Chapter 19 Ang Payo ni Ysabelle kay Katrina
"SO, nagsinungaling ka sa asawa mo?"
"Medyo lang," nakangiwing sabi ni Katrina sa reaksyon ng pinsan. Halos sumigaw kasi ito sa loob ng guestroom dahil sinabi niya ang dahilan kung bakit niya ito pinapunta. Nilabas niya rito ang sama ng loob na nararamdaman niya. Kung wala kasi siyang mapaagsasabihan ay siguradong mas lalala pa ang galit na nararamdaman niya para kay Jeremy.
"Medyo? Sinabi mong hindi siya ang ama ng anak mo tapos sasabihin mong medyo nagsisinungaling ka lang sa kanya?" highblood na tanong sa kanya ni Ysabelle. Hindi naman kasi ang tipo ni Ysabelle ang kukunsintihin ang kanyang kamalian kaya hindi na siya nagtaka kung bakit ganoon ang reaksyon nito.
"Ang boses mo naman," nag-aalala niyang sabi.
Matalim na tingin ang binato niya rito.
"Ninang ka, ha," wika niya pagkaraan. Masuyo ang kanyang boses dahil gusto niyang lambingin ang pinsan.
"Kahit sino pa ang 'ama' niyang dinadala mo, ako ang magiging ninang niyan," wika nitong humina na rin ang boses. Alam niyang bahagya na rin itong nakalmante.
"Sabi naman ni Jeremy, sound proof ang lahat ng kuwarto rito sa Mansyon." Napangisi lang siya nang maalala niya kung bakit sinabi iyon ni Jeremy. Siyempre, gusto nitong binyagan nila ang lahat ng kuwarto sa mansyon na iyon. Nang maisip niya tuloy ang mga pagsisiping nila ni Jeremy, biglang nag-init ang kanyang pakiramdam.
Ilang araw at gabi na rin niya itong iniiwasan kaya naman miss na miss na niya ito. Talaga lang hindi niya magawang makapag-move on sa kanyang natuklasan hangga't hindi niya nailalabas ang nararamdaman at ngayong nasabi na niya ang lahat kay Ysabelle, gumaan na ang kanyang pakiramdam.
"Nag-usap na ba kayo?"
"Wala naman kaming dapat na pag-usapan."
"Kung wala kayong dapat na pag-usapan, hindi ka dapat naaapektuhan ng ganyan katindi. Mahal mo si Jeremy kaya ipaalam mo dapat ang lahat sa kanya. Saka, kung anuman ang dahilan niya kaya ka niya pinakasalan, mag-asawa na kayo. Sikapin na lang ninyong maging matagumpay ang pagsasama ninyo."
"Gusto ko munang masiguro na talagang mahal niya ako bago ko sabihin sa kanya ang lahat. Baka mamaya kapag sinabi ko sa kanyang siya talaga ang ama ng anak ko, bigla niya akong hiwalayan tapos kunin niya sa akin ang anak ko. At least, kung alam niya na anak ito ng ibang lalaki, hindi niya ito kukunin sa akin kapag nagpasya na siyang hiwalayan ako," aniyang bahagyang hinihimay-himas ang puson na hindi pa naman umaalsa. Napabuntunghininga lang siya nang makaramdam siya ng sakit sa dibdib dahil sa mga salitang kanyang binitawan.
Hindi pa man kasi nangyayari ang kanyang kinatatakutan pero parang nilalamutak na ang kanyang puso. Sobra kasi siyang nasasaktan na kahit na mahal na mahal pa rin niya si Jeremy ay bigla pa rin nitong maiisipan na iwanan siya.
Ngayon kasing nalaman niya ang tungkol sa testamento ng lolo ni Jeremy, naisip niyang baka hindi siya iniwan ni Jeremy dahil sa trabaho nito kundi dahil sa hindi na siya nito talaga mahal. At kaya hindi pa ipinakikilala sa kanya ni Jeremy ang bestfriend nitong naging dahilan ng hiwalayan nila noon ay dahil sa hindi na naman talaga mag-bestfriend ang mga ito. Baka naman magkarelasyon pa rin ang mga ito.
