Chapter 30 Settlement

Jasmine'sPOV

Hindi ko maiwasang makaramdam ng kasiyahan sa aking puso dahil sa mga sinabi sa akin ni Ate Tessa kanina. Tumaas ang self-esteem at self-confidence ko sa sarili. Huminga ako ng malalim at binuksan ang drawer para maghanap ng damit na susuotin para sa pagbisita nina Mom and Dad. Nakapili ako ng off-shoulder dress, kulay kayumanggi iyon na may mga maliliit na puso na design na hanggang tuhod ang haba.

Nakatanggap ako ng mensahe kanina na niyaya nila Mom at Dad si Celine na sinang-ayunan naman daw ni Jarred. Namimiss ko na rin ang babaitang iyon. Isinuot ko ang dress, nang matapos ay inabala ko ang sarili sa paglagay ng kolorete sa mukha. Naglagay ako ng manipis na lipstick sa aking labi, at nagpahid ng pulbos sa mukha.

Nang makontento sa itsura ay lumabas ako ng kwarto. Nagtungo ako sa kusina kung saan abala si Ate Tessa sa pagluluto. Hindi ko napigilan ang sarili na yakapin siya mula sa likod. Lumingon siya sakin.

"Hindi pa ako naligo, Jasmine. Nakakahiya!" aniya. Tinawanan ko lang ang sinabi niya. Humarap ako sa kaniya at tiningnan ang niluluto niyang Afritada.

"Ayos lang po, Ate. Salamat talaga. Salamat sa pagbibigay ng lakas ng loob sakin sakin. Minsan kasi nakakaramdam ako ng panhihina kapag walang taong umaagapay sakin." aniko. Ngumiti siya sakin.

"Ayos lang iyon, Jasmine. Lakasan mo ang loob mo dahil hindi lahat ng pagkakataon may taong nandiyan para sayo." aniya. Tumango ako sa sinabi niya.

"Itatatak ko po iyan sa puso't-isip ko po." ani ko.

Nakarinig ako ng marahang yapak sa di kalayuan. Nag-angat ako ng tingin at nakita si Jarred na nakatayo sa may pintuan. Ngumiti siya nang magtama ang aming mga mata.

"Nandyan na sina Mommy at Daddy mo kasama si Celine." aniya. Nagpaalam ako kay Ate Tessa at naglakad palapit kay Jarred. Nang makalapit ako, buong sinseridad ko siyang tiningnan.

"Salamat, Jarred." ani ko. Tinitigan niya lang ako at hinawakan ang aking pisngi.

"Walang anuman. Gusto kong bumawi sa lahat ng mga nagawa ko sayo noong mga unang araw mo dito." aniya.

Napalunok ako, Bakit ganun siya makatingin? Iba ang nararamdaman ko sa mga titig niya. Nakikita ko yung pananabik. Ipinilig ko ang aking ulo. Marahil ay guni-guni ko lang iyon. Anuman ang ipinapakita niyang kabutihan sakin ay walang kahulugan iyon. Dahil kaibigan nalang talaga ang namamagitan sa aming dalawa.

Tumango ako at sabay kaming naglakad patungo sa salas kung saan naroon sina Mom at Dad na nakaupo sa mahabang sofa kasama si Celine at nakaupo sa pang-isahang sofa. Nang makita ako ni Mom, patakbo siyang lumapit sakin at mahigpit na niyakap, sumunod naman si Dad.

Niyakap ko din siya pabalik. Samantalang nakatayo lamang si Dad sa likod ni Mom. Si Celine naman ay nakatayo habang nakangiti. Naramdaman ko ang luha na pumatak saking balikat dahil nakasuot ako ng off-shoulder dress.

"Mom, are you crying?" tanong ko at kumalas sa pagkakayakap sa kaniya. Pinunasan niya ang luha na namalisbis sa kaniyang pisngi gamit ang kanang kamay.

"Masaya lang akong makita kang muli anak. Sobrang namiss kita. Alam ko na sobrang sakripisyo ang ginawa mo para lamang maisalba ang kompanya. Pero, salamat pa rin anak, kung hindi dahil sa ginawa mo. Hindi maisasalba ang kompanya."—tumingin siya kay Jarred na nasa aking likuran ko tsaka nginitian siya.—"Maraming salamat sa pagsalba sa kompanya namin. Kung hindi dahil sayo hindi namin alam kung saan kami hahanap ng investors. Hindi lang ang pagkakautang namin ang binayaran mo, kundi gumawa ka ng paraan para makahahon muli ang kompanya. Maraming maraming salamat, Jarred." buong-pusong pasasalamat ni Mom kay Jarred.

