KABANATA 5- SADYANG KAYHIRAP MAGPANGGAP
Hindi niya maunawaan kung bakit ang bigat ng pakiramdam niya, napamulat siya at nakita niya mula sa bintana ang maliwanag nang sikat ng araw buhat sa labas. Kaya lang nagtataka siyang hindi niya maigalaw ang katawan niya, tila ba may mabigat na nakadagan sa kanya.
"Bakit ganon?" taka niyang tiningnan at marahang sinilip ang nasa ilalalim ng kumot na nakatakip sa kanya. At nanlaki ang mga mata niyang isang hita ang nakadagan sa kanyang hita. At maskuladong braso naman sa ibabaw ng kanyang tiyan.
"Bwiset ka! Anong bang ginagwa mo!?" Malakas niyang nahawi ang kumot. At niyugyog ang katawan ni Christ na noo'y nahihimbing ang tulog. Ang alam niya mag-isa lang siyang nakahiga roon kagabi, alam niya iyon, lalo pa nga at wala naman sa usapan nila ang tumabi ito sa kanya. Isa pa isa iyong sa mga nakasulat sa kontrata nila. Hindi na sila maari pang magtabing matulog. Hindi maaring may mangyaring anuman, sa loob ng dalawang taon dahil kailangan na nilang maghiwalay.
"A-ano ba? Anak naman ng ano o!" Ginulo-gulo pa nito ang buhok ng magbangon.
"Bakit ka nadito sa kama ko? Bakit mo ko tinabihan? Nang-aasar ka ba talaga Christ?"
"Ano bang nang-aasar? Ikaw ang nakakaasar alam mo bang ang sarap ng tulog ko tapos mangigising ka lang naman pala, nakakainis na buhay to o!" bulyaw nito sa kanya.
Naiinis na lang siyang tumayo sa higaan. Nagtungo na kaagad siya sa banyo para mag-shower, muntik na niyang makalimutang linggo ng araw na iyon at may nais siyang puntahan.
Nagulat pa siya ng makita niya sa harap ng pintuan ng banyo si Christ nang buksan niya ang pinutuan, "O anong ginagawa mo diyan sa harap ng pintuan? Sinuguro naninilip ka no?" Pinaikot pa niya ang bilog ng mga mata niya sa lalaki upang ipakita na hindi siya natutuwa sa mukha nito.
Napabuga ng hangin si Christ at tinabig siya nito, tuloy-tuloy na pumasok sa loob ng banyo. Siya naman ay nagtuloy sa loob ng walk in closet nila para magbihis, doo'y hindi na naman niya napigilan ang sarili niya, wala sa loob na pinamilian na naman niya ng maisusuot ang asawa niyang kinaiinisan niya.
Hindi na niya naalala pa ang mga inihahanda niya matapos niya iyong ilapag doon, kaya naman hindi niya alam kung isinusuot ba iyon ni Christ, o maaring wala siyang pakialam kung isinusuot ba o hindi. Para kasing may sariling isipan ang mga kamay niya na ginagawa ang mga nakagawian na niya noon.
______
Isang oras na siyang nakaupo sa harapan ng lamesa, napaaga yata ang dating niya roon kaysa call time ng pamilya. Pero minabuti na niyang mauna kaysa naman siya pa ang cause of delay ng agahang iyon. Isa-isang nagdatingan kanyang mga hipag at ang pinsan nilang si Alberth, sumunod na ang Papa at Mama ng kanyang asawa.
Huling nakarating si Christ, hindi naman niya alam kung bakit ito natagalan, naisip na lang niyang maaring natagalan sa paghahanap ng maisusuot, "O Christ, bakit naman ang tagal mong nakababa, saka anong klase ba iyang suot mo?" tanong ng kanilang Mama, kamuntik pa itong matawa dahil sa halos magputukan na ang mga botones no'n.
"Bakit ba kasi nagsuot ka nang ganyan? Ang daming damit sa closet ha," tanong niya sa asawa na nawala sa isip niya na iyon ang mga kasuotang inihanda niya para sa asawa.
"Ano? Ah, nakalimutan mo na yata, okay," kibit ang balikat na sambit ni Christ. Tila ba wala itong balak na magpaliwanag. "Actually may mabait na naglabas nito, akala ko kasi para sa akin ang mga ini-ready mukhang may naligaw na damit sa closset namin, na damit ko pa noong college ako, Manang...." nagtapos ang sinasabi nito sa pagtawag sa mayordoma ng mansiyon.
"Senyorito?" sagot naman ng matanda.
"Pakikuha nalang po lahat ng lumang damit ko sa closet, lalo na po iyong damit ko no'ng college pa ako," sambit na lang nito habang nakatuon naman ang paningin sa kanya. Hindi niya iyon alintana dahil nakayuko lamang siya habang hawak ang kutsara at nilalaro iyon ng kanyang kamay.
