Chapter 19: Third Part LOVING MY BESTFRIEND

Matapos nilang kumain ay inihatid na siya ni Ian sa kaniyang bahay. Pagkapasok sa bahay ay nakaramdam siya ng pag-iisa. Naiisip na naman niya si Vincent. Umupo siya sa sofa at inihilig ang ulo roon saka ipinikit ang mga mata.

"Hindi ko alam kung bakit mo ako sinasaktan ng ganito," anang isang tinig. Naimulat niya ang mga mata at muntik na siyang mapasigaw sa gulat dahil sa pagkabigla. Mabuti na lang at namukhaan niya kung sino iyon. Walang iba kung hindi si Vincent.

"Vincent! Bakit ka ba nanggugulat ng ganiyan?!" sigaw niya rito. Tinitigan siya nito na may malamlam na mga mata.

"Nakita ko kayo ni Ian kanina na magkasama. Nagseselos ako, Bianca," anito.

Hindi niya mawari pero nakaramdam siya ng kirot sa dibdib dahil baka nagseselos ito dahil bilang kaibigan ay hindi na niya nabibigyan ito ng oras. Di ba ginusto naman niya ito? Ang lumayo kay Vincent? Ayaw niyang makasira ng relasyon.

"Wala kang dapat ipagselos, Vincent dahil may kasintahan ka. At magkaibigan lang talaga tayo," aniya at napakagat-labi para pigilin ang sarili na maiyak dahil hanggang magkaibigan lamang sila.

"Hiwalay na kami ni Cindy. Nakipaghiwalay na ako dahil napagtanto ko na ikaw ang mahal ko at hindi siya. Ikaw ang gusto kong makasama habang-buhay, Bianca," pagtatapat nito sa kaniya.

Bumilis ang tibok ng puso niya sa confession nito. Bakit nito sinasabi ang mga bagay na iyon? Umiling siya. Kasintahan niya si Ian at ayaw niyang saktan ang binata.

"I'm sorry pero kasintahan ko na si Ian, Vincent," aniya. Bagsak ang mga balikat na tumayo ito.

"Kung maaga ko lang napagtanto na mahal kita sana hindi mo na sinagot si Ian," ngumiti ito. "Pero ayos lang iyon. Naiintindihan ko. May mga bagay siguro na hindi para sa'tin. Kahit papaano, magkaibigan pa rin tayo," anito at lumabas na ng bahay. Kitang-kita niya sa mukha nito ang sakit pero wala naman siyang magagawa dahil huli na na maging sila.

"Bakit ngayon lang, Vincent?" tanong niya sa sarili.

Nang gabing iyon ay gulong-gulo siya

Hindi niya alam ang iisipin at gagawin. Sa totoo lang mahal niya ang kaibigan pero ayaw niyang saktan si Ian dahil naging mabait ito sa kaniya. Nang gabing iyon ay pinilit niya ang sarili na matulog. At, sa pagpikit ng kaniyang mga mata ay nakapagdesisyon na siya. Bahala na ang mahalaga sinunod niya kung ano ang tama at kung ano ang dinidikta ng kaniyang puso.

Nang marating ni Bianca ang restaurant kung saan sila magkikita ni Ian ay hindi niya maiwasang kabahan. Nakapag-isip na siya na makikipaghiwalay na siya kay Ian. Sinunod na niya ang dikta ng kaniyang puso. Mas mahalaga sa kaniya si Vincent at ito talaga ang tinitibok ng puso niya. Huminga siya ng malalim at pumasok sa loob. Nakita niya si Ian di-kalayuan kaya agad niya itong nilapitan. Nang makita siya ay agad itong tumayo.

"Good morning!" bati nito sa kaniya.

"Good morning din," ganting-bati niya rito. Ipinaghila siya nito ng upuan na kaagad naman siyang umupo. Nang makaupo sila pareho ay ibinigay nito sa kaniya ang menu.

"Mag-order ka na," anito na tinugon naman niya ng pag-iling.

"Hindi na kailangan Ian. Nandito ako dahil may mahalaga akong sasabihin sa'yo," aniya sa seryusong tinig. Kitang-kita niya ang pagguhit ng takot sa mukha nito at marahang napabuntong-hininga.

"Kinakabahan ako, Bianca. Ngayon lang kita nakita na ganiyan kaseryuso. May problema ba?" tanong nito sa kinakabahang tinig. Napakagat-labi siya. Na-guiguilty talaga siya. Kung alam niya lang na magtatapat sa kaniya si Vincent eh di sana hindi na niya ito sinagot. Pinaasa niya lang kasi ito. Sana madaan ito sa pakiusap.

