Chapter 20 Last Part LOVING MY BESTFRIEND

Nang marating ni Bianca ang bahay ng kaniyang kaibigan sakay ng kaniyang kotse ay dali-dali siyang bumaba at nagtungo sa gate saka pinindot ang doorbell niyon. Ilang sandali lamang ang hinintay niya ng bumukas iyon.

"Vince—" Naputol ang sasabihin niya ng mapagtantong hindi si Vincent iyon kundi ang ina nito na si Dina. Pagkagulat at pagtataka ang rumehistro sa mukha nito.

"Bianca, iha!" anito at agad siyang niyakap. Niyakap din niya ito pabalik. Nang humiwalay ito sa pagkakayakap sa kaniya ay tinitigan siya nito.

"Si Vincent ba ang sadya mo?" tanong nito. Tumango-tango siya.

"Opo, nandiyan po ba siya?" tanong niya. Bumadha ang lungkot sa mga mata nito.

"Mahal mo ba ang anak ko?" tanong nito. Tumango-tango siya.

"Opo, tita. Mahal ko po siya. Mahal na mahal, po. Tita, asaan siya? Kailangan kong magpaliwanag sa kaniya! Kailangan niyang malaman na malaya na kami at malaya na namin maipaparamdam ang pagmamahal namin sa isa't-isa!" aniya sa nasasabik na boses.

Hindi na siya makapaghintay na sabihin rito kung gaano niya ito kamahal. Gusto na niyang makasama ito. Sobrang namimiss na niya ito.

"Anak, papunta siya ngayon sa airport. Pupunta siya sa Albay para doon muna sana lumagi at pagalingin ang pusong nasakta. Sobrang nasaktan kasi siya ng malaman niyang kasintahan mo si Ian," anito.

Hindi niya maiwasang maluha dahil sa sinabi nito. Nang dahil sa kaniya kinailangan pa nitong pumunta sa Albay para lamang makalimutan ang nararamdaman nito para sa kaniya. Ramdam niya na nasaktan niya ito ng sobra. Tinitigan niya ito.

"Susundan ko po siya, tita. Sasabihin ko sa kaniya kung gaano ko siya kamahal. Aalis na po ako, tita! Salamat po," aniya. Kitang-kita niya ang pagliwanag ng mukha nito.

"Mag-iingat ka anak, sana maabutan mo siya!" anito.

"Kung hindi ko po siya maaabutan, handa ko po siyang sundan sa Albay. Ganoon ko po siya kamahal!" sigaw niya na ikinatawa nito.

Wala na siyang sinayang na sandali. Sumakay siya agad sa kaniyang kotse at pinasibad iyon patungo sa airport. Kung galit man ito sa kaniya, gagawin niya ang lahat para mapatawad siya nito. Handa niyang gawin lahat para kay Vincent.

Kanina pa palinga-linga si Bianca sa loob ng airport at hinahanap si Vincent. Hanggang sa narinig niyang tinawag na ang Albay para sa departure. Tiyak na nasa loob na si Vincent at sakay na ng eroplano. Hindi niya maiwasang makaramdam ng pagkadismaya. Nanghihinang napaupo siya sa waiting area habang habol ang hininga. Ayos lang sa kaniya iyon tutal pupuntahan naman niya ito roon. Hindi pa rin niya mapigilan ang maluha dahil hindi niya ito naabutan. Tumayo na siya para sana umalis ng marinig niyang tinawag ang pangalan niya ng boses na gustong-gusto niyang marinig. Naghahalusinasyon ba siya dahil sa gusto niya itong makita?

"Bianca," ulit nito. Napapihit siya paharap sa taong nagsalita para tingnan kung sino ang tumatawag sa kaniya. Laking gulat niya ng makitang si Vincent ang nasa harapan niya. Nanlalaki ang mga mata niya sa gulat. Totoo ba itong nakikita niya? Napapikit pa siya at napadilat para siguraduhin na hindi siya namamalikmata.

"Vincent? Ikaw ba iyan? Totoo ba itong nakikita ko o namamalikmata lamang ako," aniya sa sarili.

Ilang metro lang din ang layo ni Vincent sa kaniya at tiyak na nadinig nito iyon. Ang ibang naroon ay napapatingin na sa kanila pero wala iyon sa kaniya dahil ang mahalaga ay ang lalaking nasa harapan niya. Ang lalaking minamahal niya ng lubusan. Tumawa ito. Nakaramdam siya ng kilig sa tawa nito. Parang musika sa kaniyang pandinig ang tawa nito. Dahan-dahan itong lumapit sa kaniya at nang nasa tapat na ito ay pinakatitigan siya.

"You're here," anito na may ngisi sa mga labi.

"Vincent!" aniya saka niyakap ito ng mahigpit. Niyakap din siya nito pabalik at mas mahigpit iyon. Ramdam niya ang mabilis na tibok ng puso nito. Ramdam din kaya nito ang mabilis na tibok ng kaniyang puso? Nang mga sandaling iyon ay ramdam niyang si Vincent nga iyon.

"Ako nga ito," anito at hinalikan ang kaniyang ulo. Hinarap niya ito dahilan para magkatitigan sila. Napakasarap talaga nitong titigan.

