Chapter 29
Chandee's Pov
Ang daming nagtatanong kung kailan pa kami nagkaroon ng relasyon ni Kapitan ngunit wala akong masagot. Hanggang ngayon kasi hindi parin ako makapaniwala na may relasyon na nga kami.
Tumingin ako kay Kapitan na abala ngayon sa pagtingin sa tubig. Nabanggit ko kasi sa kanya na maaaring galing sa tubig dito sa sapa ang sakit.
Pagbalik namin sa Sittio Batuan ay pinatawag ni Kapitan ang lahat ng mga taga roon. Nang magtungo ang mga tao ay inisplika naman naming dalawa ni Doktor Gilberto ang sitwasyon.
"Para po ito sa kalusugan nating lahat" Sabi ni Doktor Gilberto sa mga tao ng matapos nitong iesplika kung bakit kailangan itigil ang pagkuha ng tubig sa sapa at gawing inumin.
Dahil alam naman nila na galing ako sa ibang mundo ay sinabi ko rin sa kanila kung ano ang mga sakit na makukuha nila sa pag inom ng kontaminadong tubig.
"Ang laking abala nito sa'min ngunit anong magagawa namin kung hindi kami susunod ay maaaring malagay sa peligro ang mga buhay namin" Sabi naman ng isang Ale.
"Huwag po kayong mag alala sasabihin namin sa Pinuno na ipaayos ang mga poso dito sa Sittio upang may pagkuhanan kayo ng mas malapit na makukuhanan ng tubig" Sabi ni Kapitan
"Ngunit kapitan ilang beses ng pinaayos ang mga poso ngunit lagi lang natutuyo. Maging ako ay nagpahukay narin ng sarili kong magagamit na poso dahil may katandaan na ako at hindi na kayang umigib sa malayo. Ngunit maruming tubig parin ang inilalabas nito na kahit panligo ay hindi magagamit" Sabi naman ng isang matanda
Alam ko rin ang problemang ito ng Sittio Batuan. Marami ngang mga poso at balon pero walang mga tubig.
"May gusto po sana akong suhestiyon upang bumalik tayo sa dati na pwedeng pagkuhanan ng tubig ang sapa" Sabi ko
"Ano po iyon binibini?" Tanong ng karamihan sa'kin
"Ang sabi po kasi namin kanina ay huwag ng kukuha ng tubig na iinumin sa sapa di po ba?" Sabi ko. Umoo naman sila. "Paano po kung isara nalang muna natin pansamantala ang sapa at hayaan pagalingin siya?" Sabi ko
"Ano po ang ibig niyong sabihin na isara siya? Saan kami maliligo at maglalaba?" Sabay sabay na tanong nila
"Ang balak ko po sana ay pagalingin muna ang sapa para makakuha ulit tayo ng tubig na pwedeng inumin. Ibig sabihin wala munang maliligo at maglalaba sa sapa. Napaka importante po ng malinis na inuming tubig. Alam ko rin po na malaking sakripisyo ito sa inyong lahat kaya naman gusto kong marinig ang opinyon niyo. Ang sinabi ko po ngayon ay walang saysay kung hindi kayo papayag. Nasa inyo pa rin po ang desisyon at ang sinabi kong ito ngayon ay opinyon ko lamang" paliwanag ko
"Naiintindihan kita binibini at maganda ang nais mong mangyari, ngunit sa tingin ko ay mas mahihirapan kami kapag isinara ang sapa. Maraming tubig ang ginagamit sa bawat bahay dito. Sa sapa lahat kinukuha at may kalayuan din ang sapa kaya naman doon na namin ginagawa ang pagligo, paglalaba para mabawasan ang iniigib namin. Kung isasara ang sapa at wala ng makakakuha ng tubig doon ay mas malaking perwisyo samin" Sabi ng isang residente. Sumang ayon naman ang lahat sa sinabi nito
"Naiintindihan ko po kayo, siguro nga mali ako dahil masyado akong natutok sa kagustuhan kong may mainom kayo ng malinis na tubig. Hindi ko naisip na malayo ang lalakarin niyo at magpapabalik balik pa kayo sa pag iigib para lang makaligo at makalaba kayo. Mas maige nga kung tubig na inumin nalang ang poproblemahin niyong igibin. Ang sinabi ko po kanina ay opinyon ko lang naman. Gagawa nalang po siguro tayo ng alternatibong paraan upang mapadali ang pagkuha niyo ng malinis na inumin."
