Chapter 5: First Mission

Araw ng Miyerkules.

Sir Caspian Dimitri Laurier: Wala ako ngayon. May pinuntahan akong seminar. Ibinilin ko kayo sa iba niyong teacher. Ang pumasok may +10 sa quiz sa Biyernes.

Nakatitig lamang ako sa chat ni Sir Caspian sa aming gc habang iniisip kung papasok ba ako o hindi.

"Huwag kang pumasok. Hindi naman iyon kawalan." Napalingon ako sa nagsalita at nagulat nang makita ko ang itsura nito.

Sino nga ba ang hindi magugulat kung bigla kang kinausap demonyo diba? Take note, kamukha mo pa. Nakasuot pa siya ng revealing na dress na kulay pula at itim. Nagulat ako nang makitang may cleavage siya. Napahawak ako sa dibdib ko saka nagsalita.

"Bakit may dibdib ka? Ako nga wala e." sabi ko sa kanya pero ngumisi lang siya sa akin.

Hindi niya sinagot ang tanong ko. "Huwag kang pumasok. Sigurado naman akong mapeperfect mo ang quiz."

"Pero kasi mas magan------" naputol ang pagsasalita ko nang ilapat niya sa aking labi ang hintuturo niya.

"Alam kong ayaw mo ring pumasok. Kaya wag ka nang pumasok. Sundin mo ang gusto mo."

Hay sige na nga. Magsasalita na sana ako nang may lumitaw sa kanan ko.

"Hoy! Huwag mo ngang demonyohin iyan!"

sigaw ng pamilyar na boses.

Katulad ng demonyo sa kaliwa ko ay kamukha ko rin siya. Siya naman ay nakasuot ng puting dress. Kung yung demonyong ako ay revealing dress ang suot, siya naman ay balot na balot ang katawan. Hindi ba siya naiinitan diyan? Ang init kaya dito sa Pilipinas.

Lumingon siya sa akin at ngumiti.

"Hello! Sorry kung late ako. May inasikaso pa kasi ako. Pero don't worry! Ililigtas kita sa pangdedemonyo sa iyo ni Aspen."Napangiwi ako nang marinig ang pangalan ko. Pero teka bakit may dalawang Aspen akong nakikita? Hindi kaya nababaliw na ako? Ilang beses akong kumurap at pinukpok ang aking ulo pero ganoon pa rin. Mukhang malakas ang epekto ng pagkakasabunot sa akin kahapon.

Naririnig ko pang nagtatalo yung anghel at demonyo pero hindi ko na pinansin iyon at naglakad na lang papunta sa aking dingding na gawa sa pader saka inumpog ang ulo ko sa pader. Nakaramdam ako ng hilo pero hindi ko na pinansin iyon at tiningnan na lang kung nandoon pa rin yung dalawa. Nandoon pa rin sila at mukhang maglalaban na sila dahil pareho silang may espada na hawak. Iuumpog ko sana ulit ang aking ulo nang may kumatok at nagsalita.

"Aspen? Papasok ka ba ngayon?" Dinig kong tanong ni Demi. Agad naman akong naglakad papunta sa pinto upang pagbuksan siya. Mukhang papasok siya dahil nakasuot siya ng uniform. Buti pa siya hindi tinatamad. Nakita kong sumisilip siya sa loob kaya naman nagsalita na ako.

"Ewan ko e. Hindi ko pa kasi alam kung papasok ako o hindi." sagot ko sa kanya pero hindi niya ako pinansin dahil panay ang silip niya sa loob ng kwarto ko.

"Ano bang sinisilip mo riyan?" Hindi kaya nakita na niya yung dalawang Aspen na nagtatalo? Nilingon ko kung saan yung dalawa kanina at napabuga ako ng hangin nang makitang wala na sila. Mabuti na lang at hindi sila nakita ni Demi.

"Wala naman pero kanina kasi may naririnig akong parang nag-uusap e. May kausap ka ba?" tanong niya. Tumango ako bilang sagot.

"Ah oo e si Riz kausap ko." Palusot ko.

"Bakit daw?" Bakit pati iyon kailangan niyang malaman? Mag-iisip sana ako ng panibagong palusot nang tumunog ang cellphone ko. Mukhang may nagtext sa akin. Pasasalamatan ko kung sino ang nagtext dahil iniligtas niya ako. Napahinga ako nang maluwag saka tinignan kung sino ang nagtext.