Nang umagang iyon sinigang at ginisang amplaya ang nakahaing main dishes para sa kanilang almusal, sinamahan na lang iyon ng ilang pang ulam tulad ng hotdog, itlog, bacon, may vegetable salad din at ilang mga iba't ibang palaman. At siyempre hindi mawawala ang tasty bread sa hapag.
Pero ang nagulat ang lahat dahil napapalatak si Christ, "Ano bang klaseng sinigang ito? Bakit sobrang asim? At itong amplaya, sobrang pait?" nakalukot ang mukha ni Christ na medyo naisandal ang likod sa upuan, tumingin ito sa kanya, at tulad kanina hindi na naman niya iyon nakita dahil abala naman siya sa kahihiwa ng hotdog sa pinggan niya. Hindi niya rin malaman kung bakit para siyang sira, na pinipinong maigi ang ulam sa pinggan niya. Ang totoo kasi noo'y hindi naman talaga siya sanay nang nag-aalmusal.
Simula nang mawala ang anak niya sa kanya, nawalan na rin siya ng ganang kumain ng agahan, at mas nakahiligan niya ang mga junk food, nawala sa tamang direksiyon ang appetite niya. Kaya nga lang ay kinakailangan niyang makisana sa buong pamilya ng kanyang asawa.
"Ano ba naman iyan Christ? Kailan ka pa naging mareklamo sa pagkain?" tanong ng kanyang biyenang babae sa asawa niya.
"Oo nga naman kuya, grabe ka naman sa ampalaya, parang ang laki ng kasalanan sa iyo, saka saan ka naman nakakita ng ampalyang hindi bitter?" natatawang sabat ni Analiza sa kanyang kuya na hindi na maipinta ang pagkalukot ng mukha.
"Stik, stik... Manang may bago po ba tayong cook? Huwag niyo na pong paglulutuin iyon uli-uli, ayaw ko po ng mapait na amplaya, at maasim na sinigang," sambit ni Christ muli.
"Nakakatawa, Christ para kang bata," napapailing naman si Alberth, hindi na nito napigilang magkomento sa inaasal ng kanyang pinsan.
"Hay nako kumain na lang kayo, huwag ninyong pagtampuhan ang pagkain," ang Papa naman nila ang maysabi noon.
Si Brigette naman ay tahimik na siya ang pinagmamasdan.
"Ang mabuti pa Rona, bukas ay isama mo na iyong dati mong kabanda, na-schedule ko na kayo ng set-up sa studio. At nakausap ko na rin ang lahat ng stuff ko roon, nakahanap na rin ako ng song writer para sa mga kantang sisimulan niyong i-record," singit pa ni Alberth, sinubukang sumenyas ni Rona kay Alberth, ayaw na muna sana niyang marinig ni Christ ang tungkol sa pagpayag niya rito.
Pabagsak namang inilapag ni Christ ang kubyertos na hawak sa lamesa, "I have to go Ma, Pa, nawalan na ako ng gana. Kakain na lang ako later sa labas, gusto ko kasi iyong sinigang na hindi maasim, at ampalayang hindi mapait." Tumayo ito at masama ang tingin sa kanya, at kay Alberth.
"Christ, sandali lang, saan ka naman ba makakakita ng sinasabi mo? Sa tingin ko kasi walang kahit na sino ang nagluluto ng ganon?" sambit pa ng Ginang sa anak.
"No, Ma, may marunong magluto nang ganoon, kaya lang nawala sa sarili, hindi na niya maalala na iyon ang paborito ko, mukhang matagal pa bago makakabalik iyon," sambit pa nito habang naglalakad at hindi na lumilingon. Naiinis naman niya itong palihim na inirapan. At nang mapatingin siya sa mga hipag nakita niyang nakatitig sa kanya ang dalawa.
SADYANG kayhirap na para sa kanya na magpanggap na okay pa sila, alam niyang wala na, kaya hindi na rin niya pinipilit pa ang sarili na mangatwiran, at pigilan pa ang asawa niya kung umaalis ito upang magtungo sa ibang babae.
Oo, alam niyang kay Asaleah na naman ang tungo ng kanyang asawa, sa babaeng iyon na puntahan nito sa tuwing naiinis sa kanya, o sa tuwing hindi nito nagugustuhan ang lahat ng nangyayari.
Nasa silid nila siya, nakatalungko, nakapatong ang baba niya sa ibabaw ng nakabaluktot na tuhod. Muli ay mag-isa na naman siya, nararamdaman naman niya ang lungkot sa kanyang puso.
Tiningnan niya ang cellphone niya at nakita niyang pasado alas-diyes na pala ng umaga. Nagulat siya ng makarinig siya ng ilang mga katok, "Sino iyan?" tanong niya at mabilis na pinunasan ang namamasa niyang mga pisngi na dinaanan ng mga pumatak na luha mula sa kanyang mga mata. Mabilis rin siyang tumayo at humarap sandali sa malaking salamin at inayos niya ang kanyang sarili.
"Ate, si Analiza ito," narinig niyang sagot ng nasa labas ng kanyang silid.