Hindi ko maiwasang lingunin si Jarred, nagtama ang aming mga mata. Ngumiti siya sakin. Hindi ko akalain na gagawin niya iyon. Ginawa niya ang lahat para maging maayos ang kompanya namin. Ano kaya ang mangyayari kapag nalaman niya ang ginawa ni Mom at Dad sa relasyon namin noon? Baka bumagsak ang kompanya kapag nagkataon. At hindi lang iyon, kamuhian niya ako at pahirapan. Nakaramdam ako ng takot sa naisip.

"Jasmine, ayos ka lang?" ani Jarred na nagpabalik sakin sa kasalukuyan.

"Ahm— may inisip lang ako." ani ko at pinilit iwaksi sa isipan ang mga samu't-saring pumapasok sa isipan ko. Tumango lang si Jarred, pero kitang-kita ako ang pagtatagis ng kaniyang bagang at pag-ilap ng mata. Anong problema niya? Tumingin si Jarred kay Mom at ngumiti.

"Wala po iyon. Kung may kakayahan naman po akong tumulong, bakit hindi ko po gawin? Ginagawa ko po ito dahil yun po ang tama at alam ko na magiging masaya si Jasmine kapag nagkataon." ani Jarred.

Nakita ko sa mga mata ni Mom pagkislap ng pagsisisi na kaagad ding nawala. Iyon ba yung sa ginawa niya noon. Pero may magandang naidulot naman ang ginawa nila. Naging successful si Jarred. Nang mga panahong iyon, yun ang alam nina Mom na makakabuti samin. Tumingin ako kay Celine na ngayon ay may mapanuring tingin kay Jarred. Lumapit ako sa kaniya at niyakap siya, yumakap din siya pabalik.

"Mom, Dad, Jarred. May pag-uusapan lang kami ni Celine." paalam ko sa kanila. Tumango si Dad samantalang si Jarred ay hindi umimik.

"Sige anak. Mag-uusap lang din kami ni Jarred patungkol sa mga investors." ani Mom na may nakapaskil na ngiti sa mga labi.

Umabresete ako kay Celine at hinila siya palabas ng bahay patungo sa tabi ng swimming pool kung saan may Patio Dining Set. Nang makaupo kami. Tinitigan ako ni Celine na parang hindi makapaniwala sa nakita tsaka umiling-iling.

"Bakit?" tanong ko.

"You still love him, right?" tanong niya. Nagbaba ako ng tingin. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Mahal ko pa nga ba si Jarred?

"Hindi ko na siya ganoon kamahal, Celine. Kaibigan lang ang turing namin sa isa't-isa. Kung sakali man na may nararamdaman pa rin ako sa kaniya.—nag-angat ako ng tingin at tinitigan siya.—wala ng dahilan para magkaayos kami at magkabalikan, Celine. At ayaw ko ring masaktan si Khael, nangako ako sa kaniya na kakalimutan ko si Jarred. Ayaw kong sirain ang pangako kong iyon kay Khael. Naging mabuti siyang tao sakin at ayaw kong gumawa ng bagay na masasaktan siya. Kailangan kong panindigan ang pagpapaligaw sa kaniya. Kung anuman itong nararamdaman ko para kay Jarred, siguradong mawawala din ito. Dahil natututunan naman ang pagmamahal." mahaba kong paliwanag sa kaniya.

"Khael?! Sinong Khael?" taming niya. Sh*t! Nakalimutan ko palang sabihin sa kaniya ang tungkol kay Khael.

"Ahm. Manliligaw ko. Vince Khael Trovano." ani ko. Sinimangutan niya ako.

"Hindi ko akalain na nakalimutan mo nang ikwekto sakin ang mga nangyayari sayo, nagtatampo na ako!" aniya na nakasimangot pa rin.