+6392037835679

Huwag kang pumasok. May pupuntahan tayo ngayon. Magkita na lang tayo sa gate ng school.

Mukhang si Colden ang nagtext sa akin. Paano ko nasabi? Bukod kay Riz ay si Colden lang naman ang nakakaalam ng number ko. Imposibleng si Riz ang nagtext dahil kapag nagtetext ang isang iyon ay hindi nawawala ang emoji o kaya ang emoticon sa dulo.

Agad akong lumingon kay Demi. Nagtatakang tinignan niya ako. Nginitian ko siya. "Hindi na pala ako papasok. Nagtext kasi sa akin si Colden. May pupuntahan daw kami."

Tumango siya. Mabuti na lang at hindi na siya nagtanong pa. "Ah. Sige aalis na ako. May niluto na akong sinangag kanina dahil marami ang natirang kanin kagabi. Nagluto na rin ako ng hotdog. Kumain ka bago umalis."

"Sige. Salamat." Pagkatapos kong sabihin iyon ay nag-ayos na rin ako. Naisipan kong magsuot na lang ng white t-shirt at dark blue jeans. Nagdesisyon akong magsuot na lang din ng white sneakers. Kumain na rin ako bago umalis.

7:15 am na nang makarating ako sa school. Medyo natagalan ako dahil may aksidenteng nangyari kaya traffic. Hindi na rin kasi ako nagdala pa ng bike dahil sinabi sa akin ni Riz na may sasakyan kaming gagamitin kanina nang magtext ako sa kanya.

Nakasimangot na mukha ni Colden ang sumalubong sa akin nang makarating ako. "Late ka ng 15 minutes." Mukhang ako na lang ang hinihintay nila.

"Aspen! Dito ka! Tabi tayo." Aya sa akin ni Riz kaya napangiti ako. Maglalakad na sana ako nang marinig kong magsalita si Athena.

"Psh. Paimportante." Binangga niya pa ako sa balikat bago naunang maglakad.

Nang makaupo ako ay bumulong sa akin si Riz. "Grabe talaga yang si Athena. Sa susunod kapag napuno na talaga ako, sasabunutan ko talaga yang babaeng yan."

Nginitian ko siya. Gusto ko rin sanang gawin iyon kaya lang ayoko nang makipag-away. Baka magpakita na naman yung anghel at demonyo na kamukha ko. Katakot kaya iyon.

Napatingin si Kright sa suot ko saka nagsalita. "Dapat ay hindi ka nagsuot ng ganyang damit." Saka ko lang nakita ang suot nila. Lahat sila ay nakasuot ng kulay itim na damit maliban sa akin.

"Bakit naman?" Tanong ko pero umiling lang siya.

"Malalaman mo mamaya." sabi niya sa akin.

Makalipas ang dalawang oras nang huminto kami sa isang nakakatakot na bahay. Yung parang sa mga horror movies. Mukhang panahon pa yata ng mga Kastila nang itayo ang bahay na ito.

Bukod doon, may mga nakikita rin akong mga lalaking may hawak na mahahabang baril na siyang nakadagdag ng panibagong takot sa akin.

Natatakot kong kinalabit si Kright.

"Ano bang ginagawa natin dito?" Mahigpit na rin akong kumapit sa kanyang braso dahil talagang nakakatakot ang bahay.

Nilingon ako ni Kright. "Bahay ito ng isang kilalang druglord na si Rogelio Suarez."

"D-druglord? Hindi ba't dapat mga pulis ang manghuli sa mga ganyan?"

Ngumiti si Kright. "Ano pang silbi ng pangalan ng grupo natin di ba? Isa pa, pinadala kami ni Big Boss dahil nalaman namin na nandito ang Crystal of Wind. Mabuti na lang at hindi alam ni Rogelio na may taglay na kapangyarihan ang batong hawak niya."

"So kukunin ninyo ang Crystal of Wind? Pero bakit pati ako isinama ninyo?" tanong ko.

"Basta." Tipid na sagot niya sa akin. Magsasalita na sana ako nang takpan niya ang bibig ko.

"Mamaya ka na magsalita. May importanteng sasabihin si Pres." pagkatapos niyang sabihin iyon ay tumikhim si Colden.

