Chapter 27
Maganda ang natanggap nilang feedback ni Niam mula sa isang customer noong nagluto si Charlie para sa kanila minsan. Hindi naman dahil ito lang ang magaling na chef sa shop niya kundi ay dahil sa kakaiba ang dish na isinama nito sa menu na in-order ng kustomer. Mukhang nag-experiment talaga ang lokong tisoy na iyon sa gig nila. At heto na ang resulta.
Natutuwa si Lala nang umalis na ang kustomer. Nagpa-book ito ulit para sa ibang okasyon sa pamilya nito sa susunod na buwan. Pero gusto nitong isali pa rin ang dish na iyon sa menu na in-order.
“So, ano na ngayon ang gagawin natin?” Humaba ang nguso ni Lala.
Napakurap-kurap siya. Hindi niya alam ang gagawin. Wala kasing ibinigay na recipe ang gagong tisoy na iyon. Ibang beef dish iyong ibinigay nito minsan. Isa pa, ilang araw na rin ang nakalipas ay hindi na nagpapakita sa shop ang British na binasted.
“May number ka ba niya?” naitanong niya kay Roda.
Kumibit naman ito. “Hindi niya ako binigyan pero binigyan ko siya ng number ko.”
Napabuntong-hininga siya at napabaling kay Lala. Napataas ito ng kilay sa kanya.
“Kung meron man ako, ibibigay ko na sa ‘yo agad-agad o kaya’y tatawagan ko na siya nang kahit hindi mo pa man sasabihin. Pero nada, Nini. Nada! Wala akong number sa parang galang pusang chef na iyon.” Pinatirik pa nito ang mga mata.
“Alam n’yo ba ang pangalan ng niluto niya? Baka naman puwedeng mai-Google lang natin,” ngiting aniya sa mga ito.
Sabay na umiling ang mga ito. Dahil sa kadadakdak naman niya noon ay hindi niya maintindihan kahit ang hitsura ng dish. Naalala pa niyang may pictures sila sa bawat catering nila kaya hinalungkat niya ang files sa laptop. Napangiwi naman siya dahil hindi niya talaga mahulaan kung anong klaseng dish iyon.
Napatingin sa kanya ang dalawang empleyado na tila may paninisi sa mga mata. Sinimangutan niya ang mga ito. Sino ba ang boss dito? Siya naman, ah.
Bago pa siya makapagbitiw ng maaanghang na salita ay dumating ang nobyo niya at napuna ang atmospera sa pagitan nilang tatlo. Hinalikan siya nito sa pisngi kahit nakatingin ang bakla at ang assistant sa kanila. Hanggang ngayon ay halos hindi pa rin makapaniwala ang mga itong may nobyo na nga siya at napaka-yummy raw nito.
“May problema ba kayo?” alalang tanong ni Byron.
“No, nothing we can’t handle,” sagot niyang nakangiti. Ayaw rin naman niyang mag-aalala ito. Problema niya ito at sigurado siyang masosolusyunan din. Sa malao’t hindi.
“Huwag kang maniwala diyan. May malaki talaga kaming problema. Seryoso. Nakataya ang pangalan ng shop,” panlalaglag ni Lala. Mabilis na nitong ikinuwento ang buong pangyayari.
Napamaang si Byron habang nakatitig sa kanya nang husto. Medyo napakiling pa ito ng ulo nang hindi niya maintindihan.
Ngumiti siya rito nang matamis upang huwag mag-aalala. “Maaayos din namin ‘to, promise.”
Tumango na lang ito nang marahan pero parang may malalim itong iniisip.
“Okay. In the meantime, free ka na ba? Uwian mo na, hindi ba?” wika ng nobyo.
Napatingin ang dalaga sa dalawang empleyado. Pasimpleng napaikot ng mga mata si Roda na tumalikod sa kanila samantalang tila interesado namang nakatingin si Lala sa kanyang nobyo. Halatang may naglalaro sa isip ng bakla.
“Hmm… huwag mo na siyang paghihintayin, Nini,” payo ng bakla. “Mukhang may magandang lugar kayong dapat na puntahan.” Halatang may double connotation ang pagkasabi nito ng mga katagang iyon. Gusto niyang sapakin ang bakla sa panunukso nito.
Napatawa na lang siya rito. “Kayo na ang bahala rito sa shop.”