Binuksan niya ang pintuan at bumungad nga ito. "O, ikaw pala, bakit anong sadya mo, akala ko ay umalis kayong lahat para magsimba?"
"Oo nga kararating lang namin, ate Rona baka naman may gusto kang sabihin?"natanong ni Analiza nang makapasok ito sa aming silid. Umupo sa sopa na naroon.
"H-ha? W-wala naman, ano namang sasabihin ko?" maang pa niyang sagot sa dalaga.
"Ate Rona, sina Mama at Papa maaring hindi makahalata, pero kami ni Ate Brigette, hindi," sambit pa nito sa kanyan na pinakatitigan siya upang magsabi na siya ng totoo. Ngunit ayaw niyang siya pa ang sumira sa kasunduang hindi pa naman niya pinirmahan.
"W-wala nga," giit niya sa dalaga at tumayo upang lumapit sa vanity mirror niya na malapit sa tabi ng kama.
"Alam kong may lamat na ang pagsasama niyo, alam kong may nangyaring hindi maganda, please tell me? Sinabihan ka ba no'ng loko-loko kong Kuya na huwag ipaalam sa aming lahat?" Napatayo si Analiza at naiinis na tinitigan siya sa mga mata.
"Isang malaking pagpapanggap na lang ang lahat Analiza, at ang totoo, pinagbibigyan ko lang ang kuya mo, kasi naaawa rin naman ako sa kanya kung hindi na niya makukuha ang kumpanya niyo."
"Pero Ate Rona, hahayaan mo na lang bang mapariwara si Kuya? Alam nating ikaw lang ang nakapagpatino sa kanya dati, alam mo kung gaano ka loko-loko si Kuya, pero nang dahil sa iyo nagbago siya, ikaw lang ang liwanag ng madilim niyang buhay," sambit pa ni Analiza sa kanya. Isang bagay na ipinagtaka niya.
"Ako? Papano mong nasabi?" Naituro niya pa ang sarili, at larawan sa kanyang mukha ang pagtataka, wala na yata siyang maalala pang naganap iyon.
"Ano? Paano mo nasasabi iyan Ate? Sandali! Ibang tao ka ba? Ano to, gaya ng mga palabas sa teleserye, na nawala iyong bida tapos pinalitan ng impostor?"
Natawa naman siya kay Analiza, "Iyan ang napapala mo sa kababasa ng mga novela," palatak pa niya rito. Tumayo siya at napaharap sa salamin, nakita nga niya ang malungkot na naman niyang mga mata.
"Ate, kung sakali ngang si Kuya ang may mali, hindi ba dapat kang lumaban, ipaglaban mo siya kung mahal mo pa," pilit na saad nito sa kanya.
"Paano pa e nagloko na ang kuya mo, at nasa kandungan nang iba, may dignidad ako, ayokong ipilit pa ang sarili ko sa taong wala nang pagmamahal sa akin, sabi nga ng kanta diba, if you really love him you gonna set him free... at iyon ang ginagawa ko, palalayain ko siya kasi mahal ko siya," naiiyak na ngang sambit niya.
"No! Kaya maraming mag-asawa ang naghihiwalay eh, iba naman ang dignidad sa pride, minsan kasi pride ang umiiral at missunderstanding, iba ang sitwasyon ng ibang mag-asawang naghiwalay, iba naman ang sa inyo, alam kong mahal ka pa rin ni Kuya, may hindi lang kayo napagkakaunawaan, kulang sa pakikinig, at may sumisira pa sa inyong ibang babae, ilaban mo! Ilaban mo Ate!"
Iyon ang mga salitang naiwan sa isipan ni Rona.
Kaya naman kinabukasan ay maaga siyang nagising, pinaunlakan niya ang sinabi ni Analiza na mag-jogging sila, pagbangon niya nakita naman niya si Christ na mahimbing na natutulog sa sopa, naka damit pang opisina pa ito, iyong suot niya bago umalis, gusto niyang matawa dahil putok pa rin ang suot nitong polo sa katawan, pero hindi pa rin nababawasan ang kagwapuhan nito. Nakita rin niya na nakasuot pa ng sapatos ang asawa.
Kaya naman, marahan niyang tinanggal iyon, at saka maayos na itinabi sa sahig. Lumabas na siya ng silid nila, madilim-dilim pa ng lumabas sila ng mansiyon para mag-jogging sa buong subdivision, ang subdivisiong iyon ay pag-aari rin ng kanyang biyenan.
"Ate mabuti naisipan mo nang sumama sa akin?" tanong ni Analiza.
"Oo, gusto kong ibalik ang alindog ko, para mapalitan ko na ang kuya mo kapag naghiwalay na kami, para sa akin tapos na ang pagmumukmok," sabi pa niya na inunahang tumakbo ang hipag.
"Tingnan natin kung hindi kayo magkabalikan, ako pa bang hinahamong niyong dalawa, e kilalang-kilala ko na kayo," nakangising sambit ni Analiza, kahit na wala na ang kausap nito.