"Ang misyon natin ngayon ay ang kunin ang Crystal of Wind at hulihin si Rogelio Suarez. Athena at Kright, ang gagawin ninyo ay patumbahin ang mga haharang sa amin." Tumango sila. "Jethro, katulad ng dati, kailangan mong mag-stay dito para tulungan kami." Napaungol bilang pagtutol si Jethro.

"Nach, kailangan mo ring mag-stay dito bilang look out. Si Ethan ang kukuha ng Crystal of Wind samantalang kami ni Riz ang huhuli kay Rogelio." So anong gagawin ko dito? Nagtaas ako ng kamay kaya napatingin sa akin si Colden.

"E ako? Anong gagawin ko dito?" Tanong ko pero parang pinagsisihan ko na nagtanong pa ako dahil ngumisi siya sa akin.

"Ikaw? Hmmm...." Umakto pa siyang nag-iisip saka ngumisi ulit. Ang creepy niya.

"Ikaw ang magdidistract sa mga tauhan ni Rogelio Suarez." Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya.

"Ako? Magdidistract sa mga kalaban? Hindi ba't sina Athena at Kright ang bahala doon?" Tanong ko.

"Hindi pwedeng makakuha tayo ng atensyon habang ginagawa natin ang misyon. Ang trabaho nina Athena ay ang patumbahin ang kalaban na haharang sa amin. Kapag nakuha natin ang atensyon ng mga kalaban ay mas mahihirapan tayong gawin ang misyon."

Napasimangot ako. "Ayoko! Ni hindi nga ako marunong makipaglaban e! Saka wala rin akong superpowers tulad ninyo! Kaya it's a no-no for me!" Maya maya ay nakita kong parang sinenyasan ni Colden si Riz saka ito tumango. Bigla na lang akong nakaramdam ng hilo at may narinig na boses ng babae. Napakahina nito at napakalambing kaya naman talagang nakakaantok.

'Sundin mo ang utos ni Colden.'

'Sundin mo ang utos ni Colden.'

'Sundin mo ang utos ni Colden.'

Paulit ulit iyon hanggang sa nararamdaman ko ang sarili kong tumatango. Kitang kita ko ang pagngisi ni Colden. Tumingin siya sa akin saka sumenyas ng go signal.

Naglakad ako papunta sa abandonadong bahay. Nang makalapit ako sa gate ay parang bumalik ako sa aking sarili. Nanlaki ang aking mata saka sinubukang tumakbo papunta sa van pero wala na iyon. Napabuntunghininga ako saka naglakad na lang papasok sa bahay. Nangangatog ang aking mga tuhod habang naglalakad. What if bigla akong barilin dito?

Naririnig ko ang pag-uusap ng mga lalaki.

Mas lalong nangatog ang mga tuhod ko nang makita ang mga baril nila. Kaya mo to Aspen. Yung dagger nga ni Colden nailagan mo, yun pa kayang mga bala na kaya kang patayin sa loob ng ilang segundo?

Mangiyak-ngiyak ako habang naglalakad. Yun na nga e! Sa dami nila ay malamang na mapapatay nila ako! Napatingala ako sa langit. Lola, ganoon niyo na ba ako ka-miss para mapunta dito? Susunod naman po ako e, ayaw ko lang na sa ganitong paraan ako mamamatay. Mas gusto ko yung matutulog ako tapos paggising ko tumatagos na ako sa pader.

"Hoy! Anong ginagawa mo dito?" Napatingin ako sa isang lalaki na salubong ang mga kilay habang naglalakad papunta sa akin. Patay! Nakita na nila ako!

Hindi ba't yun naman talaga ang gagawin mo, ang kunin ang atensyon ng mga kalaban? Napakaboba mo naman Aspen. Dinig kong sabi ng isip ko. Mukhang baliw na ata ako.

Alanganin akong ngumiti sa lalaki.

"H-hello hehe."

Nanatiling nakasalubong ang mga kilay niya. Tatakbo na talaga ako.

"Anong ginagawa mo dito? " Ulit niya.

Tumingin ako sa paligid habang nag-iisip ng palusot. Napangiti ako nang may makita akong malaking eco bag. Kinuha ko iyon saka lumapit ulit sa lalaki.