“Palagi naman ‘yon,” sansala ni Lala na nanunukso pa rin ang mga mata at ngiti sa kanilang magkatipan.
Kinuha na lang niya ang shoulder bag. Sinadya niyang isagi iyon sa baklang napaatras at tinarayan siya kesyo kasama ang nobyo niyang napakaguwapo.
Magkahawak-kamay na silang lumabas ng nobyo. Iniwan na lang niya ang sariling kotse sa may parking lot. Ipahahatid niya kay Mike iyon dahil nasa drawer naman ng mesa ni Roda ang duplicate keys niyon.
“So, saan tayo pupunta?” tanong niya habang tumatakbo na ang kotse ng nobyo.
“My condo unit. Hindi ka pa nakapunta roon.” Napangiti ito sa kanya na sinulyapan siya.
Hinaplos niya ang pisngi nito. “Akala ko ba ay nagka-crash ang pinsan mo roon?”
“Well… these days, my cousin must be drowning his sorrows somewhere.”
“Huh? Bakit naman?” kunot-noong usisa niya.
“Nabasted kasi siya ng isang babae. First time na nangyari ‘to. Usually, walang babaeng may ayaw sa kanya. So, you can just imagine how this blew up right in his face… and apparently, his ego. Poor man.”
Napa-ah naman siya rito. “Pero kung brokenhearted siya ngayon, isa lang ang puwedeng makakatulong sa kanya para makapag-move on. Sabi nila, a brokenhearted person’s heart should be filled with another person to become whole again. Meaning, babae rin ang sagot sa pagkabigo niya ngayon.”
Napangiti ito sa kanya. “I think that makes sense.”
Wala pang isang oras ay napagala na siya ng tingin sa kabuuan ng condo ng binata. Malinis naman ito. Wala siyang kalat na nakikita. Mabango rin dahil sa automatic scent diffuser.
Sa kanang bahagi ang sala, sa kaliwa naman ang dining at kitchen area. Sa tapat ng sala ay mga kuwarto at sa bandang kaliwa niyon ay ang banyo. Sa gitna ng sala ay isang pinto patungo sa balkonahe kung saan ito dumungaw sa kanya noong una nilang pagkikita. Napangiti pa siya sa alaalang iyon. Hindi niya in-expect na darating sila sa puntong ito ng buhay nila.
Pumunta siya sa balkonahe at tumingin sa magandang tanawin na nakikita. Mga matatayog na gusali, mga daang may nagtatakbuhang sasakyan, mga taong naglalakad, at ang parke na nasa hindi kalayuan kung saan madalas nag-jo-jog ang nobyo ayon pa nito. Galing ito noon doon noong una nilang tagpo sa elevator.
“Ang ganda rito. Kaya ka siguro nakatambay noon dito, ‘no?” baling niya sa lalaking tumayo sa tabi niya at nakatukod sa stainless steel na safety rail ng balkonahe.
“Ahuh. Narinig ko pa’ng tawanan at hiyawan n’yo sa baba.”
“Ano? Hindi ako kasali noon, ah. Caterer lang ako, remember?”
Inilapit nito ang katawan sa kanya. “At ano ang ike-cater mo sa ‘kin?”
Napahagikhik siya rito. Hinapit nito ang maliit na baywang niya at awtomatiko namang naglambitin ang mga bisig niya sa leeg nito. Magkahinang ang kanilang mga matang ang isa’t isa lang ang nakikita at nasa repleksyon ng mga globong iyon.
“Ano’ng gusto mong lulutuin ko?” Malambing ang boses niya nang itinanong iyon.
“Ano sa tingin mo ang masarap? Hindi ako magrereklamo basta’t gawa mo.” Nakangiti ito sa kanya.
Nag-iisip pa siya. Bigla naman siya nitong pinangko. Napatili pa siya nang bahagya dahil sa pagkagulat at napakapit nang husto sa binata at napabungisngis nang mabini. Pumasok na sila sa loob at inangkin nito ang mga labi niya. Mapusok iyon. Pero balewala iyon sa kanya dahil sa tindi ng pagnanasa niyang maangkin siya nitong muli.
“Oh! I’m so sorry. I didn’t mean to—”
Narinig na lang niya ang pamilyar na English accent na iyon. Kapwa sila natigilan ng nobyo at napamaang pa sila, lalo na siya, nang magtama ang kanilang mga mata ni Charlie.
Napanganga ito nang makilala siya.