Chapter 9 First Part MAID OF CEO

Napakunot-noo si Cassey ng madatnan ang kaniyang magulang na sina Odessa at Garry Jimenez sa salas na para bang pinagsakluban ang mga ito ng langit at lupa dahil sa lungkot na nakahugot sa mukha ng mga ito. Kakauwi niya lang galing Law Firm na pag-aari niya. Mas pinili niya ang kumuha ng Kursong Law kaysa Business dahil doon siya masaya. Wala kasi sa isip niya ang pagnenegosyo. Sumang-ayon naman ang kaniyang magulang sa desisyon niya. Masaya naman siya dahil suportado siya ng mga ito. Nilapitan niya ang kaniyang ama saka tinabihan. Hinawakan niya ang kamay nito na naging dahilan para mapatingin ito sa kaniya.

"Anak, Cassey," anito sa mahinang boses.

"Dad, bakit?" tanong niya sa nag-aalalang boses. Ngayon lamang niya nakitang malungkot ang mga ito. Masayahin kasi ang kaniyang magulang at hindi niya lubos akalain na makikita niya ang mga ito na ganito.

"Anak, patawarin mo kami," anito na hindi nakaligtas sa kaniyang paningin ang luhang dumaosdos sa pisngi nito. Sumikdo sa kaba ang kaniyang dibdib dahil doon. Kapag umiyak na ang kaniyang ama katunayan lang na mabigat ang dinadala nito.

"Bakit, dad? Ano ba ang nangyayari?" naguguluhan niyang tanong at napatingin sa kaniyang ina na kakikitaan din ng lungkot ang mga matang nakatitig sa kaniya. Malalim itong napabuntong-hininga na para bang kay bigat ng dinadala.

"Nagkaroon kami ng utang kay Vinn Tuazon," tugon ng kaniyang ina.

Nanlalaki ang kaniyang mga mata sa gulat. Hindi maaari! Sila magkautang kay Vinn? Ganoon na ba kalugmok ang kanilang kompanya para magkaroon sila ng utang sa binata? Huminga siya ng malalim at pinanatiling kalmado ang sarili.

"So, paano daw natin iyon mababayaran?" tanong niya. Sabagay, nadadaan naman sa usapan ang utang nila. Hindi niya maiwasang kabahan sa kung paano siya titigan ng kaniyang ina.

"Ikaw ang kabayaran anak, pagsisilbihan mo siya sa mansiyon niya. Iyon ang napag-usapan namin," Nanlalaki ang mga mata niya at napatayo na rin siya sa kinauupuan dahil sa pagkagulat.

"Hindi pwede mom! Kung kinakailangan na hulog-hulugan ang utang natin gagawin ko huwag lang po maging katulong niya," pagmamakaawa niya.

Si Vinn lang naman ang ex-boyfriend niya noong college. Pinagpustahan siya ng mga kaibigan nito para mapasagot siya at hindi niya iyon makakalimutan! Tapos ngayon magiging katulong siya?! No way! Ayaw niya ng makita pa ang binata. Nagbaba ng tingin ang kaniyang ina.

"Patawarin mo ako, anak pero may kontrata kaming pinirmahan," anito.

Napailing-iling siya sa ginawa ng kaniyang magulang. Paano nagawa ng mga ito sa kaniya iyon? Hindi na siya sumagot. Dali-dali na siyang umakyat sa kaniyang kwarto. Iniiyak niya ang lahat ng sama ng loob niya sa magulang niya hanggang sa nakatulugan na lang niya ang pag-iyak.

Nang magising siya, lumabas siya ng kwarto at nagtungo sa kusina. Hindi sinasadyang narinig niya ang usapan ng kaniyang magulang ng makalapit siya sa pinto ng dining area.

"Ano ang kailangan nating gawin, Brandon?" nag-aalalang tanong ng kaniyang ina.

Nahihimigan sa boses nito ang pagkabalisa. Sumilip siya para tingnan ang mga ito. Kitang-kita niya ang namumugtong mga mata ng kaniyang ina. Hindi niya maiwasang ma-guilty. Alam niyang mahirap din para sa kaniyang magulang ang desisyon ng mga ito pero iyon lang ang tanging paraan para maisalba ang kompanya nila.

"Hindi ko alam Ana," sabi ng kaniyang ama na kahit nakatalikod ito sa kaniya ay alam niya nahihirapan din ito sa mga nangyayari.

Napasandal siya sa dingding at naipikit ang mga matas. Siguro naman ito ang tamang pagkakataon para maibalik niya ang utang na loob sa mga ito. Kumuha siya ng Kurso na malayo sa pagnenegosyo pero wala siyang narinig na pagtutol sa kaniyang magulang.

Malugod nila iyong tinanggap kahit na alam niyang walang ibang magmamana sa negosyo kung hindi siya lamang. Pumasok siya sa kusina na ikinagulat ng kaniyang magulang. Napatayo ang kaniyang ina samantala napalingon naman sa gawi niya ang kaniyang ama.

"Anak, patawarin mo kami—" Pinutol na niya ang iba pang sasabihin ng kaniyang ina.

"Tinatanggap ko na po na maging katulong ni Vinn," determinado niyang sabi. Umiling-iling ang kaniyang ina.

"Anak, kakausapin na lang namin si Vinn. Baka sakaling madaan siya sa pakiusap," sambit ng kaniyang ina. Nilapitan niya ito at hinawakan sa mnga kamay at ngumiti.

"Kung ito po ang way para makatulong ako sa inyo ni dad gagawin ko po, mom," aniya sa seryusong boses. Determinado na siyang maging katulong ni Vinn. Hindi niya alam kung ano ang pwedeng mangyari. Bahala na.

Kung anuman ang plano sa kaniya ni Vinn kung bakit gusto nito na maging katulong ay hindi na niya alam. Malalaman na lang niya kapag naroon na siya.

Huminga ng malalim si Cassey ng makarating sa mansiyon na pag-aari ni Vinn. Napangiti siya ng mpait. Malayo na pala ang narating ng binata. Matagumpay at mayamang negosyante na ito. Pinindot niya ang doorbell ng tatlong beses hanggang sa bumukas ang pintuan at iniluwa niyon si Vinn.

Mukhang kagigising pa lang nito. Anong oras na? Baka napuyat sa babae niya. Lumapit ito sa kaniya na may nakapaskil na ngiti sa mga labi. Pinanatili niyang walang emosyon ang kaniyang mukha.

"Nandito ka na pala," anito.

"Malamang nakikita mo na ako e," pabalang niyang sabi pero pabulong lamang iyon kaya hindi narinig ni Vinn ang sinabi niya. Napakunot-noo ito.

"Ano kamo?" tanong nito.

"Ah, wala. Baka pwede mo na buksan ang gate, nangangalay na kamay ko kakabitbit itong bagahe ko," aniya na may pekeng giti sa mga labi. Bumuntong-hininga ito pero pinagbuksan na siya ng gate. Nagulat siya ng bigla nitong kinuha sa kamay niya ang bagahe. Napakagat-labi siya dahil sa ginawa nito.

Oy! Umaayos ka! Tandaan mo ang ginawa niya sa iyo kaya huwag kang nagpapadala sa mga paganiyan-ganiyan niya! Kastigo niya sa sarili saka pumasok na rin sa loob.