"I'm sorry Ian pero may mahal na akong iba. Akala ko matututunan kitang mahalin pero hindi pala. Siya ang mahal ko, siya ang laman ng puso ko. At kahapon lang ay nagtapat na siya ng pag-ibig sa'kin," aniya sa sensirong boses. Kitang-kita niya ang lungkot sa mga mata nito pero pagdaka'y napalitan iyon ng ngiti. A genuine smile saka ginagap ang kamay niya.

"Naiintindihan kita, Bianca. Atleast sinabi mo sa'kin ng maaga kahit papaano makakapag-adjust ako. Mahirap kapag lumalim na kasi ang nararamdaman ko sa iyo. Si Vincent ba iyang tinutukoy mo?" anito na naroon pa rin ang ngiti sa mga labi. Tumango-tango siya.

"Oo, siya nga," aniya sa masiglang tinig.

"Ano pa ginagawa mo. puntahan mo na! Sabihin mo sa kaniya na mahal mo siya. Tiyak na matutuwa iyon," anito. Nalaglag ang isang butil ng luha sa kaniyang mata dahil sa labis na kagalakan dahil sa kabutihan ni Ian at ang malawak nitong pang-unawa.

"Maraming maraming salamat Ian Makakatagpo ka rin ng babaeng magmamahal sa'yo ng lubusan," aniya at ginagap ang kamay nito saka bahagyang pinisil.

Tinanguan siya nito kaya naman tumayo siya at kinuha ang bag niya saka dali-daling lumabas ng restaurant at sumakay ng kotse at nagpahatid sa bahay ng kaniyang kaibigan na si Vincent na ngayon ay mahal na mahal na niya. Ngayon, handa na siyang ipagtapat rito ang nararamdaman niya. Kung gaano niya ito kamahal. Na ito rin ang lalaking gusto niyang makasama habambuhay.

Abala si Vincent sa pag-eempake ng kaniyang mga damit at gamit dahil aalis siya. Mahirap man sa kaniya pero kailangan niyang gawin para sa sarili. Kapag nag-stay siya rito ay tiyak na masasaktan lamang siya. Masasaktan lamang siya kapag makikita niya si Bianca na kasama si Ian at masaya sila sa piling ng isa't-isa. Hindi naman niya tuluyang pinuputol ang ugnayan nilang dalawa ng kaibigan pero kailangan niya lang talaga ito. Baka sakali sa pag-alis niya ay mawala ang sakit na nararamdaman niya. Huminga siya ng malalim ng maisara ang maleta niya kasabay ng mga katok sa pintuan ng kaniyang kwarto at ang pagbukas niyon.

"Sigurado ka na ba na aalis ka na?" tanong ng kaniyang ina na nasa bungad ng pintuan. Pumunta kasi ito dito ng malaman nito na aalis siya. Lumingon siya sa kaniyang ina at hindi naitago ang lungkot sa mga mata niya. Tumango siya.

"Opo, ma. Kailangan eh. Ang hirap pala magmahal sa taong hindi ka mahal," aniya na bahagyang natawa. Humugot ng malalim ang kaniyang ina at nilapitan siya at tinabihan sa kama na kinauupuan niya saka ginagap ang kaniyang palad.

"Bakit hindi mo siya kausapin? Malay mo nalilito lamang siya. Lahat ng bagay ay nadadaan sa usapan anak. Hindi iyong ganito na aalis ka na hindi niya alam. Tiyak na masasaktan siya," pakiusap ng kaniyang ina. Hindi niya napigilan ang pagtulo ng luha sa kaniyang mata. Oo, lalaki siya pero may damdamin din siya. Pinunasan niya iyon at tiningnan ang kaniyang ina.

"Ako po ang labis na nasasaktan, ma. Mas mahihirapan akong umalis kapag nagpaalam pa ako sa kaniya. Baka hindi ko kayanin. Ganoon ko siya kamahal ma," aniya. Niyakap siya ng kaniyang ina.

"Kung iyan ang nakabubuti sa'yo. Gawin mo. Basta lagi mong tatandaan na narito lang kami ng iyong ama para sa iyo," anito at hinagod-hagod ang kaniyang likod. Ito ang ipinagpapasalamat niya. Mayroon siyang magulang na sumusuporta sa kaniya. Iginayak na niya ang sarili at lumabas ng kaniyang bahay. Bago sumakay sa taxi na maghahatid sa kaniya sa airport ay tinanaw na muna niya ang bahay ng kaniyang kababata at bestfriend.

"Babalik ako kapag okay na ako. Sa ngayon, kailangan ko munang pagalingin ang puso ko. Mahal na mahal kita Bianca," aniya saka tuluyan ng pumasok sa taxi.