Chapter 30 Ang Pag-Uusap nina Katrina at Joshua

INHALE-exhale, mariing utos ni Katrina sa sarili dahil sa biglang sabi ni Jeremy kanina na kailangan nitong umalis. Hindi naman niya tinanong kung saan ito pupunta. Natural, gusto niyang ito ang magsabi sa kanya kung bakit ito aalis at kung sino ang pupuntahan nito. Ngunit, wala siyang narinig kaya kung anuman ang gagawin nito'y talagang ipaglilihim sa kanya.

Para tuloy kinurot ng pinung-pino ang kanyang puso. Para kasing pinatutunayan lang nito na ang pagiging mag-asawa nila ay sa papel lang. Kaya kahit gustung-gusto na niyang maniwala sa sinasabi nitong mahal siyang talaga parang may umaawat sa kanya. Parang may nagsasabi sa kanya na pinapaasa na naman siya ni Jeremy. higit pa ngang masakit ngayon dahil nalaman niya ang dahilan kung bakit pinakasan si ni Jeremy -- dahil sa Hacienda Rosales.

Masarap ang umibig pero masakit ang umasa't mabigo. Ito ang kanyang napatunayan kaya nga nu'ng magdesisyon si Jeremy noon ay parang gusto niyang maloka. Hindi lang kasi puso ang nagawa niyang maibigay rito, pati na rin ang kanyang katawan at buong pagkatao. At kahit na bumalik na si Jeremy sa kanyang buhay, hindi pa rin siya lubos na nakakampante. Pakiramdam niya kasi'y isang araw ay iiwanan din siya nito.

"Ewan ko ba naman sa'yo kung bakit nagpapaloko ka kay Jeremias."

Ang gusto sana niya ay mapag-isa kaya nga nagpunta siya sa third floor at tumambay sa may balkonahe. Ibig din niyang hintayin ang pagbabalik ni Jeremy kahit na hindi niya sinabi sa kanya kung anong oras itong makakauwi. Kaya naningkit ang kanyang mata bago niya nilingon ang nagmamay-ari ng boses na kilalang-kilala niya -- si Joshua.

"Hindi ako niloloko ni Jeremy," inis niyang sabi rito pero alam niyang wala namang tigas ang pagkakasabi niya at alam niya ang dahilan kung bakit. Hindi naman kasi siya nakasisiguro kung tama nga ba ang kanyang winika. Ngunit, sa pagkakataong iyon ay pilit niyang itinanim sa utak niya ang madalas sabihin ni Jeremy. Mahal siya nito.

Tumawa ito na parang nang-iinsulto.

Oh, para tuloy gustong tumaas ng kamay niya at sampalin ito. Kaya lang, alam niyang ang tipo ni Joshua ang hindi mangingiming saktan siya pabalik at ayaw naman niyang mapahamak ang kanyang magiging anak.

"So, naniniwala ka talaga na pinakasalan ka ni Jeremy dahil mahal ka niya? Hah, isang kalokohan iyon dahil alam kong pinakasalan ka niya dahil gusto lang niyang masiguro na mapapasakanya ang Hacienda Rosales. Kunwari hindi interesado sa hacienda pero pumayag namang pakasalan ka para sa Haciendang ito. Ewan ko nga ba kung bakit ikaw ang gustung-gusto ni Lolo para sa paborito niyang apo gayung alam naman niyang si Veronica ang mahal ni Jeremy."

Sabi niya sa sarili ay hindi siya dapat makinig sa sinasabi ni Joshua na parang layunin lang talagang guluhin ang relasyon nila ni Jeremy. Kaya lang, kapag tungkol talaga kay Jeremy at sa tunay nitong damdamin para sa Veronica na iyon ay parang dinudurog ang kanyang puso. Alam niya kasing higit kaninuman ay higit na alam ng mga nakapaligid kay Jeremy kung gaano nito pinahalagahan si Veronica.