"Sorry Bes, naging abala kasi ako. At tsaka gusto ko, personal ko ikwento sayo ang mga yun. Eh ngayon na nandito ka edi ikwenento ko na." paghingi ko ng pasensya sa kaniya. Pero alam ko na naggagalit-galitan lang siya.

"Pasalamat ka, kaibigan kita." aniya na ikinangiti ko ng malapad.

"Bestfriend talaga kita!" ani ko na sinuklian niya ng irap na tinawanan ko lang. May pagkamaldita kasi si Celine, pero naiintindihan ko ang ugali niya. Mas mabuti na rin yun kaysa patalikod akong minamalditahan. Totoong kaibigan siya, at ganun din ako sa kaniya.

Si Celine ang isa sa mga taong pinagkakatiwalaan ko. Na kahit anuman ang maging desisyon ko, walang paghuhusga na maririnig mula sa kaniya. Nang mga panahong kailangan ko ng karamay nandyan siya para damayan ako. Na kahit nagkalayo kami ng nagdesisyon ang magulang ko na sa France ako mag-aral, long distance is not a hindrance to our friendship. Bumuntong-hininga siya. Inabot niya ang aking kamay at bahagyang pinisil.

"Alam mo naman na nandito ako lagi para sayo, Bes. Pero, ito lang ang sasabihin ko sayo. Piliin mo kung saan ka masaya at hindi sa kung ano ang tama. Minsan akala natin mali ang bagay na nakakapagpasaya satin dahil may masasaktan tayo. Pero isipin mo rin, kung tama ang pinili mo kung hindi ka naman magiging masaya. Useless din. Kung pipiliin mo ang maging masaya, malay mo in the long run maging tama na siya para sayo. At kung pipiliin mo ang tama kung hindi ka Naman masaya. Magiging miserable lang ang buhay mo." aniya at binigyan ako ng matamis na ngiti. Tumayo ako sa aking kinauupuan at lumapit sa kaniya, umuklo ako at tsaka siya niyakap.

"Thank you so much, Bes. Sa mga payo mo at pangaral sa akin. Itatanim ko iyan sa puso't-isip ko. You're the best Bestfriend ever! I love you!" ani ko at hindi ko na napigilan ang pagtulo ng aking mga luha. Inilayo niya ang sarili sakin.

"Hey! Bakit ka ba umiiyak?!" aniya na tumatawa.

"Na-touch lang ako." aniko habang pinupunasan ang luha gamit ang kamay. Pinitik niya ang aking noo na naging dahilan ng pag-aray ko.

"Sira! What are friends for?" aniya na tumatawa pa rin. Naudlot ang aming pag-uusap nang may tumikhim sa aming harapan na hindi namin napansin, si Jarred.

"Naistorbo ko ba kayo?" tanong niya. Tumayo ako mula sa pagkakauklo at sinalubong ang tingin niya na ngayon ay nakatitig sakin. Tumayo na rin si Celine at tumayo sa tabi ko.

"Hindi naman. Patapos na kaming mag-usap. Bakit?" tanong ko.

"Mag-aalas dose na ng tanghali, manananghalian na. Abala si Tita Adhalia sa paghahain sa mesa. Samantala, may kausap naman sa cellphone si Tito Samuel. Sinabi kasi nila na Tito at Tita na ang itawag ko sa kanila at hindi na Ma'am at Sir. Sumang-ayon ako dahil wala naman masama kung Tito Samuel at Tita Adhalia ang itatawag ko sa kanila." aniya na parang nahihiya.

Nagbaba pa siya nang tingin para ikubli ang hiyang nararamdaman. Hindi ko maiwasang mapangiti, nakakaaliw tingnan ang kaniyang mukha na pulang-pula.

"Okay. Tara na Celine. Baka nakahanda na ang pananghalian." ani ko at nagpatiuna nang maglakad habang nakasunod si Celine.

Samantala, biglang tumunog ang cellphone ni Jarred, kinuha niya iyon sa bulsa ng pantalon na suot. Bago pa man kami tuluyang makapasok sa loob ng kabahayan narinig ko ang pangalan ng babaeng kinaiinisan ko.

"Beatriz, bakit ka napatawag?" tanong ni Jarred.

Nakaramdam ako ng inis at paninibugho sa narinig. Parang gusto kong agawin ang cellphone ni Jarred at patayin ang tawag o do kaya at itapon sa swimming pool. Argh! Nawala lang iyon ng kalabitin ako ni Celine nang makapasok na sila sa kabahayan. Tumigil ako at tiningnan siya.

