaysa dating berde. Naisip niyang baka para refreshing din sa kanya kaya pinabago ng ina niya. Sigurado siyang ang kanyang ina ang siyang may ideya niyon.

Naiayos na ng kanilang katulong ang lahat ng mga gamit niyang dapat nandoon sa dapat na kinalalagyan ng mga iyon.

He then took a shower before he went to bed. Plano niyang bisitahin ang tiyuhin at pinsan para naman makibalita sa mga ito habang siya ay nasa Pilipinas.

***

KINABUKASAN ay binisita na nga ni Jules sina Uncle Mike at ang pinsan niyang Mariana.

“My American nephew!” tuwang-tuwang biro ni Mike at niyakap siya.

Maagang nabiyudo ang kanyang uncle dahil nagkasakit sa obaryo ang asawa nito pagkatapos nitong maipanganak si Mariana. Kaya silang dalawa lang ang nakatira sa malaking bahay.

Napatawa siya at niyakap ang tiyo. Nakiyakap din sa kanila ang pinsang si Mariana. She was a beautiful woman but a bit weird. Dahil siguro sa interes nito sa Dark Magic na siyang pinapraktis kuno nito sa tuwing wala ang ama. Ngunit hindi siya naniniwalang may ganoong hobby talaga ang pinsang babae. Malapit pa naman ito kay Joanna. Alam niyang medyo skeptic ang kapatid niya sa mga ganoong bagay dahil iba ang hilig nito. Mga lalaki naman at chocolates ang gusto nito, taliwas kay Mariana. Maganda naman ang pinsan niya dahil mestiza subalit madulas ito sa mga lalaki. He thought it was better than to flirt or sleep around.

“I missed you, folks! At dahil diyan, dito ako matutulog ngayong gabi,” ang anunsiyo niya sa mga ito.

“Mabuti naman! We can catch up then,” ang masayang sang-ayon ni Mariana sa kanya nang nakangiti.

Nagkuwentuhan din sila sa buhay niya sa California at mag-a-alas tres na ng umaga nang magdesisyon silang matulog.

***

SA sumunod na araw ay pumunta si Jules sa bayan. Nalaman na ng kanyang mga kaibigang dumating siya mula sa Amerika at gustong makipagkita at makipagkuwentuhan ng mga ito sa kanya. Gamit ang motorsiklo niya ay nagtungo siya roon dahil bibihira naman ang mga traysikel doon sa kanila. Mas maigi ngang mayroong sasakyan ang mga taong malalayo sa bayan dahil sa problemang ito. Kung walang sasakyan ang mga tao ay naglalakad ang mga ito o kaya ay naghihintay nang matagal bago makasakay ng traysikel at makapunta ng bayan. At ngayon ay nagkita sila sa isang videoke bar at nag-iinuman.

“Alam mo ba, nakita ko si Mariana noong isang araw at sinabing bumalik ka na,” ang sabi ng kanyang dating kaklase na si Jessie. Isa ito sa mga nagkakainteres sa pinsan niya mula noong high school pa sila. Mas matanda lang siya rito nang dalawang taon.

“Buti kinausap ka, p’re,” pambubuska niya nang nakangisi.

Napatawa na lang ang kaibigan niyang napailing.

“O, ano? Gusto n’yo ba ng party? Para naman mas mainam at saka mag-e-enjoy tayong lahat. Kahit iimbitahan n’yo ang mga kaklase natin noon sa high school at elementary,” ang nakangislit na anyaya niya sa mga ito.

Napatingin sa kanya sina Laila, Ren, at Daryl. Si Laila ay nobya pa rin ni Ren hanggang ngayon.

“Oo ba! Mainam nga ‘yon. Pero okay lang ba sa mga magulang mo, p’re? Baka naman patay tayo sa kanila, ah,” ang anang Daryl na tumawa pa pagkatapos. Alam ng mga ito kung gaano kaistrikto ang kanyang amang si Melandro.

Lumawak ang pagkakangisi niya. “Pupuntang Maynila silang dalawa ni Mommy sa makalawa. Sa weekend, hindi pa sila uuwi. Kaya sa mga bandang Friday, puwede tayong gumimik sa ‘min. May bagong jacuzzi roon sa rooftop ng bahay namin. Pinagawa iyon ni Dad dahil ni-request ni Joanna last month. Alam n’yo naman. medyo Daddy’s girl ‘yong kapatid kong iyon kaya pinagbigyan.” Napailing siya at napakiling ng ulo bago sinaid ang laman ng kanyang beer.

‘I hope Joanna won’t make a fuss about my party.’