Chapter 5 First Part HATE TO LOVE

Hindi maiwasang mapataas ang kilay ni Rachelle ng pumasok sa kaniyang pribadong opisina ng kanilang bahay si Aaron. Nakapaskil ang isang matamis na ngiti sa labi nito. Si Aaron Sandoval ay anak na lalaki ng kaibigan ng kaniyang ama na si Leonard Tadeo.

"Anong ginagawa mo rito? Hindi ba uso sa iyo ang kumatok muna bago pumasok?" pagsusungit niya habang matalim na nakatitig rito. Nagkibit-balikat ang binata at hindi pinansin ang inasal niya.

"Bakit kailangan ko pang kumatok eh may pahintulot naman ako kay Tito Leonard," pagdadahilan nito na naging dahilan para mapabuntong-hinnga siya.

Dalawang taon na silang magkakilala ni Aaron. Ipinakilala ito ng kaniyang ama noong kaarawan ni Mr. Vicencio Sandoval, ang ama ni Aaron. At simula noon lagi siya nitong dinadalaw rito sa bahay para kulitin siyang makipagkaibigan rito.

Hindi naman pwede iyon dahil may kasintahan siya. Seloso pa man din si Jake, ang apat na taon niyang kasintahan. Isa itong manager sa isang kilalang fast food chain sa kanilang bayan. Ang totoo, hindi boto ang mga magulang niya kay Jake at mas gusto ng mga ito si Aaron.

"Ano ba ang kailangan mo?" naiinip niyang tanong. Natawa si Aaron.

"Kailan ka ba magiging mabait sa'kin, Rachelle?" tanong nito na mahihimigan ang lungkot sa boses.

Nakaramdam siya ng konsensiya sa inasal rito pero kailangan niyang gawin iyon para tigilan na siya nito. Ayaw niyang masira ang relasyon nila ni Jake dahil kay Aaron.

"Aaron, noon pa man ay ayaw ko na makipagkaibigan sa'yo di ba? Lalo at may boyfriend ako," may diin niyang sabi. Bumuntong-hininga si Aaron.

"Okay. Siguro itong ipapakita ko sa'yo na larawan ang magiging way para makipagkaibigan ka sa'kin at hiwalayan iyang Jake na iyan," kompiyansiya nitong sabi saka lumapit sa kaniya at inilapag sa mesa niya ang isang envelope na hindi niya napansin na hawak pala nito.

Napakunot-noo siya saka dahan-dahang binuksan ang envelope. Nanlaki ang mga mata niya ng makita ang apat na litrato ng kaniyang nobyo na may kasamang babae at sweet na sweet ang mga ito. Napatayo siya sa galit at inis. Naikuyom niya ang kamao na anumang oras ay makakasapak siya.

"Bwisit na lalaki iyon! Manloloko!" galit na galit niyang sambit. Paano nagawa sa kaniya ni Jake iyon? Ano ba ang wala sa kaniya na mayroon ang babae? Eh para itong walis-tingting sa payat!

"Sabi ko naman kasi sa iyo niloloko ka niya kaso hindi ka naniniwala sa'kin. Kaya gumawa na ako ng paraan para maniwala ka sa'kin. Nag-hire ako ng private detective para subaybayan ang kilos ng kasintahan mong manloloko," sabi nito habang titig na titig sa kaniya. Naasiwa siya sa pagtitig nito.

Hindi maipagkakaila na gwapo talaga si Aaron. Isa rin sa rason kung bakit ayaw niyang makipaglapit rito ay baka makalimutan niyang may boyfriend siya. Hindi naman mahirap magustuhan ito pero pinipigilan niya lang ang sarili dahil nga sa may kasi tahan siya pero ang hudas niloko siya! Lumabas siya sa mesa at nilapitan ang lalaki saka hinila palabas ng opisina niya. Makikita sa mukha ng binata ang pagtataka sa ginawa niya.

"Samahan mo ako sa bahay niya at ipapatikim ko sa kaniya kung paano magalit ang isang Rachelle Tadeo," mariin niyang sambit na ikinangiti ng malapad ni Aaron.

Bago sila pumunta sa bahay ni Jake ay dumaan muna si Rachelle sa isang bakeshop para bumili ng cake. May naisip siyang paraan para makaganti sa kasintahan niyang manloloko. Matapos makabili ay pumunta na siya sa kinapaparadahang ng kotse ni Aaron.

"Ginawan ka na nga ng hindi maganda, bibigyan mo pa ng cake ang lalaking nanloko sa'yo?" hindi makapaniwalang tanong ni Aaron sa kaniya nang makapasok siya sa loob ng sasakyan nito bitbit ang isang box ng cake.

