Chapter 24 Ang Mga Kontrabida sa Buhay ni Jeremy

'KUNG napapasaya lang kita dahil sa sex, okay lang. Walang problema kahit hindi ako ang nasa puso mo. Ang importante lang sa akin, nandito ka sa tabi ko. Hanggang sa hindi ka pa nagsasawa sa akin, hindi kita iiwanan.' Malalim na buntunghininga ang pinawalan ni Katrina habang sinasabi ang mga salitang iyon. Kaya nga lang, hindi niya maibulalas. Tama na sa kanyang sinasabi iyon sa kanyang isipan.

"Anong oras na?" tanong ni Jeremy na kahit na nakapikit pa ay parang alam na alam na nakadilat siya at pinagmamasdan ito.

May kaba tuloy siyang naramdaman. Alam naman siguro ni Jeremy na hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin niya ito. Siguro naman ay hindi ito ganoon kamanhid para hindi maramdaman iyon. Kahit pa nga palagi niyang sinasabi na iba ang mahal niya.

"Oras na para bumangon tayo," wika niya. Pinilit niyang pasiglahin ang kanyang boses.

"Hindi ka ba napagod sa ginawa natin?" nanunudyong tanong nito. "Naka ilang rounds din tayo."

Kahit na asawa na niya si Jeremy ay nag-iinit pa rin ang pakiramdam niya kapag naaalala niyang maiinit na pinagsaluhan nila kanina. Ngunit, kahit na ilang beses din nilang ginawa ang bathroom sex nila, hindi siya nakaramdam ng sobrang pagod. Siguro nga'y dahil hindi naman nito ibinibigay sa kanya ang buong bigat nito kapag nagtatalik sila. Parang lagi nitong inaalala ang kanyang kalagayan kaya naman gentle ito palagi sa kanya. Kapag tuloy ganoon ay parang nasasabi niya sa sarili na ang bawat kilos nito ay punung-puno ng pagmamahal.

Aasa ka na naman ba, Katrina? inis niyang tanong sa sarili.

Alam naman kasi niyang sobrang gentleman si Jeremy kaya hindi kataka-taka kung hindi lang siya ang babaeng nai-in love dito. Ngunit, kahit parang gusto na niyang tanggapin na may ibang babae na nagmamay-ari sa puso nito, sobra pa rin siyang nasasaktan sa kaisipang may iba itong nakakasiping.

"Parang gusto mo pa, ah."

Agad siya nitong binigyan ng mabilis na halik sa labi dahil hindi niya napigilang kurutin ito sa tagiliran. Gayunpaman, hindi niya naiwasang tudyuhin ito. "Lupaypay ka na nga diyan, kung anu-ano pang sinasabi mo." Nakangising tudyo niya rito pagkaraan.

"Inubos mo kasi ang lakas ko," wika nito sabay kindat.

Heto tuloy, napatulala na naman kay Jeremy. Ang ganda naman kasi ng bukas ng mukha nito ngayon, nagniningning ang mga mata na para bang masayang masaya. Naitanong niya tuloy sa sarili, siya ba ang dahilan ng kasiyahan nito?

Huwag kang umasa para hindi ka masaktan, marahan niyang sabi sa sarili. Gayunman, hindi niya magawang ialis ang tingin kay Jeremy.

Kahit kailan talaga ay hindi niya pinagsasawaang titigan ang guwapo nitong mukha. Balewala rin sa kanya kahit na maghapo't magdamag silang magkayakap. Sa piling ni Jeremy ay kontento na siya.

"Gugutom na ako."

Agad itong bumalikwas nang bangon. "Dapat nga pala hindi ka nalilipasan ng gutom. Love you, baby."

Nang una ay inakala niyang siya ang sinasabihan nito pero hindi ito sa kanya direktang nakatingin kundi sa kanyang puson. Hinalikan pa siya nito roon habang masuyo iyong hinahaplos.