Sabi nga ni Lolo Segundo ay naiba ang pangarap ni Jeremy dahil kay Veronica. Hindi rin niya nagawang kalimutan na si Veronica nga ang ginawang dahilan ni Jeremy kaya ito nakipaghiwalay dito noon.

"Ako ang asawa ni Jeremy."

"Asawa, saan... sa papel?" wika nito sabay halakhak na para bang iniinsulto siyang hindi siya pagnanasaan ng kanyang asawa. Bakit, imposible bang mangyari iyon eh, maganda siya at mestiza.

"Buntis ako, 'no." Sa sinabi niyang iyon ay para bang gusto niyang magtawa. Kay Jeremy kasi ay ipinagkakaila niyang anak nito ang kanyang dinadala samantalang sa ibang tao ay ipinagmamalaki pa niya iyon.

Kita niyang natigilan si Joshua at hindi niya alam kung dapat ba niyang ikatuwa ang pagkakatigalgal nito. Aba'y kita niyang pagtalim ng mata nito sa kanya na para bang gusto siyang sampalin.

"Buntis ka?" naniniguro pang tanong nito.

"Oo, bakit? Hindi ba sinabi na rin naman ng lolo kanina?" aniyang nagtatakang sabi nito.

Marahas na buntunghininga ang pinawalan nito. "Akala ko joke lang."

"Kaya huwag mo na isipin na si Veronica pa ang mahal ni Jeremy dahil magkakaanak na kami at hindi naman mangyayari ito kung iba pa ang babaeng gusto niya," sarkastikong sabi niya. Ang ibig lang niya talaga ay maalis na sa utak nito na si Veronica ang mahal ng kanyang asawa.

Mas matindi pa kasi ang sakit na kanyang mararamdaman kung alam niyang sa paningin ng ibang tao ay hindi siya ang nasa puso ng kanyang mister. Pinapasok naman kasi ni Jeremy ang kanyang katawan kaya alam niyang makukuha na rin niyang pasukin talaga ang puso nito.

"Lagi na lang bang si Jeremy ang mananalo?" buwisit nitong tanong sa kanya. Matalim na matalim ito kaya napalunok siya. Mabuti na lang at wala itong anumang kapangyarihan na maaaring makapagbato ng punyal sa pamamagitan ng pagtitig. Kung nagkataon kasi'y kanina pa sia bumulagta.

"Anong sinasabi mo iyan?" mangha niyang tanong. Damang-dama niya ang inis nito at alam niyang kung kaharap lang nito si Jeremy ay nagawa na nitong saktan ang kanyang mister ngunit hindi niya papayagang mangyari iyon. Saka, sa tingin niya'y kayang-kaya ni Jeremy na patumbahin si Joshua sa isang suntok lang.

Oo nga pala, nagawa na iyon ng kanyang mister.

"Hindi ako papayag." Marahang-marahan pa ang pagsasabi ni Joshua na parang gustong itanim iyon sa kanyang isipan.

"Ano?" mangha niyang bulalas. Sa isang saglit kasi ay nagmistulan itong bata na parang gustong magtatarang dahil hindi nagustuhan ang narinig. Pakiwari niya tuloy ay nagmukha itong 10 years old sa ginawa.

"Hindi ako papayag na..." hindi man nito itinuloy ang sasabihin pero nangilabot siya nang biglang bumaba ang tingin nito sa impis pa niyang tiyan.

Hindi naman niya talaga kilala si Joshua. Ang tanging alam niya ay pinsan ito ni Jeremy at tiyak niyang hindi nagkakasundo ang mga ito kaya wala sa sariling napatutop siya sa kanyang puson. Sabi niya sa sarili'y hindi niya mapapayagang may mangyari sa kanyang anak. Anak nila ito ni Jeremy kaya dapat lang na kanya itong protektahan lalo na't mahal na mahal niya ang ama ng kanyang magiging anak.