Chapter 15: Kabanata 15
DAHIL sa New Moon ay napakadilim ng buong paligid kung kaya’t nakabukas ang lahat ng ilaw sa paligid ng kabahayan nina Jules. Malakas ang tugtog ng amplified speakers na ginamit ng binata para sa party niyang iyon. Isang kakilala ang siyang tumatayong disk jockey nila sa gabing iyon.
May ilang mga babae at mga lalaki nang naka-swimsuit attire lang at nagkaroon ng kasiyahan sa jacuzzi ng kanyang kapatid. Kalimitan naman ng mga iyon ay mga kaibigan nito na inimbita rin nito nang malamang magpa-party siya. At yaon din ang ginawa ni Mariana. Ngunit hindi niya naman nakikita ang kapatid at pinsan dahil tila nagkulong ang mga ito sa kuwarto ni Joanna at hinayaan ang mga kaibigan ng mga itong mag-enjoy lang sa party.
It was the last time he saw them when he checked a few hours earlier.
Siya naman ay busy sa pakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan at mga dating kaklase. Unti-unti ay umuwi na ang karamihan at iilan na lang ang natitira sa mga kaibigan niya at mga kaibigan ng kapatid at pinsan.
Medyo tipsy na siya dahil sa kaiinom ng alak. Ang ilang mga kaibigan niya ay nakahandusay na nga sa malaking bulwagan dahil sa kalasingan. Ang ilan naman ay nasa sofa at sa porch. Sa tingin niya ay siya na lang yata ang may matinong pag-iisip sa ngayon.
Napasulyap siya sa kanyang relong pambisig at napunang mag-aalas tres na pala ng umaga. Nag-umpisa silang mag-party nang wala pang alas otso ng gabi. Buti na lang at hindi siya uminom masyado upang matingnang ligtas ang lahat ng kanyang bisita at lalo na ang kapatid at pinsan, walang disgrasya habang nasa bahay niya ang mga ito.
Napasulyap siya sa paligid. Makalat iyon. Pero bukas na niya iyon ipapaayos sa kanilang katulong na pinauwi niya muna sa kanila upang hindi maistorbo kung nais nitong matulog nang maaga.
Naisipan niyang tingnan ang rooftop kung sakaling may lasing doon at baka mahulog pa sa baba. Pumanhik siya sa pangalawang palapag patungo sa direksyon ng hallway ng kanyang kuwarto at lumabas sa pintuan doon at pumanhik ulit ng hagdan papunta sa rooftop.
Narinig niyang may nagtatawanan pa roon at saka nakita niyang naghahalikan ang kaibigang babae ng kapatid at kaibigang lalaki ni Mariana. Tila mga kabayo itong nakawala sa kuwadra. Naiiling na lang siya at saka dumako ang kanyang pansin sa kanyang mga kaibigang nasa jacuzzi pa rin at nag-e-enjoy.
“’Di pa ba kayo matutulog?” ang tanong niya sa mga ito. Kahit nagsalita siya ay tila hindi siya narinig ng dalawang naghahalikan sa isang sulok, hindi malayo sa jacuzzi. Naisipan niyang baka lasing lang ang mga ito at walang pakialam sa mundo.
Napatingin ang kanyang mga kaibigan, sina Laila, Ren, at Daryl.
“We’re still having fun, pare! Mamayang mga bandang alas kuwatro na lang siguro. Bababa rin kami pagkatapos naming uminom nito,” ang tugon ni Daryl na ipinakita pa sa kanya ang nangangalahating bote ng vodka.
Tumango na lang siya at saka nagpaalam sa mga ito.
Next, he was going to check in on his sister and cousin. Bumaba na siya at saka natigilan na lang siya nang may narinig na lengguwaheng dayuhan mula sa loob ng kuwarto ng kapatid. Kakatok na sana siya nang may biglang kumalabog nang malakas mula sa rooftop. Napatingin siya sa kisame at saka napapihit at bumalik sa kanyang dinaanan kanina.
Nagmamadali siyang pumanhik sa itaas. Nakita na lang niyang wala nang malay ang tatlong mga kaibigan niyang nasa jacuzzi at ang dalawang naghalikan ay nakahandusay na rin ngunit magkayakap sa sahig nang tila wala nang buhay.
Bigla siyang kinabahan at ngali-ngaling nilapitan ang mga iyon habang napasulyap siya sa mga kaibigang unti-unting lumulubog sa ilalim ng tubig ng jacuzzi tub na tila kumukulo nang masyado nang hindi normal. Ngunit nang damhin niya ang pulso ng babae at lalaki ay parang may kung anong malamig na bagay ang tumakbo sa kanyang gulugod. They were already both dead!
‘Paanong nangyari ‘to?’
Ni hindi niya makataan ng anumang sugat ang mga ito na siyang sanhi ng pagpanaw.
Pinilit niyang lumunok at napatayong napaatras. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Napasapo siya sa kanyang noo at saka napatingin sa kanyang mga kaibigan sa jacuzzi.
Mabilis siyang kumilos nang makitang lumulubog na ang mga ito sa tubig at sinubukan niyang hilahin ang mga ito. Nanlaki na lang ang kanyang mga mata nang maramdaman niyang napakainit ng tubig ng jacuzzi at parang lalo pa iyong kumukulo. Then suddenly, it flushed like a toilet bowl.
Nanlaki ang mga mata niya sa kanyang nasaksihan.
‘Hindi! Hindi ito posible! Hindi ito nangyayari! Lasing lang ako!’ sigaw ng isip niya. Hindi niya talaga mawari kung paanong na-flush na lang sa jacuzzi ang kanyang mga kaibigan.
Napaupo siya sa sahig at hindi niya alam kung namalik-mata lang siya o kung ano. Ngunit napakalinis na ng jacuzzi nang tingnan niya itong muli. Tila hindi iyon ginamit dahil sa kinis at sa pagkatuyong tingnan.
“Oh, God! What just happened?” nausal pa niya sa sarili. Pagtingin niya sa dalawang magkayakap na bangkay ay nawala na rin ang mga iyon na parang bula. “Oh, sh*t! I must be dreaming, or I’m just so drunk I didn’t realize!” Napakurap-kurap siya at tumayong muli para mabilis na bumaba mula sa rooftop. Napasulyap na naman siya sa kanyang relong pambisig at isang minuto iyong nakalipas ng alas tres ng madaling-araw.
Kinatok niya nang malakas ang pinto ng kuwarto ng kapatid na kasunod ng sa kanya ngunit ay walang sumagot. Pinihit niya ang seradura at nang makapasok ay namangha na lang siya sa kanyang nakita...