"Eh kung magdala nalang kayo ng tubig dito? Babayaran nalang namin kada galon yung tubig tutal ay pang inom at pagluto lang naman ang kailangan namin" Suhestiyon ng isang residente. Sumang ayon naman ang iba sa kanya maliban lang sa mga mahihirap na walang pambayad.
"Paano naman kaming walang pambayad? Hindi ba pwedeng rasyonan nalang din kami ng walang bayad?" Tanong naman ng isang residente
"Hindi maari iyon parepareho tayong nahihirapan sa tubig kung ano dapat ang babayaran namin ay ganoon din ang babayaran niyo" sagot ng isang residente sa katabi nito
"Masyadong malayo ang lugar namin dito para magrasyon ng tubig. Tutal ay handa naman kayo na magbayad sa mga tubig ninyo bakit hindi nalang kayo umupa ng tao na mag iigib ng tubig para sa inyo?" Sabi ni Kapitan. Nagpalitan naman ng kuro kuro ang mga residente
Nagtaas ng kamay ang isang binatilyo kaya naman pinakinggan namin ang nais niyang sabihin.
"Maaari po akong mag igib ng tubig nila, ngunit kailangan po nila akong bayaran sa serbisyo ko." Sabi nito
"Magkano naman ang babayaran namin sa isang galon na tubig?" Tanong ng Isang residente
"Hindi po ako magbibigay ng halaga yung kusang loob lamang po ninyo ang hihingin ko sa inyo bilang tulong narin po dahil parepareho po tayong nahihirapan sa tubig" napangiti naman ako sa sinabi ng binatilyo
"Baka naman kapag nagpa igib kami ng umaga sa'yo ay makarating na ng hapon" Sabi naman ng isang Ale
"Gagawin ko po ang makakaya ko para maibigay agad ang mga tubig niyo" Sagot ng binatilyo
"Dapat ay may gareta ka na magdadala sa mga galon, hindi pwedeng isa o dalawang galon lang ang mabibitbit mo lalo na malayo ang kuhanan ng tubig" Sabi ni Kapitan
"May gareta po ang aking Ama na ginagamit niya noon na pangkuha sa mga kahoy" Sabi ng bata
"Kung ganoon ikaw na ang mag igib ng tubig namin" Sabi ng mga residente
Nang matapos na kami sa pakay namin ay pinauwi na ni Kapitan at Agustin ang mga kasama namin. Sumabay narin si Doktor Gilberto sa kargo na sinakyan namin kanina habang ako naman ay pinasakay ni Kapitan sa dala nitong kabayo.
Bago kami umuwi ay kinausap pa ni Kapitan ang binatilyo kanina. Sinama niya kami sa tahanan niya at pinakita ang gareta nito. Sakto lang naman ang laki ng gareta at maayos naman pati ang mga gulong. Ang pinag aalala ko lang naman ay ang bigat ng dadalhin niya. Wala itong kabayo o kalabaw na hihila sa gareta at ang payat na katawan lang nito ang hihila doon.
"Siguradong maraming residente ang magpapa igib sayo kayanin kaya ng katawan mo?" Nag aalang tanong ko kay Elmo
"Kahit po payat ako malakas po ang katawan ko. Kakayanin ko po para sa pamilya ko. Magiging malaking tulong po ang trabahong ito sa'min" sagot nito
"Huwag po kayong mag alala magtutulungan po kaming mag ama. Wala rin po akong trabaho ngayon baka ito na ang pagkakataon ko para kumita" Sabi naman ni Mang Ronnel na Ama nito
"Hindi pumasok sa isip ko na magiging biyaya din samin ang trahedyang ito, sana ay mawala ng tuluyan ang pagsakit ng tiyan ng lahat" Sabi naman ni Aling Lourdes na Ina ni Elmo
"Kayo po ba hindi nakaramdam ng pananakit ng tiyan?" Tanong ko kay Aling Lourdes
Umiling ito. "sa awa ng Diyos hindi niya hinayaan magkasakit kami. Bago pa kumalat ang sakit na iyan ay may naka imbak na kaming tubig. Ugali na namin mag imbak ng tubig para sa loob ng Isang linggo. Hindi namin alam na yun na pala ang huling makukuhanan namin ng tubig ang sapa. Wala kaming alam na tubig sapa pala ang sanhi ng pagkakasakit ng tiyan ng aming mga kapitbahay" sagot nito
"Napaka buti po talaga ng Panginoon" nakangiting sabi ko
"Totoo yan binibini, hindi niya tayo pababayaan basta manalig lang tayo sa kanya" Sabi pa nito
"Amen" tanging nasabi ko
Nagpaalam narin kami ni Kapitan sa mag anak. Nalaman ko na gustong makita pala talaga ni Kapitan ang garetang gagamitin ng bata kung meron man ito. Balak daw sana niyang ibigay ang isang gareta na nasa bahay kung wala itong gagamitin. Gusto din sana ni Kapitan na may makasama si Elmo para may kasalitan ito. Mabuti nalang at nagprisinta na ang Ama nito. Mukhang malakas naman ang pangangatawan ni Mang Ronnel at naniniwala ako na makakayanan nitong hilahin ang gareta para sa pamilya niya.