Hindi imposibleng kapag nakuha na ni Jeremy ang mana nito ay bigla na lang siyang papalayasin ni Jeremy tapos magsasama na ang mga ito habambuhay.
"Katrina..."
"What?"
"Para kang luka-luka sa ginagawa mo. Bigla ka na lang hahagulgol," wika ni Ysabelle habang hinahagod nito ang kanyang likod para payapain siya.
"Natatakot ako, eh," hindi niya napigilang sabihin pagkaraan ng ilang sandali.
"Kaya nga, huwag kang mag-inarte dyan. Hindi mo maipapanalo ang laban kung makikipagmatigasan ka sa asawa mo. Ang kailangan mo ngang gawin ay hulihin pa ang loob niya."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Mahal mo siya, hindi ba?"
"Mahal na mahal ko ang asawa ko."
"Kung talagang mahal mo siya, dapat mo siyang ipaglaban. Huwag mo siyang tatarayan dahil baka mamaya ay bigla na lang siyang magdesisyon na tuluyan ng ihinto ang kanyang 'palabas' lalo na kung sinabi mo na sa kanya na hindi siya ang ama ng dinadala mo."
"Anong gusto mo bang sabihin?" nalilitong tanong niya.
Ngumiti muna si Ysabelle para mapagmasdan siya nito ng husto bago sinabi ang naglalaro sa utak nito. "Kung sa palagay mo ay hindi ka talaga mahal ni Jeremy ngayon, gawin mo ang lahat para mahalin ka niya. At kung talagang may pagmamahal siya sa bestfriend niya, sigurado akong magbabago iyon kapag nag-effort ka."
"Anong gagawin ko?" nalilitong tanong niya pero nasasabik din siyang masagot ng pinsan ang kanyang tanong. Talaga kasing gusto rin niyang makuha ang pag-ibig ni Jeremy para hindi na nito maisipan pang iwanan siya.
"Akitin mo ang asawa mo. Iparamdam mo sa kanya kung paano mo siya pinananabikan. Kaya, kalimutan mo na ang mga narinig mo dahil madi-distract ka lang. Ang dapat mong gawin ay magpursigeng pasukin ang puso ng asawa mo. O, ano pang ginagawa mo rito sa kuwartong ito?" mataray na tanong sa kanya ni Ysabelle.
"Dito ako matutulog." Nang sabihin niya iyon kanina kay Jeremy ay nakita niya ang disappointment sa mukha nito kaya agad niyang iniwas ang tingin dito. Baka kasi kapag tinitigan pa niya ito ay tuluyan nang matunaw ang galit na nararamdaman niya rito at hindi maaari iyon. Kailangan ay maramdaman nito ang panlalamig niya. Ngunit ang totoo, labis na siyang nangungulila sa asawa dahil nananabik na siyang matikman muli ang mahigpit nitong yakap at mainit na halik.
"Hindi pwede." Buong diing sabi nito na para bang nakagawa siya ng isang pagkakamali.
"Bakit?"
"Paano mo maaakit ng tuluyan ang asawa mo kung nandito ka?" inis na tanong sa kanya ni Ysabelle. "Pumunta ka sa kuwarto ninyo, tabihan mo ang mister mo at ipadama mo sa kanya kung gaano mo siya kamahal. Tandaan mo, ang pisikal na atraksyon ang magiging daan para sa tunay na pag-ibig."
Kahit na gusto niyang mapangiti sa mga sinasabi ni Ysabelle, napakunot pa rin ang kanyang noo. Paano ba naman kasi, kung magsalita ito ay parang ekspertong eksperto na pagdating sa pag-ibig gayung kung kailan lang ay namumublema ito dahil gusto itong ipakasal ng ama sa isang lalaking hindi pa nito nakikita.