Habang nakatingin tuloy siya kay Jeremy ay parang gusto niyang ma-guilty dahil ipinagkakait niya rito ang katotohanan. Ngunit, sa isang banda ay naisip niyang para rin naman dito kaya siya nagsinungaling. Saka, natatakot din kasi siya na baka dumating ang araw na kunin lang sa kanya ni Jeremy ang kanilang anak. Siyempre, hindi naman niya papayagan na mangyari iyon. Gayunman, alam naman niyang walang lihim na hindi nabubunyag kaya sa takdang panahon ay malalaman din nito ang katotohanan.

Sana nga lang ay maging kamukha niya talaga ang kanyang magiging anak nila ni Jeremy para hindi siya mahirapang panindigan ang kasinungalingan na kanyang sinabi. Kung sakali namang kamukha ni Jeremy ang magiging anak nila'y ewan lang niya kung paniniwalaan nito kapag sinabi niyang ito kasi ang kanyang pinaglihian.

Napabuntunghininga na lang siya. Impis pa lang kasi ang tiyan niya pero masyado na siyang namumublema. Maraming buwan pa naman ang bibilangin kaya dapat ay mag-relax na lang muna siya.

Ang kailangan niyang isipin ngayon ay kung paano niya magagawang mapaibig ng husto si Jeremy. Tanging iyon lang kasi ang paraang iyon ang naisip niya para hindi na sila maghiwalay pa ng kanyang mister.

IBIG sana ni Jeremy na dalhan na lang siya nito ng pagkain pero tumanggi si Katrina. Mas gusto niyang makasama palagi ang kanyang mister para masiguro niyang hindi na ito magkakaroon ng pagkakataon na 'mambabae'. Iyon nga lang, wala naman siyang magagawa kung tumawag dito ang bestfriend nito.

Kahit naman ayaw niyang mayroon itong ibang kinakausap, hindi naman niya ito magagawang sawayin. Saka, hindi naman siya nito binalikan dahil sa pag-ibig kundi dahil sa may kailangan lang ito sa kanya. Naisip din niyang bahagi lang din siya ng misyon nito at magagawa lang siya nitong iligtas sa kapahamakan kapag pinakasalan siya.

"May bisita yata," sabi niya kay Jeremy habang inaalalayan siya nitong bumaba ng hagdanan. Dinig kasi niyang may mga nag-uusap.

"Bakasyon grande talaga ang mahal kong pamangkin," nanunudyong sabi ng matandang lalaki na ang sabi ni Jeremy ay ang nakababatang kapatid ng ama nito.

"Tito Carlos, buti naman at nadalaw kayo."

Agad itong sumimangot na para bang hindi nagustuhan ang sinabi ng kanyang asawa. Napakapit tuloy siya kay Jeremy ng makita niyang matalim na pagsulyap ng matandang babae na tingin niya ay asawa ng Tito Carlos ni Jeremy tapos nakita rin niya ang pagngisi sa kanya ni Joshua na parang may kung anong tumatakbo sa isipan nito.

Para tuloy kahit masasarap ang mga pagkaing nakahanda at may dalawa pang platong nakareserba sa harap ng hapag na tiyak niyang para sa kanilang mag-asawa'y parang wala siyang ganang kumain.

"Kumain na kayo," wika ni Lolo Segundo.

"Sa labas na lang po kami kakain lo. Gusto ko kasing i-date itong maganda kong misis," wika ni Jeremy saka siya tinapunan ng tingin na parang punung-puno ng pagmamahal.

Natawa naman ang matandang lalaki. "Sige, hindi ko na kayo pipilitin saka talagang dapat mong ibigay lahat ng magpapasaya sa misis mo para maging kamukha mo ang magiging anak ninyo," anitong malawak na malawak ang pagkakangiti na para bang gustong ipagmalaki iyon sa mag-anak na halatang nabigla masyado sa narinig.