****
Magkasabay at walang kibuan kaming naglalakad ni Kapitan pagpasok namin sa tarangkahan. Parang ngayon palang pumasok sa sistema ko yung nangyari kanina.
"Uhm mauna na ako" basag ko sa katahimikan sabay turo kung saan banda ang silid ko
"Sabay na tayo pareho lang naman ang dadaanan natin" Sabi naman niya
"Uhm ano kasi magpapahanda pa ako ng panligo ko kay Glenda, maraming salamat sa pagtulong sa'min ngayong araw" mabilis na sabi ko at nag bow sa kanya bago nagmadaling umalis
"Sandali binibini!" Tawag pa nito pero hindi ko siya pinansin.
Habol ang aking hininga ng makarating ako sa aking silid. Naabutan ko doon si Glenda na nagtutupi ng aking mga damit.
"Nandito ka na binibini nagkita ba kayo ni kapitan?" Masiglang salubong nito sa'kin
Tumango ako at naglakad patungo sa mga upuan at umupo.
"Bakit mo ba sinabi sa kanya kung nasaan ako, ano ba sinabi niya?" Tanong ko at tinupi ang isang damit na nandoon
"Tinanong po kasi niya ako kanina binibini hindi ka pa daw ka niya nakitang nag almusal at lumabas, inakala niyang natutulog ka pa kaya sinabi ko na maaga kang umalis at nagtungo sa pagamutan" sagot nito
"Ahh" tumatango tangong sabi ko
"Bakit binibini may nangyari ba?" Usisa nito
Pilit akong tumawa "ano naman ang pwedeng mangyari? Pinuntahan lang naman niya ako at tumulong din siya sa'min" Sabi ko
"Si Kapitan talaga walang kapaguran" sabi niya na umupo sa tabi ko at tinuloy ang tinutupi "alam mo ba na wala pang tulog si Kapitan? Sumama pa siyang nag patrolya kagabi kina Pablo at nakauwi nalang sila ng alas tress ng madaling araw. Nung lumabas naman ako ng alas kwatro nakita ko naman siyang nagkakape. Tumulong pa nga siya kay Mang Silverio sa pagsisibak ng kahoy" kwento nito
Napaisip naman ako na pareho lang naman kaming hindi nakatulog. Ang pagkakaiba lang siya meron ginagawa ako nakahiga. Bigla tuloy akong nakaramdam ng antok ngayon.
"Pwede mo ba akong ipaghanda ng tubig panligo? Ako na bahala dito sa tupiin. Nanlalagkit na kasi ang pakiramdam ko" pakiusap ko kay Glenda
"Sige po binibini lalagyan ko rin ng mga bulaklak para mas guminhawa pakiramdam mo" nakangiting sabi nito
Nginitian ko naman din siya at nagpasalamat. Tinuloy ko na ang mga natitirang tupiin pag alis ni Glenda. Habang nagtutupi bumabalik sa isip ko ang nangyari kanina. Ano na ba ang lagay namin ngayon ni Kapitan? Magkasintahan na ba kami kahit wala akong sinabi? Maaari bang maging batayan ang pagtugon ko sa mga halik niya para masabing kami na o kailangan ko pa talagang sabihin sa kanya ang nararamdaman ko para sa kanya?. Naguguluhan ako. Kami na ba talaga o hindi pa? Maaari rin kasing walang kahulugan yung nangyari kanina, hindi nga niya ako kinibo kaninang naglalakad kami. Ayoko naman mag assume na kami na lalo na't wala naman pag uusap na nangyari sa pagitan namin. Tama. Ikokonsidera ko nalang ang nangyari kanina na wala lang. Kakalimutan ko nalang na nangyari iyon.
*****