"Paano nangyari iyon? Di ba tinawag na ang Albay kanina? Bakit nandito ka?" nagtatakang tanong niya.

"Nakita kita kanina kaya hindi ako tumuloy. At higit sa lahat ayaw kong mahiwalay sa'yo dahil mas gusto ko na kasama kita. Mas gusto ko na nasa tabi kita. Sobrang namiss kita Bianca," anito habang titig na titig sa kaniya. Tumatalon ang puso niya sa galak ng mga sandaling iyon.

"Namiss din kita. Hiwalay na kami ni Ian dahil napagtanto ko kung gaano kita kamahal. Kung gaano ko kagusto na makasama ka at ikaw ang magiging ama ng mga anak ko. Gusto kong makasama ka habang buhay, Vincent. Gusto ko ikaw ang iharap ko sa altar," aniya at wala na siyang sinayang na sandali.

Lumambitin siya sa leeg nito at hinalikan ito. Nabigla man ito pero tinugon nito ang halik niya ng buong pagsuyo at pagmamahal. Rinig niya ang palakpakan ng mga naroon. Nang maghiwalay ang kanilang labi sabay nilang binigkas ang salitang "Mahal Kita". Nang mga sandaling iyon ay wala na siyang mahihiling pa dahil sa wakas natagpuan na rin niya ang kaligayahan niya.

Abala sa pagluluto si Bianca ng mga sandaling iyon habang hinihintay ang kaniyang maybahay na si Vincent. Simula ng ikasal sila ay binitawan na niya ang propesyon at mas pinagtuunan ng pansin ang kaniyang pamilya. Bale pinarerentahan na lang niya ang kaniyang klinika sa murang halaga. Samantala, si Vincent ay isang matagumpay na businessman at mas napakago pa ang kompanya sa paglipas ng mga taon.

Anim na taon na silang mag-asawa at sa anim na taon na iyon ay ipinaparamdam nito sa kaniya sa araw-araw kung gaano siya nito kamahal. Biniyayaan sila ng kambal na lalaki na sobrang lilikot! Nasa unang baitang na ng elementarya ang dalawa. Malimit na hindi na magkasundo ang dalawa na hindi naman maiiwasan. Kahit ganoon pa man, makikita pa rin ang pagmamahal ng dalawa sa isa't-isa.

Nakarinig siya ng papalapit na yabag na tiyak na si Vincent na iyon. Kilala niya ang mga yabag nito kaya hindi siya tumingin. Nakatutok lamang ang atensiyon niya sa nilulutong Chicken Curry. Hanggang maamoy niya ang pabango nito na katunayan na nasa likuran niya ito. Napangiti siya ng yakapin siya nito mula sa likuran at halikan ang batok niya na naging dahilan para makiliti siya. Maging ang kaniyang buhok ay hinalikan nito.

"Mahal," aniya at napapikit.

"I miss you," anito sa malamyos na tinig.

Pinatay niya ang stove at hinarap ang pinakamamahal na asawa na naging dahilan para mapatitig siya rito. Napaka-gwapo nito sa simpleng pambahay lamang. Ipinalibot niya ang mga kamay sa leeg nito at pinakatitigan ng buong pagsuyo at pagmamahal.

"I miss you too, mahal," aniya sa madamdaming tinig. Akmang ilalapit na nito ang mukha sa kaniya para gawaran ng halik ng biglang may sumigaw.

"Daddy! Mommy!" magkapanabay na wika ng kambal. Huminga ng malalim si Vincent.

"Kung kailan gustong-gusto kitang halikan saka naman dumating ang ating kambal," anito na nakasimangot. Natawa siya at pinisil ang ilong nito.

"Hayaan mo na. Pwede ka naman bumawi mamaya eh," aniya at kinindatan ito. Ngumisi lamang ito at tiningnan na ang kambal na papalapit na sa kanila. Nang makalapit ang mga ito ay nagpabuhat ang mga ito sa kanila. Kagagaling lang ng mga ito sa sa paaralan. Humalik ang kambal sa pisngi nila.

"Kamusta ang pag-aaral?" tanong ni Bianca at Vincent sa dalawa.

"Okay naman po," magkapanabay na sagot ng dalawa.

Pagkatapos nilang kumain ng hapunan ay inihatid na ng mag-asawa ang kambal sa kwarto ng mga ito saka nagtungo sa sariling kwarto. Nakaunan siya sa braso ng asawa ng magsalita ito.

"Mabuti na lang pala nagkaroon ako ng courage na magtapat noon no? Paano na lang pala kung natakot ako o kaya ay hindi ko narealize na mahal kita?" anito at tiningnan siya. Tinitigan siya nito.

"Dahil itinadhana na iyon ang mangyari. Maraming-maraming salamat sa pagiging mabuting asawa. Wala na akong hihilingin pa dahil na sa'kin na ang lahat," madamdamin niyang pahayag habang titig na titig siya sa mga mata nito.

Dahan-dahang inilapit nito ang mukha sa kaniya at sinakop ang kaniyang labi. Tinugon naman niya iyon ng buong init at pagmamahal. Nang mga sandaling iyon, ipinaramdam nila sa isa't-isa ang kanilang pagmamamahal. Nang matapos ang mainit na tagpong iyon ay pinakatitigan siya ng asawa.

"I love you," anito.

"I love you too," aniya.