"Hi! Ako nga pala si Ara. Nagtitinda ako ng mga ..." Tiningnan ko ang loob ng eco bag. ".... beauty cosmetics."

"Bakit dito ka nagtitinda? Walang babae dito." Tanong niya. Huminahon na rin ang kanyang mukha.

Nag-isip ako ng palusot. "Kasi marami nang nagtitinda doon e kaya naisipan kong dito na lang magtinda. Pero kung walang babae dito, kayo na lang ang bebentahan ko." Nagsalubong ulit ang kilay niya! Lagot!

"Pinagloloko mo ba ako? Hindi ako bakla." Nataranta ako nang makitang hinawakan niya ang kanyang baril.

"Bakit? Para lang ba sa mga babae ang beauty cosmetics? As long as kailangan mo nito, pwede kang gumamit nito!" Sige pa Aspen, galingan mo pa ang pang-uuto sa kanila.

Hinila ng lalaki ang neckline ng damit ko. "Sinasabi mo bang pangit ako?!" Muntik na akong mahimatay sa baho ng hininga niya.

"Hinde hehehe" kumalma siya nang kaunti. "Pero kailangan mo nito." Muli na namang bumalik ang nakakatakot niyang mukha. Waaah! Help!

"Teka lang! Bago ka magtransform, may sasabihin muna ako."

"Ano yon?" Ngumiti muna ako bago magsalita.

"Hindi ka pangit pero kung gusto mo, pwedeng magkaroon ng improvement yang mukha mo!"

"Paano?" Curious na tanong niya. Mukhang gusto niyang magmukhang artista.

Nginitian ko ulit siya saka itinaas ang hawak kong eco bag. "Ito oh! Ang mahiwagang beauty cosmetics!" Ginaya ko pa ang boses ni Doraemon. Kinalkal ko ang eco bag at inilabas ang una kong nadampot.

"Lipstick?" Patay! Mukhang galit na naman siya.

"Hindi lang ito basta-bastang lipstick no! Kapag ginamit mo ito, magiging kissable lips yang labi mo!" pang-uuto ko sa kanya.

"Talaga? Kung ganon ay bibili ako niyan. Ang itim na kasi ng labi ko e." Maya-maya lang ay sumigaw siya. "Mga pare! Hindi na natin kailangan magparetoke! May solusyon na para sa mga itsura natin." Dahil sa sigaw niya ay napalingon ang mga kasamahan niya.

Lumapit ang mga kasamahan niya.

"Anong kagaguhan ang pinagsasabi mo riyan Lito?" Seryosong sabi nung isang lalaki. Malaki ang katawan niya.

Tuwang-tuwa si Lito. Mukhang excited siya magkaroon ng glow up.

"Tangina pare! Magiging pogi na ako!"

Napakunot ng noo yung lalaki. Mukhang ayaw niyang maniwala kay Lito.

Maya-maya pa ay naramdaman kong inakbayan ako ni Lito.

"Siya! Siya ang pag-asa natin!" sabi niya.

Taas noong lumingon ako sa kanila.

"Oo! Ako ang pag-asa ninyo! Kapag ginamit ninyo ang mga produkto ko, tiyak na hahabulin kayo ng mga chix!"

Lumiwanag ang itsura nilang lahat. Kasama na yung lalaking malaki ang katawan.

"Sige! Ipakita mo sa akin yang mga produkto mo!"

Nag thumbs up ako sa kanya. "Okay!"

2 HOURS LATER

".... kapag ito ginamit niyo, kikinis ang bal---" naputol ang pagsasalita ko nang may narinig akong sumigaw.

"Hoy! Ikaw pala ang kumuha ng mga paninda ko!" Nanlaki ang mata ko sa narinig ko. Patay! Buking na ako.

Tumayo si Oca. Siya yung lalaking may malaking katawan. "Anong sinasabi mo? Hindi mo ba kasamahan itong si Ara?"

Umirap yung babae. "At paano ko naging kasamahan yang magnanakaw na yan?!" Sinamaan niya ako ng tingin.

Tumayo na rin yung iba. Nagpatuloy naman sa pagtatanong si Oca.

"Ibig sabihin hindi mo kilala si Ara?"

Mas lalong sumama ang tingin sa akin ng babae. Mukhang double dead ako.