"Syempre, gusto kong mag-celebrate dahil nalaman ko na niloloko lang pala niya ako kaysa naman saka ko lang malalaman na niloloko niya ako kapag kasal na kami," sagot niya. Napakagat-labi siya. Sa totoo lang, nasasaktan siya sa ginawang panloloko sa kaniya ni Jake. Hindi niya akalain na gagawin sa kaniya iyon ng kasintahan.

"Sa tingin mo ba hahayaan kitang makasal sa kaniya? Syempre hindi," sabi ni Aaron na hindi gaanong narinig ni Rachelle dahil pabulong lamang iyon.

"Ano kamo?" kunot-noong tanong niya. Umiling-iling si Aaron at binuhay na ang makina ng sasakyan.

"Wala, iyon. Let's go! I-celebrate natin ang pagkakatuklas mo sa kalokohan ng iyong kasintahan," sigaw nito at pinausad na ang sasakyan.

"Weird," komento niya na ikinatawa ni Aaron.

Nang marating nila ang bahay ni Jake. Nakahiwalay na ang kasintahan niya sa magulang nito este ex-boyfriend na pala. Dahil malaki naman ang sahod nito bilang manager kaya nakapagdesisyon ng magpatayo ng sariling bahay. Hindi alam ni Rachelle kung kailan pa siya nito niloloko. Sinabihan niya si Aaron na hintayin na lang siya sa kotse. Tumango naman ang binata. Lumabas siya ng sasakyan at tinungo ang gate at nag-doorbell. Bumukas ang pintuan ng bahay at iniluwa niyon si Jake. Kitang-kita niya ang gulat sa mukha nito.

"Ra--chelle?" nagkakandautal nitong sabi. Ngumiti siya ng peke. Pumasok na siya sa loob dahil nakabukas ang gate at nilapitan si Jake.

"Oh? Hindi mo ba inaasahan na pupunta ako rito, babe?" malambing niyang sabi pero sa totoo lang gusto na niya itong sugurin at pagsasampalin!

"Hindi naman sa ganoon pero kasi—" Naputol na ang iba pang sasabihin ni Jake ng may sumigaw mula sa loob ng bahay.

"Sweetheart, sino iyan?!" sigaw ng isang babae sa loob na marahil ay si patpatin iyon.

Hindi man maipagkakaila, maganda ang katawan ni Rachelle. Bilogan iyon na bumagay sa tangkad niya. Batak din kasi siya sa gymnasium. Kitang-kita niya ang gulat sa mukha ng babae ng makita siya.

"Oh, narito ka pala Rachelle," sabi nito habang may ngisi sa mga labi. Tiningnan niya si Jake. Kakikitaan ng galit ang kaniyang mga mata habang nakatitig sa lalaki.

"So totoo nga na may babae ka?" aniya at bahagyang natawa. "Paano mo nagawa sa'kin ito Jake?" tanong niya.

Sa totoo lang gusto ng tumulo ang luha niya ng mga sandaling iyon dahil sa kirot pero pinanatili niyang maging matapang. Hindi niya ipapakita rito na nasaktan siya ng sobra. Imbes na si Jake ang sumagot, ang bruha ang sumagot.

"Alam mo ba kung bakit ka niya ipinagpalit? Dahil hindi mo kayang ibigay ang gusto niya kaya ka niya ipinagpalit sa'kin!" pangingielam ng babae. Naningkit ang mga mata niyang napatingin rito. Hinagod niya ng tingin ito mula ulo hanggang paa at saka muling binalingan si Jake.

"Ayos lang. Ang mahalaga hindi ko ipinagkatiwala ang sarili ko sa isang lalaking manloloko!" sigaw niya at dahan-dahang inilabas ang cake mula sa kahon at lumapit sa higad na babae. "May regalo pala ako sa iyo," aniya at itinapal sa mukha nito ang cake. Ngising tagumpay ang iginawad niya ng makita ang reaksiyon sa mukha ng babae.

"Oh my goodd!" histerikal nitong sambit habang tinatanggal ang cake sa mukha nito. Agad namang nilapitan ito ni Jake.

"Anong ginawa mo sa kaniya?!" sigaw nito na mas lalong nagpatindi sa kirot na nararamdaman niya. Mas ipinagtatanggol pa nito ang babae.

"Kulang pa iyan!" aniya at binigyan ng mag-asawang sampal si Jake.

"How dare you!" sigaw nito at akmang pagbubuhatan siya nito ng kamay ng may isang matitipunong braso ang pumigil sa kamay ni Jake.

"At anong karapatan mong saktan si Rachelle," may diin nitong wika na walang iba kundi si Aaron.

Pinilipit nito ang braso ni Aaron na naging dahilan para mapaigik ito sa sakit. Hinila siya ng binata at iginiya patungo sa kotse nito. Pinagbuksan siya nito ng pinto at kaagad naman siyang pumasok. Muntik na siya roon. Paano na lang kung mag-isa niyang pumunta edi nasaktan na siya ni Jake?