"Bakit?"

"Bakit ganiyan ang itsura mo? Para kang papatay? Is there something wrong with the name Beatriz?" tanong ni Celine habang titig na titig sakin. Huminga ako ng malalim. Wala talaga along maikukubli kay Celine.

"Beatriz is Jarred ex-girlfriend. Basta naiinis ako!" nangigigil kong saad. Tumawa ng mahina si Celine na may pagtakip pa ng bibig na mukhang pinipigilan ang malakas na tawa.

"Ibig sabihin nagseselos ka kaya ka naiinis." tudyo niya sakin. Inirapan ko siya at hinila siya papasok sa dining area kung saan naabutan ko sina Ate Tessa, si Mom at Dad na naghahanda para sa pananghalian. Ngumiti ako kay Ate Tessa.

"Ate Tessa, she is Celine. My best friend."—binalingan ko si Celine.—"Celine, siya si Ate Tessa, dating kasambahay ni Jarred na pansamantalang nandito para gawin ang mga gawaing-bahay dahil nagkasakit ako." pagpalakilala ko sa kanilang dalawa. Lumapit si Celine kay Ate Tessa at inilahad ang kanang kamay.

"Nice meeting you, Ate Tessa." ani Celine.

"Nice meeting you too, Celine." ani Ate Tessa.

"Asan si Jarred? Para sabay-sabay na tayo kakain." ani Mom.

"Nasa labas po, Tita." ani Celine. Ilang sandali lang dumating si Jarred sa dining area.

"Oh. Nandito ka na pala, iho. Tara kain na tayo!" masiglang paanyaya ni Dad kay Jarred.

"Sige po Tito Samuel. Tara kain na!" aniya at sabay-sabay kaming umupo sa upuang nakatalaga para sa amin.

Habang kumakain, nag-uusap naman sina Dad, Mom, Celine at Jarred. Minsan nakikisali rin sa usapan si Ate Tessa. Tahimik lang akong kumakain, wala akong balak makisali sa usapan nila. Wala ako sa mood para makipagkwentuhan.

"Ayos ka lang, Jasmine? Hindi pa ba bumuti ang pakiramdam mo? Pwede ko naman ipakiusap kay Jarred na huwag ka muna magtrabaho bukas." ani Mom na kababakasan ng pag-aalala sa boses. Mukhang napansin ni Mom ang pananahimik ko. Tumingin narin sa gawi ko sina Ate Tessa, Celine at Dad.

"Tama ang Mom mo, Jasmine." ani Dad. Tiningnan ko muna si Mom bago si Dad.

"Okay lang po ako, Dad and Mom. Kaya ko naman magtrabaho bukas. Nakakahiya na kasi kay Jarred. Ilang araw na akong hindi nagtratrabaho. Umuusad ang araw, Dad." ani ko.

Kitang-kita ko ang pagtatagis ng bagang ni Jarred. Mukhang hindi niya nagustuhan ang sinabi ko. Ngunit, hindi na siya nagkomento pa. Ipinagpatuloy nalang niya ang pagkain. Nagbaba ako ng tingin at ipinagpatuloy ang pagkain. Huminga ng malalim si Mom.

"Okay, anak. Basta sabihan mo lang kami kapag masama ang pakiramdam mo." ani Mom.

Tango nalang ang isinagot ko. Ramdam ko ang tensyon sa paligid. Pero, nagbukas ng topic si Ate Tessa para mawala ang namamagitang tensyon sa paligid. Nang matapos ang pananghalian. Nagpaalam na sina Dad, Mom at si Celine maging si Ate Tessa na maggrogrocery. Naiwan kaming dalawa ni Jarred sa loob ng bahay. Tatalikod na sana ako para pumunta sa kwarto nang tawagin ako ni Jarred.

"Jasmine, pwede ba tayo mag-usap?" napapikit ako.

Ano ang pag-uusapan namin? Tungkol ba ito sa sinabi ko kanina sa hapag-kainan? Bakit ba kasi nasabi ko ang mga iyon. Letseng selos kasi ito! Hindi ko dapat ito nararamdaman pero kahit anong gawin ko. Nararamdaman ko pa rin.