"Siyempre hindi!" Sabi ng babae. Kinuha niya ang mga paninda na nasa harap ko saka umalis.

Napaatras ako nang makitang lahat sila ay masamang nakatingin sa akin. Alanganin akong ngumiti sa kanila.

"Uy, baka pwedeng pag-usapan natin ito. Hehehe"

Napalunok ako nang makitang hawak na nila ang kanilang mga baril. Nagsimula na rin akong magdasal nang makitang nakatutok na sa akin ang kanilang baril. Babarilin na sana ako nang may sumigaw na lalaki. Napangiti ako. Salamat at nakaligtas ako. Pero agad na napawi iyon nang marinig ko ang sinabi ng lalaki.

"Putangina! Patay na sina Otep!" Mukhang sina Athena ang may kagagawan niyon.

Nagulat ako nang may humatak sa neckline ng damit ko. Mukhang napalakas ang pagkakasabi ko.

"Kilala mo kung sino ang may gawa non?!" Napangiwi ako nang tumalsik ang laway niya sa akin. Kadiri.

Nag-iwas ako ng tingin. Huhu goodbye Earth. "H-hindi no. Ano bang sinasabi mo riyan?" Sa ngayon ay isa ang naiisip kong solusyon.

RUN

"Narinig kitang bumu---- hoy bumalik ka dito!" Sigaw niya pero hindi ko siya pinansin.

Sumigaw ako pabalik. "Ano ako tanga?! Bakit ako babalik sa iyo?! Hahaha!" Tumawa ako nang tumawa hanggang sa bigla akong nadapa. Ang sakit ng tuhod ko. Pero hindi iyon ang pinoproblema ko, mas pinoproblema ko ang mantsa sa damit ko. Ngayon ay naiintindihan ko na ang sinabi ni Kright. Hindi na talaga ako magsusuot ng puting damit sa susunod na misyon namin. Yun ay kung may susunod pa.

Nanlaki ang mata ko nang may bumuhat sa akin. Sisigaw na sana ako nang magsalita ang bumuhat sa akin.

"Ako to, si Ethan. Hinanap ka namin kasi mahigit tatlumpung minuto ka nang wala." sabi niya habang tumatakbo.

"Nakuha niyo na ang Crystal of Wind?" Tanong ko. Pumikit na lang ako dahil nakaramdam ako ng hilo.

"Oo. Nahuli na rin namin si Rogelio." Maya-maya lang ay naramdaman kong iniupo niya ako. "Ethan bakit ka huminto? Baka mahuli nila tayo." Sabi ko.

Narinig kong tumawa si Ethan. "Haha. Nandito na tayo sa van Aspen." Naidilat ko ang aking mga mata nang marinig ko iyon. Totoo nga. Nandito na ako sa van. Maya-maya lang ay naramdaman kong tumulo ang luha ko.

"Uy, umiiyak ka ba?" Naramdaman kong niyuyugyog ni Riz ang balikat ko.

Nilingon ko si Riz. "Ikaw kaya habulin ng mga lalaking may baril, matutuwa ka ba?" sumisinghot na tanong ko.

"Sabagay, ganoon din ako noon e. Pero kapag matagal ka na dito, masasanay ka rin." Sabi niya sa akin.

Hapon na nang makabalik kami dahil naisipan namin na kumain muna bago umuwi.

"Bye Aspen!" kumaway sa akin sina Riz at Kright sa akin kaya kumaway din ako pabalik. Mukhang nandito na si Demi dahil nakabukas ang ilaw. Kukunin ko sana ang susi ko nang biglang bumukas ang pinto. Mukhang nakalimutan niyang i-lock ito.

Magsasalita na sana ako pero hindi ko nagawa dahil pakiramdam ko ay naging manhid ang katawan ko. Kitang kita ko ang mga bato na nakalutang sa hangin. Kitang kita ko rin kung paano kinontrol ni Demi ang mga bato. Kumurap ako ng ilang beses pero nandoon pa rin ang mga batong nakalutang. Bigla kong naibagsak ang bag ko dahilan para mapalingon si Demi sa akin.

Gulat na gulat ang itsura ni Demi nang makita niya ako. "N-nandito ka na pala.."

Bakit ba ako napapalibutan ng mga abnormal na tao?